Old/New Testament
Ang Pagtatalaga sa mga Pari(A)
8 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa 3 at tipunin mo roon ang buong bayan.”
4 Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, 5 sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.
6 Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. 7 Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. 8 Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. 9 Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.
10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. 11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. 12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. 13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.
14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog. 15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos. 16 Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar. 17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay. 19 Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng altar. 20 Kinatay niya ang tupa at sinunog ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito. 21 Hinugasan niya ang laman-loob at mga hita nito, at sinunog lahat sa altar bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh. Ang usok nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
22 Pagkatapos, kinuha niya ang isa pang lalaking tupa na handog naman para sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito. 23 Pinatay ni Moises ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa lambi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito. 24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar. 25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa. 26 Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa. 27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh. 28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. 29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Ang matira ay inyong susunugin. 33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. 35 Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” 36 Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
Ang Handog ni Aaron
9 Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at ang mga pinuno ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin. 3 Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Magdala rin sila ng isang guya at isang batang tupa na parehong isang taon ang gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin. 4 Pagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang hinaluan ng langis. Gawin ninyo ito sapagkat ngayo'y magpapakita sa inyo si Yahweh.” 5 Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon ang buong bayan sa harapan ni Yahweh. 6 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tuparin upang mahayag sa inyo ang kaluwalhatian niya.” 7 Kay(B) Aaron nama'y sinabi ni Moises, “Lumapit ka sa altar at ialay mo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.”
8 Lumapit nga si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. 9 Ang dugo nito'y dinala ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng altar at ibinuhos sa paanan nito ang natira. 10 Ngunit ang taba, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay sinunog niya sa altar, gaya ng utos ni Yahweh. 11 Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo.
12 Pinatay rin ni Aaron ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos sa paligid ng altar. 13 Ibinigay din sa kanya ang kinatay na handog, at kasama ng ulo'y sinunog niya ang mga ito sa altar. 14 Hinugasan niya ang laman-loob, ang mga hita at sinunog din sa altar, kasama ng iba pang bahagi ng handog na susunugin.
15 Pagkatapos, inilapit sa kanya ang lalaking kambing at pinatay niya ito bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng buong sambayanan. 16 Ang handog na susunugin ay inihandog din niya ayon sa utos. 17 Kumuha siya ng isang dakot na harina mula sa handog na pagkaing butil at sinunog ito sa altar kasama ng handog na sinusunog sa umaga. 18 Sa(C) kahuli-huliha'y pinatay niya ang toro at ang lalaking tupa, ang handog ng mga tao para sa kapayapaan. Ang dugo nito ay dinala kay Aaron ng kanyang mga anak, at ito nama'y ibinuhos niya sa paligid ng altar. 19 Ang taba naman ng mga ito, ang nasa buntot, ang bumabalot sa laman-loob, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay, 20 ay ipinatong niya sa mga dibdib ng mga handog. Pagkatapos, ang mga taba ay sinunog niya sa ibabaw ng altar. 21 Ang dibdib at kanang hita ng mga hayop ay ginawang natatanging handog para kay Yahweh, ayon sa iniutos ni Moises.
22 Itinaas(D) ni Aaron ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga tao. Pagkatapos, bumabâ siya mula sa altar na pinaghandugan niya. 23 Sina Moises at Aaron ay pumasok sa Toldang Tipanan. Paglabas doon, binasbasan nila ang mga tao at nakita ng lahat ang maningning na kaluwalhatian ni Yahweh. 24 Sa harapan niya, nagkaroon ng apoy at tinupok ang handog na susunugin pati ang taba na nasa altar. Nang makita ito ng mga tao, sila'y napasigaw at nagpatirapa.
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap kay Yahweh. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. 2 Kaya't mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila. 3 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao.’” Hindi nakaimik si Aaron.
4 Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron at sinabi sa kanila, “Alisin ninyo sa harap ng santuwaryo ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampo.” 5 Lumapit ang dalawa at inilabas nga nila ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang mahabang panloob na kasuotan.
6 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni punitin man ang inyong damit bilang pagluluksa dahil sa nangyari kung ayaw ninyong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit sila'y maaaring ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit. 7 Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan sapagkat kayo ay itinalaga na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.” At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagkain ng mga Pari
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, 9 “Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Mamamatay kayo kapag ginawa ninyo iyon. Ito ay tuntunin na dapat tuparin ng lahat ng inyong salinlahi. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang sagrado o hindi at kung alin ang malinis o marumi. 11 Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa sambayanang Israel.”
12 Sinabi(E) ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natira sa handog na pagkaing butil kay Yahweh at gawing tinapay na walang pampaalsa. Kakainin ninyo ito sa tabi ng altar sapagkat ito'y ganap na sagrado. 13 Kakainin ninyo ito sa isang banal na lugar sapagkat ito ang bahaging para sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki mula sa pagkaing inihandog kay Yahweh. Ito ang iniutos niya sa akin. 14 Ngunit(F) ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Kakainin ninyo iyon sa isang sagradong lugar ayon sa tuntunin sapagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang bahagi mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. 15 Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi, 17 “Bakit(G) hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan? 18 Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.”
19 Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?” 20 Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron.
Ang Paghuhukom
31 “Sa(A) maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat(B) ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’
37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’
40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’
44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’
45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy(C) ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.