Old/New Testament
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.
127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
2 Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
3 Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.
2 Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
3 Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
4 Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
5 Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
6 ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
19 Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi!(A) Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. 21 Hindi kayo makakainom sa kopa ng Panginoon at gayundin sa kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at makisalo rin sa hapag ng mga demonyo. 22 Nais(B) ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?
23 Mayroon(C) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(D) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”
27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.
Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.