Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Ingatan ng Dios
140 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
2 Nagpaplano sila ng masama at palaging pinag-aaway ang mga tao.
3 Ang kanilang mga dila ay parang mga makamandag na ahas;
at ang kanilang mga salita ay makakalason na parang kamandag ng ahas.
4 Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
5 Ang mga hambog ay naglagay ng mga bitag para sa akin;
naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.
6 Panginoon, kayo ang aking Dios.
Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
7 Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
8 Panginoon, huwag nʼyong ipagkaloob sa masama ang kanilang mga hinahangad.
Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
baka silaʼy magmalaki.
9 Sana ang masasamang plano ng aking mga kaaway na nakapaligid sa akin ay mangyari sa kanila.
10 Bagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11 Madali sanang mawala sa lupa ang mga taong nagpaparatang ng mali laban sa kanilang kapwa.
Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.
12 Panginoon, alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13 Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.
16 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taga-Jerusalem, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan. 17 Ito ang palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa mga salita ko at sumusunod sa matitigas nilang puso: ‘Magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Walang anumang masamang mangyayari sa inyo.’ 18 Pero sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ko? Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko o pinahalagahan man lang ang mga sinabi ko. 19 Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o buhawi na hahampas sa ulo ng masasamang taong ito. 20 Hindi mawawala ang galit ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang gusto kong gawin. At sa huling araw, lubos ninyong mauunawaan ito. 21 Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila. 22 Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, para talikuran ang masasama nilang pag-uugali at mga ginagawa.
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[a] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®