Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Levitico 11-12

Mga Hayop na Maaari at Di Maaaring Kainin(A)

11 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin. Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin. Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis. Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin. Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo.

“Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis. 10 Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo. 11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito. 12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin.

13 “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat; 14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito; 15 lahat ng uri ng uwak; 16 ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito; 17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda, 18 ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano; 19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag.[a]

20 “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo, 21 maliban sa mga kulisap na lumulundag, 22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang. 23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi.

24 “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 25 Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit. 26 Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito. 27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 28 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw.

29 “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak; 30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango. 31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan. 33 Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok. 34 Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi. 35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon. 36 Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi. 37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis, 38 ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito.

39 “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 40 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.

41 “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi, 42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa. 43 Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito. 44 Panatilihin(B) ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 45 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.”

46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig, 47 para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.

Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. Pagdating(C) ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.

“Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.

“Kung(D) hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”

Mateo 26:1-25

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

26 Matapos ituro ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Gaya(B) ng alam ninyo, dalawang araw na lamang at Paskwa na. Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo upang ipako sa krus.”

Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan[a] ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas. Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay. Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Noong nasa Bethania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit(D) sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y nakaupo sa may hapag. Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila. “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!”

10 Alam ni Jesus ang iniisip nila kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo ginugulo ang babaing ito? Mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Sapagkat(E) palagi ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo makakasama palagi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 13 Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas na Ipagkanulo si Jesus(F)

14 Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. 15 “Ano(G) po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus.

Paghahanda sa Pista ng Paskwa(H)

17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”

18 Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lungsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’”

19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.

20 Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang Labindalawa.[b] 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tinitiyak ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo!”

22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”

23 Sumagot(I) si Jesus, “Ang kasabay kong nagsawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!”

25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.