M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Handog sa Pagdiriwang ng Bagong Taon(A)
29 “Sa unang araw ng ikapitong buwan, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong, at huwag kayong magtatrabaho. Sa araw na iyon ay hipan ninyo ang mga trumpeta. 2 Mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para sa akin. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong walang kapintasang tupa na tig-iisang taon pa lamang. 3 Samahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa toro, isang salop para sa tupa, 4 at kalahating salop para naman sa bawat batang tupa. 5 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng inyong mga kasalanan. 6 Ang mga handog na ito'y bukod pa sa mga handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin sa bagong buwan, at sa araw-araw. Ito'y susunugin ninyo upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
Ang Handog sa Araw ng Pagtubos ng Kasalanan(B)
7 “Sa(C) ika-10 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong kakain ni magtatrabaho sa araw na iyon. 8 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tig-iisang taóng tupa na pawang walang kapintasan. 9 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa toro, isang salop naman para sa tupang lalaki 10 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. 11 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin.
Ang Handog sa Pista ng mga Tolda(D)
12 “Sa(E) ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh. 13 Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labingtatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 14 Sasamahan din ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 15 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Sasamahan din ninyo ito ng nakatakdang handog na inumin. 16 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na handog.
17 “Sa ikalawang araw, ang ihahandog ninyo'y labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 18 Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
20 “Sa ikatlong araw, ang ihahandog ninyo'y labing-isang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 21 Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
23 “Sa ikaapat na araw, ang ihahandog ninyo'y sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 24 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil at inuming gaya ng nakatakda para sa unang araw. 25 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
26 “Sa ikalimang araw, ang ihahandog ninyo'y siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 27 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 28 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
29 “Sa ikaanim na araw, ang ihahandog ninyo'y walong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 30 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 31 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
32 “Sa ikapitong araw, ang ihahandog ninyo'y pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 33 Sasamahan din ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 34 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
35 “Sa ikawalong araw, magdaos kayo ng banal na pagpupulong at huwag kayong magtatrabaho. 36 Sa araw na iyon, mag-aalay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 37 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 38 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
39 “Ang mga nabanggit ay ihahandog ninyo kay Yahweh tuwing ipagdiriwang ang mga takdang pista, bukod sa mga panatang handog, kusang-loob na handog, handog na susunugin, handog na pagkaing butil at inumin, at handog na pangkapayapaan.”
40 Lahat ng ito ay sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ni Yahweh.
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
21 Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia:
Parang ipu-ipong humahagibis mula sa disyerto
ang manlulupig ng Negeb mula sa isang nakakapangilabot na lupain.
2 Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kalupitan,
kataksilan, at pagkawasak.
Sugod, Elam!
Sakupin mo, Media.
Wawakasan ko na
ang ginawang pagpapahirap ng Babilonia.
3 Dahil dito, nakadama ako ng matinding takot,
namilipit ako sa sakit
tulad ng isang babaing nanganganak;
ako'y nakayuko kaya hindi makarinig,
ako'y nalilito kaya hindi makakita.
4 Pinanghihinaan ako ng loob, nangangatal ako sa takot;
ang pananabik ko sa takipsilim
ay naging isang pagkasindak.
5 Sa aking pangitain ay handa na ang hapag-kainan;
nakalatag na rin ang mga alpombra upang upuan ng mga panauhin;
sila'y nagkakainan at nag-iinuman.
Ngunit isang utos ang biglang narinig:
“Tumayo kayo, mga pinuno, at langisan ang mga kalasag.”
6 At ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Lumakad ka na at maglagay ng bantay
at iulat ang kanyang mga nakikita.
7 Kung makakita siya ng mga kawal na nakasakay sa mga kabayo,
at mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo,
dapat siyang maging handa
at ang kahandaan niya'y kailangang maging lubos.”
8 Sumigaw ang bantay,[a]
“Maghapon po akong nasa tore.
Buong gabi'y nakabantay sa aking bantayan.”
9 Walang(A) anu-ano'y nagdatingan
ang mga kawal na nakakabayo, dala-dalawa,
at nag-ulat ang bantay,
“Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia!
Nagkalat sa lansangan
ang durug-durog niyang mga diyus-diyosan!”
10 Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik,
may magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh,
ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.
Ang Pahayag tungkol sa Edom
11 Ito ang pahayag tungkol sa Edom:
May tumatawag sa akin mula sa Seir,
“Bantay, gaano pa ba kahaba ang gabi?
Gaano pa ito katagal?”
12 Sumagot ang bantay:
“Mag-uumaga na ngunit muling sasapit ang gabi;
bumalik na lang kayo
kung nais ninyong magtanong muli.”
Ang Pahayag tungkol sa Arabia
13 Ito ang pahayag tungkol sa Arabia:
Kayong manlalakbay na mga taga-Dedan,
na nakahimpil sa mga disyerto ng Arabia,
14 bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw.
Kayo naman, mga taga-Tema,
salubungin ninyo at pakanin ang mga bihag.
15 Sila'y tumatakas sa mga espadang nakaamba,
sa panang nakahanda,
at sa panganib na dulot ng digmaan.
16 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Sa loob ng isang taon, ayon sa pagbilang ng upahang manggagawa, magwawakas ang kadakilaan ng Kedar. 17 Ilan lamang sa magigiting niyang kawal na mamamana ang matitira. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.”
Mga Huwad na Guro
2 Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. 2 At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. 3 Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.
4 Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. 5 Dahil(A) sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. 6 Sinumpa(B) [at tinupok][b] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. 7 Ngunit(C) iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. 8 Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. 9 Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.
Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis(D) sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor[c] na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama. 16 Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. 18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. 20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. 22 Ang(E) nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:
“Ang aso pagkatapos sumuka
ay muling kinakain ang nailuwa na,”
at,
“Ang baboy na pinaliguan
ay bumabalik sa putikan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.