Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 68-69

Pambansang Awit ng Pagtatagumpay

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
    at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
    at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
    sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
    sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.

Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
    maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
    ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
    tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
    ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
    samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.

Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
    sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
    Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
    nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
    lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
    ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.

11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
    ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
    Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
    parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
    ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
    ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
    yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
    Doon siya mananahan upang doon mamalagi.

17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
    galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
    umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
    kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
    dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[b]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
    si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
    Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
    kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
    hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
    sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”

24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
    pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
    sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
    buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
    kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
    mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.

28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
    ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
    na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
    sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
    hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
    ang Etiopia'y[c] daup-palad na sa Diyos dadalangin.

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[d]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

Panalangin Upang Tulungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.

69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
    sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
lumulubog ako sa burak at putik,
    at sa malalaking along nagngangalit.
Ako ay malat na sa aking pagtawag,
    ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
    sa paghihintay ko sa iyong paglingap.

Silang(C) napopoot nang walang dahilan,
    higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
    ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
    nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
    ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.

Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
    ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
    Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
    napahiyang lubos sa kabiguan ko.
Sa mga kapatid parang ako'y iba,
    kasambahay ko na'y di pa ako kilala.

Ang(D) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
    ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
    at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
    ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
    ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.

13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
    sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
    ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
    sa putik na ito't tubig na malalim;
    sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
    o dalhin sa malalim at baka malunod;
    hahantong sa libing, ako pagkatapos.

16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
    sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
    ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
    sagipin mo ako sa mga kaaway.

19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
    sinisiraang-puri't nilalapastangan;
    di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
    kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
    ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(E) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
    Suka at di tubig ang ipinainom.

22 O(F) bumagsak sana sila at masira,
    habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
    papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
    bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(G) kampo nila sana ay iwanan,
    at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
    pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
    sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(H) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
    at huwag mong isama sa iyong talaan.

29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
    O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!

30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
    dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
    higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
    sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
    lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.

34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
    maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
    bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36     Magmamana nito'y yaong lahi nila,
    may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.

Roma 8:1-21

Pamumuhay Ayon sa Espiritu

Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.

12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(B)(C) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Sasaatin

18 Para(D) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(E) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.