Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 79-80

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Awit ni Asaf.

79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.

Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.

Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.

11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!

Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.

80 Pastol(B) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
    mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
    sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Ibalik mo kami, O Diyos,
    at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
    Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
    luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
    iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
    sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
    doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
    mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
    pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
    pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
    kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.

14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
    Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
    at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
    yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
    sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
    iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
    kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

Roma 11:1-18

Kinahabagan ng Diyos ang Israel

11 Ito(A) ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. Sinabi(B) niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” Ngunit(C) ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.

Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba. Tulad(D) ng nasusulat:

“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
    mga matang hindi makakita
    at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito.”

At(E) sinabi rin ni David,

“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
    isang katitisuran at parusa sa kanila.
10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
    at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”

11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel!

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!

16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.