Old/New Testament
Sagrado ang Dugo
17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita, ‘Ito ang iniuutos ko: 3 Ang sinumang Israelita na magpapatay ng toro, tupa o kambing sa loob o labas man ng kampo 4 nang hindi dinadala sa pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay nagkakasala dahil sa dugong pinadanak niya. Dapat siyang itiwalag sa sambayanan. 5 Ang layunin nito'y upang ihandog kay Yahweh ang mga hayop, sa halip na patayin sa parang. Dapat nilang dalhin iyon sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. 6 Iwiwisik ng pari ang dugo nito sa altar sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang taba niyon ay susunugin at ang usok nito'y magiging mabangong samyo para kay Yahweh. 7 Sa gayon, hindi na nila iaalay ang mga hayop na ito sa demonyo na anyong kambing na kanilang sinasamba. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.’
8 “Sabihin mo sa kanila na sinumang Israelita o dayuhang kasama nila ang magsunog ng handog, 9 na hindi dinadala sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay ititiwalag sa sambayanan.
10 “Ang(A) sinumang kumain ng dugo ay kapopootan ko at ititiwalag ko sa sambayanan, maging Israelita o dayuhan man. 11 Sapagkat(B) ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa altar bilang pantubos sa inyong buhay. 12 Kaya nga, hindi ito dapat kainin ninuman, maging siya'y Israelita o dayuhan man.
13 “At kapag ang sinuman sa inyo, maging Israelita o dayuhan ay humuli ng hayop o ibong makakain, dapat niyang itapon ang dugo niyon at tabunan ng lupa. 14 Sapagkat ang buhay ng bawat hayop ay nasa dugo, kaya huwag kayong kakain ng dugo. Ang sinumang lumabag dito'y ititiwalag sa sambayanan.
15 “Sinumang kumain ng hayop na namatay sa peste o pinatay ng kapwa hayop ay dapat maglaba ng kasuotan at maligo. Hanggang gabi siyang ituturing na marumi. 16 Kung hindi niya gagawin iyon, siya'y mananagot.”
Mga Bawal na Pagtatalik
18 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh ang inyong Diyos. 3 Huwag ninyong gagayahin ang mga kaugalian sa Egipto na inyong pinanggalingan o ang mga kaugalian sa Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. 4 Ang sundin ninyo'y ang mga kautusan at tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 5 Ang(C) sinumang tutupad ng aking mga kautusan at tuntunin ay mabubuhay; ako si Yahweh.’
6 “Huwag kayong makipagtalik sa malapit na kamag-anak. Ako si Yahweh. 7 Huwag kayong makipagtalik sa inyong ina, iyan ay kahihiyan sa inyong ama. Hindi ninyo dapat halayin ang inyong ina. 8 Huwag(D) kayong makipagtalik sa ibang asawa ng inyong ama, inilalagay ninyo sa kahihiyan ang inyong sariling ama. 9 Huwag(E) kayong makipagtalik sa inyong kapatid na babae, maging siya'y anak ng inyong ama o ng inyong ina, ipinanganak man siya sa inyong lupain o sa ibang bayan. 10 Huwag kayong makipagtalik sa inyong apo, maging sa anak ninyong lalaki o babae; iyan ay kahihiyan sa inyo. 11 Huwag kayong makipagtalik sa anak ng inyong ama sa ibang babae, sapagkat siya'y kapatid din ninyo. 12 Huwag(F) kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ama, siya'y kadugo ng inyong ama. 13 Huwag kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ina, siya'y kadugo ng inyong ina. 14 Huwag kayong makipagtalik sa asawa ng inyong tiyo, tiya mo na rin siya. 15 Huwag(G) kayong makipagtalik sa inyong manugang na babae; siya'y asawa ng inyong anak na lalaki. Hindi ninyo dapat ilagay sa kahihiyan ang inyong sariling anak. 16 Huwag(H) kayong makipagtalik sa inyong hipag; taglay niya ang kapurihan ng inyong kapatid. 17 Huwag(I) kayong makipagtalik sa anak o sa apong babae ng isang babaing nakatalik ninyo noon. Maaaring ang mga iyon ay kamag-anak ninyo, at iyan ay kahalayan. 18 Hindi ninyo maaaring maging asawa ang inyong hipag kung buháy pa ang inyong asawa. Inilalagay ninyo sa kahihiyan ang iyong asawa na kanyang kapatid.
19 “Huwag(J) kayong makipagtalik sa isang babae habang siya'y may regla sapagkat siya'y marumi. 20 Huwag(K) ninyong durungisan ang inyong sarili sa pakikiapid sa asawa ng iba. 21 Huwag(L) ninyong ibibigay ang alinman sa inyong mga anak upang sunugin bilang handog kay Molec sapagkat ito'y paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh. 22 Huwag(M) kayong makipagtalik sa kapwa ninyo lalaki; iyan ay karumal-dumal. 23 Huwag(N) kayong makipagtalik sa alinmang hayop sapagkat durungisan ninyo ang inyong sarili kung gagawin ninyo ito. Hindi rin dapat pasiping ang sinumang babae sa anumang hayop; ito ay kasuklam-suklam.
24 “Huwag ninyong durungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga gawaing ito. Ganyan ang ginawa ng mga bansang nauna sa inyo, kaya ko sila sinumpa. 25 Pati ang lupain nila'y naging kasuklam-suklam, kaya pinarusahan ko at itinakwil ang mga mamamayan doon. 26 Kaya dapat ninyong sundin ang aking mga utos at tuntunin, at iwasan ninyo ang lahat ng gawaing ipinagbabawal ko, maging Israelita o dayuhan man kayo. 27 Ang mga taong nauna sa inyo rito ay namuhay sa ganoong karumal-dumal na gawain kaya naging kasumpa-sumpa ang kanilang lupain. 28 Kapag sila'y inyong tinularan, palalayasin din kayo sa lupaing ito, tulad ng nangyari sa kanila. 29 Sapagkat ang sinumang gumawa ng alinmang karumal-dumal na gawaing ito ay dapat itiwalag sa sambayanan.
30 “Sundin ninyo ang ipinag-uutos ko at huwag ninyong gagayahin ang mga kasuklam-suklam na kaugalian nila upang hindi kayo maging maruming tulad nila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
Hinamak ng mga Kawal si Jesus(A)
27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito,
at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus(B)
32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(C) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35 Nang(D) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39 Kinukutya(E) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(F) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[a] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(G) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
Ang Pagkamatay ni Jesus(H)
45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(I) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(J) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”
50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.