Old/New Testament
Ang pagkakapeste ng mga Baka.
9 Nang magkagayon ay sinabi ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon, at saysayin mo sa kaniya. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
2 Sapagka't kung tatanggihan mong payaunin sila, at sila'y pipigilin mo pa,
3 Ay narito, ang kamay ng Panginoon ay nakapatong sa iyong hayop na nasa parang, nakapatong sa mga kabayo, nakapatong sa mga asno, nakapatong sa mga kamello, nakapatong sa mga bakahan, at nakapatong sa mga kawan; na magkakaroon ng malaking pagkakasalot.
4 (A)At gagawan ng katangian ng Panginoon ang hayop ng Israel at ang hayop ng Egipto: at walang mamamatay sa lahat ng ukol sa mga anak ni Israel.
5 At ang Panginoon ay nagtakda ng panahon, na sinasabi, Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.
6 At ginawa ng Panginoon ang bagay na yaon ng kinabukasan, (B)at ang lahat ng hayop sa Egipto ay namatay: nguni't sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.
7 At si Faraon ay nagsugo, at narito, walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Nguni't ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang bayan.
Ang salot ng bukol.
8 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.
9 At magiging durog na alabok sa buong lupain ng Egipto, at (C)magiging (D)bukol na naknakin sa tao, at sa hayop, sa buong lupain ng Egipto.
10 At sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon, at isinaboy ni Moises sa himpapawid; at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop.
11 At (E)ang mga mahiko ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga bukol; sapagka't nagkabukol ang mga mahiko at ang mga Egipcio.
12 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya dininig sila (F)gaya ng sinalita ng Panginoon kay Moises.
13 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (G)Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ni Faraon, at sabihin mo sa kaniya: Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo: Payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
14 Sapagka't ngayo'y ibubugso ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan (H)upang iyong maalaman na walang gaya ko sa buong lupa.
15 Sapagka't ngayo'y iniunat ko na ang aking kamay, upang salutin kita, at ang iyong bayan, at nawala ka na sa lupa:
16 (I)Datapuwa't totoong totoo, na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking (J)pangalan ay mahayag sa buong lupa.
17 (K)Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, na ayaw mo silang payaunin?
18 Narito, bukas, sa ganitong oras, ay magpapaulan ako ng malakas na granizo, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa Egipto mula nang araw na itayo hanggang ngayon.
19 (L)Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagka't bawa't tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalakpakan ng granizo at mamamatay.
20 Yaong natakot sa salita ng Panginoon, sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwing madali ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang hayop sa mga bahay:
21 At yaong nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay nagpabaya ng kaniyang mga bataan at ng kaniyang kawan sa parang.
Ang malakas na ulan ng granizo.
22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, (M)upang magkaroon ng granizo sa buong lupain ng Egipto, na lumagpak sa tao, at sa hayop, at sa bawa't halaman sa parang sa buong lupain ng Egipto.
23 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; (N)at ang Panginoo'y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo'y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto.
24 Sa gayo'y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa.
25 At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, (O)at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.
26 (P)Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo.
27 At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, (Q)Ako'y nagkasala ngayon: (R)ang Panginoo'y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama.
28 (S)Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka't nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.
29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking (T)ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y (U)sa Panginoon.
30 Nguni't tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay (V)nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios.
31 At ang lino at ang cebada ay nasaktan; sapagka't ang cebada ay naguuhay na at ang lino ay namumulaklak na.
32 Datapuwa't ang trigo at ang espelta ay hindi nasaktan: sapagka't hindi pa tumutubo.
33 At si Moises ay lumabas sa bayan na galing kay Faraon, at inilahad ang kaniyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa.
34 At nang makita ni Faraon, na ang ulan, at ang granizo, at ang mga kulog ay tumigil, ay lalong nagkasala pa, at nagmatigas ang kaniyang puso, (W)siya at ang kaniyang mga lingkod.
35 (X)At ang puso ni Farao'y nagmatigas, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel; gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10 At sinabi ng Panginoon kay Moises: Pasukin mo si Faraon, (Y)sapagka't aking pinapagmatigas ang kaniyang puso, at ang puso ng kaniyang mga lingkod; upang aking maipakilala itong aking mga tanda sa gitna nila:
2 (Z)At upang iyong maisaysay sa mga pakinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Egipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong maalaman, na ako ang Panginoon.
3 At pinasok ni Moises at ni Aaron si Faraon at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, Hanggang kailan tatanggi kang (AA)mangayupapa sa harap ko? payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
4 O kung tatanggihan mong payaunin ang aking bayan, ay narito, bukas ay magdadala ako ng mga (AB)balang sa iyong hangganan:
5 At kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupa, na walang makakakita ng ibabaw (AC)ng lupa: at kanilang kakanin ang naiwan sa nangaligtas, na itinira sa inyo ng granizo, at kanilang kakanin ang bawa't kahoy na itinutubo sa inyo ng parang:
6 (AD)At ang inyong mga bahay ay mapupuno, at ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Egipcio: na hindi nakita ng inyong mga magulang, mula nang araw na sila'y mapasa lupa hanggang sa araw na ito. At siya'y pumihit at nilisan si Faraon.
7 At sinabi sa kaniya ng mga lingkod ni Faraon, Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin mo ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas, na ang Egipto'y giba na?
8 At si Moises at si Aaron ay pinapagbalik kay Faraon, at kaniyang sinabi sa kanila, (AE)Kayo'y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwa't sino sino yaong magsisiyaon?
9 At sinabi ni Moises: Kami ay yayaon sangpu ng aming mga bata at sangpu ng mga matanda, sangpu ng aming mga anak na lalake at babae, sangpu ng aming mga kawan at sangpu ng aming mga bakahan, kami ay yayaon; (AF)sapagka't kami ay nararapat magdiwang ng isang pista sa Panginoon.
10 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumainyo nawa ang Panginoon, na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: magingat kayo; sapagka't ang kasamaan ay nasa harap ninyo.
11 Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalake, at maglingkod sa Panginoon; sapagka't iyan ang inyong ninanasa. At sila'y pinaalis sa harap ni Faraon.
Ang salot ng mga balang.
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (AG)Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Egipto, upang magdala ng mga balang, at bumaba sa lupain ng Egipto, (AH)at kumain ng lahat na halaman sa lupain, yaong lahat na iniwan ng granizo.
13 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa lupain ng Egipto, at ang Panginoo'y nagpahihip ng hanging silanganan sa lupain ng buong araw na yaon, at ng buong gabi; at nang maumaga, ang hanging silanganan ay nagdala ng mga balang.
14 (AI)At ang mga balang ay bumaba sa buong lupain ng Egipto, at nagsipagpahinga sa lahat ng hangganan ng Egipto; totoong napakakapal; (AJ)bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon.
15 Sapagka't tinakpan ng mga yaon ang balat ng buong lupa, na ano pa't ang (AK)lupain ay nagdilim; at kinain ang lahat na halaman sa lupain, at ang lahat na bunga ng mga kahoy na iniwan ng granizo; at walang natirang anomang sariwang bagay, maging sa punong kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Egipto.
16 Nang magkagayo'y tinawag na madali ni Faraon si Moises at si Aaron, at kaniyang sinabi, (AL)Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo.
17 Ngayon nga'y ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang aking kasalanan, na ngayon na lamang (AM)at idalangin ninyo sa Panginoon ninyong Dios, na kaniya lamang ilayo sa akin ang kamatayang ito.
18 (AN)At nilisan niya si Faraon, at nanalangin sa Panginoon.
19 At pinapagbalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging (AO)kalunuran, na siyang nagpaitaas sa mga balang, at tumangay ng mga yaon sa Dagat na Mapula; walang natira kahit isang balang sa buong hangganan ng Egipto.
20 (AP)Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel.
Ang wagas na kadiliman.
21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (AQ)Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magdilim sa lupain ng Egipto, ng kadiliman na mahihipo.
22 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dakong langit; (AR)at nagsalimuutan ang dilim sa buong lupain ng Egipto, na tatlong araw;
23 Sila'y hindi nagkikita, at walang tumindig na sinoman sa kinaroroonan sa loob ng tatlong araw; (AS)kundi lahat ng mga anak ni Israel ay nagilaw sa kanikaniyang tahanan.
24 At tinawag ni Faraon si Moises, (AT)at sinabi, Yumaon kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; inyo lamang iwan ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan; (AU)isama rin naman ninyo ang inyong mga bata.
25 At sinabi ni Moises, ikaw ay nararapat ding magbigay sa aming kamay ng mga hain at mga handog na susunugin, upang aming maihain sa Panginoon naming Dios.
26 Ang aming hayop man ay yayaong kasama namin; wala kahit isang paa na maiiwan; sapagka't sa kanila kami nararapat kumuha ng aming ipaglilingkod sa Panginoon naming Dios; at hindi namin nalalaman kung ano ang aming nararapat ipaglingkod sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.
27 Datapuwa't (AV)pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon sila.
28 At sinabi ni Faraon sa kaniya, Umalis ka sa harap ko, iyong pagingatang huwag mo nang makitang muli ang aking mukha; sapagka't sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.
29 At sinabi ni Moises, Mabuti ang sabi mo, (AW)hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.
Ang katapusang salot ay ibinabala.
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (AX)May isang salot pa akong dadalhin kay Faraon at sa Egipto; pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niyang kayo'y umalis dito: pagpapahintulot niya sa inyong yumaon, ay tunay na kayo'y (AY)samasamang palalayasin niya rito.
2 Magsalita ka ngayon sa pakinig ng bayan, at humingi ang bawa't lalake sa kaniyang kapuwa, at bawa't babae sa kaniyang kapuwa, ng mga (AZ)hiyas na pilak, at ng mga hiyas na ginto.
3 (BA)At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan, sa paningin ng mga Egipcio. Saka si Moises ay lalaking naging dakila sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga lingkod ni Faraon, at sa paningin ng bayan.
4 At sinabi ni Moises, Ganito ang sinasabi ng Panginoon, (BB)Sa may hating gabi ay lalabas ako sa gitna ng Egipto:
5 At lahat ng mga (BC)panganay sa lupain ng Egipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa (BD)likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop.
6 (BE)At magkakaroon ng malakas na hiyawan sa buong lupain ng Egipto, na hindi nagkaroon ng kaparis, at hindi na magkakaroon pa ng kaparis.
7 (BF)Datapuwa't sa lahat ng anak ng Israel (BG)mula sa tao hanggang sa hayop, ay walang maggagalaw kahit isang aso ng kaniyang dila laban sa tao o sa hayop: upang inyong makilala kung paano ang pagkakalagay ng pagkakaiba ng Panginoon sa mga Egipcio at sa Israel.
8 (BH)At bababain ako nitong lahat na iyong lingkod, at magsisiyukod sa akin, na magsasabi, Umalis ka, at ang buong bayan na sumusunod sa iyo: at pagkatapos niyaon ay aalis ako. At siya'y umalis sa harap ni Faraon na may maalab na galit.
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hindi kayo didinggin ni (BI)Faraon: upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Egipto.
10 At ginawa ni Moises at ni Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ni Faraon: at pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel ay umalis sa kaniyang lupain.
21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng (A)Tiro at Sidon.
22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na (B)Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.
23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, (C)Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.
24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, (D)Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.
25 Datapuwa't lumapit siya at (E)siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.
26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga (F)aso.
27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, (G)malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.
29 At umalis si Jesus doon, at (H)naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.
30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:
31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.
32 At pinalapit ni (I)Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, (J)Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan.
33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.
35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;
36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; (K)at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.
37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.
38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.
39 At (L)pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng (M)Magdala.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978