Old/New Testament
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
5 Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
6 Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
7 Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
8 Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
9 Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging(A) buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(B) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(C) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
3 Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
5 Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
6 Kung(D) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
7 Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
8 Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
9 Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(E) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(F) (G) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(H) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(I) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Mga Katanungan tungkol sa Pag-aasawa
7 Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik[a]. 2 Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
6 Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.
8 Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling katulad ko na walang asawa. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa.
10 Sa(A) mga may asawa, ito ang iniuutos ng Panginoon, hindi ako: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag din namang hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12 Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di-mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. 13 Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang hindi sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. 14 Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay itinatalaga sa Diyos. 15 Kung nais namang humiwalay ng asawang di-mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang naturang kapatid ay malaya. Tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. 16 Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?
Magpatuloy sa Dating Kalagayan sa Buhay
17 Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. 18 Kung(B) ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman siya tuli nang tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. 19 Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.