Old/New Testament
Mga Itinakdang Kapistahan
23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipangingilin nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong. 3 Anim(A) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga. Iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyon ay Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh.
Pista ng Paskwa(B)
4 “Ito ang mga pistang itinakda ko: 5 ang(C) Pista ng Paskwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 6 Kinabukasan(D) ay Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. 7 Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. 8 Pitong araw kayong mag-aalay kay Yahweh ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magkakaroon ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho.”
9 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo rin sa mga Israelita na kapag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa pari ng isang bigkis ng una nilang ani. 11 Ito'y iwawagayway niya sa harapan ni Yahweh upang kayo'y maging kalugud-lugod sa kanya. Gagawin ito kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. 12 Sa araw na iyon, magdadala kayo ng isang lalaking korderong walang kapintasan at isang taon pa lang bilang handog na susunugin. 13 Sasamahan ninyo ito ng isang salop ng harinang minasa sa langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil, at isang litrong alak bilang handog na inumin. Ang halimuyak ng handog na ito ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. 14 Huwag kayong kakain ng tinapay o trigo, maging sinangag o sariwa, hanggang hindi ninyo nagagawa ang paghahandog na ito. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon.
Pista ng Pag-aani(E)
15 “Mula(F) sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bigkis na ani, magpapalipas kayo ng pitong linggo; 16 ang ikalimampung araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkaing butil: 17 dalawang tinapay na may pampaalsa, isang salop ng harina ng bagong aning trigo ang gagamitin dito. Ito ang handog ninyo mula sa unang ani. 18 Magdadala rin kayo ng pitong tupa na tig-iisang taóng gulang na walang kapintasan, isang toro at dalawang kambing. Ito'y susunuging kasama ng handog na pagkaing butil at handog na inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. 19 Magdadala pa kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at dalawang kordero na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan. 20 Ang mga ito'y ihahandog ng pari, kasama ng dalawang kordero at dalawang tinapay na yari sa trigong bagong ani. 21 Sa araw ring iyon, tatawag kayo ng isang banal na pagtitipon; isa ma'y walang magtatrabaho. Ang tuntuning ito ay susundin ninyo habang panahon.
22 “Huwag(G) ninyong aanihin ang nasa gilid ng triguhan at huwag din ninyong pupulutin ang inyong naiwang uhay. Ipaubaya na ninyo iyon sa mga mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
Pista ng mga Trumpeta(H)
23 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang unang araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pamamahinga, araw ng inyong banal na pagtitipon. Ipapaalam ito sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta. 25 Sa araw na iyon, huwag kayong magtatrabaho; kayo'y magdadala kay Yahweh ng pagkaing handog.”
Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan(I)
26 Sinabi(J) pa rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Sa araw na iyon ng inyong banal na pagtitipon, mag-ayuno kayo at mag-alay ng pagkaing handog. 28 Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon sapagkat iyon ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Ito'y isasagawa bilang pagtubos sa inyong pagkakasala sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 29 Ang hindi mag-aayuno sa araw na iyon ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos. 30 Pupuksain ko sa harapan ng madla ang sinumang magtrabaho, 31 kaya huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Ito ay batas na dapat ninyong sundin sa habang panahon saanman kayo naroroon. 32 Sa araw na iyon, kayo ay dapat magpahinga at huwag nga kayong magtatrabaho mula sa gabi ng ikasiyam na araw hanggang sa kinabukasan ng hapon. At mag-aayuno kayo sa mga araw na iyon.”
Pista ng mga Tolda(K)
33 Sinabi(L) pa ni Yahweh kay Moises, 34 “Sabihin mo rin ito sa mga Israelita: Mula sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. 35 Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. 36 Pitong araw kayong maghahandog kay Yahweh ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, muli kayong magtitipon upang sumamba at mag-aalay ng pagkaing handog. Iyon ay banal na pagtitipon, kaya huwag kayong magtatrabaho.
37 “Iyan ang mga pistang itinakda ni Yahweh, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at handog na inumin ayon sa itinakda ng bawat araw. 38 Bukod ito sa mga karaniwang Araw ng Pamamahinga, at ang mga handog na ito ay iba pa sa mga pang-araw-araw na handog kay Yahweh, at sa mga kusang handog ninyo, o mga handog na ginagawa ninyo bilang pagtupad ng panata.
39 “Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng pag-aani, pitong araw pa kayong magpipista para kay Yahweh. Huwag kayong magtatrabaho sa una at ikawalong araw. 40 Sa unang araw, pipitas kayo ng mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera at mayayabong na sanga ng kahoy sa tabing-ilog. Pitong araw kayong magdiriwang bilang parangal kay Yahweh na inyong Diyos. 41 Ang pistang ito ay ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw tuwing ikapitong buwan taun-taon. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. 42 Sa buong panahon ng pistang ito, lahat ng Israelita ay sa tolda maninirahan 43 upang malaman ng inyong mga anak na sa mga tolda tumira ang mga Israelita nang ilabas ko sila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
44 Gayon nga inihayag ni Moises sa mga Israelita ang mga kapistahan upang parangalan si Yahweh.
Ang mga Ilawan(M)
24 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan 3 sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. 4 Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.
Ang Sagradong mga Tinapay
5 “Magluluto(N) kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. 6 Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. 7 Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. 8 Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. 9 Pagkatapos(O) ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”
Paglapastangan at Kaparusahan
10-11 Nang panahong iyon, may isang lalaking pumasok sa kampo ng Israel. Ang ama niya ay isang Egipcio at Israelita naman ang kanyang ina na ang pangala'y Selomit, isa sa mga anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang anak ng mga ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita. Sa kanilang pag-aaway, nagmura siya at nagsalita ng masama laban sa pangalan ni Yahweh, kaya dinala siya kay Moises. 12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.
13 At sinabi ni Yahweh kay Moises, 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. 15 Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. 16 Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.
17 “Ang(P) sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. 18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran.
19 “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. 20 Baling(Q) buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. 21 Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. 22 Iisa(R) ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”
23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos].[a] 2 Tulad(B) ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,
“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
ihahanda niya ang iyong daraanan.
3 Ito(C) ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4 At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral,[b] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” 5 Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
6 Ang(D) damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[c] 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbautismo kay Jesus(E)
9 Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10 Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11 Narinig(F) niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Pagtukso kay Jesus(G)
12 Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.[d] Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.
Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(H)
14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(I) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![e] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(J)
16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(K)
21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(L) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.