Old/New Testament
Ang mga Gagawa ng Tabernakulo(A)
31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. 3 Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 4 Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 5 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 6 Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. 7 Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. 8 Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; 9 ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. 10 Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. 11 Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.”
Ang Araw ng Pamamahinga
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 13 “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. 14 Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. 15 Anim(B) na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 16 Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. 17 Ito'y(C) isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.”
18 Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat.
Ang Guyang Ginto(D)
32 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”
2 “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron. 3 Ganoon nga ang kanilang ginawa. 4 Kinuha(E) (F) ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.
Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”
5 Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.” 6 Kinabukasan,(G) maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. 8 Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. 9 Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. 10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”
11 Nagmakaawa(H) si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin(I) ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” 14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.
15 Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. 16 Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.
17 Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”
18 “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.
19 Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog. 20 Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. 21 Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”
22 Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito. 23 Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. 24 Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”
25 Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid. 26 Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita. 27 Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’” 28 Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon. 29 Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” 31 Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. 32 Ipinapakiusap(J) ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”
33 Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. 34 Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”
35 At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron.
Nagpatuloy ng Paglalakbay ang Israel
33 Sinabi(K) (L) ni Yahweh kay Moises, “Umalis na kayo rito at magtuloy sa lupaing aking ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay ko sa kanilang lahi. 2-3 Ang pupuntahan ninyo'y isang mayaman at masaganang lupain. Pauunahin ko sa inyo ang isang anghel upang palayasin ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Hindi ako ang sasama sa inyo at baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo.”
4 Nang malaman ito ng mga Israelita, labis silang nalungkot at isa ma'y walang nagsuot ng alahas. 5 Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.” 6 Kaya't mula sa Bundok ng Sinai,[b] hindi na sila nagsuot ng alahas.
Ang Toldang Tipanan
7 Nakaugalian na ni Moises na itayo ang tabernakulo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Toldang Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni kay Yahweh. 8 Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita'y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya'y makapasok. 9 Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo'y makikipag-usap sa kanya si Yahweh. 10 Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng Tolda ang haliging ulap, pumupunta naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at doo'y yumuyuko at sumasamba. 11 Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya.
Nangako si Yahweh na Sila'y Papatnubayan
12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. 13 Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.”
14 “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh.
15 Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.”
17 “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh.
18 Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”
19 “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, 20 ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. 4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, kinatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ 5 Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. 6 Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. 7 Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lungsod. 8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
11 “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 12 Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, 13 kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
14 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Pagbabayad ng Buwis(C)
15 Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama ng ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat patas ang pagtingin ninyo sa mga tao. 17 Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”
18 Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit binibitag ninyo ako? 19 Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambayad sa buwis.”
At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. 20 “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus.
21 “Sa Emperador po,” tugon nila.
Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
22 Namangha sila nang marinig ito, at sila'y umalis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.