Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 4

Nanawagan si Moises na Maging Masunurin ang Israel

“Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos. Huwag(A) ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh. Nakita(B) ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon.

“Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’

“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babaliwalain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai:[a] ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’

11 “At(C) kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. 12 Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. 13 Ipinahayag(D) niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. 14 Noon,(E) iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo.

Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

15 “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai,[b] wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. 16 Huwag(F) kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, 17 hayop(G) sa ibabaw ng lupa, ibon, 18 ng anumang gumagapang o ng anumang isda. 19 Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. 20 Iniligtas(H) kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. 21 Nagalit(I) sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. 23 Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. 24 Sapagkat(J) si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.

25 “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. 26 Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. 27 Paghihiwa-hiwalayin(K) kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. 28 At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. 29 Gayunman,(L) matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. 30 Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. 31 Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno.

32 “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? 33 Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? 34 Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? 35 Ang(M) mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. 36 Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. 37 At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. 38 Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. 39 Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. 40 Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.”

Ang mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan

41 Pagkatapos,(N) pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan 42 upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay. 43 Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases.

Paunang Salita tungkol sa Kautusan

44 Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, 45 mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto. 46 Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto. 47 Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan. 48 Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon, 49 sakop din ang buong Araba sa silangan ng Jordan, hanggang sa baybayin ng Dagat na Patay sa paanan ng Bundok ng Pisga.

Mga Awit 86-87

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Isaias 32

Ang Matuwid na Hari

32 Makikita ninyo, may haring mamamahala nang matuwid,
    at mga pinunong magpapairal ng katarungan.
Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin
    at pananggalang sa nagngangalit na bagyo;
ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain,
    parang malaking batong kublihan sa disyerto!
Mabubuksan ang kanilang mga mata at tainga
    sa pangangailangan ng mga tao.
Magiging matiyaga na sila at maunawain sa bawat kilos,
    magiging matapat sila sa kanilang sasabihin.
Ang mga hangal ay hindi na tatawaging dakila;
    o kaya'y sasabihing tapat ang mga sinungaling.
Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan,
    at puro kasamaan ang kanyang iniisip;
paglapastangan kay Yahweh ang ginagawa niya't sinasabi.
Minsan ma'y hindi siya nagpakain ng nagugutom
    o nagpainom ng nauuhaw.
Masama ang gawain ng taong hangal.
Ipinapahamak nila ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan,
    at gumagawa ng paraan upang hindi pakinabangan ang kanilang karapatan.
Ngunit ang taong marangal ay gumagawa ng tapat,
    at naninindigan sa kung ano ang tama.

Paghatol at Pagpapanumbalik

Kayong mga babaing pabaya,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin.
10 Pagkalipas ng isang taon
    mabibigo na kayo,
sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas.
11 Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya
    at nagwalang bahala.
Maghubad kayo ng inyong kasuotan,
    at magsuot ng damit-panluksa.
12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan
    sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan.
13 Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag.
Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan,
    at lunsod na noo'y puno ng kagalakan.
14 Pati ang palasyo ay pababayaan
    at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao.
Ang mga burol at tore ay guguho;
ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno
    at pastulan ng mga tupa.

15 Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos.
    Ang disyerto ay magiging matabang lupa
    at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
16 Ang katarungan at katuwiran
    ay maghahari sa buong lupain.
17 Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan;
    at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
18 Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa,
    ligtas, at tahimik na pamayanan.
19 Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan
    at mapatag ang kabundukan.
20 Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim
    at malawak na pastulan ng mga baka at asno.

Pahayag 2

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Efeso

“Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso:

“Ito ang sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. Alam ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapagal at matiyagang pagtitiis. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasamang tao. Sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y apostol, at napatunayan mong sila'y huwad. Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: iniwan mo na ang pag-ibig mo noong una. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita.

“Ang(A) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Sa magtatagumpay ay ibibigay ko ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy ng buhay na nasa Paraiso ng Diyos.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna

“Isulat(B) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:

“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.

11 “Ang(C) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo

12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:

“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(D) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.

17 “Ang(E) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Tiatira

18 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:

“Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit(F) ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin(G) ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.

24 “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, 25 ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. 26 Sa(H) magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.

29 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.