Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 132-134

Awit ng Parangal para sa Templo

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
    huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
    O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
    hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
    isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”

Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
    sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
    sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
    ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!

10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
    ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
    huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
    “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
    matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
    at ang mga utos ko ay igagalang,
    ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”

13 Pinili ni Yahweh,
    na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
    ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
    hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
    upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
    ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”

Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
    ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
    sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
    umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
    hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
    ang pangakong buhay na mananatili.

Paanyaya Upang Purihin ang Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
    mga naglilingkod sa templo kung gabi.
Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
    taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
    magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.

1 Corinto 11:17-34

Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan

17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!

Ang Banal na Hapunan(A)

23 Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” 25 Matapos(B) maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[a] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.

33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.