M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang tatlong daang mangdidigma.
7 Nang magkagayo'y si (A)Jerobaal na siyang Gedeon, at ang buong bayan na kasama niya ay bumangong maaga, at humantong sa bukal ng Harod: at ang kampamento ng Madian ay nasa dakong hilagaan nila, sa (B)dako roon ng Moreh, sa libis.
2 At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Ang bayang kasama mo ay totoong marami sa akin upang aking ibigay ang mga Madianita sa kanilang kamay, baka ang Israel ay (C)magmalaki laban sa akin, na sabihin, Aking sariling kamay ang nagligtas sa akin.
3 Kaya't ngayo'y yumaon ka, ipagpatawag mo sa mga pakinig ng bayan, na iyong sabihin, (D)Sinomang matatakutin at mapanginig, ay bumalik at pumihit mula sa bundok ng Galaad. At bumalik sa bayan ang dalawang pu't dalawang libo; at naiwan ang sangpung libo.
4 At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Ang bayan ay totoong marami pa; palusungin mo sila sa tubig, at doo'y aking susubukin sila sa iyo: at mangyayari, na sinomang aking sabihin sa iyo, Ito'y sumama sa iyo, yaon sumama sa iyo; at sa sinomang sabihin ko sa iyo, Ito'y huwag sumama sa iyo, yao'y huwag sumama sa iyo.
5 Sa gayo'y kaniyang inilusong ang bayan sa tubig: at sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Bawa't humimod sa tubig ng kaniyang dila, gaya ng paghimod ng aso, ay iyong ihihiwalay: gayon din ang bawa't yumukong lumuhod upang uminom.
6 At ang bilang ng mga humimod, na inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalake: nguni't ang buong labis ng bayan ay yumukong lumuhod upang uminom ng tubig.
7 At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, (E)Sa pamamagitan ng tatlong daang lalake na humimod ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Madianita sa iyong kamay: at pabayaan mong ang buong bayan ay yumaon bawa't isa sa kanikaniyang dako.
8 Sa gayo'y nagbaon ang bayan sa kanilang kamay ng mga pagkain at ng kanilang mga pakakak: at kaniyang sinugo ang lahat ng mga lalake sa Israel na bawa't isa ay umuwi sa kanikaniyang tolda, nguni't pinigil ang tatlong daang lalake: at ang kampamento ng Madian ay nasa ibaba niya (F)sa libis.
9 At nangyari nang (G)gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Bumangon ka, lusungin mo ang kampamento; sapagka't (H)aking ibinigay sa iyong kamay.
10 Nguni't kung ikaw ay natatakot na lumusong, ay lumusong ka sa kampamento na kasama ni Phara na iyong lingkod.
11 (I)At iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay lalakas na lumusong sa kampamento. Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Phara na kaniyang lingkod sa pinakahangganan ng mga lalaking may sakbat na nangasa kampamento.
12 At ang mga Madianita at ang mga Amalecita at ang (J)lahat ng mga anak sa silanganan ay nalalatag sa libis na parang balang dahil sa karamihan; at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang, na (K)gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa karamihan.
13 At nang dumating si Gedeon, narito, may isang lalake na nagsasaysay ng isang panaginip sa kaniyang kasama, at kaniyang sinabi, Nanaginip ako ng isang panaginip; at, narito, isang munting tinapay na sebada, ay gumulong hanggang sa kampamento ng Madian, at umabot sa tolda, at tinamaan yaon ng malakas na tuloy bumagsak, at natiwarik, na ang tolda'y lumagpak.
14 At sumagot ang kaniyang kasama, at nagsabi, Ito'y hindi iba, kundi ang tabak ni Gedeon, na anak ni Joas, isang lalaking Israelita, na ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay ang Madian at ang buong hukbo niya.
Ang paggamit ng pakakak.
15 At nangyari, nang marinig ni Gedeon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang pagkapaliwanag niyaon, na siya'y sumamba; at siya'y bumalik sa kampamento ng Israel, at sinabi, Tumindig kayo; sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Madian.
16 At binahagi niya ang tatlong daang lalake ng tatlong pulutong, at kaniyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga pakakak, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.
17 At kaniyang sinabi sa kanila, Masdan ninyo ako, at inyong parisan: at, narito, pagka ako'y dumating sa pinakahuling bahagi ng kampamento, ay mangyayari, na kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin.
18 Pagka ako'y hihihip ng pakakak, ako at lahat na kasama ko, ay humihip nga naman kayo ng mga pakakak, sa buong palibot ng buong kampamento, at sabihin ninyo, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.
Nalupig ang Madian.
19 Sa gayo'y si Gedeon, at ang isang daang lalake na kasama niya ay napasa pinakahuling bahagi ng kampamento sa pasimula ng pagbabantay sa hating gabi, ng halos kahahalili lamang ng bantay: at sila'y humihip ng mga pakakak, at kanilang binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.
20 At hinipan ng tatlong pulutong ang mga pakakak, at binasag ang mga banga, at itinaas ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga pakakak sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y naghiyawan, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.
21 At (L)sila'y nangakatayo, bawa't isa, sa kaniyang dako sa (M)palibot ng kampamento: at ang buong hukbo ay tumakbo; at sila'y sumigaw at pinatakas nila.
22 At (N)hinipan nila ang tatlong daang pakakak at inilagay ng (O)Panginoon ang (P)tabak ng bawa't isa laban sa kaniyang kasama, at laban sa buong hukbo: at tumakas ang hukbo hanggang sa Beth-sitta sa dakong Cerera, hanggang sa hangganan ni (Q)Abelmehola, sa siping ng Tabbat.
23 At ang mga lalake ng Israel ay nagpipisan, ang sa (R)Nephtali, at ang sa Aser, at sa buong Manases, at hinabol ang Madian.
24 At nagsugo si Gedeon ng mga sugo sa buong lupaing (S)maburol ng Ephraim, na sinasabi, Lusungin ninyo ang Madian, at agapan ninyo ang tubig, hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan. Sa gayo'y ang lahat ng mga lalake ng Ephraim ay nagkapisan, at (T)inagapan ang tubig hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan.
25 At kanilang hinuli ang (U)dalawang prinsipe sa Madian, si Oreb at si Zeeb: at kanilang pinatay si Oreb sa (V)batuhan ni Oreb at si Zeeb ay kanilang pinatay sa pisaan ng ubas ni Zeeb, at hinabol ang Madian: at kanilang dinala ang mga ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gedeon sa dako roon ng Jordan.
11 Nabalitaan nga ng mga apostol at ng mga (A)kapatid na nangasa Judea na nagsitanggap din naman ang mga Gentil ng salita ng Dios.
2 At nang umahon si Pedro sa Jerusalem, (B)ay nakipagtalo sa kaniya ang mga sa pagtutuli,
3 Na nagsisipagsabi, (C)Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli, at kumain kang kasalo nila.
4 Datapuwa't si Pedro ay nagpasimula, at ang kadahilanan ay isinaysay sa kanilang sunodsunod na sinasabi,
5 Ako'y nananalangin sa bayan ng (D)Joppe: at sa kawalan ng diwa'y nakakita ako ng isang pangitain, na may isang sisidlang bumababa, na gaya ng isang malapad na kumot, na inihuhugos mula sa langit na nakabitin sa apat na sulok; at dumating hanggang sa akin:
6 At nang yao'y aking titigan, ay pinagwari ko, at aking nakita ang mga hayop na may apat na paa sa lupa at mga hayop na ganid at ang mga nagsisigapang at mga ibon sa langit.
7 At nakarinig din naman ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain.
8 Datapuwa't sinabi ko, Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailan man ay walang anomang pumasok sa aking bibig na marumi o karumaldumal.
9 Nguni't sumagot na ikalawa ang tinig mula sa langit, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi.
10 At ito'y nangyaring makaitlo: at muling binatak ang lahat sa langit.
11 At narito, pagdaka'y nangagsitayo sa tapat ng bahay na aming kinaroroonan, ang tatlong lalake na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.
12 At iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila, na huwag magtangi. At nagsisama naman sa akin (E)itong anim na kapatid; at nagsipasok kami sa bahay ng lalaking yaon:
13 At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro;
14 Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw (F)at ng buong sangbahayan mo.
15 At nang ako'y magpasimulang magsalita, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, na gaya (G)naman ng pagbaba sa atin nang una.
16 At (H)naalaala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, Tunay na (I)si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.
17 (J)Kung ibinigay nga sa kanila ng Dios ang gayon ding kaloob na gaya naman ng kaniyang ibinigay sa atin, nang tayo'y nagsisisampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino baga ako, na makahahadlang sa Dios?
18 At nang marinig nila ang mga bagay na ito, ay nagsitahimik sila, at niluwalhati ang Dios, na sinasabi, (K)Kung gayo'y binigyan din naman ng Dios ang mga Gentil (L)ng pagsisisi sa ikabubuhay.
19 (M)Yaon ngang nagsipangalat sa ibang lupain dahil sa kapighatian na nangyari tungkol kay Esteban ay nangaglakbay hanggang sa (N)Fenicia, at sa (O)Chipre, at sa (P)Antioquia, na hindi nagsaysay kanino man ng salita kundi sa mga Judio lamang.
20 Datapuwa't may ilan sa kanila, mga taong taga Chipre at (Q)taga Cirene, na, nang sila'y magsidating sa Antioquia, ay nangagsalita naman sa mga (R)Griego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.
21 At sumasa kanila ang kamay ng Panginoon: at ang lubhang marami sa nagsisisampalataya (S)ay nangagbalik-loob sa Panginoon.
22 At dumating ang balita tungkol sa kanila sa mga tainga ng iglesia na nasa Jerusalem: at kanilang sinugo si (T)Bernabe hanggang sa Antioquia:
23 Na, nang siya'y dumating, at makita ang biyaya ng Dios, ay nagalak; (U)at kaniyang inaralan ang lahat, na sa kapasiyahan ng puso ay magsipanatili sa Panginoon:
24 Sapagka't siya'y lalaking mabuti, at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya: at maraming tao ang nangaparagdag sa Panginoon.
25 At siya'y naparoon sa (V)Tarso upang hanapin si Saulo;
26 At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa (W)Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga (X)Cristiano, sa Antioquia.
27 Nang mga araw ngang ito ay may (Y)lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.
28 At nagtindig ang isa sa kanila na nagngangalang (Z)Agabo, at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakagutom ng malaki sa buong sanglibutan: na nangyari nang mga kaarawan ni (AA)Claudio.
29 At ang mga alagad, ayon sa kaya ng bawa't isa, ay nangagpasiyang magpadala ng saklolo sa mga (AB)kapatid na nangananahan sa Judea:
30 Na siya nga nilang ginawa, na ipinadala nila (AC)sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.
Ang pagkagiba ng Jerusalem ay itinulad sa basag na palyok.
20 Napakinggan (A)ni Pashur, na anak (B)ni Immer, na saserdote, na siyang (C)pangulong pinuno sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nanghuhula ng mga bagay na ito.
2 Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at inilagay siya sa pangawan na nasa lalong mataas na (D)pintuang-bayan ng Benjamin, na nasa bahay ng Panginoon.
3 At nangyari, nang kinabukasan, na inilabas ni Pashur si Jeremias mula sa pangawan. Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa kaniya, Hindi tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan na Pashur, kundi Magormissabib.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, gagawin kitang kakilabutan sa iyong sarili, at sa lahat mong mga kaibigan; at sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway, at mamamasdan ng iyong mga mata: at ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang dadalhin sila na bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.
5 Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat na kayamanan ng bayang ito, at ang lahat na pakinabang nito, at ang lahat na mahalagang bagay nito, oo, ang lahat na kayamanan ng mga hari sa Juda ay ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway; na magsisisamsam sa kanila, at magsisihuli sa kanila, (E)at mangagdadala sa kanila sa Babilonia.
6 At ikaw Pashur, at ang lahat na tumatahan sa iyong bahay ay magsisipasok sa pagkabihag; at paroroon ka sa Babilonia, at doon ka mamamatay, at doon ka malilibing, ikaw, at ang lahat mong mga kaibigan, na iyong pinanghulaan na may kasinungalingan.
Itinangis ni Jeremias ang pagsubok sa kaniya.
7 Oh Panginoon, iyong hinikayat ako, at ako'y nahikayat; ikaw ay lalong malakas kay sa akin, at nanaig ka: (F)ako'y nagiging katatawanan lahat ng araw, bawa't isa'y tumutuya sa akin.
8 Sapagka't kung paano kadalas nagsasalita ako, humihiyaw ako; (G)humihiyaw ako, Pangdadahas at paninira; sapagka't ang salita ng Panginoon ay naging kakutyaan sa akin, at kadustaan, lahat ng araw.
9 At kung aking sabihin, Hindi ko babanggitin siya, o magsasalita ng ano pa man sa kaniyang pangalan, mayroon nga sa aking puso na (H)wari nagaalab na apoy na nakukulong sa aking mga buto, at ako'y pagod ng pagpipigil, at hindi makapagpigil.
10 Sapagka't aking narinig (I)ang paninirang puri ng marami, kakilabutan sa lahat ng dako. Kayo'y mangagsumbong, at aming isusumbong siya, sabi ng (J)lahat ng mga kasamasama kong kaibigan, na nagsisipaghintay ng aking pagkabagsak; marahil siya'y mahihikayat, at tayo'y mangananaig laban sa kaniya, at tayo'y mangakagaganti sa kaniya.
11 Nguni't ang Panginoon ay sumasaakin na parang makapangyarihan at kakilakilabot: kaya't ang mga manguusig sa akin ay mangatitisod, at sila'y hindi mangananaig; sila'y lubhang mangapapahiya, sapagka't sila'y hindi nagsisigawang may karunungan, ng (K)walang hanggang kapintasan na hindi malilimutan.
12 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, (L)na tumatarok ng matuwid, at nakakakita ng mga pagiisip at ng puso, ipakita mo sa akin ang iyong panghihiganti sa kanila; sapagka't sa iyo ay inihayag ko ang aking usap.
13 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, magsipuri kayo sa Panginoon; sapagka't kaniyang iniligtas ang kaluluwa ng mapagkailangan mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
14 Sumpain (M)ang araw na kinapanganakan sa akin: huwag pagpalain ang araw na kinapanganakan sa akin ng aking ina.
15 Sumpain ang tao na nagdala ng balita sa aking ama, na nagsabi, Isang lalake ay ipinanganak sa iyo, na pinasaya siyang mainam.
16 At ang lalaking yaon ay maging gaya ng mga bayang (N)giniba ng Panginoon, at hindi pinagsisihan: at (O)makarinig nawa siya ng daing sa umaga, at hiyawan sa katanghaliang tapat;
17 Sapagka't (P)hindi niya pinatay ako sa bahay-bata; at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina, at ang kaniyang bahay-bata, ay naging laging dakila sana.
18 Bakit nga ako'y (Q)nalabas sa bahay-bata upang makakita ng hirap at kapanglawan, upang ang aking mga araw ay manaw na may kahihiyan?
6 At umalis siya doon; (A)at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
2 At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay?
3 Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila.
4 At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay.
5 At (B)hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.
6 At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid.
7 At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, (C)at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu;
8 At ipinagbilin niya sa kanila (D)na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot;
9 Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika.
10 At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon.
11 At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila.
12 At sila'y nangagsialis, at (E)nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao.
13 At nangagpalabas ng maraming demonio, (F)at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.
14 (G)At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.
15 At sinasabi ng mga iba, (H)Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.
16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.
17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.
18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.
19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;
20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya (I)na may galak.
21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake (J)sa Galilea;
22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.
23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.
24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.
25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na (K)ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.
26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.
27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,
28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.
29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.
30 At ang mga apostol ay (L)nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.
31 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't (M)marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.
32 At (N)nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod.
33 At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.
34 At lumabas siya at (O)nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, (P)sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.
35 At nang gumabi na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at nangagsabi, Ilang ang dakong ito, at gumagabi na;
36 Payaunin mo sila, upang sila'y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain.
37 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?
38 At sinabi niya sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? magsiparoon kayo at inyong tingnan. At nang mangaalaman nila, ay kanilang sinabi, Lima, at dalawang isda.
39 At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa.
40 At sila'y nagsiupong hanayhanay, na tigsasangdaan, at tiglilimangpu.
41 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol ang mga tinapay; at ibinigay niya sa mga alagad upang ihain nila sa kanila; at ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42 At nagsikain silang lahat, at nangabusog.
43 At kanilang pinulot ang mga pinagputolputol, labingdalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda naman.
44 At ang nagsikain ng mga tinapay ay limang libong lalake.
45 At (Q)pagdaka'y pinalulan niya sa (R)daong ang kaniyang mga alagad, at pinauna sa kaniya sa kabilang ibayo, sa (S)Betsaida, samantalang pinayayaon niya ang karamihan.
46 At pagkatapos na mapagpaalam niya sila, ay naparoon siya sa bundok upang (T)manalangin.
47 At nang dumating ang gabi, ang daong ay nasa gitna ng dagat, at siya'y nagiisa sa lupa.
48 At pagkakita sa kanila na totoong nangalulumbay sa paggaod, sapagka't sinasalunga sila ng hangin, at malapit na ang ikaapat na pagpupuyat sa gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat; at ibig silang lagpasan:
49 Datapuwa't sila, nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay inakala nilang siya'y isang multo, at nangagsisigaw;
50 Sapagka't nakita siya nilang lahat, at nangagulumihanan. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita siya sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Laksan ninyo ang inyong loob: ako nga; huwag kayong mangatakot.
51 At pinanhik niya sila sa daong; at humimpil ang hangin: at sila'y nanganggilalas ng di kawasa sa kanilang sarili;
52 Palibhasa'y hindi (U)pa nila natatalastas yaong tungkol sa mga tinapay, dahil sa ang kanilang puso'y pinatigas.
53 At nang mangakatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret, at nagsisadsad sa daungan.
54 At paglunsad nila sa daong, pagdaka'y nakilala siya ng mga tao,
55 At nang malibot nilang nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa kaniya ang mga may-sakit na nasa kanilang higaan, saan man nila marinig na naroon siya.
56 At saan man siya pumasok, sa mga nayon, o sa mga bayan o sa mga bukid, ay inilalagay nila sa mga liwasan ang mga may-sakit, at ipinamamanhik sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nagsihipo sa kaniya ay pawang nagsigaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978