Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 28

Mga Pang-araw-araw na Handog(A)

28 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na sila'y mag-alay sa akin ng mga handog na pagkaing butil, handog na susunugin, at mababangong handog sa takdang panahon.

“Ito ang ihahandog nila sa akin araw-araw bilang handog na susunugin: dalawang tupa na tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan; isa sa umaga at isa sa hapon. Ito'y sasamahan ng kalahating salop ng harina at minasa sa isang litrong langis ng olibo. Ito ang pang-araw-araw ninyong handog na susunugin tulad ng sinabi ko sa inyo sa Bundok ng Sinai, isang mabangong handog sa akin. Samahan ninyo ito ng isang litrong handog na inumin na inyong ibubuhos sa Dakong Banal para sa akin. Ang isa pang tupa ay ihahandog nga sa hapon at sasamahan din ng handog na pagkaing butil at handog na inumin, tulad ng handog sa umaga, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin.

Ang Handog Tuwing Araw ng Pamamahinga

“Tuwing Araw ng Pamamahinga, dalawang lalaking tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan ang inyong ihahandog. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Ang handog na pagkaing butil ay isang salop na harina at minasa sa langis ng olibo. 10 Ito ay ihahandog ninyo tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod sa pang-araw-araw ninyong handog.

Ang Buwanang Handog

11 “Tuwing unang araw ng buwan, ito naman ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na walang kapintasan. 12 Ang handog na pagkaing butil ay isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa bawat toro; isang salop para sa isang tupa, 13 at kalahating salop naman sa bawat batang tupa. Ito ay handog na susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. 14 Ang inuming handog naman ay dalawang litro para sa bawat toro, 1 1/3 litro sa bawat lalaking tupa at isang litro naman sa bawat batang tupa. Ito ang buwanan ninyong handog. 15 Bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkain, maghahandog pa rin kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan.

Ang Handog Tuwing Kapistahan(B)

16 “Ang(C) ika-14 na araw ng unang buwan ay Pista ng Paskwa ni Yahweh. 17 Ang(D) ika-15 araw ang simula ng pista, at pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. 18 Sa unang araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 19 Sa halip, magdala kayo ng handog na susunugin. Ito ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 20 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop sa bawat lalaking tupa 21 at kalahating salop sa bawat batang tupa. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 23 Ang mga ito'y ihahandog ninyo bukod pa sa pang-araw-araw na handog. 24 Sa loob ng pitong araw, iyan ang mga handog na inyong susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ito'y inyong gagawin maliban pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa inuming handog. 25 Sa ikapitong araw, magdaraos muli kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.

Ang Handog sa Pista ng Pag-aani(E)

26 “Sa(F) unang araw ng Pista ng Pag-aani, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong at doon ninyo ihahandog ang unang ani ng inyong mga bukid. Huwag din kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 27 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong batang tupa. 28 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis ng olibo para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 29 at kalahating salop para sa bawat batang tupa. 30 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 31 Ito'y ihahandog ninyo, kasama ng handog na inumin, bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkaing butil. Kinakailangang ang mga ito'y walang kapintasan.

Mga Awit 72

Panalangin para sa Hari

Katha ni Solomon.

72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
    sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
    at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
    maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
    mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
    at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
    hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.

Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
    bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
    maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.

Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
    mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
    isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
    Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
    mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
    lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
    sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
    sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.

15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
    At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
    sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
    kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
    ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
    at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
    sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
    manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
    pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

    Amen! Amen!

20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.

Isaias 19-20

Paparusahan ang Egipto

19 Narito(A) ang pahayag tungkol sa Egipto:

Tingnan ninyo! Nakasakay si Yahweh sa isang mabilis na ulap patungo sa Egipto.
Nanginginig sa takot ang mga diyus-diyosan ng Egipto,
    at ang mga Egipcio'y naduwag.
Ang sabi ni Yahweh:
“Paglalaban-labanin ko ang mga Egipcio:
    Kapatid laban sa kapatid,
    kasama laban sa kasama,
    lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.
Masisiraan ng loob ang mga Egipcio,
    at guguluhin ko ang kanilang mga balak,
hihingi sila ng tulong sa mga diyus-diyosan,
    sa mga mangkukulam, sa mga nakikipag-usap sa espiritu ng patay at manghuhula.
Ibibigay ko ang Egipto sa kamay ng isang malupit na panginoon;
isang mabagsik na hari ang sasakop sa kanila.”
    Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihang Panginoon.

Bababaw ang tubig sa Ilog Nilo,
    at unti-unting matutuyo.
Babaho ang mga kanal,
    ang Ilog Nilo ng Egipto ay mauubusan ng tubig,
    at matutuyo rin ang mga tambo at mga talahib.
Malalanta ang mga halaman sa pampang ng Nilo,
itataboy ng hangin, at hindi na muling makikita.
Magluluksa ang mga mangingisda,
    at mananaghoy ang lahat ng namimingwit,
    ang mga naghahagis naman ng lambat ay manlulupaypay.
Manghihina ang loob ng mga gumagawa ng kasuotang linen;
10 manlulupaypay ang mga humahabi ng tela,
    at mawawalan ng pag-asa ang mga manggagawa.

11 Hangal kayong lahat, mga pinuno ng Zoan!
    Kayong matatalinong tagapayo ng Faraon, pawang walang saysay ang inyong ipinapayo.
Paano ninyo masasabi sa Faraon:
    “Ako'y mula sa lahi ng mga matatalino
    at ang mga ninuno ko'y hari noong unang panahon?”
12 Nasaan, Faraon, ang iyong mga matatalino?
    Bakit hindi nila sabihin sa iyo ngayon
    ang plano ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa Egipto?
13 Hangal ang mga pinuno ng Zoan,
    at baliw ang mga pinuno ng Memfis;
iniligaw nila ang Egipto tungo sa kapahamakan.
14 Ginulo ni Yahweh ang kanilang pag-iisip.
Iniligaw nila ang Egipto sa lahat nitong ginagawa,
    animo'y lasing itong pasuray-suray at nagsusuka habang daan.
15 Walang sinuman sa Egipto,
    dakila man o karaniwang tao ang makakapagbigay ng tulong.

Sasambahin na ng Egipto si Yahweh

16 Sa araw na iyon, ang mga Egipcio'y magiging parang mga babaing manginginig sa takot kapag iniunat na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang kamay upang sila'y parusahan. 17 Masisindak ang mga Egipcio sa mga taga-Juda marinig lamang nila ang pangalan nito, dahil sa balak ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa kanila.

18 Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo, at manunumpa sila sa pangalan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Isa sa mga lunsod na ito ay tatawaging Lunsod ng Araw.

19 Si Yahweh ay ipagtatayo sa Egipto ng isang altar at siya'y pararangalan sa pamamagitan ng isang haliging bato sa may hangganan ng lupain. 20 Iyan ang magiging palatandaan na si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kapag sila'y humingi ng tulong sa panahon ng pag-uusig. 21 Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at aalayan ng handog na susunugin. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ang mga iyon ay kanilang tutuparin. 22 Paparusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, ngunit sila nama'y kanyang aaliwin. Manunumbalik sila sa kanya at sila'y kanyang diringgin at pagagalingin.

23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng isang malawak na daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makakapunta sa Asiria ang mga Egipcio at ang mga taga-Asiria ay makakapunta sa Egipto; sila'y sama-samang sasamba.

24 Sa araw na iyon, ang Israel ay magiging kapanalig ng Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig. 25 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Pagpapalain kita Egipto na aking bayan; ikaw Asiria na aking itinatag, at ikaw Israel na aking pinili.”

Paparusahan ang Egipto at Etiopia

20 Noong taon na ang Asdod ay salakayin at sakupin ng pinakamataas na heneral na sinugo ni Haring Sargon ng Asiria, sinabi ni Yahweh kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit-panluksa at mag-alis ka ng sandalyas.” Gayon nga ang ginawa ni Isaias at lumakad siyang hubad at nakayapak. Pagkatapos, sinabi ni Yahweh, “Kung paanong ang lingkod kong si Isaias ay tatlong taóng lumalakad na hubad at nakayapak, bilang tanda ng mga mangyayari sa Egipto at Etiopia,[a] gayundin bibihagin ng hari ng Asiria ang mga Egipcio at mga taga-Etiopia. Matanda't bata'y kakaladkaring nakayapak at hubad na ang mga pigi ay nakalabas. O anong laking kahihiyan sa Egipto! Dahil dito'y manlulumo at masisiraan ng loob ang lahat ng nagtiwala sa Etiopia na kanilang inaasahan at sa Egipto na kanilang ipinagmamalaki. Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa baybaying-dagat, ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan! Sila pa naman ang inaasahan nating magtatanggol sa atin laban sa hari ng Asiria! Paano na tayo makakaligtas ngayon?’”

2 Pedro 1

Mula kay Simon Pedro, isang lingkod[a] at apostol ni Jesu-Cristo—

Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos

Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang[b] kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.

Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ngunit kung wala sa inyo ang mga ito, kayo ay parang bulag at hindi nakakakita, at nakalimot na nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan.

10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y malugod na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya, kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. 13 Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. 14 Alam kong malapit ko nang iwan ang katawang ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y pumanaw na.

Ang mga Saksi sa Kadakilaan ni Cristo

16 Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi namin ibinatay sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan ng aming mga mata ang kanyang kadakilaan 17 nang(A) tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok.

19 Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuti na ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. 20 Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, 21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.