Old/New Testament
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha
104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
2 O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
3 Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
4 Tagahatid(B) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
5 Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
6 Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
7 Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
8 Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
9 matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15 Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(C) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.
27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
Ang Ipinapangaral ni Pablo
2 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga[a] ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. 3 Noong(A) ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
Ang Karunungan ng Diyos
6 Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. 7 Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. 8 Walang(B) isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit(C) tulad ng nasusulat,
“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”
10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. 11 Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. 12 Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.
13 Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu. 14 Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu.
16 “Sino(D) ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit nasa atin[b] ang pag-iisip ni Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.