Chronological
Ang mga Recabita
35 Noong si Jehoyakim na anak ni Josia ang hari sa Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Pumunta ka sa sambahayan ng mga Recabita at sabihin mo sa kanilang pumunta sila sa isa sa mga silid ng templo at painumin mo sila ng alak.”
3 Kaya pinuntahan ko si Jaazania (anak siya ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak ni Habazinia) at ang lahat ng kapatid at anak niya. Sila ang buong sambahayan ng mga Recabita. 4 Dinala ko sila sa templo ng Panginoon, doon sa silid ng mga anak na lalaki ni Hanan na anak ni Igdalia na lingkod ng Dios. Ang silid na ito ay nasa tapat ng silid ng mga pinuno at nasa itaas ng silid ni Maaseya na anak ni Shalum, na guwardya ng pintuan ng templo. 5 Pagkatapos, naglagay ako ng mga lalagyang puno ng alak at mga tasa sa harap ng mga Recabita, at sinabi kong magsiinom sila.
6 Pero sumagot sila, “Hindi kami umiinom ng alak. Iniutos sa amin ng ninuno naming si Jonadab na anak ng pinuno naming si Recab na kami at ang angkan namin ay hindi iinom ng alak. 7 Iniutos din niya sa amin, ‘Huwag kayong magtatayo ng mga bahay o magsasaka o magtatanim ng mga ubas o magmamay-ari ng mga bagay na ito. Kinakailangang tumira lang kayo sa mga tolda. At kung susundin ninyo ito, hahaba ang buhay ninyo kahit saang lupain kayo tumira.’ 8 Sinunod namin ang mga iniutos sa amin ng aming ninunong si Jonadab. Kami at ang mga asawaʼt mga anak namin ay hindi uminom ng alak, 9 hindi rin kami nagtayo ng mga bahay, at hindi rin kami nagkaroon ng mga ubasan, o ng mga bukid. 10 Tumira kami sa mga tolda at sinunod namin ang lahat ng itinuro sa amin ni Jonadab na ninuno namin. 11 Pero nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram,[a] kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”
12-13 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito: Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko? 14 Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Pero hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo 15 sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga dios-diosan, para patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’ Pero hindi kayo naniwala o sumunod sa akin. 16 Sumunod sa utos ni Jonadab ang mga angkan niyang anak ni Recab. Pero kayoʼy hindi sumunod sa akin. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: ‘Makinig kayo! Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem. Pasasapitin ko sa inyo ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo. Nakipag-usap ako sa inyo pero hindi kayo nakinig, tumawag ako sa inyo pero hindi kayo sumagot.’ ”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias sa mga Recabita ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Talagang sinusunod nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ng ninuno nʼyong si Jonadab, 19 kaya nangako akong si Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng angkan na maglilingkod sa akin. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon
36 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. 3 Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”
4 Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. 5 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. 6 Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. 7 Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”
8 Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. 9 Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10 Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan. 11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12 pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.
15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”
18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”
20 Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21 Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22 Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23 Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24 Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25 Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26 Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.
27 Nang masunog ng hari ang nakarolyong kasulatan na ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 28 “Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. 29 Pagkatapos, sabihin mo sa hari na ito ang sinasabi ko, ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop. 30 Kaya ito ang sasabihin ko tungkol sa iyo, Haring Jehoyakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi. 31 Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”
32 Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. Pero may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.
Ipinatawag ni Zedekia si Jeremias
37 Si Zedekia na anak ni Josia ay ginawang hari ng Juda ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Siya ang ipinalit kay Jehoyakin na anak ni Jehoyakim. 2 Pero si Zedekia at ang mga pinuno niya pati ang mga taong pinamamahalaan nila ay hindi rin nakinig sa mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ni Jeremias.
3 Ngayon, inutusan ni Haring Zedekia si Jehucal na anak ni Shelemia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya na puntahan si Jeremias at hilingin na ipanalangin sila sa Panginoon na kanilang Dios. 4 Nang panahong iyon, hindi pa nabibilanggo si Jeremias, kaya malaya pa siyang pumunta kahit saan. 5 Nang araw ding iyon, sumasalakay ang mga taga-Babilonia sa Jerusalem, pero nang marinig nilang dumarating ang mga sundalo ng Faraon,[b] tumigil sila sa pagsalakay sa Jerusalem.
6-7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Sabihin mo kay Haring Zedekia ng Juda na nag-utos para magtanong sa iyo kung ano ang sinabi kong mangyayari, ‘Dumating ang mga sundalo ng Faraon para tulungan ka, pero babalik sila sa Egipto. 8 Pagkatapos, muling babalik ang mga taga-Babilonia sa lungsod na ito. Sasakupin nila ito at pagkatapos ay susunugin.’ ” 9 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pag-aakalang hindi na babalik ang mga taga-Babilonia. Sapagkat tiyak na babalik sila. 10 Kahit na matalo nʼyo pa ang buong hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa inyo, at ang matitira sa kanila ay ang mga sugatan sa kanilang kampo, sasalakay pa rin sila sa inyo at susunugin nila ang lungsod na ito.”
Ikinulong si Jeremias
11 Nang tumakas ang mga sundalo ng Babilonia mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Faraon, 12 umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ni Benjamin para kunin ang bahagi ng lupain niya na ipinamahagi sa kanyang pamilya. 13 Pero nang dumating siya sa Pintuang bayan ng Benjamin, hinuli siya ng kapitan ng mga guwardya na si Iria na anak ni Shelemia at apo ni Hanania. Sinabi sa kanya ng kapitan, “Kakampi ka ng mga taga-Babilonia.” 14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo iyan! Hindi ako kakampi ng mga taga-Babilonia.” Pero ayaw maniwala ni Iria, kaya hinuli niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Nagalit sila kay Jeremias, ipinapalo nila siya at ipinakulong doon sa bahay ni Jonatan na kalihim. Ang bahay na itoʼy ginawa nilang bilangguan. 16 Ipinasok nila si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at nanatili siya roon ng matagal.
17 Kinalaunan, ipinakuha ni Haring Zedekia si Jeremias at dinala sa palasyo. Palihim niya itong tinanong, “May mensahe ka ba mula sa Panginoon?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon! Ibibigay ka sa hari ng Babilonia.”
18 Pagkatapos, nagtanong si Jeremias sa hari, “Ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo, o sa mga pinuno nʼyo o sa taong-bayan at ipinakulong nʼyo ako? 19 Nasaan na ang mga propeta nʼyo na nanghulang hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito? 20 Pero ngayon, Mahal na Hari, kung maaari po ay pakinggan naman ninyo ako. Nakikiusap ako na huwag nʼyo na po akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan na kalihim dahil mamamatay ako roon.”
21 Kaya nag-utos si Haring Zedekia na dalhin si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo. Nag-utos din siyang bigyan ng tinapay si Jeremias bawat araw habang may natitira pang tinapay sa lungsod. Kaya nanatiling nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®