Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Josue 18-19

Ang natitirang mga lupain ay binahagi.

18 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay nagpupulong sa (A)Silo, (B)at itinayo ang tabernakulo ng kapisanan doon: at ang lupain ay sumuko sa harap nila.

At nalabi sa mga anak ni Israel ay pitong lipi na hindi pa nababahaginan ng kanilang mana.

At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, Hanggang (C)kailan magpapakatamad kayo upang pasukin ninyong ariin ang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang?

Maghalal kayo sa inyo ng tatlong lalake sa bawa't lipi: at aking susuguin, at sila'y babangon at lalakad sa lupain, at iguguhit ayon sa kanilang mana; at sila'y paririto sa akin.

At kanilang babahagihin ng pitong bahagi: (D)ang Juda ay mananahan sa hangganan niyaon na dakong timugan, at ang (E)sangbahayan ni Jose ay mananahan sa kanilang hangganan sa dakong hilagaan.

At inyong iguguhit ang lupain ng pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin: at aking ipagsasapalaran dito (F)sa inyo sa harap ng Panginoon natin Dios;

(G)Sapagka't ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo; sapagka't ang pagkasaserdote sa Panginoon ay siyang kanilang mana: at (H)ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.

At ang mga lalake ay tumindig at yumaon: at ibinilin sa kanila ni Josue na yumaong iguhit ang lupain, na sinasabi, Yumaon kayo at lakarin ninyo ang lupain at iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin, at aking ipagsasapalaran sa inyo dito sa harap ng Panginoon sa Silo.

At ang mga lalake ay yumaon at nilakad ang lupain, at iginuhit sa isang aklat ayon sa mga bayan na pitong bahagi, at sila'y naparoon kay Josue sa kampamento sa Silo.

10 At ipinagsapalaran ni Josue sa kanila sa Silo sa harap ng Panginoon; at binahagi roon ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga (I)bahagi.

Ang mana at ang mga bayan ng mga anak ni Benjamin.

11 At ang kapalaran ng lipi ng mga anak ni Benjamin ay lumabas ayon sa kanilang mga angkan: at ang hangganan ng kanilang kapalaran ay palabas sa pagitan ng mga anak ni Juda at ng mga anak ni Jose.

12 (J)At ang kanilang hangganan sa hilagaang sulok ay mula sa Jordan; at ang hangganan ay pasampa sa dako ng Jerico sa hilagaan, at pasampa sa lupaing maburol na dakong kalunuran; at ang labasan niyaon ay sa ilang ng (K)Beth-aven.

13 At ang hangganan ay patuloy mula roon hanggang sa Luz, sa dako ng Luz (na (L)siyang Beth-el), na dakong timugan; at ang hangganan ay pababa sa Ataroth-addar, sa tabi ng bundok na dumudoon sa timugan ng (M)Beth-horon sa ibaba.

14 At ang hangganan ay patuloy at paliko sa kalunurang sulok na dakong timugan mula sa bundok na nakalatag sa harap ng Beth-horon na dakong timugan, at ang mga labasan niyaon ay sa (N)Chiriath-baal (na siyang Chiriath-jearim), na bayan ng mga anak ni Juda: ito ang kalunurang sulok.

15 At ang timugang sulok ay mula sa kahulihulihang bahagi ng Chiriath-jearim at ang hangganan ay palabas sa dakong kalunuran, at palabas sa bukal ng tubig ng Nephtoa:

16 At ang hangganan ay pababa sa kahulihulihang bahagi ng bundok na nakalatag sa harap ng libis ng anak ni Hinnom, na nasa (O)libis ng Rephaim na dakong hilagaan; (P)at pababa sa libis ni Hinnom, sa dako ng Jebuseo na dakong timugan at pababa sa (Q)Enrogel;

17 At paabot sa hilagaan at palabas sa En-semes, at palabas sa Geliloth na nasa tapat ng pagsampa sa Adummim; at pababa sa bato ng Bohan na anak ni Ruben,

18 At patuloy sa tagiliran na tapat ng Araba sa dakong hilagaan, at pababa sa Araba;

19 At ang hangganan ay patuloy sa tabi ng Beth-hogla na dakong hilagaan, at ang labasan ng hangganan ay sa hilagaang dagat-dagatan ng Dagat na Alat, sa timugang dulo ng Jordan; ito ang timugang hangganan.

20 At ang Jordan ay hangganan niyaon sa sulok na silanganan. Ito ang mana ng mga anak ni Benjamin ayon sa mga hangganan niyaon sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.

21 Ang mga bayan nga ng lipi ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay (R)Jerico, at Beth-hogla, at Emec-casis:

22 At Beth-araba, at Samaraim, at Beth-el,

23 At Avim, at Para, at Ophra,

24 At Cephar-hammonai, at Ophni, at Gaba, labing dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

25 Gabaon, at Rama, at Beeroth,

26 At Mizpe, at Chephira, at Moza;

27 At Recoem, at Irpeel, at Tarala;

28 At Sela, Eleph, at (S)Jebus (na siyang Jerusalem), Gibeath, at Chiriath; labing apat na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon. Ito ang mana ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan.

Ang mana ng mga anak ni Simeon.

19 At ang ikalawang kapalaran ay napasa Simeon, sa lipi ng mga anak ng Simeon ayon sa kanilang mga angkan: (T)at ang kanilang mana ay nasa gitna ng mana ng mga anak ni Juda.

At kanilang (U)tinamo na pinakamana ang (V)Beer-seba, o Seba, at Molada;

At Hasar-sual, at Bala, at Esem;

At Heltolad, at Betul, at Horma;

At Siclag, at Beth-marchaboth, at Hasar-susa,

At Beth-lebaoth, at Saruhen: labing tatlong bayan pati ng mga nayon niyaon

Ain, Rimmon, at Eter, at Asan, apat na bayan pati ng mga nayon niyaon:

At ang lahat ng mga nayon na nasa palibot ng mga bayang ito hanggang sa Baalath-beer, Ramat ng Timugan. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan.

Mula sa bahagi ng mga anak ni Juda ang mana ng mga anak ni Simeon: sapagka't ang bahagi ng mga anak ni Juda ay totoong marami sa ganang kanila; kaya't ang mga anak ni Simeon ay nagkaroon ng mana sa gitna ng kanilang mana.

Ang mana ng mga anak ni Zabulon.

10 At ang ikatlong kapalaran ay napasa mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan. At ang hangganan ng kanilang mana ay hanggang sa Sarid:

11 (W)At ang kanilang hangganan ay pasampa sa dakong kalunuran sa Merala, at abot sa Dabbeseth at mula roo'y abot sa batis na nasa harap ng Jocneam,

12 At paliko mula sa Sarid sa dakong silanganan na dakong sinisikatan ng araw hanggang sa hangganan ng Chisiloth-tabor, at palabas sa Dabrath, at pasampa sa Japhia;

13 At mula roon ay patuloy sa dakong silanganan sa Gith-hepher, sa Ittakazin; at palabas sa Rimmon na luwal hanggang sa Nea:

14 At ang hangganan ay paliko sa hilagaan na patungo sa Hanaton: at ang labasan niyaon ay sa libis ng Iphta-el;

15 At sa Catah, at sa Naalal, at sa Simron, at sa Ideala, at sa Beth-lehem: labing dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

16 Ito ang mana ng mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga ito.

Ang mana ng mga anak ni Issachar.

17 Ang ikaapat na kapalaran ay napasa Issachar, sa mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan.

18 At ang kanilang hangganan ay hanggang sa Izreel, at Chesulloth, at Sunem,

19 At Hapharaim, at Sion, at Anaarath,

20 At Rabbit, at Chision, at Ebes,

21 At Rameth, at En-gannim, at Enhadda, at Beth-passes,

22 At ang hangganan ay abot sa Tabor, at Sahasim, at sa Beth-semes; at ang mga labasan ng hangganan ng mga yaon ay sa Jordan: labing anim na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

23 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

Ang mana ng mga anak ni Aser.

24 At ang ikalimang kapalaran ay napasa lipi ng mga anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan.

25 At ang kanilang hangganan ay Helchat, at Hali, at Beten, at Axaph,

26 At Alammelec, at Amead, at Miseal; at abot sa Carmel na dakong kalunuran at sa Sihorlibnath;

27 At paliko sa dakong sinisikatan ng araw sa Beth-dagon, at abot sa Zabulon, at sa libis ng Iphta-el na dakong hilagaan sa Beth-emec at Nehiel; at palabas sa Cabul sa kaliwa.

28 At Hebron, at Rehob, at Hammon, at Cana, (X)hanggang sa malaking Sidon,

29 At ang hangganan ay paliko sa Rama, at sa bayang nakukutaan ng Tiro; at ang hangganan ay paliko sa Hosa, at ang mga labasan niyaon ay sa dagat mula sa lupain ni Achzib;

30 Gayon din ang Umma, at Aphek, at Rehob: dalawang pu't dalawang bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

31 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga ito.

Ang mana ng mga anak ni Nephtali.

32 Ang ikaanim na kapalaran ay napasa mga anak ni Nephtali, sa mga anak ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan.

33 At ang kanilang hangganan ay mula sa Heleph, mula sa encina sa Saananim, at sa Adamineceb, at sa Jabneel, hanggang sa Lacum; at ang mga labasan niyaon ay sa Jordan;

34 At ang hangganan ay paliko sa dakong kalunuran sa Aznot-tabor, at palabas sa Hucuca mula roon; at abot sa Zabulon sa timugan, at abot sa Aser sa kalunuran, at sa Juda sa Jordan na dakong sinisikatan ng araw.

35 At ang mga bayang nakukutaan ay Siddim, Ser, at Hamath, Raccath, at Cinneret,

36 At Adama, at Rama, at Asor,

37 At Cedes, at Edrei, at Enhasor,

38 At Iron, at Migdalel, Horem, at Beth-anath, at Beth-semes: labing siyam na bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

39 Ito ang mana ng lipi, ng mga anak ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan pati ng mga nayon ng mga yaon.

Ang mana ng mga anak ni Dan.

40 Ang ikapitong kapalaran ay napasa lipi ng mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan.

41 At ang hangganan ng kanilang mana ay Sora, at Estaol, at Ir-semes,

42 At Saalabin, at (Y)Ailon, at Jeth-la,

43 At Elon, at Timnath, at Ecron,

44 At Elteche, at Gibbethon, at Baalat,

45 At Jehul, at Bene-berac, at Gatrimmon,

46 At Me-jarcon, at Raccon pati ng hangganan sa tapat ng Joppa.

47 At ang hangganan ng mga anak ni Dan ay palabas sa dako roon ng mga yaon; sapagka't ang mga anak ni Dan ay sumampa at bumaka laban sa Lesem, at sinakop at sinugatan ng talim ng tabak, at inari at tumahan doon, at tinawag ang Lesem, na Dan, ayon sa pangalan ni Dan, na kanilang ama.

48 Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayang ito pati ng mga nayon ng mga yaon.

Ang mana ng mga anak ni Josue ay ang Timnath-sera.

49 Gayon kanilang tinapos ang pagbabahagi ng lupain na pinakamana ayon sa mga hangganan niyaon; at binigyan ng mga anak ni Israel ng mana si Josue na anak ni Nun sa gitna nila:

50 Ayon sa utos ng Panginoon ay kanilang ibinigay sa kaniya ang bayang kaniyang hiningi, ang (Z)Timnath-sera sa lupaing maburol ng Ephraim: at kaniyang itinayo ang bayan at tumahan doon.

51 (AA)Ito ang mga mana na binahagi ni Eleazar na saserdote at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel na pinakamana, sa pamamagitan ng pagsasapalaran sa (AB)Silo sa harap ng Panginoon sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. Gayon nila niwakasan ang pagbabahagi ng lupain.

Mga Awit 149-150

Ang Israel ay pinapagpupuri sa Panginoon.

149 Purihin ninyo ang Panginoon.
Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit,
At ng kaniyang kapurihan (A)sa kapisanan ng mga banal.
(B)Magalak nawa ang Israel sa kaniya na lumalang sa kaniya:
Magalak nawa ang mga anak ng Sion sa kanilang Hari.
(C)Purihin nila ang kaniyang pangalan sa sayaw:
Magsiawit sila ng mga pagpuri sa kaniya na may pandereta at alpa.
Sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa kaniyang bayan:
(D)Kaniyang pagagandahin ng kaligtasan ang maamo.
Pumuri nawa ang mga banal sa kaluwalhatian:
(E)Magsiawit sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
Malagay nawa sa kanilang bibig ang pinakamataas na pagpuri sa Dios,
At (F)tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
Upang magsagawa ng panghihiganti sa mga bansa,
At mga parusa sa mga bayan;
Upang talian ang kanilang mga hari ng mga tanikala,
At ang kanilang mga mahal na tao ng mga panaling bakal;
Upang magsagawa sa kanila ng hatol na (G)nasusulat:
Mayroon ng karangalang ito ang lahat niyang mga banal.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Tawag upang purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga panugtog.

150 Purihin ninyo ang Panginoon.
Purihin ninyo ang Dios (H)sa kaniyang santuario:
Purihin ninyo siya sa langit ng kaniyang kapangyarihan.
Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang mga makapangyarihang gawa:
Purihin ninyo siya ayon sa kaniyang marilag na kadakilaan.
Purihin ninyo siya ng tunog ng pakakak:
(I)Purihin ninyo siya ng salterio at alpa.
Purihin ninyo siya (J)ng pandereta at sayaw:
Purihin ninyo siya (K)ng mga panugtog na kawad at ng (L)flauta.
Purihin ninyo siya ng mga (M)matunog na simbalo.
Purihin ninyo siya sa pinaka matunog na mga simbalo.
(N)Purihin ng bawa't bagay na may hininga ang Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon.

Jeremias 9

Ang panaghoy sa Sion.

Oh (A)kung ang aking ulo lamang ay maging tubig, at ang aking mga mata ay bukalan ng mga luha, upang ako'y makaiyak araw at gabi dahil sa pagkamatay ng (B)anak na babae ng aking bayan!

Oh kung magkaroon ako sa ilang ng patuluyan sa mga naglalakad; upang aking maiwan ang aking bayan, at lisanin ko sila! sapagka't silang (C)lahat ay mangangalunya, kapulungan ng mga taong taksil!

At (D)pinamimilantik nila ang kanilang dila gaya ng kanilang busog, dahil sa kabulaanan; at sila'y nagsisitakas sa lupain, nguni't (E)hindi para sa katotohanan: sapagka't sila'y nagpatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.

Mangagingat (F)bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at huwag kayong mangagkatiwala sa kanino mang kapatid; sapagka't bawa't kapatid ay mangaagaw, at bawa't kapuwa ay makikisama sa (G)mapanirang puri.

At mangagdaya bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at hindi mangagsasalita ng katotohanan: kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y nangagpakapagod upang gumawa ng kasamaan.

Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pangdadaya: dahil sa pangdadaya ay ayaw silang kumilala sa akin, sabi ng Panginoon.

Pagkagiba at pagkabihag ay ibinabala.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, (H)aking lilituhin sila, at susubukin sila; sapagka't ano pa ang aking magagawa, dahil sa anak na babae ng aking bayan?

Ang kanilang dila ay panang nakamamatay; nagsasalita ng karayaan: nagsasalitang may kapayapaan (I)ng kaniyang bibig sa kaniyang kapuwa, nguni't bumabakay siya ng kaniyang puso sa kaniya.

Hindi ko baga dadalawin sila (J)dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ako sa isang bansa na gaya nito?

10 Sa mga bundok ay maglalakas ako ng pagiyak at pananangis, at sa mga sabsaban sa ilang ay panaghoy, sapagka't nasunog ang mga yaon, na anopa't walang dumaraan; hindi man narinig ng mga tao ang angal ng kawan; (K)ang mga ibon sa himpapawid at gayon din ang mga hayop sa parang ay nagsitakas, ang mga ito'y nagsiyaon.

11 At aking gagawin na mga (L)bundok ang Jerusalem, na tahanang dako ng mga chakal; at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na walang mananahan.

12 Sino ang pantas (M)na makakaunawa nito? at sino siya na pinagsalitaan ng bibig ng Panginoon, upang kaniyang maipahayag? bakit ang lupain ay napupugnaw at nasusunog na parang ilang, na anopa't walang dumaraan?

13 At sinabi ng Panginoon, Sapagka't kanilang pinabayaan ang aking kautusan na aking inilagay sa harap nila, at hindi nagsisunod sa aking tinig, o nilakaran man nila;

14 Kundi sila'y nagsisunod sa pagmamatigas ng kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, (N)na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang;

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, (O)aking pakakanin sila, ang bayang ito, ng (P)ajenjo, at bibigyan ko sila ng (Q)inuming mapait upang inumin.

16 (R)Akin ding pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa, na hindi nakilala kahit nila o ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa aking malipol sila.

Pagtawag sa mananangis na mga babae.

17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y mangagdilidili, at magsitawag ng mga (S)tagapanangis na babae, upang sila'y mangakaparito; at inyong ipasundo ang mga bihasang babae, upang sila'y mangakaparito:

18 At mangagmadali sila, at mangaglakas sila ng panangis dahil sa atin, upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha, at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.

19 Sapagka't ang tinig ng panangis ay naririnig mula sa Sion, (T)Ano't tayo'y nasisira! tayo'y lubhang nangalito, sapagka't ating pinabayaan ang lupain, sapagka't kanilang ibinagsak ang ating mga tahanan.

20 Gayon ma'y inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga babae, at tanggapin ng inyong pakinig ang salita ng kaniyang bibig; at turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng panangis, at turuan ng bawa't isa ang kaniyang kapuwa ng panaghoy.

21 Sapagka't ang kamatayan ay sumampa sa loob ng ating mga dungawan, ito'y pumasok sa ating mga palacio; upang ihiwalay (U)ang mga anak (V)sa labas, at ang mga binata sa mga lansangan.

22 Salitain mo: Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mga bangkay ng mga tao ay (W)mangabubuwal na parang dumi sa luwal na parang, at parang (X)bigkis sa likod ng manggagapas: at (Y)walang dadampot.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag magmapuri ang pantas sa kaniyang karunungan, o magmapuri man ang makapangyarihan sa kaniyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kaniyang kayamanan;

24 Kundi (Z)magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kaniyang nauunawa, at kaniyang nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan at katuwiran; sapagka't sa mga bagay na (AA)ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.

25 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan silang lahat na nangatuli sa hindi tunay na pagkatuli.

26 Ang Egipto, at ang Juda, at ang Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ang Moab, at lahat ng nagsisigupit ng laylayan ng kaniyang buhok, na nagsisitahan sa ilang; sapagka't lahat ng mga bansa ay hindi tuli, at ang buong sangbahayan ni Israel (AB)ay hindi tuli sa puso.

Mateo 23

23 Nang magkagayo'y (A)nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad,

Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo (B)sa luklukan ni Moises.

Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa.

Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan (C)at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri.

Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa (D)upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga (E)pilakteria, at nangagpapalapad ng mga (F)laylayan ng kanilang mga damit,

At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga,

At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi.

Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong (G)guro, at kayong lahat ay magkakapatid.

At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: (H)sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit.

10 Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo.

11 Datapuwa't (I)ang pinakadakila sa inyo ay magiging (J)lingkod ninyo.

12 At sinomang nagmamataas (K)ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas.

13 Datapuwa't (L)sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.[a] (M)

15 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong (N)makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.

16 Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, (O)Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya.

17 Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, (P)o ang templong bumabanal sa ginto?

18 At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya.

19 Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o (Q)ang dambana na bumabanal sa handog?

20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito.

21 At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at (R)yaong tumatahan sa loob nito.

22 Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon.

23 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong (S)pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba.

24 Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!

25 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! (T)sapagka't inyong nililinis ang labas (U)ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.

26 Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas.

27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! (V)sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng (W)lahat na karumaldumal.

28 Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

29 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at (X)inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid,

30 At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta.

31 Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na (Y)kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta.

32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

33 Kayong mga ahas, (Z)kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?

34 (AA)Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga (AB)eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; (AC)at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan:

35 (AD)Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, (AE)buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni (AF)Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.

36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

37 Oh Jerusalem, Jerusalem, (AG)na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya! makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ay ayaw kayo!

38 Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.

39 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, (AH)Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978