Chronological
24 Nang panahon ng paghahari ni Jehoyakim, nilusob ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Juda at sa loob ng tatlong taon napasailalim sa kanyang pamamahala si Jehoyakim. Pero sa huli nagrebelde siya kay Nebucadnezar. 2 Ipinadala ng Panginoon ang mga taga-Babilonia,[a] taga-Aram, taga-Moab at taga-Ammon para lusubin ang Juda, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. 3 Nangyari ito sa Juda ayon sa iniutos ng Panginoon, para mapalayas niya ang mga ito sa harapan niya, dahil sa mga kasalanang ginawa ni Manase. 4 Ang pagpatay niya sa mga inosenteng tao at ang pagdanak ng dugo nito sa Jerusalem ay hindi mapapatawad ng Panginoon.
5 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 6 Nang mamatay si Jehoyakim, ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.
7 Hindi na muling lumusob ang hari ng Egipto, dahil sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng teritoryo nito, mula sa Lambak ng Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates.
Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda(A)
8 Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Nehusta na taga-Jerusalem at anak ni Elnatan. 9 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Jehoyakim.
10 Nang panahon ng paghahari niya, ang mga opisyal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem at pinalibutan ito. 11 Pumunta si Nebucadnezar sa Jerusalem habang pinalilibutan ng kanyang mga tauhan ang buong lungsod. 12 At sumuko sa kanya si Haring Jehoyakin kasama ang kanyang ina, mga lingkod, mga tanyag na tao at mga opisyal.
Nang ikawalong taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, binihag niya si Jehoyakin. 13 Ayon sa sinabi noon ng Panginoon, kinuha ni Nebucadnezar ang lahat ng kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang lahat ng gintong kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa templo ng Panginoon. 14 At binihag niya ang 10,000 naninirahan sa Jerusalem, kasama ang lahat ng opisyal, pinakamahuhusay na sundalo, lahat ng mahuhusay na manggagawa at mga panday. Ang pinakamahihirap na tao lang ang natira.
15 Binihag ni Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia, pati ang kanyang ina, mga asawa, mga opisyal at ang mga tanyag na tao sa Juda. 16 Binihag din ni Nebucadnezar ang 7,000 pinakamatatapang na sundalo, 1,000 mahuhusay na manggagawa at mga panday na mga sundalo rin. 17 Ang ipinalit niya bilang hari ay si Matania na tiyuhin ni Jehoyakin. At pinalitan niya ang pangalan ni Matania na Zedekia.
Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(B)
18 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 19 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ni Jehoyakim. 20 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem(C)
Nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia.
25 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia, lumusob si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong sundalo niya sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng mga lupa sa gilid ng pader nito para makasampa sila. 2 Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.
3 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. 4 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan,[b] 5 pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya, 6 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, at doon siya hinatulan. 7 Pinatay sa harapan niya ang mga anak niyang lalaki. Dinukit ang mga mata niya, at nakakadena siyang dinala sa Babilonia.
Giniba ang Templo(D)
8 Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na kumander ng mga guwardya ng hari ng Babilonia. 9 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem at ang lahat ng mahahalagang gusali. 10 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 11 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 12 Pero itinira niya ang iba sa pinakamahihirap na tao para mag-alaga sa mga ubasan at bukirin.
13 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga kagamitan sa templo ng Panginoon: ang mga haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-iigib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila ang mga tanso sa Babilonia. 14 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 15 Kinuha rin ni Nebuzaradan ang mga lalagyan ng baga, mga mangkok at ang iba pang mga gamit na ginto at pilak. 16 Hindi matimbang ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, at sa mga kariton na ginagamit sa pag-iigib ng tubig. Ito ang mga bagay na ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 17 Ang bawat haligi ay may taas na 27 talampakan. Ang dalawang tanso na ulo ng bawat haligi ay may taas na apat at kalahating talampakan. Pinaikutan ito ng mga kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ng dekorasyong tanso, na hugis prutas na pomegranata.
18 Binihag din ni Nebuzaradan ang punong pari na si Seraya, si Zefanias na sumunod sa posisyon ni Seraya at ang tatlong guwardya ng pintuan ng templo. 19 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang limang tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 20 Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 21 na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
Si Gedalia na Gobernador ng Juda(E)
22 Pinili ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan bilang gobernador ng mga naiwang tao sa Juda. 23 Nang marinig ito ng mga opisyal ng Juda at ng mga tauhan nila, pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. Sila ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan na anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet na taga-Netofa, Jaazania na taga-Maaca, at ang kanilang mga tauhan. 24 Nanumpa si Gedalia sa kanila at sa mga tauhan nila, “Huwag kayong matakot sa mga opisyal ng Babilonia. Manirahan lang kayo rito at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia at walang mangyayari sa inyo.”
25 Pero, nang ikapitong buwan nang taon na iyon, si Ishmael na anak ni Netania at apo ni Elishama, na miyembro ng sambahayan ng hari ay pumunta sa Mizpa. Kasama ang sampung tao, pinatay nila si Gedalia at ang mga kasama nitong taga-Juda at taga-Babilonia. 26 Dahil dito, lahat ng tao sa Juda mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa, pati ang mga opisyal ng mga sundalo ay tumakas papuntang Egipto dahil natakot sila sa maaaring gawin sa kanila ng mga taga-Babilonia.
Pinakawalan si Jehoyakin(F)
27 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-27 araw ng ika-12 buwan ng taong ding iyon. 28 Mabait siya kay Jehoyakin at pinarangalan niya ito higit sa ibang mga hari na binihag din sa Babilonia. 29 Kaya hindi na nagsuot si Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 30 Araw-araw siyang binibigyan ng hari ng mga pangangailangan niya habang siyaʼy nabubuhay.
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(A)
36 Ang anak ni Josia na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem. 2 Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. 3 Tinanggal siya sa kanyang trono ni Haring Neco ng Egipto, at pinagbayad ni Neco ang mga taga-Juda ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. 4 Dinalang bihag ni Neco si Jehoahaz sa Egipto, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem si Eliakim na kapatid ni Jehoahaz. Pinalitan niya ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim.
Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(B)
5 Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. 6 Nilusob siya ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 7 Dinala rin ni Nebucadnezar sa Babilonia ang ibang mga kagamitan ng templo ng Panginoon at inilagay sa kanyang palasyo.[a]
8 Ang ibang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim at ang mga kasuklam-suklam at masasamang bagay na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. At ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda(C)
9 Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 10 Sa pagsisimula ng taon, binihag ni Haring Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia. Pinagkukuha niya ang mga mamahaling ari-arian sa templo ng Panginoon, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem ang tiyuhin ni Jehoyakin na si Zedekia.
Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(D)
11 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. 12 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios at hindi siya nagpakumbaba kay Jeremias na propeta ng Panginoon. 13 Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Dios na hindi siya maghihimagsik sa kanya. Naging matigas ang puso ni Zedekia, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 14 Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay hindi naging tapat sa Dios. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang templo ng Panginoon, na itinalagang banal sa Jerusalem.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem(E)
15 Laging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang templo. 16 Pero hinamak nila ang mga propeta ng Dios, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya. 17 Ipinalusob niya ang mga taga-Babilonia sa kanila. Pinatay ng mga taga-Babilonia ang kanilang mga kabataang lalaki kahit sa templo. Wala silang awa kahit kaninuman, lalaki man o babae, bata man o matanda, sakitin man o hindi. Ipinaubaya ng Dios ang lahat niyang mamamayan kay Nebucadnezar. 18 Dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia ang lahat ng kagamitan sa templo ng Dios, maliliit at malalaki, at ang lahat ng kayamanan ng templo, ng hari, at ng kanyang mga opisyal. 19 Pagkatapos, sinunog nila ang templo ng Dios at tinibag ang pader ng Jerusalem. Sinunog din nila ang lahat ng matitibay na bahagi ng lungsod, at giniba ang lahat ng mamahaling bagay. 20 Dinalang bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia ang mga Israelita na hindi namatay, at ang mga ito ay naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa naging makapangyarihan ang kaharian ng Persia. 21 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias, na magiging mapanglaw ang lupain at makakapagpahinga ito sa loob ng 70 taon.
Pinabalik ni Cyrus ang mga Israelita sa Kanilang Lupain(F)
22 Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa kanyang buong kaharian. 23 Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:
“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at pinagkatiwalaan niya ako sa pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. Kayong lahat ng mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa inyong lupain. At nawaʼy samahan kayo ng Panginoon.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®