Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 23-25

Ang Pag-asang Darating

23 1-2 Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat. Kaya dahil sa pinangalat ninyo ang mga mamamayan ko at hindi nʼyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo. Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon. Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito. Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’[a] At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.

“Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Egipto!’ Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat. At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.’ ”

Ang Parusa sa mga Bulaang Propeta

Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang mga buto ko at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila. 10 Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga dios-diosan,[b] dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kapangyarihan nila. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim. 11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang mga pari ay kagaya rin ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa templo ko. 12 Kaya magiging madilim at madulas ang daan nila. Matitisod at madadapa sila dahil pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan sa panahon na parurusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Nakita ko na napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang mga mamamayan kong mga Israelita. 14 Pero nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao para gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kasamaan nila. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodom at Gomora.

15 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa kanilaʼy lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”

16 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taga-Jerusalem, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan. 17 Ito ang palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa mga salita ko at sumusunod sa matitigas nilang puso: ‘Magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Walang anumang masamang mangyayari sa inyo.’ 18 Pero sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ko? Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko o pinahalagahan man lang ang mga sinabi ko. 19 Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o buhawi na hahampas sa ulo ng masasamang taong ito. 20 Hindi mawawala ang galit ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang gusto kong gawin. At sa huling araw, lubos ninyong mauunawaan ito. 21 Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila. 22 Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, para talikuran ang masasama nilang pag-uugali at mga ginagawa. 23 Ako ay Dios na nasa lahat ng lugar, at hindi nasa iisang lugar lamang. 24 Walang sinumang makapagtatago sa akin kahit saan mang lihim na lugar na hindi ko nakikita. Hindi nʼyo ba alam na akoʼy nasa langit, nasa lupa at kahit saan? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip. 26 Hanggang kailan pa kaya sila magsasalita ng kasinungalingan na mula sa sarili nilang isipan? 27 Sa pamamagitan ng mga panaginip nilang iyon na sinasabi nila sa mga tao, itinutulak nila ang mga mamamayan ko para kalimutan nila ako, gaya ng paglimot sa akin ng mga ninuno nila sa pamamagitan ng pagsamba nila kay Baal. 28 Hayaan nʼyong magsalita ang mga propetang ito ng tungkol sa mga panaginip nila, pero ang mga propetang nakarinig ng aking mga salita ay dapat magpahayag nito nang buong katapatan. Sapagkat magkaiba ang mga panaginip nila kaysa sa mga salita ko, gaya ng pagkakaiba ng dayami sa trigo. 29 Hindi baʼt makapangyarihan ang mga salita ko? Gaya ito ng apoy na nakasusunog o ng martilyo na nakadudurog ng bato.

30 “Kaya laban ako sa mga propetang ginagaya lang ang mensahe ng kapwa nila propeta at sinasabi nila na galing daw ito sa akin. 31 Laban din ako sa mga propetang gumagawa ng sariling mensahe at saka sasabihing ako raw ang nagsabi niyon. 32 Nagpapahayag sila ng mga panaginip na hindi totoo, kaya inililigaw nila ang mga mamamayan ko sa mga kasinungalingan nila. Hindi ko sila isinugo o sinabihang magsalita, kaya wala silang kabutihang maibibigay sa mga tao. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

33 Jeremias, kung may magtatanong sa iyo na isang mamamayan, o propeta, o pari sa iyo kung ano ang ipinapasabi ko, sabihin mong ipinapasabi kong itatakwil ko sila. 34 Kapag may propeta, o pari, o sinumang magsasabi na siya raw ay may mensahe na galing daw sa akin, parurusahan ko ang taong iyon pati ang sambahayan niya. 35 Mas mabuti pang magtanong na lang siya sa mga kaibigan o mga kamag-anak niya kung ano ang ipinapasabi ko, 36 kaysa sabihin niya, ‘May mensahe ako mula sa Panginoon.’ Dahil ginagamit ito ng iba para mapaniwala nila ang kanilang kapwa, kaya binaluktot nila ang ipinapasabi ng buhay na Dios, ang Panginoong Makapangyarihan.

37 “Jeremias, kapag nagtanong ka sa isang propeta kung may mensahe siya mula sa akin 38 at sasabihin niya, ‘Oo, may mensahe ako mula sa Panginoon.’ Kinakailangang sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko: ‘Sapagkat sinabi mong may mensahe ka mula sa akin, kahit pinagbawalan kitang magsabi ng ganoon, 39 kakalimutan at palalayasin kita sa harapan ko. At pababayaan ko ang lungsod na ito na ibinigay ko sa mga ninuno mo. 40 Ilalagay ko kayo sa walang hanggang kahihiyan na hindi nʼyo makakalimutan magpakailanman.’ ”

Ang Dalawang Basket ng Igos

24 May ipinakitang pangitain sa akin ang Panginoon pagkatapos bihagin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilonia pati ang mga pinuno niya at ang mahuhusay na panday at manggagawa ng Juda. Sa pangitain ko, nakita ko ang dalawang basket na igos na nasa harap ng templo ng Panginoon. Ang mga igos sa isang basket ay sariwa at maganda, hinog, at bagong pitas. Pero ang mga igos naman sa isang basket ay mga bulok at hindi na makain.

Pagkatapos, nagtanong sa akin ang Panginoon, “Jeremias, ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Mga igos po. Ang ibaʼy maganda at sariwa, pero ang iba ay bulok at hindi na makain.”

Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing ituturing kong parang magagandang igos ang mga Israelitang ipinabihag ko sa mga taga-Babilonia.[c] Iingatan ko sila para maging mabuti ang kalagayan nila at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Muli ko silang itatayo at hindi na lilipulin. Patatatagin ko sila at hindi na bubunutin. Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon. Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Dios, dahil magbabalik-loob na sila sa akin ng taos-puso.

“Pero si Haring Zedekia ng Juda ay ituturing kong parang bulok na igos na hindi na makakain, pati ang mga pinuno niya at ang lahat ng Israelitang natitirang buhay sa Jerusalem o sa Egipto. Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng kaharian sa buong mundo. Kukutyain at susumpain sila sa lahat ng bansa kung saan ko sila pangangalatin. 10 Padadalhan ko sila ng digmaan, gutom at sakit hanggang sa mamatay sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”

Ang 70 Taong Pagkabihag

25 Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.

Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem: Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig. At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig. Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”

Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko, ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon. 10 Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi. 11 Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.

12 “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon. 13 Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito. 14 Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”

Ang Tasang Puno ng Galit ng Dios

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Kunin mo sa kamay ko ang tasang puno ng galit ko at ipainom mo sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo. 16 Kapag nainom nila ito, magpapasuray-suray sila na parang nauulol, dahil sa digmaan na ipapadala ko sa kanila.”

17 Kaya kinuha ko ang tasa sa kamay ng Panginoon at ipinainom ko sa lahat ng bansa kung saan niya ako isinugo. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda pati ang mga hari at pinuno nila para mawasak sila. Masisindak ang mga tao sa mangyayari sa kanila. Kukutyain at susumpain sila gaya ng ginagawa sa kanila ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon na hari ng Egipto, ang mga tagapamahala at mga pinuno niya, at ang lahat ng mamamayan niya, 20 pati ang mga hindi Egipcio na naninirahan doon. Pinainom ko rin ang mga hari at mga mamamayan ng mga sumusunod na lugar: Ang Uz, ang mga lungsod ng Filistia, (na ang mga hari nito ang namahala sa Ashkelon, Gaza, Ekron, at Ashdod), 21 Edom, Moab, Ammon, 22 Tyre, Sidon, mga pulo sa ibayong dagat, 23 Dedan, Tema, Buz, ang mga nasa malalayong lugar,[d] 24 Arabia, mga angkan sa ilang, 25 Zimri, Elam, Media, 26 ang mga bansa sa hilaga, malayo man o malapit, at ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. At ang huling paiinumin ay ang Babilonia.[e] 27 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Sabihin mo sa mga bansang ito na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi: ‘Sige, uminom kayo sa tasa ng galit ko hanggang sa malasing, magsuka, at mabuwal kayo, at hindi na makabangon, dahil ipapadala ko sa inyo ang digmaan.’

28 “Pero kung ayaw nilang uminom, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Kinakailangang uminom kayo! 29 Sinisimulan ko na ang pagpapadala ng kaparusahan sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ko para sa kapurihan ko. Akala nʼyo baʼy hindi ko kayo parurusahan? Parurusahan ko kayo! Sapagkat paglalabanin ko ang lahat ng bansa sa buong daigdig. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

30 “Jeremias, sabihin mo sa kanila ang lahat ng sinabi ko, at sabihin mo pa, ‘Sisigaw ang Panginoon mula sa langit; dadagundong ang tinig niya mula sa banal niyang tahanan. Sisigaw siya nang malakas sa mga hinirang niya. Sisigaw din siya sa lahat ng naninirahan sa daigdig na parang taong sumisigaw habang nagpipisa ng ubas. 31 Maririnig ang tinig niya sa buong daigdig,[f] dahil ihahabla niya ang mga bansa. Hahatulan niya ang lahat, at ipapapatay niya sa digmaan ang masasama.’ Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

32 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Mag-ingat kayo! Ang kapahamakan ay darating sa ibaʼt ibang bansa na parang malakas na bagyo mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo.”

33 Sa araw na iyon, maraming papatayin ang Panginoon at ang mga bangkay ay kakalat kahit saan sa buong daigdig. Wala ng magluluksa, magtitipon at maglilibing sa kanila. Pababayaan na lang sila na parang dumi lang sa ibabaw ng lupa.

34 Kayong mga pinuno, umiyak kayo nang malakas, at gumulong kayo sa lupa dahil sa kalungkutan. Sapagkat dumating na ang araw na papatayin kayo katulad ng pagkatay ng tupa. Madudurog kayo na parang mamahaling palayok na nabasag. 35 Wala kayong matatakbuhang lugar at hindi kayo makakatakas. 36 Maririnig ang iyakan at pagdaing nʼyo, dahil nilipol ng Panginoon ang mga mamamayan ninyo. 37 At dahil sa matinding galit ng Panginoon, magiging disyerto ang saganang pastulan. 38 Ang Panginoon ay parang leon na lumabas sa yungib nito para maghanap ng masisila. Magiging mapanglaw ang lupain nʼyo dahil sa pagsalakay ng kaaway, at dahil sa matinding galit ng Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®