Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 14

Naghimagsik kay Yahweh ang Israel

14 Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik.

Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Huwag(A) lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” 10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.

Nanalangin si Moises para sa Bayan

11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”

13 Sumagot(B) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(C) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”

20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(D) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(E) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. 25 Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula.[a] Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”

Ang Parusa sa Israel

26 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? 28 Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. 29 Mamamatay(F) kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, 30 isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. 31 Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. 32 Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. 33 Ang(G) mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. 34 Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ 35 Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

Namatay ang Sampung Masamang Espiya

36 At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel 37 ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot. 38 Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

Nalupig ang Israel sa Horma(H)

39 Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan. 40 Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan? 42 Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh. 43 Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.”

44 Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises. 45 Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma.

Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Isaias 3-4

Kaguluhan sa Jerusalem

Aalisin na ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    sa Jerusalem at sa Juda
ang lahat nilang ikinabubuhay at pangangailangan:
    ang tinapay at ang tubig;
ang magigiting na bayani at ang mga kawal;
    ang mga hukom at mga propeta,
    ang mga manghuhula at ang matatandang pinuno;
ang mga opisyal ng sandatahang lakas
    ang mga pinuno ng pamahalaan;
    ang kanilang mga tagapayo, at ang mahuhusay na salamangkero,
    gayundin ang mga bihasa sa mga agimat.
Ang mamumuno sa kanila'y mga musmos na bata,
    mga sanggol ang sa kanila'y mamamahala.
Aapihin ng bawat tao ang kanyang kapwa,
hindi igagalang ng kabataan ang matatanda,
    maging ang hamak ay lalaban sa nakatataas sa kanya.

Darating ang araw na pupuntahan ng isang tao
    ang kanyang kapatid sa mismong bahay ng kanilang ama upang sabihin:
“Mayroon kang balabal kaya ikaw na ang mamuno sa amin,
    ikaw na ang mamahala sa gumuho nating kabuhayan.”
Ngunit tututol ito at sasabihin:
“Hindi ko kayo matutulungan;
    wala kahit tinapay o balabal sa aking bahay.
Huwag ninyo akong pamahalain sa ating bayan.”
Gumuho na ang Jerusalem at bumagsak na ang Juda,
sapagkat sumuway sila kay Yahweh, sa salita at sa gawa,
    nilapastangan nila ang kanyang maningning na kalagayan.

Ang pagkiling nila sa iba ay katibayan laban sa kanila.
    Gaya ng Sodoma, hayagan sila kung magkasala.
    Hindi nila ito itinatago!
Kawawang mga tao!
    Sila na rin ang nagpahamak sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa mga taong matuwid: “Mapalad kayo
    sapagkat mapapakinabangan ninyo ang bunga ng inyong pinagpaguran!”
11 At sa masasamang tao: “Kawawa naman kayo! Ang sasapitin ninyo'y kapahamakan,
    kung ano ang inyong inutang ay siya ring kabayaran, kung ano ang inyong ginawa, gayundin ang gagawin sa inyo.”
12 Mga bata ang umaapi sa aking bayan;
    mga babae ang namumuno sa kanila.[a]
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
    nililito nila kayo sa daang inyong nilalakaran.

Hinatulan ng Diyos ang Kanyang Bayan

13 Nakahanda na si Yahweh upang ibigay ang kanyang panig,
    nakatayo na siya upang hatulan ang kanyang bayan.[b]
14 Ipapataw na ni Yahweh ang kanyang hatol sa matatanda
    at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Ubasan ng mahihirap inyong sinamsam,
    inyong mga tahanan puro nakaw ang laman.
15 Bakit ninyo inaapi ang aking bayan
    at sinisikil ang mahihirap?” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.

Babala sa Kababaihan ng Jerusalem

16 At sinabi ni Yahweh,
“Palalo ang mga anak na babae ng Jerusalem,
    taas-noo kung lumakad,
    pasulyap-sulyap kung tumingin,
pakendeng-kendeng kung humakbang,
    at pinakakalansing pa ang mga alahas sa paa.
17 Dahil diyan, pagsusugatin ni Yahweh
    ang kanilang ulo hanggang sa sila'y makalbo.”

18 Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg; 19 ang mga kuwintas, pulseras at bandana; 20 ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat; 21 ang mga singsing sa daliri at sa ilong; 22 ang mamahaling damit, balabal, kapa at pitaka; 23 ang maninipis nilang damit, mga kasuotang lino, turbante, at belo.

24 Ang dating mabango ay aalingasaw sa baho,
    lubid ang ibibigkis sa halip na mamahaling sinturon;
ang maayos na buhok ay makakalbo,
    ang magagarang damit ay papalitan ng sako;
    ang kagandahan ay magiging kahihiyan.
25 Mamamatay sa tabak ang inyong mga kalalakihan,
    at ang magigiting ninyong kawal sa digmaan.
26 Magkakaroon ng panaghoy at iyakan sa mga pintuang-lunsod,
    at ang mismong lunsod ay matutulad sa isang babaing hubad na nakalupasay sa lupa.

Sa araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila: “Kami na ang bahala sa aming kakainin at isusuot na damit; pakasalan mo lamang kami para mawala ang kahihiyang taglay namin sapagkat kami'y walang asawa.”

Muling Itatatag ang Jerusalem

Pagdating ng araw na iyon, pasasaganain at pauunlarin ni Yahweh ang lahat ng nanatiling tapat sa kanyang bayan, at ang bunga ng lupain ay magiging dangal at hiyas ng mga nakaligtas na tao sa Israel. Tatawaging banal ang mga matitirang buháy sa Jerusalem, silang mga pinili ng Diyos upang mabuhay. Sa pamamagitan ng makatarungang paghatol, huhugasan ni Yahweh ang karumihan ng Jerusalem at ang dugong nabuhos doon. Pagkatapos,(A) lilikha si Yahweh ng isang ulap kung araw na lililim sa Bundok ng Zion at sa mga nagkakatipon roon at magiging maliwanag na ningas kung gabi. Lalaganap ang kanyang kaluwalhatian gaya ng isang malawak na bubong na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan kapag may bagyo at ulan.

Mga Hebreo 11

Ang Pananampalataya sa Diyos

11 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan(A) ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya.

Dahil(B) sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.

Dahil(C) sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Dahil(D) sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

Dahil(E) sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.

Dahil(F) sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil(G) din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. 10 Sapagkat umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.

11 Dahil(H) din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako.[a] 12 Kaya't(I) sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng di mabilang na buhangin sa dalampasigan.

13 Silang(J) lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.

17 Nang(K) subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na(L) kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

20 Dahil(M) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.

21 Dahil(N) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.

22 Dahil(O) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.

23 Dahil(P) sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil(Q) sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.

27 Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil(R) din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.

29 Dahil(S) sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.

30 Dahil(T) sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil(U) sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.

32 Magpapatuloy(V) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(W) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(X) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(Y) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.

May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(Z) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(AA) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[b] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.

39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.