Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 23

23 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magdala ka rito ng pitong toro at pitong tupa.” Ganoon nga ang ginawa ni Balac. At silang dalawa ay naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Bantayan mo ang mga handog na ito. Aalis muna ako at baka sakaling makipagkita na sa akin si Yahweh. Anumang sabihin niya sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” At nagpunta siyang mag-isa sa tuktok ng isang burol.

Pinagpala ni Balaam ang Israel

Nakipagkita nga kay Balaam ang Diyos. Sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar at bawat isa'y pinaghandugan ko ng isang toro at isang lalaking tupa.” May sinabi kay Balaam si Yahweh. Pagkatapos, pinabalik ito kay Balac. Nadatnan niya si Balac at ang mga pinuno sa paligid ng handog na sinusunog. Sinabi ni Balaam,

“Mula sa Aram, sa bulubundukin sa silangan,
ipinatawag ako ni Balac na hari ng Moab.
Ang sabi niya sa akin, ‘Halika't ang bansa ni Jacob ay iyong sumpain.
Halika't itakwil mo ang bansang Israel!’
Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain?
Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil?
Mula sa tuktok ng mga bundok sila'y aking natatanaw,
nakikita ko silang lahat mula sa kaburulan.
Sila'y isang bansang namumuhay na mag-isa,
alam nilang sila'y mapalad kaysa mga iba!
10 Ang lahi ni Jacob, alabok ang kagaya;
kung ang Israel ay bilangin, ito ba'y makakaya?
Mamatay nawa akong gaya ng anak ng Diyos;
sa kapayapaan ng matuwid, buhay ko nawa'y matapos!”

11 Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!”

12 Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.”

13 Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” 14 At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa.

15 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.”

16 Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. 17 Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?”

18 Sinabi ni Balaam,

“Makinig ka, Balac, dinggin mo ako,
anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo:
19 Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao.
Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin,
kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
20 Ang utos sa akin, sila'y pagpalain;
ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin.
21 Sa Israel ay wala akong makitang kasawian,
sa kanila ay wala ring kapahamakan.
Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama,
ipinapahayag nilang siya ang hari nila.
22 Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto,
sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro.
23 Si Jacob ay hindi makakayang kulamin,
ang Israel ay hindi maaaring sumpain.
Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao:
‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’
24 Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon,
hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon
at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.”

25 Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.”

26 Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?”

27 Sinabi ni Balac, “Halika. Lumipat tayo ng lugar at baka ipahintulot na ng Diyos na sumpain mo roon ang mga Israelita.” 28 At magkasama silang nagpunta sa tuktok ng Peor, kung saan natatanaw nila ang ilang.

29 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magpakuha ng pitong toro at pitong tupa.” 30 Gayon nga ang ginawa ni Balac. Bawat altar ay hinandugan niya ng tig-iisang toro at tig-iisang lalaking tupa.

Mga Awit 64-65

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

64 O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan,
    sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan;
ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
    niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
    tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
    at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
    kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
    “Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!

Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
    walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
    at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
    ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
    magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.

Pagpupuri at Pagpapasalamat

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
    dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
    pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
    Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
    gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
    silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
    dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.

Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
    sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
    may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
    dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
    pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
    maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
    natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
    buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
    umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
    sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10     Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
    ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
    kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
    at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
    naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
    at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

Isaias 13

Paparusahan ng Diyos ang Babilonia

13 Narito(A) ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Babilonia, sa isang pangitain na nakita ni Isaias na anak ni Amoz:

Itayo mo ang isang bandila sa tuktok ng burol,
    isigaw sa mga kawal ang hudyat ng paglusob,
lusubin ang mga pintuan ng palalong lunsod.
Inutusan ko na ang aking mga piling kawal,
tinawagan ko na ang magigiting kong mandirigma. Malalakas sila at masisigla,
    upang ipalasap ang aking galit.

Pakinggan ninyo ang nagkakagulong ingay sa kabundukan
    dahil sa dami ng tao.
Pakinggan ninyo ang ugong ng mga kaharian,
    ng mga bansang nagkakatipon!
Inihahanda na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang kanyang mga hukbo para sa isang digmaan.
Dumarating sila buhat sa malayong lupain,
    buhat sa dulo ng daigdig.
Dumarating na si Yahweh,
    upang wasakin ang buong lupain dahil sa kanyang poot.

Manangis(B) kayo sapagkat malapit na ang araw ni Yahweh,
    darating na ang araw ng pangwawasak ng Diyos na Makapangyarihan.
Sa araw na iyon, manghihina ang lahat ng kamay.
    Manlulupaypay ang lahat ng tao,
    ang lahat ng tao'y masisindak,
at manginginig sa takot,
    makadarama sila ng paghihirap, tulad ng isang babaing manganganak.
Matatakot sila sa isa't isa;
    mamumula ang kanilang mukha dahil sa kahihiyan.
Dumarating na ang araw ni Yahweh,
    malupit ito at nag-aalab sa matinding poot,
upang wasakin ang lupain
    at ang masasama ay lipulin.
10 Hindi(C) na magniningning
    ang liwanag ng mga bituin sa kalangitan,
magiging madilim ang araw sa pagsikat,
    pati ang buwan ay hindi na magsasabog ng liwanag.

11 “Paparusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito,
    at ang masasama dahil sa kanilang kasalanan;
wawakasan ko na ang pagmamataas ng mga palalo,
    at puputulin ko na ang kayabangan ng mga walang awa.
12 Kaunti lamang ang ititira kong tao
    at magiging mahirap pa silang hanapin kaysa gintong lantay na galing sa Ofir.
13 Kaya nga yayanigin ko ang kalangitan,
    at ang lupa ay malilihis sa kinalalagyan nito,
sa araw na isinabog ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang kanyang matinding poot.
14 Parang usang hinahabol,
    parang tupang walang pastol,
ang mga tao'y babalik sa kani-kanilang bayan,
    sila ay tatakas pabalik sa sariling lupain.
15 Ang bawat mahuli'y papatayin sa pamamagitan ng tabak.
16 Sa harapan nila'y
    luluray-lurayin ang kanilang mga sanggol,
lilimasin ang mga ari-arian sa kanilang mga tahanan,
    at ang kanilang mga asawa'y pagsasamantalahan.”
17 Sinabi pa ni Yahweh,
“Ipasasalakay ko sila sa mga taga-Media,
    mga taong walang pagpapahalaga sa pilak
    at di natutukso sa ginto.
18 Papatayin nila sa pamamagitan ng pana ang mga kabataang lalaki,
    hindi nila kahahabagan ang mga sanggol at mga bata.
19 Ang(D) Babilonia, na pinakamaganda sa mga kaharian,
    ang kayamanang ipinagmamalaki ng mga taga-Babilonia,
ay pababagsakin ng Diyos
    tulad sa Sodoma at Gomorra.
20 Wala nang taong maninirahan doon kahit kailan,
wala nang Arabong magtatayo ng tolda roon,
    wala nang pastol na mag-aalaga ng tupa doon.
21 Mga(E) hayop na maiilap ang mananahan doon,
    titirhan ng mga ostrits ang kanyang mga bahay,
pagtataguan ang mga iyon ng mga ostrits
    at maglulundagan doon ang mga maiilap na kambing.
22 Aatungal ang mga hiyena sa kanyang mga tore,
    aalulong ang mga asong-gubat sa kanyang mga palasyo.
Nalalapit na ang wakas ng Babilonia,
    hindi na siya magtatagal.”

1 Pedro 1

Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—

Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan.

Isang Buháy na Pag-asa

Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.

Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.

10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.

Paanyaya sa Banal na Pamumuhay

13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”

17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(B) sa kasulatan,

“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25     ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”

Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.