Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 84-86

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
    Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
    maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
    O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
    at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]

Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
    silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
    tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
    batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
    pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
    pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[d]

Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
    tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.

Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
    ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
    Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
    at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
    Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

Roma 12

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.

Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.

Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.

14 Idalangin(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(D) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(E) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(F) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(G) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[c] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.