Add parallel Print Page Options

Tungkol(A) sa Egipto, sa hukbo ni Faraon Neco na nilupig ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, samantalang sila'y nakahimpil sa may Ilog Eufrates sa Carquemis noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias:

“Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag,
    at sumugod sa digmaan!
Lagyan ninyo ng sapin ang mga kabayo, at sakyan ng mga mangangabayo.
Humanay kayo at isuot ang inyong helmet,
    ihasa ang inyong mga sibat,
    at magbihis ng mga gamit pandigma!
Ngunit ano itong aking nakikita?
Sila'y takot na takot na nagbabalik.
Nalupig ang kanilang mga kawal,
    at mabilis na tumakas;
    hindi sila lumilingon, sapagkat may panganib sa magkabi-kabila!
Ngunit hindi makakatakas kahit ang maliliksi,
    at hindi makalalayo ang mga kawal.
Sila'y nabuwal at namatay
    sa may Ilog Eufrates sa gawing hilaga.
Sino itong bumabangon katulad ng Nilo,
    gaya ng mga ilog na ang tubig ay malakas na umaalon?
Ang Egipto ang bumabangong tulad ng Nilo,
    gaya ng ilog na umaalon.
Sabi niya, ‘Ako'y babangon, aapawan ko ang lupa,
    wawasakin ang mga lunsod, at lilipulin ang mga naninirahan doon.
Lumusob kayo, mga mangangabayo!
    Sumugod kayong nasa mga karwahe!
Sumalakay kayo, mga mandirigma,
    mga lalaking taga-Etiopia[a] at Libya na bihasang humawak ng kalasag;
    kayo ring taga-Lud na sanay sa pagpana.’”

10 Ang araw na iyon ay araw ni Yahweh,
    ang Makapangyarihang Panginoon,
    araw ng paghihiganti niya sa mga kaaway.
Ang tabak ay parang gutom na kakain at hindi hihinto hanggang hindi busog,
    iinumin nito ang kanilang dugo.
At ihahandog ni Yahweh ang mga bangkay nila
    sa lupain sa hilaga, sa may Ilog Eufrates.
11 Umakyat ka sa Gilead, kumuha ka roon ng panlunas.
Walang bisa ang maraming gamot na ginamit mo;
    hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang kahihiyan mo,
    at umaalingawngaw sa sanlibutan ang iyong sigaw.
Natisod ang kawal sa kapwa kawal;
    sila'y magkasabay na nabuwal.

Sumalakay sa Egipto si Nebucadnezar

13 Ito(B) ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nebucadnezar upang salakayin ang Egipto.

14 “Ipahayag ninyo sa Egipto,
    sa Migdol, sa Memfis, at sa Tafnes:
‘Tumayo kayo at humanda,
    sapagkat ang tabak ang lilipol sa inyong lahat.’
15 Bakit tumakas ang itinuturing na malakas na diyus-diyosang si Apis?
    Bakit hindi siya makatayo?
    Sapagkat siya'y ibinagsak ni Yahweh.
16 Nalugmok ang maraming kawal;
    ang wika nila sa isa't isa,
‘Umurong na tayo sa ating bayan
    upang tayo'y makaiwas sa tabak ng kaaway.’

17 “Ang Faraon ng Egipto ay tawagin ninyong
    ‘Ang maingay na ugong na nagsasayang ng panahon.’
18 Sinasabi ng Hari na ang pangala'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
    Ako ang buháy na Diyos!
Gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
    at ng Carmelo sa may tabing-dagat,
gayon ang lakas ng isang sasalakay sa inyo.
19 Mga taga-Egipto, ihanda ninyo ang inyong sarili sa pagkabihag!
Mawawasak at guguho ang Memfis,
    at wala isa mang maninirahan doon.
20 Ang Egipto'y gaya ng isang magandang bakang dumalaga,
    ngunit dumating sa kanya ang isang salot buhat sa hilaga.
21 Pati ang kanyang mga upahang kawal
    ay parang mga guyang walang kayang magtanggol.
Nagbalik sila at magkakasamang tumakas,
    sapagkat sila'y hindi nakatagal.
Dumating na ang araw ng kanilang kapahamakan;
    oras na ng kanilang kaparusahan.
22 Siya'y dahan-dahang tumakas, gaya ng ahas na gumagapang na papalayo.
    Sapagkat dumating ang makapangyarihang kaaway,
may dalang mga palakol,
    tulad ng mamumutol ng mga punongkahoy.
23 Puputulin nito ang mga punongkahoy sa kanyang kagubatan, sabi ni Yahweh,
    bagama't ito'y mahirap pasukin;
mas marami sila kaysa mga balang,
    at halos hindi mabilang.
24 Mapapahiya ang mga taga-Egipto;
    ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”

25 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Paparusahan ko si Ammon na taga-Tebes, ang Faraon, ang Egipto at ang kanyang mga diyos at mga hari, at ang mga nagtitiwala kay Faraon. 26 Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pagkatapos, pananahanan ang Egipto gaya noong unang panahon.

Read full chapter

Footnotes

  1. Jeremias 46:9 TAGA-ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.

Ang Pahayag Laban sa Egipto

29 Noong(A) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.

“Sa(B) gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito. Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop. Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.

“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon. 10 Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.[a] 11 Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira. 12 Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”

13 Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila. 14 Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian. 15 Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Masasakop ang Egipto

17 Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin: 18 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala. 19 Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin. 21 Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Magiging Wakas ng Egipto

30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinapasabi ko:

Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating,
sapagkat malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh.
Magdidilim ang ulap sa araw na iyon, araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa.
Sisiklab ang digmaan sa Egipto.
Maghahari sa Etiopia[b] ang matinding dalamhati
kapag namatay na sa Egipto ang maraming tao,
sasamsamin ang kayamanan ng buong bansa
at iiwanan itong wasak.

“Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Mapapahamak ang lahat ng tutulong sa Egipto. Ang ipinagmamalaki niyang lakas ay ibabagsak. Mula sa Migdal hanggang Sevene lahat ay kasama niyang pupuksain sa pamamagitan ng tabak. Siya ay magiging pinakamapanglaw sa lahat ng lupain. At ang lunsod niya'y isang pook na wasak na wasak. Kapag ang Egipto ay akin nang tinupok at ang mga kakampi niya ay namatay nang lahat, makikilala nilang ako si Yahweh.

“Sa araw na iyon, ang mga tagapagbalita'y isusugo kong sakay ng mga sasakyang-dagat upang bigyang babala ang Etiopia na wala pa ring kabali-balisa. Sila'y paghaharian ng matinding kapighatian dahil sa pagkawasak na sasapitin ng Egipto; ang araw na iyon ay mabilis na dumarating.” 10 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang kasaganaan ng Egipto'y wawakasan ko na sa pamamagitan ng Haring Nebucadnezar. 11 Siya at ang malulupit niyang kawal ang susuguin ko upang wasakin ang Egipto. Tabak nila'y ipamumuksa sa buong lupain. Pagdating ng araw na iyon, makikitang naghambalang ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Tutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ang Egipto sa masasama. Wawasakin ng mga kaaway ang buong bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” 13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dudurugin ko ang mga diyus-diyosan nila. Gayon din ang gagawin ko sa mga rebulto sa Memfis. Wala nang tatayo na pinuno sa Egipto. Takot ang paghahariin ko sa buong lupain. 14 Ang dakong timog ng Egipto ay gagawin kong pook na mapanglaw. Susunugin ko ang Zoan sa hilaga at paparusahan ang punong-lunsod ng Tebez. 15 Ang galit ko'y ibubuhos sa bayan ng Pelusium na tanggulan ng Egipto. Sisirain ko ang kayamanan ng Tebez. 16 Tutupukin ko ang Egipto. Mamamahay ang Pelusium sa matinding pighati. Gigibain ang pader ng Tebez at babaha sa lupain. 17 Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag. 18 Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan. 19 Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.”

20 Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak. 22 Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak. 23 Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig. 24 Palalakasin ko ang pwersa ng hari ng Babilonia at aalisan ko naman ng kapangyarihan ang hari ng Egipto hanggang sa maging sugatan siya at umuungol na malugmok sa harapan ng hari ng Babilonia. 25 Pahihinain ko ang hari ng Egipto ngunit palalakasin ko naman ang hari ng Babilonia. Kapag itinuro niya sa Egipto ang tabak na ibibigay ko sa kanya, malalaman nilang ako si Yahweh. 26 Pangangalatin ko sa lahat ng bansa ang mga Egipcio at ipapatapon sa iba't ibang dako. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedar

31 Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan:

Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan?
Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon.
Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon.
Ang taas mo'y walang katulad.
Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap.
Sagana ka sa dilig;
may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo.
Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat.
Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat.
Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahon
sapagkat sagana nga sa tubig.
At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad.
Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop.
At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya.
Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan.
Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay.
Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig.
Hindi(C) ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos,
ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos.
Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga.
Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden.

10 Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya. 11 Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya. 12 Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya. 13 Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang. 14 Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.”

15 Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon. 16 Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon. 17 Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.

18 “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”

Itinulad sa Buwaya ang Faraon

32 Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa. Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan. Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop. Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay. Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo. Sa(D) pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag. Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.

“Maraming bansa ang magugulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala. 10 Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.” 11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia. 12 Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito. 14 Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa. 15 Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh. 16 Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Daigdig ng mga Patay

17 Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na. 19 Sabihin mo sa kanila,

“Hindi kayo nakahihigit sa iba.
Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman,
    kasama ng mga makasalanan.

20 “Mamamatay ang mga Egipcio, tulad ng mga namatay sa digmaan. Handa na ang tabak na papatay sa kanila. 21 Sila ay buong galak na tatanggapin sa daigdig ng mga patay ng mga bayaning Egipcio at lahat ng nakipaglaban sa panig ng Egipto. Sasabihin nila, ‘Narito na ang mga makasalanang kawal na napatay sa labanan; mamamahinga na ring tulad natin.’

22 “Naroon ang Asiria, napapaligiran ng mga libingan ng kanyang mga tauhan na pawang namatay sa digmaan. 23 Ang puntod niya'y naroon sa kaloob-looban ng walang hanggang kalaliman, napapaligiran ng kanyang mga kawal na napatay sa labanan. Naghasik sila ng takot sa daigdig noong sila'y nabubuhay pa.

24 “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon. 25 Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan.

26 “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig. 27 Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay. 28 Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

29 “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

30 “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.

31 “Kapag nakita sila ng Faraon, makadarama siya ng kasiyahan, pagkat siya man at ang kanyang buong hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak. 32 Hinayaan ko ang hari ng Egipto na magpunla ng sindak sa mga buháy. Ngunit mamamatay din siya at ang lahat niyang kawal at masasama sa mga hindi tuli na napatay sa digmaan. Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito.”

Footnotes

  1. Ezekiel 29:10 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
  2. Ezekiel 30:4 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.