Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 7-8

Ang mga Handog sa Pagtatalaga sa Altar

Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito. Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus, ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.” Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita. Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon; ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron. Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito.

10 Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar. 11 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.”

12-83 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng kanilang paghahandog:

ArawLipiPinuno ng Lipi
Unang arawJudaNaason-anak ni Aminadab
Ika-2 arawIsacarNathanael-anak ni Zuar
Ika-3 arawZebulunEliab-anak ni Helon
Ika-4 na arawRubenElizur-anak ni Sedeur
Ika-5 arawSimeonSelumiel-anak ni Zurisadai
Ika-6 na arawGadEliasaf-anak ni Deuel
Ika-7 arawEfraimElisama-anak ni Amiud
Ika-8 arawManasesGamaliel-anak ni Pedazur
Ika-9 na arawBenjaminAbidan-anak ni Gideoni
Ika-10 arawDanAhiezer-anak ni Amisadai
Ika-11 arawAsherPagiel-anak ni Ocran
Ika-12 arawNeftaliAhira-anak ni Enan

Ang mga handog na kanilang inalay kay Yahweh ay magkakapareho: isang malaking platong pilak na tumitimbang ng isa't kalahating kilo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng 800 gramo ayon sa opisyal na timbang. Ang malaking plato at ang mangkok ay parehong puno ng harinang hinaluan ng langis bilang handog na pagkaing butil; isang gintong platito na tumitimbang ng 110 gramo at puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, at isang batang tupa na isang taóng gulang bilang mga handog na susunugin; isang kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; dalawang toro, limang tupa, limang kambing, at limang batang tupa na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.

84-88 Ito ang kabuuang handog ng mga pinuno ng Israel nang italaga ang altar:

Labindalawang malaking platong pilak at labindalawang mangkok na pilak na ang kabuuang timbang lahat-lahat ay 27.6 kilo.

Labindalawang platitong ginto na ang kabuuang timbang ay 1,320 gramo. Ang mga ito'y puno ng insenso.

Labindalawang toro, labindalawang tupang barako, at labindalawang kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama na ang mga handog na pagkaing butil. Ang lahat ng ito'y para sa mga pagkaing handog.

Labindalawang kambing bilang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

Dalawampu't apat na toro, animnapung tupang barako, animnapung kambing, animnapung kordero na tig-iisang taóng gulang. Ang lahat ng ito'y bilang mga handog pangkapayapaan.

89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.

Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(B) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”

Marcos 4:21-41

Walang Lihim na Hindi Mabubunyag(A)

21 Nagpatuloy(B) si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan,[a] o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang(C) natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!”

24 Idinugtong(D) pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig.[b] Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag(F) hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(G)

30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga

33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(H)

35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?”

39 Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.

40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”

41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.