Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Genesis 29-30

Pagkatagpo kay Raquel.

29 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob ng kaniyang paglalakbay, (A)at napasa lupain ng mga anak ng silanganan.

At siya'y tumingin, at nakakita ng isang balon sa parang, at narito, may tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon: sapagka't sa balong yaon pinaiinom ang mga kawan: at ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay malaki.

At doon nagkakatipon ang lahat ng kawan: at kanilang iginugulong ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa ibabaw ng labi ng balon, sa dako niyaon.

At sinabi sa kanila ni Jacob, Mga kapatid ko, taga saan kayo? At kanilang sinabi, Taga (B)Haran kami.

At sinabi niya sa kanila, Nakikilala ba ninyo si Laban na anak ni Nachor? At kanilang sinabi, Nakikilala namin siya.

At sinabi niya sa kanila, Siya ba'y mabuti? At, kanilang sinabi, Siya'y mabuti: at, narito, si Raquel na kaniyang anak ay dumarating na dala ang mga tupa.

At sinabi niya, Narito, maaga pa, ni hindi oras tipunin ang mga hayop: painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pasabsabin.

At kanilang sinabi, Hindi namin magagawa hanggang sa magkatipon ang lahat ng kawan, at igugulong ang bato mula sa labi ng balon; gayon nga aming pinaiinom ang mga tupa.

Samantalang nakikipagusap pa siya sa kanila, ay dumating si (C)Raquel na dala ang mga tupa ng kaniyang ama; sapagka't siya ang nagaalaga ng mga iyon.

10 At nangyari, nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, na lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina.

11 At hinagkan ni Jacob si Raquel; at humiyaw ng malakas at umiyak.

12 At kay Raquel ay sinaysay ni Jacob (D)na siya'y kapatid ni Laban, na kaniyang ama, at anak siya ni Rebeca: (E)at siya'y tumakbo at isinaysay sa kaniyang ama.

Tinanggap siya ni Laban.

13 At nangyari, nang marinig ni Laban ang mga balita tungkol kay Jacob, na anak ng kaniyang kapatid, ay tumakbo siya na kaniyang sinalubong, at kaniyang niyakap at kaniyang hinagkan, at kaniyang dinala sa kaniyang bahay. At isinaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito.

14 At sinabi sa kaniya ni Laban, (F)Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman. At dumoon sa kaniyang isang buwan.

15 At sinabi ni Laban kay Jacob, Sapagka't ikaw ay aking kapatid ay nararapat ka bang maglingkod sa akin ng walang bayad? sabihin mo sa akin kung ano ang magiging kaupahan mo.

16 At may dalawang anak na babae si Laban: ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang pangalan ng bunso ay Raquel.

17 At ang mga mata ni Lea ay mapupungay; datapuwa't si Raquel ay maganda at kahalihalina.

18 At sininta ni Jacob si Raquel; at kaniyang sinabi, (G)Paglilingkuran kitang pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.

19 At sinabi ni Laban, Magaling ang ibigay ko siya sa iyo, kay sa ibigay ko sa iba: matira ka sa akin.

20 (H)At naglingkod si Jacob dahil kay Raquel, na pitong taon; at sa kaniya'y naging parang ilang araw, dahil sa pagibig na taglay niya sa kaniya.

Naging asawa ni Jacob si Lea at si Raquel.

21 At sinabi ni Jacob kay Laban, Ibigay mo sa akin ang aking asawa, sapagka't naganap na ang aking mga araw upang ako'y sumiping sa kaniya.

22 At pinisan ni Laban ang lahat ng tao roon (I)at siya'y gumawa ng isang piging.

23 At nangyari nang kinagabihan, na kaniyang kinuha si Lea na kaniyang anak at dinala niya kay Jacob, at siya'y sumiping sa kaniya.

24 At sa kaniyang anak na kay Lea ay ibinigay na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Zilpa.

25 At nangyari, na sa kinaumagahan, narito't si Lea: at kaniyang sinabi kay Laban: Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba kita pinaglingkuran dahil kay Raquel? Bakit mo nga ako dinaya?

26 At sinabi ni Laban, Hindi ginagawa ang ganyan dito sa aming dako, na ibinibigay ang bunso, bago ang panganay.

27 (J)Tapusin mo ang kaniyang sanglingo, at ibibigay rin naman namin sa iyo ang isa, dahil sa paglilingkod na gagawin mong pitong taon pa, sa akin.

28 At gayon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang sanglingo nito, at ibinigay ni Laban sa kaniya si Raquel na kaniyang anak na maging asawa niya.

29 At sa kaniyang anak na kay Raquel ay ibinigay ni Laban na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Bilha.

30 At sumiping din naman si Jacob kay Raquel, (K)at kaniya namang inibig si Raquel ng higit kay Lea, at naglingkod siya kay Laban na pitong taon pa.

31 At nakita ng Panginoon na si Lea ay kinapopootan niya, at binuksan ang kaniyang bahay-bata; datapuwa't si Raquel ay baog.

32 At naglihi si Lea, at nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Ruben; sapagka't kaniyang sinabi, (L)Sapagka't nilingap ng Panginoon ang aking kapighatian; dahil sa ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.

33 At naglihi uli, at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Sapagka't narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan ay ibinigay rin naman sa akin ito: at pinanganlan niyang Simeon.

34 At naglihi uli at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Ngayo'y masasama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalake: kaya't pinanganlan niyang Levi.

35 At muling naglihi at nanganak ng isang lalake, at nagsabi, Ngayo'y aking pupurihin ang Panginoon: kaya't pinanganlang (M)Juda; at hindi na nanganak.

Ang kaniyang mga anak.

30 At nang makita ni Raquel, na (N)hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!

At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, (O)Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?

At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; (P)upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, (Q)at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.

At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.

At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.

At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan.

At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.

Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila (R)at ibinigay na asawa kay Jacob.

10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.

11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.

12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't (S)tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.

14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, (T)at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.

15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.

16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.

17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.

18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.

19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.

20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.

21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.

22 At (U)naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, (V)at binuksan ang kaniyang bahay-bata.

23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, (W)Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:

24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, (X)Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.

Pagpapaalam ni Jacob kay Laban.

25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain.

26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang (Y)kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo.

27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.

28 At kaniyang sinabi, (Z)Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo.

29 At sinabi niya sa kaniya, (AA)Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin.

30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, (AB)at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y (AC)kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay?

31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan.

32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: (AD)at siyang magiging aking kaupahan.

33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw.

34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi.

35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak;

36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.

37 At (AE)kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.

38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom.

39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis.

40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban.

41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga.

42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob.

Ang kaniyang pagyaman.

43 (AF)At ang lalake ay lumagong mainam; at (AG)nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.

Mateo 9:1-17

(A)At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, (B)at dumating sa kaniyang sariling bayan.

At narito, dinala nila (C)sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at (D)nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.

At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong.

At (E)pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?

Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?

Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.

At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.

Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.

(F)At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya.

10 At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang (G)maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.

11 At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga (H)maniningil ng buwis at mga makasalanan?

12 Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

13 Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, (I)Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.

14 (J)Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo (K)ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?

15 At sinabi sa kanila ni Jesus, (L)Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila.

16 At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.

17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok (M)ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978