M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tungkod ni Aaron
17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang pinuno ng bawat lipi ay magbigay sa iyo ng tig-iisang tungkod. Isusulat nila ang kanilang mga pangalan dito. 3 Ang pangalan ni Aaron ang isusulat mo sa tungkod ng lipi ni Levi sapagkat bawat pinuno ng lipi ay dapat magkaroon ng iisa lamang tungkod. 4 Ilalagay mo ang mga tungkod na iyon sa loob ng Toldang Tipanan sa harap ng Kaban ng Tipan, sa lugar kung saan kita kinatatagpo. 5 Ang tungkod ng taong aking pinili ay mamumulaklak. Sa ganoon, matitigil na ang pagrereklamo nila laban sa iyo.”
6 Ganoon nga ang sinabi ni Moises at nagbigay sa kanya ng tungkod ang mga pinuno ng bawat lipi. Labindalawa lahat pati ang tungkod ni Aaron. 7 Ang mga ito'y inilagay ni Moises sa harapan ni Yahweh, sa loob ng Toldang Tipanan.
8 Kinabukasan,(A) nang pumasok sa Toldang Tipanan si Moises, nakita niyang may usbong ang tungkod ni Aaron. Bukod sa usbong, namulaklak pa ito at namunga ng hinog na almendra. 9 Inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita sa mga Israelita. Nakita nila ang nangyari, at kinuha na ng mga pinuno ang kani-kanilang tungkod. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibalik mo sa harap ng Kaban ng Tipan ang tungkod ni Aaron upang maging babala sa mga naghihimagsik. Mamamatay sila kung hindi sila titigil ng karereklamo.” 11 Ginawa nga ito ni Moises ayon sa iniutos ni Yahweh.
12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mapapahamak kami! Mauubos kaming lahat! 13 Kung mamamatay ang bawat lumapit sa Toldang Tipanan ni Yahweh, mamamatay kaming lahat!”
Ang Tungkulin ng mga Pari at mga Levita
18 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, at ang lipi ni Levi ang may pananagutan sa lahat ng gawain sa Toldang Tipanan. Ngunit sa mga gawain ng pari, ikaw at ang iyong mga anak na lalaki lamang ang mangangasiwa. 2 Ang mga kamag-anak ninyong mga Levita ang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak sa inyong paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. 3 Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay. 4 Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon. 5 Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel. 6 Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan. 7 Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.”
Ang Bahagi ng mga Pari
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon. 9 Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan. 10 Ito ay ituturing ninyong ganap na sagrado at kakainin ninyo sa isang banal na lugar. Ang mga lalaki lamang sa inyong sambahayan ang maaaring kumain nito.
11 “Para sa iyo rin at sa iyong sambahayan ang kanilang mga natatanging handog. Lahat ng iyong kasambahay, lalaki at babaing malinis ayon sa Kautusan ay maaaring kumain nito.
12 “Ibinibigay ko rin sa iyo ang pinakamainam sa lahat ng unang bunga ng halaman na ihahandog nila sa akin, gayundin ang langis, alak at pagkain. 13 Ang lahat ng iyan ay para sa inyo at maaaring kainin ng sinumang kasambahay mo na malinis ayon sa Kautusan.
14 “Lahat(B) ng mga bagay na lubos na naialay ng mga Israelita kay Yahweh ay nauukol sa iyo.
15 “Lahat ng panganay, maging tao o hayop na pawang nakatalaga sa akin ay mauuwi sa iyo. Ngunit ang panganay na Israelita at ang panganay ng mga hayop na marurumi ayon sa Kautusan ay tutubusin nila 16 isang buwan matapos isilang. Ang tubos sa bawat isa ay limang pirasong pilak, ayon sa timbangan ng templo. 17 Ang panganay na baka, tupa o kambing ay hindi na tutubusin. Ang mga ito ay ilalaan sa akin. Ang dugo ng mga ito'y iwiwisik mo sa altar. Susunugin mo naman ang kanilang taba upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin. 18 Para sa iyo rin ang pitso at ang kanang hita ng kanilang mga handog.
19 “Lahat ng tanging handog nila sa akin ay nauukol sa iyong sambahayan. Ito'y isang di-masisirang kasunduan ko sa iyo at sa iyong mga anak at sa magiging anak pa nila.”
20 Sinabi pa ni Yahweh kay Aaron, “Hindi ka na bibigyan ng bahagi sa lupaing ibibigay ko sa kanila; ako mismo ang iyong pinakabahagi at ang iyong mana.
Ang Bahagi ng mga Levita
21 “Ang(C) bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi na ibibigay ng Israel, at ito ang nauukol sa kanilang paglilingkod sa Toldang Tipanan. 22 Mula ngayon, ang mga taong-bayan ay hindi na maaaring lumapit sa Toldang Tipanan, kundi'y magkakasala sila at mamamatay. 23 Ang mga Levita lamang ang gaganap ng anumang paglilingkod sa Toldang Tipanan at pananagutan nila ito. Ito ay tuntuning susundin habang panahon sa lahat ng inyong salinlahi. Subalit walang kaparteng lupa ang mga Levita sa Israel 24 sapagkat ang bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi ng buong Israel, kaya ko sinabing wala silang kaparte sa Israel.”
Dapat ding Maghandog ng Ikasampung Bahagi ang mga Levita
25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Sabihin mo sa mga Levita, ‘Pagtanggap ninyo sa ikasampung bahagi ng mga Israelita, ihahandog ninyo kay Yahweh ang ikasampung bahagi noon, samakatuwid ay ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi. 27 Ang handog ninyong ito ay siyang katumbas ng handog ng ibang lipi mula sa ani ng kanilang mga bukirin at ubasan. 28 Sa gayong paraan, kayo man ay maghahandog ng ikasampung bahagi kay Yahweh sa pamamagitan ng ikasampung bahagi ng tinatanggap ninyo sa mga Israelita. Iyon naman ay ibibigay kay Aaron. 29 Ang pinakamainam sa handog na tinatanggap ninyo ang inyong ihahandog para kay Yahweh.’ 30 Kaya, sabihin mo sa kanila na pagkatapos ibukod ang pinakamainam na bahagi ng ikasampung bahagi ng buong Israel, ang matitira'y kanila na. Iyan ang siyang katumbas ng inaani ng ibang lipi sa kanilang mga bukirin at ubasan. 31 At maaari nilang kainin iyon kahit saan, pati ng kanilang sambahayan sapagkat iyon ang kabayaran sa kanila sa paglilingkod nila sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ng matitira kapag naibukod na ninyo ang pinakamaiinam. Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay.”
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Unang Babala kay Ahaz
7 Nang(A) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. 2 Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.
3 Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[a] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. 4 Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ 5 Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:
6 ‘Lusubin natin ang Juda,
at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
7 Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
8 Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
9 Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”
Ang Palatandaan ng Emmanuel
10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”
13 At sinabi ni Isaias:
“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(B) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[b]
at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[c]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
at gumawa ng mabuti,
ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
sa mga lungga ng malalaking bato,
at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”
1 Mula(A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:
Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos[b] na nakikipamayan sa iba't ibang bansa.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga(B) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit(C) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
Ang Mahirap at ang Mayaman
9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(D) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
Ang Pagsubok at ang Pagtukso
12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[c] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag(E) sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagsasagawa
19 Mga(F) kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. 20 Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo.
22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.
26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.