Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 11

Ang Lugar na Tinawag na Tabera

11 Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera[a] sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.

Pumili si Moises ng Pitumpung Pinuno

Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”

Ang(A) manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. Ito'y(B) kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.

10 Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. 11 Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? 13 Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? 14 Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! 15 Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

16 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. 17 Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. 18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”

21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”

24 Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. 25 Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa.

26 May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. 27 Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”

28 Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?”

29 Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” 30 Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo.

Nagpadala ng Napakaraming Pugo si Yahweh

31 Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. 32 Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan.[b] Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo. 33 Ngunit bago pa lamang nila ito kinakagat, ibinuhos na ni Yahweh ang kanyang galit sa mga Israelita at siya'y nagpadala ng isang kakila-kilabot na salot. 34 Ang lugar na iyon ay tinawag na Kibrot-hataava sapagkat doon nalibing ang mga taong naging hayok sa karne. 35 Mula roon, nagpatuloy sila ng paglalakbay hanggang sa Hazerot.

Mga Awit 48

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

Isaias 1

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.

Sumbat sa Bayan ng Diyos

Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
    sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
    ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
    at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
    hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”

Bansang makasalanan,
    mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
    mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
    nilait ang Banal na Diyos ng Israel
    at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.

Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
    Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
    ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
    katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
    at wala man lamang gamot na mailagay.

Sinalanta ang inyong bayan,
    tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
    at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
Ang Jerusalem lang ang natira,
    parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
    parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
Kung(B) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.

10 Mga pinuno ng Israel,
    pakinggan ninyo si Yahweh!
Ang inyong mga gawa ay kasinsama
    ng sa Sodoma at Gomorra.
Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan
    ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11 “Walang(C) halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
    at sa taba ng bakang inyong inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,
    mga kordero at mga kambing.
12 Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?
    Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;
    nasusuklam ako sa usok ng insenso.
Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,
    kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;
ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.

14 “Labis akong nasusuklam
    sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;
sawang-sawa na ako sa mga iyan
    at hindi ko na matatagalan.
15 Kapag kayo'y nanalangin sa akin,
    hindi ko kayo papansinin;
kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,
    hindi ko kayo papakinggan
    sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16 Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
    sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17 Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
    pairalin ang katarungan;
    tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
    at tulungan ang mga biyuda.

18 “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.
Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,
    kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19 Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,
    tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20 Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,
    tiyak na kayo'y mamamatay.
    Ito ang mensahe ni Yahweh.

Ang Makasalanang Lunsod

21 “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,
    ngayo'y naging isang masamang babae.
Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!
    Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging bato,
    nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23 Naging suwail ang iyong mga pinuno,
    kasabwat sila ng mga magnanakaw;
tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;
hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;
    at walang malasakit sa mga biyuda.”

24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel,
“Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway,
    maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25 Paparusahan kita at lilinisin,
    gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy
    at tinutunaw upang dumalisay.
26 Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una,
    at ng mga tagapayo gaya noong simula,
pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran,
    ang Lunsod na Matapat.”

27 Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan,
    at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28 Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan,
    malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29 Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba,
    at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30 Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno
    at halamanang hindi na nadidilig.
31 Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy,
    mga gawa nila'y madaling magliliyab,
parehong matutupok,
    sa apoy na walang makakapigil.

Mga Hebreo 9

Ang Pagsamba Dito sa Lupa at Doon sa Langit

Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. Itinayo(A) ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; ang(B) ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Naroon(C) ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. At(D) sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito.

Ganoon(E) ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. Ngunit(F) tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.

11 Ngunit dumating[a] na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung(G) ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating[b] mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.

15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. 19 Matapos(H) ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing][c] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” 21 Winisikan(I) din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon(J) sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo

23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(K) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.