Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 15-16

Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Handog

15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa Israel: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, maghahandog kayo kay Yahweh. Anumang ihahandog ninyo mula sa inyong mga kawan, maging handog na susunugin, tanging handog bilang panata, o kusang handog kung panahon ng pista, ay lalakipan ninyo ng handog na pagkaing butil na kalahating salop ng pinong harinang minasa sa isang litrong langis. Samahan din ng isang litrong alak ang bawat tupang handog upang sunugin. Ang bawat handog na tupang lalaki ay sasamahan ng handog na pagkaing butil na isang salop ng pinong harinang minasa sa 1 1/3 litrong langis, at 1 1/3 litrong alak. Sa ganoon, ang handog ninyo ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. Kung maghahandog kayo ng isang toro upang sunugin o ihain bilang katuparan ng panata o kaya'y bilang handog pangkapayapaan, sasamahan naman ito ng isa't kalahating salop ng pinong harinang minasa sa dalawang litrong langis, 10 at ganoon din karaming inumin upang maging mabangong samyo kay Yahweh.

11 “Ganyan nga ang gagawin ninyo tuwing maghahandog kayo ng toro, tupang lalaki, batang tupa o batang kambing. 12 Ang dami ng handog na pagkaing butil at inumin ay batay sa dami ng handog. 13 Ganito nga ang gagawin ng mga katutubong Israelita sa pagdadala nila ng handog na mabangong samyo kay Yahweh. 14 Ganito rin ang gagawin ng dayuhang nakikipamayan sa inyo kung nais nilang mag-alay ng mabangong handog kay Yahweh. 15 Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 16 Magkaroon(A) lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.”

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 19 magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. 20 Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. 21 Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.

22 “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, 23 buhat sa pasimula hanggang sa wakas, 24 ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. 25 Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. 26 Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.

27 “Kung(B) ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 28 Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. 29 Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.

30 “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. 31 Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”

Pinarusahan ang Namulot ng Kahoy sa Araw ng Pamamahinga

32 Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. 35 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” 36 Ganoon nga ang ginawa nila.

Ang Palawit sa Damit ng mga Israelita

37 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 38 “Sabihin(C) mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.”

Ang Paghihimagsik nina Korah, Datan at Abiram

16 Naghimagsik(D) (E) laban kay Moises si Korah na anak ni Izar at apo ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa paghihimagsik na ito sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na pawang buhat sa lipi ni Ruben. May kasama pa silang 250 katao na pawang kilala sa bayan at mga pinuno ng kapulungan. Hinarap nila sina Moises at Aaron at sinabi, “Sobra na 'yang ginagawa ninyo! Lahat ng nasa kapulungang ito ay nakalaan kay Yahweh at siya ay nasa kalagitnaan natin! Bakit itinataas ninyo ang inyong sarili higit pa sa kapulungang ito?”

Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya sa lupa. Sinabi niya kina Korah, “Bukas ng umaga, ipapakita sa inyo ni Yahweh kung sino ang tunay na nakalaan sa kanya at kung sino lamang ang maaaring lumapit sa kanya. Ang makakalapit lamang sa kanya ay ang kanyang pinili.” At sinabi niya kina Korah, “Ganito ang gawin ninyo: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso bukas, at lagyan ninyo ito ng baga sa harapan ni Yahweh, saka lagyan ng insenso. Kung sino ang tunay na nakalaan kay Yahweh ang siyang pipiliin niya. Kayong mga Levita ay sumosobra na.”

Sinabi rin ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga Levita! Hindi pa ba kayo nasisiyahan na kayo'y pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya sa tabernakulo upang paglingkuran ang bayang Israel? 10 Kayong mga Levita'y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit nais ninyong agawin pati ang pagiging pari? 11 Dahil sa hangad ninyong iyan ay naghihimagsik kayo laban kay Yahweh. Sino ba si Aaron upang inyong paghimagsikan?”

12 Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na anak ni Eliab ngunit sinabi nila, “Ayaw namin! 13 Hindi pa ba sapat sa iyo na inalis mo kami sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay upang patayin ng gutom dito sa ilang? Bakit gusto mo pang ikaw ay kilalanin naming pinuno? 14 Hanggang ngayo'y hindi mo pa kami nadadala sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ni nabibigyan ng bukirin at ubasan na aming mana. Akala mo ba'y malilinlang mo pa kami? Hindi kami pupunta!”

15 Dahil dito, nagalit nang husto si Moises at sinabi kay Yahweh, “Huwag mo po sanang tanggapin ang handog ng mga taong ito. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno man lang. Wala rin akong ginawang masama ni isa man sa kanila.”

16 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, “Humarap kayo bukas kay Yahweh: ikaw, pati ang mga kasamahan mo. Pupunta rin doon si Aaron. 17 Kayo ng mga kasama mo ay magdala ng tig-iisang lalagyan ng insenso, at magsunog kayo ng insenso sa harapan ni Yahweh. Ganoon din ang gagawin ni Aaron.”

18 Kinabukasan, nagdala nga sila ng insenso at lalagyan nito. Pumunta sila sa may pintuan ng Toldang Tipanan, kasama sina Moises at Aaron. 19 Si Korah at ang kanyang mga kasamahan ay tumayo sa harap ng Toldang Tipanan at tinipon nila doon ang buong bayan sa harap nina Moises at Aaron. Walang anu-ano'y nagningning ang kaluwalhatian ni Yahweh sa harap ng buong bayan. 20 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 21 “Lumayo kayo sa kanila para malipol ko sila agad.”

22 Ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “O Diyos, ikaw ang nagbibigay-buhay sa lahat ng tao. Lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa kasalanan ng isang tao lamang?”

23 Sumagot si Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga taong-bayan na lumayo sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.”

25 Kaya't tumayo si Moises at pinuntahan sina Datan at Abiram; kasunod niya ang matatandang namumuno sa Israel. 26 Sinabi niya sa kapulungan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito. Huwag ninyong hihipuin ang anumang ari-arian nila at baka kayo'y malipol na kasama nila dahil sa mga kasalanan nila.” 27 Lumayo nga sila sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.

Sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pintuan ng kanilang tolda, kasama ang kani-kanilang pamilya. 28 Sinabi ni Moises, “Malalaman ninyo ngayon na isinugo ako ni Yahweh upang gawin ang mga bagay na ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan. 29 Kapag ang mga taong ito'y namatay sa sakit o sa karaniwang paraan, nangangahulugang hindi ako ang isinugo ni Yahweh. 30 Ngunit kapag may ginawang di-pangkaraniwan ang Diyos at bumuka ang lupa at sila'y nilulon nang buháy kasama ang lahat ng may kaugnayan sa kanila, at sila'y nalibing nang buháy sa daigdig ng mga patay, nangangahulugang naghimagsik ang mga taong ito kay Yahweh.”

31 Hindi pa halos natatapos sa pagsasalita si Moises ay bumuka na ang lupa, 32 at nilulon nang buháy sina Korah pati ang kanilang mga pamilya at mga ari-arian. 33 Silang lahat ay nalibing nang buháy. Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita. 34 Dahil dito, nagtakbuhan ang mga taong-bayan dahil sa kanilang nasaksihan. “Lumayo tayo rito!” ang sigawan nila. “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.”

35 Pagkatapos nito'y nagpaulan ng apoy si Yahweh at sinunog ang 250 kasamahan ni Korah na nagsunog ng insenso.

36 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ni Aaron na kunin ang mga lalagyan ng insenso at ikalat sa paligid ang mga baga. Kailangang gawin ito sapagkat sagrado ang mga lalagyan ng insenso. 38 Naging sagrado ang mga ito nang iharap sa altar ni Yahweh. Kaya't kunin ninyo ang mga lalagyan ng insenso ng mga taong pinatay dahil sa kanilang kasalanan at pitpitin ninyo nang manipis at gawing panakip sa altar. Ang mga iyon ay sagrado sapagkat inihandog na sa akin. Maging babala sana ito sa sambayanang Israel.” 39 Kinuha nga ni Eleazar ang mga lalagyan ng insenso na pawang tanso, ipinapitpit nang manipis, at itinakip sa altar. 40 Ito'y babala sa mga Israelita na ang sinumang hindi pari o hindi kabilang sa angkan ni Aaron ay hindi dapat mangahas magsunog ng insenso sa harapan ni Yahweh. Baka matulad sila kay Korah at sa mga kasamahan nito. Ang lahat ng ito'y ginawa ni Eleazar ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises.

41 Kinabukasan, sinumbatan ng buong bayan sina Moises at Aaron. Sabi nila, “Pinatay ninyo ang bayan ni Yahweh.” 42 At nang sila'y nagkakaisa nang lahat laban kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nilang natatakpan ito ng ulap at nagniningning doon ang kaluwalhatian ni Yahweh. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Toldang Tipanan. 44 Sinabi(F) ni Yahweh kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong ito at lilipulin ko sila ngayon din!”

Ngunit nagpatirapa sa lupa sina Moises at Aaron. 46 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Magsunog ka ng insenso sa lalagyan nito. Dalhin mo agad ito sa kapulungan at ihingi mo sila ng tawad kay Yahweh sapagkat kumakalat na ang salot dahil sa kanyang poot.” 47 Sinunod nga ni Aaron ang sinabi ni Moises at patakbo siyang nagtungo sa gitna ng kapulungan. Pagdating niya roon ay marami nang patay. Nagsunog siya agad ng insenso at inihingi ng tawad ang sambayanan. 48 At siya'y tumayo sa pagitan ng mga patay at buháy; at tumigil ang salot. 49 Ang namatay sa salot na iyon ay 14,700, bukod pa sa mga namatay na kasama sa paghihimagsik ni Korah. 50 Nang wala na ang salot, nagbalik si Aaron kay Moises sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

Marcos 6:1-29

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)

Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.

Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)

Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”

10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”

12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)

14 Nakarating(H) kay Haring Herodes[b] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”

16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(I) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[c]

21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[d] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.

24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.

25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”

26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.