Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Hukom 14

Si Samson ay nagasawa sa babaing Filisteo.

14 At lumusong si Samson sa (A)Timnah, at nakita ang isang babae sa Timnah sa mga anak ng mga Filisteo.

At siya'y umahon, at isinaysay sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at sinabi, Aking nakita ang isang babae sa Timnah, sa mga anak ng mga Filisteo: (B)ngayon nga'y papagasawahin ninyo ako sa kaniya.

Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang ama at ng kaniyang ina sa kaniya, Wala na bang babae sa mga anak ng iyong (C)kapatid, o sa aking buong bayan, na ikaw ay yayaong magaasawa sa mga di tuling (D)Filisteo? At sinabi ni Samson sa kaniyang ama, Papag-asawahin mo ako sa kaniya; sapagka't siya'y lubhang nakalulugud sa akin.

Nguni't hindi naalaman ng kaniyang ama at ng kaniyang ina, na kalooban ng (E)Panginoon; (F)sapagka't siya'y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong yaon nga'y nagpupuno ang mga Filisteo sa Israel.

Si Samson ay pumatay ng lion.

Nang magkagayo'y lumusong si Samson, at ang kaniyang ama, at ang kaniyang ina, sa Timnah, at naparoon sa ubasan ng Timnah: at, narito, isang batang (G)leon ay umuungal laban sa kaniya,

At ang (H)Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at nilamuray niya siya na parang naglamuray ng isang batang kambing, at siya'y walang anoman sa kaniyang kamay; nguni't hindi niya sinaysay sa kaniyang ama o sa kaniyang ina kung ano ang kaniyang ginawa.

At siya'y lumusong at nakipagusap sa babae, at siya'y lubhang nakalulugod kay Samson.

At pagkaraan ng sandali ay bumalik siya upang kunin niya siya, at siya'y lumiko upang tingnan ang patay na leon: at, narito, may isang kawan ng pukyutan sa loob ng bangkay ng leon, at pulot-pukyutan.

At kaniyang dinala sa kaniyang kamay at yumaon, na kinakain niya samantalang siya'y yumayaon, at siya'y naparoon sa kaniyang ama at ina, at ibinigay sa kanila, at kanilang kinain; nguni't hindi niya sinaysay sa kanila na kaniyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon.

Ang bugtong ni Samson sa piging sa pagkakasal.

10 At nilusong ng kaniyang ama ang babae: at gumawa si Samson ng isang kasayahan doon; sapagka't kinaugaliang ginagawang gayon ng mga binata.

11 At nangyari, pagkakita nila sa kaniya, na sila'y nagdala ng tatlong pung kasama, upang maging kasama niya.

12 At sinabi ni Samson sa kanila, (I)Pagbubugtungan ko kayo: kung maisaysay ninyo sa akin sa loob ng (J)pitong araw na kasayahan, at inyong maturingan, ay bibigyan ko nga kayo ng tatlong pung (K)kasuutang lino at tatlong pung bihisan:

13 Nguni't kung hindi ninyo maisaysay sa akin, ay bibigyan nga ninyo ako ng tatlong pung kasuutang lino at ng tatlong pung bihisan. At kanilang sinabi sa kaniya, Ipagbadya mo ang iyong bugtong, upang aming marinig.

14 At sinabi niya sa kanila,

Sa mangangain ay lumabas ang pagkain,
At sa malakas ay lumabas ang katamisan.

At hindi nila maisaysay sa tatlong araw.

15 At nangyari, nang ikapitong araw, na kanilang sinabi sa asawa ni Samson, (L)Dayain mo ang iyong asawa, upang maisaysay niya sa amin ang bugtong, (M)baka ikaw ay sunugin namin at ang sangbahayan ng iyong ama: inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin? di ba gayon?

16 At umiyak ang asawa ni Samson sa harap niya, at nagsabi, (N)Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig: ikaw ay nagbugtong ng isang bugtong sa mga anak ng aking bayan, at hindi mo isinaysay sa akin. At sinabi niya sa kaniya, Narito, hindi ko isinaysay sa aking ama, o sa aking ina man, at akin bang sasaysayin sa iyo?

17 At umiyak siya sa harap niya na pitong araw, habang hindi natapos ang kanilang kasayahan: at nangyari nang ikapitong araw, na isinaysay niya sa kaniya, sapagka't (O)pinilit niya siya: at isinaysay niya ang bugtong sa mga anak ng kaniyang bayan.

18 At sinabi ng mga lalake sa bayan kay Samson nang ikapitong araw bago lumubog ang araw. Alin kaya ang lalong matamis kay sa pulot? at ano pa kaya ang lalong malakas kay sa leon? At sinabi niya sa kanila.

Kung hindi kayo nag-araro ng aking dumalaga,
Hindi sana ninyo naturingan ang aking bugtong.

19 (P)At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at siya'y lumusong sa (Q)Ascalon, at pumatay ng tatlong pung lalake sa kanila, at kinuha ang samsam sa kanila, at ibinigay ang mga bihisan sa mga nakaturing ng bugtong at ang kaniyang galit ay nagalab, at siya'y umahon sa bahay ng kaniyang ama.

20 Nguni't ang asawa ni Samson ay (R)ibinigay sa kaniyang (S)kasama, na siya niyang inaaring parang kaniyang kaibigan.

Mga Gawa 18

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y umalis siya sa Atenas, at napasa (A)Corinto.

At nasumpungan niya ang isang Judio na nagngangalang (B)Aquila, isang lalaking tubo sa Ponto, na hindi pa nalalaong nanggagaling sa Italia, kasama ni Priscila na kaniyang asawa, sapagka't ipinagutos ni (C)Claudio na ang lahat ng mga Judio ay magsialis sa Roma: at siya'y lumapit sa kanila;

At sapagka't ang hanap-buhay niya'y gaya rin ng kanila, ay nakipanuluyan siya sa kanila, (D)at sila'y nagsigawa: sapagka't ang hanap-buhay nila'y gumawa ng mga tolda.

At siya'y nangangatuwiran tuwing sabbath (E)sa sinagoga, at hinihikayat ang mga Judio at ang mga Griego.

Datapuwa't nang si Silas at si Timoteo ay (F)magsilusong mula sa (G)Macedonia, si Pablo ay napilitan sa pamamagitan ng salita, na sinasaksihan sa mga Judio na si (H)Jesus ang siyang Cristo.

At nang sila'y magsitutol at magsipamusong, (I)ay ipinagpag niya ang kaniyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo: ako'y malinis: (J)buhat ngayo'y paparoon ako sa mga Gentil.

At siya'y umalis doon, at pumasok sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Tito Justo, na (K)isang sumasamba sa Dios, na ang bahay niya'y karugtong ng sinagoga.

At si (L)Crispo, (M)ang pinuno sa sinagoga, ay nanampalataya sa Panginoon, pati ng buong sangbahayan niya; at marami sa mga taga Corinto na sa pakikinig ay nagsisampalataya, at pawang nangabautismuhan.

At sinabi (N)ng Panginoon kay Pablo nang gabi sa pangitain, Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik:

10 Sapagka't ako'y sumasaiyo, (O)at sinoma'y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagka't makapal ang mga tao ko sa bayang ito.

11 At siya'y tumahan doong isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Dios.

12 Datapuwa't nang si Galion ay (P)proconsul ng (Q)Acaya ang mga Judio ay nangagkaisang nangagsitindig laban kay Pablo at (R)siya'y dinala sa harapan ng hukuman,

13 Na nagsasabi, Hinihikayat ng taong ito ang mga tao upang magsisamba sa Dios laban sa (S)kautusan.

14 Datapuwa't nang bubukhin na ni Pablo ang kaniyang bibig, ay sinabi ni Galion sa mga Judio, (T)Kung ito'y tunay na masamang gawa o mabigat na kasalanan, Oh mga Judio, may matuwid na tiisin ko kayo:

15 Datapuwa't kung mga pagtatalo tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo sa inyong sarili na ang bahala noon; ayaw kong maging hukom sa mga bagay na ito.

16 At sila'y pinalayas niya sa hukuman.

17 At hinawakan nilang lahat si (U)Sostenes, (V)na pinuno sa sinagoga, at siya'y hinampas sa harapan ng hukuman. At hindi man lamang pinansin ni Galion ang mga bagay na ito.

18 At si Pablo, pagkatapos na makatira na roong maraming araw, ay nagpaalam sa mga kapatid, at buhat doo'y lumayag na patungo sa (W)Siria, at kasama niya si (X)Priscila at si Aquila: na (Y)inahit niya ang kaniyang buhok sa (Z)Cencrea; sapagka't siya'y may panata.

19 At sila'y nagsidating sa Efeso, at sila'y iniwan niya doon: datapuwa't pumasok siya sa sinagoga, at nangatuwiran sa mga Judio.

20 At nang siya'y pamanhikan nila na tumigil pa roon ng ilang panahon, ay hindi siya pumayag;

21 Kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, at nagsabi, Babalik uli ako sa inyo kung loobin ng Dios, siya'y naglayag buhat sa Efeso.

22 At nang makalunsad na siya sa (AA)Cesarea, ay siya'y umahon at bumati sa iglesia, at lumusong sa (AB)Antioquia.

23 At nang makagugol na siya roon ng ilang panahon, ay umalis siya, at tinahak ang lupain ng (AC)Galacia, at Frigia, na sunodsunod, (AD)na pinagtitibay ang lahat ng mga alagad.

24 Ngayon ang isang Judio na nagngangalang (AE)Apolos, na isang (AF)Alejandrino sa lahi, at taong marikit mangusap, ay dumating sa Efeso; at siya'y makapangyarihan ukol sa mga kasulatan.

25 Ang taong ito'y tinuruan sa daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maningas na espiritu, ay kaniyang sinalita at itinurong maingat ang mga bagay na tungkol kay Jesus, (AG)na ang naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan:

26 At siya'y nagpasimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga. Datapuwa't nang siya'y marinig ni Priscila at ni (AH)Aquila, ay kanilang isinama siya, at isinaysay sa kaniya (AI)ang daan ng Panginoon ng lalong maingat.

27 At nang ibig niyang lumipat sa (AJ)Acaya, ay pinalakas ng mga kapatid ang kaniyang loob at sila'y nagsisulat sa mga alagad na siya'y tanggapin: at nang siya'y dumating doon, (AK)ay lubos na tumulong siya sa mga nagsisampalataya sa pamamagitan ng biyaya;

28 Sapagka't may kapangyarihang dinaig niya ang mga (AL)Judio, at hayag, na ipinakilala sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ay ang Cristo.

Jeremias 27

Ang mga bansa ay pinagsabihan na sumuko kay Nabucodonosor.

27 (A)Nang pasimula ng paghahari ni Joacim na anak ni Josias, na (B)hari sa Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Gumawa ka para sa iyo ng mga panali at mga pamatok, at (C)ilagay mo sa iyong batok,

At iyong mga ipadala sa hari sa (D)Edom, at sa hari sa Moab, at sa hari ng mga anak ni Ammon, at sa hari sa Tiro, at sa hari sa Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagsisiparoon sa Jerusalem kay Sedechias na hari sa Juda,

At ipagbilin mo sa kanilang mga panginoon, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon.

(E)Aking ginawa ang lupa, ang tao at ang hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng aking unat na bisig; at (F)aking ibinigay doon sa minamarapat ko.

At ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na (G)aking lingkod at ang mga hayop sa parang ay ibinigay ko rin naman sa kaniya upang mangaglingkod sa kaniya.

At lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya, at (H)sa kaniyang anak at sa (I)anak ng kaniyang anak, (J)hanggang dumating ang panahon ng kaniyang sariling lupain: at kung magkagayo'y maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran siya.

At mangyayari, na ang bansa at ang kaharian na hindi maglilingkod kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at yaong hindi yuyukod ng kanilang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, ay parurusahan ko ng tabak, at ng kagutom, at ng salot, hanggang sa aking malipol sila sa pamamagitan ng kaniyang kamay.

Nguni't tungkol sa inyo, huwag ninyong dinggin ang inyong mga propeta, o ang (K)inyong mga manghuhula man, o ang inyong mga panaginip man, o ang inyong mga mapamahiin man, o ang inyong mga manggagaway man, na nangagsasalita sa inyo, na nagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia:

10 Sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan (L)sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at aking palalayasin kayo at kayo'y mangalilipol.

11 Nguni't ang bansa na iyukod ang kaniyang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at maglilingkod sa kaniya, ang bansang yaon ay aking ilalabi sa kaniyang sariling lupain, sabi ng Panginoon; at kanilang bubukirin, at tatahanan.

12 At ako'y nagsalita kay (M)Sedechias na hari sa Juda ayon sa lahat ng mga salitang ito na aking sinabi, Inyong iyukod ang inyong ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at mangaglilingkod kayo sa kaniya at sa kaniyang bayan, at kayo'y mangabuhay:

13 Bakit kayo'y (N)mangamamatay, ikaw, at ang iyong bayan, sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa bansa na hindi maglilingkod sa hari sa Babilonia?

14 At huwag kayong mangakinig ng salita ng mga propeta na nangagsasalita sa inyo, na nangagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kabulaanan (O)sa inyo.

15 Sapagka't hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon; kundi sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa aking pangalan; upang aking mapalayas kayo, at kayo'y mangalipol, kayo, at ang mga propeta na nanganghuhula sa inyo.

16 Ako naman ay nagsalita rin sa mga saserdote at sa lahat ng bayang ito, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong mangakinig ng mga salita ng inyong mga propeta, na nanganghuhula sa inyo, na nangagsasabi, Narito, (P)ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay madaling madadala uli na mula sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo.

17 Huwag ninyong dinggin sila, mangaglingkod kayo sa hari sa Babilonia, at kayo'y mangabuhay: bakit nga ang bayang ito ay magiging sira?

18 Nguni't kung sila'y mga propeta, at ang mga salita ng Panginoon ay sumasakanila, (Q)mamagitan sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga (R)sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem, ay huwag mangaparoon sa Babilonia.

19 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo (S)tungkol sa mga haligi, at tungkol sa dagatdagatan, at tungkol sa mga tungtungan, at tungkol sa nalabi sa mga sisidlan na nangaiwan sa bayang ito,

20 Na hindi kinuha ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, (T)nang kaniyang dalhing bihag si Jechonias na anak ni Joacim na hari sa Juda, mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia, at ang lahat ng mahal na tao ng Juda at ng Jerusalem;

21 Oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, tungkol sa mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem:

22 (U)Mangadadala sa Babilonia, at mangapaparoon, hanggang sa araw na dalawin ko sila, sabi ng Panginoon; kung magkagayo'y isasampa ko (V)sila, at isasauli ko sa dakong ito.

Marcos 13

13 At paglabas niya sa templo, ay sinabi (A)sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Guro, masdan mo, pagkaiinam ng mga bato, at pagkaiinam na mga gusali!

At sinabi ni Jesus sa kaniya, Nakikita mo baga ang malalaking gusaling ito? walang matitira ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di ibabagsak.

At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo sa tapat ng templo, ay tinanong siya ng lihim (B)ni Pedro at ni Santiago at ni Juan at ni Andres,

Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda pagka malapit ng maganap ang lahat ng mga bagay na ito?

At si Jesus ay nagpasimulang magsabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong paligaw kanino mang tao.

Maraming paririto sa aking pangalan, na magsisipagsabi, Ako ang Cristo; at maliligaw ang marami.

At kung mangakarinig kayo ng mga digma at ng mga alingawngaw ng mga digma, ay huwag kayong mangagulumihanan: ang mga bagay na ito'y dapat na mangyari: datapuwa't hindi pa ang wakas.

Sapagka't magtitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakagutom: ang mga bagay na ito'y pasimula ng kahirapan.

Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili: (C)sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin; at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga; at kayo'y magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, na bilang patotoo sa kanila.

10 At (D)sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang evangelio.

11 At pagka kayo'y dinala sa harap ng mga kapulungan, at kayo'y ibigay, ay (E)huwag kayong mangabalisa kung ano ang inyong sasabihin: datapuwa't ang ipagkaloob sa inyo sa oras na yaon, ay siya ninyong sabihin; sapagka't hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.

12 At ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, at ng ama ang kaniyang anak; at magsisipaghimagsik ang mga anak laban sa mga magulang, at sila'y ipapapatay.

13 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't (F)ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.

14 Nguni't pagkakita ninyo (G)ng kasuklamsuklam na paninira, na nakatayo doon sa hindi dapat niyang kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:

15 At ang nasa bubungan ay huwag bumaba, ni pumasok, upang maglabas ng anoman sa kaniyang bahay:

16 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.

17 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalangtao at ng nangagpapasuso sa mga araw na yaon!

18 At magsipanalangin kayo na ito'y huwag mangyari sa panahong taginaw.

19 Sapagka't ang mga araw na yaon ay magiging kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng paglalang na nilikha ng Dios hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.

20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, ay walang laman na makaliligtas; datapuwa't dahil sa mga hirang, na kaniyang hinirang, ay pinaikli niya ang mga araw.

21 At kung magkagayon kung may magsabi (H)sa inyong sinomang tao, Narito, ang Cristo; o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan:

22 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung mangyayari, ang mga hirang.

23 Datapuwa't mangagingat kayo: narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo ang lahat ng mga bagay.

24 Ngunit sa mga araw na yaon, (I)pagkatapos ng kapighatiang yaon, ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag,

25 At mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.

26 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na napariritong nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.

27 At kung magkagayo'y susuguin niya ang mga anghel, at titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa wakas ng lupa hanggang sa dulo ng langit.

28 Sa puno nga ng igos ay pagaralan ninyo (J)ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;

29 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.

30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.

31 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

32 Nguni't tungkol sa araw o oras na yaon ay (K)walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.

33 Kayo'y mangagingat, (L)mangagpuyat at magsipanalangin: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung kailan kaya ang panahon.

34 Gaya (M)ng isang tao na nanirahan sa ibang lupain, na pagkaiwan ng kaniyang bahay, at pagkabigay ng kapamahalaan sa kaniyang mga alipin, sa bawa't isa'y ang kaniyang gawain, ay nagutos din naman sa bantay-pinto na magpuyat.

35 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung kailan paririto ang panginoon ng bahay, kung sa hapon, o sa hating gabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga;

36 Baka kung biglang pumarito ay kayo'y mangaratnang nangatutulog.

37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Mangagpuyat kayo.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978