Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 25:11-20

11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
    at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
    at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
    dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
    dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
    Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
    at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
    na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
    Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.

Kawikaan 19:1-17

19 Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling.
Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala.
Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa Panginoon ibinabaling ang sisi.
Ang mayaman ay maraming kaibigan, ngunit ang mahirap namaʼy iniiwanan ng kaibigan.
Ang saksing sinungaling ay parurusahan, at ang nagsisinungaling ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan.
Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan hindi sila matagpuan.
Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad.
Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak.
10 Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno.
11 Kung ikaw ay mahinahon, nagpapakita lang na marunong ka. At kung pinapatawad mo ang nagkasala sa iyo, makapagdudulot ito ng karangalan sa iyo.
12 Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman.
13 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay nakakainis tulad ng tulo sa bubungan.
14 Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng matalinong asawa.
15 Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka.
16 Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa utos ng Dios, ngunit ang hindi sumusunod ay mamamatay.
17 Kapag tumutulong ka sa mahirap, para kang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa iyo.

1 Juan 3:11-17

Magmahalan Tayo

11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17 Kung mayroon man sa atin ang nasa mabuting pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios?

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®