Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 18-22

18 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.” Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok. Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito? Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko. Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak, at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila. At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian, 10 at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.

11 “Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ko, ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’ 12 Pero sasagot[a] ang mga tao, ‘Hindi maaari! Ipagpapatuloy pa rin namin ang aming gusto; susundin namin ang nais ng matitigas at masasama naming puso.’ ”

13 Kaya ito ang sinabi ng Panginoon, “Tanungin ninyo sa ibang mga bansa kung may narinig na silang ganitong pangyayari? Ang mga mamamayan ng Israel ay nanatili sanang isang birhen, pero kasuklam-suklam ang mga bagay na ginawa nila! 14 Natutunaw ba ang yelo sa mababatong bundok ng Lebanon? Natutuyo ba ang malalamig na batis doon? Hindi! 15 Pero ang aking mga mamamayan ay nakalimot na sa akin. Nagsusunog sila ng insenso sa walang kwentang mga dios-diosan. Iniwan nila ang tama at dating daan, at doon sila dumaan sa daang hindi mabuti kung saan silaʼy nadapa. 16 Kaya magiging malungkot ang lupain nila at hahamakin magpakailanman. Ang lahat ng dumadaan ay mapapailing at mangingilabot. 17 Pangangalatin ko sila sa harap ng mga kaaway nila na parang alikabok na tinatangay ng hangin mula sa silangan. Tatalikuran ko sila at hindi ko sila tutulungan sa araw na lilipulin na sila.”

18 Pagkatapos, sinabi ng mga tao, “Halikayo, gumawa tayo ng paraan para mapatigil natin si Jeremias! May mga pari rin tayong magtuturo sa atin ng kautusan, at may mga pantas din tayong magpapayo sa atin, at mga propetang magpapahayag sa atin ng mensahe ng Dios. Kaya gumawa tayo ng mga kwento laban sa kanya at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”

19 Kaya nanalangin ako, “O Panginoon, tulungan nʼyo po ako! Pakinggan nʼyo po ang balak ng mga kaaway ko sa akin. 20 Mabuti po ang ginagawa ko sa kanila pero masama ang iginaganti nila sa akin. Humukay po sila para mahulog ako sa hukay na iyon, kahit na dumulog ako sa inyo at nanalangin na huwag nʼyo silang parusahan dahil sa galit nʼyo sa kanila. 21 Pero ngayon, pabayaan po ninyong mamatay ang mga anak nila sa gutom at digmaan. Pabayaan nʼyong mabiyuda ang mga babae at mawala ang mga anak nila. Pabayaan nʼyo pong mamatay ang kanilang mga lalaki sa sakit at ang mga kabataang lalaki sa digmaan. 22 Hayaan nʼyo silang mapasigaw sa takot kapag ipinasalakay nʼyo sa mga kaaway ang mga bahay nila. Sapagkat naghanda po sila ng hukay para mahulog ako roon, at naglagay sila ng bitag para mahuli ako. 23 Pero alam nʼyo po Panginoon ang lahat ng plano nilang pagpatay sa akin. Kaya huwag nʼyo silang patawarin sa mga kasalanan at kasamaan nila. Hayaan nʼyo silang matalo ng kanilang mga kaaway habang nakatingin kayo. Iparanas nʼyo sa kanila ang inyong galit.”

Ang Basag na Banga

19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Bumili ka ng banga sa magpapalayok. Pagkatapos, magsama ka ng mga tagapamahala ng mga tao at tagapamahala ng mga pari, at pumunta kayo sa Lambak ng Ben Hinom malapit sa Pintuan na Pinagtatapunan ng mga Basag na Palayok. At doon mo sabihin ang sinabi ko sa iyo. Sabihin mo, ‘Mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel. Ito ang sinabi niya: Magpapadala ako ng malagim na kapahamakan sa lugar na ito at ang sinumang makakarinig tungkol dito ay talagang matatakot. Gagawin ko ito dahil itinakwil ako ng mga mamamayan ko at ginawa nilang handugan ng mga handog na sinusunog para sa mga dios-diosan ang kapatagang ito. Hindi naman nila kilala ang mga dios-diosang ito, at hindi rin kilala ng mga ninuno nila o ng mga hari sa Juda. Pumatay pa sila ng mga walang malay na bata sa lugar na ito. Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal, at sinunog nila roon ang mga anak nila bilang mga handog sa kanya. Hindi ko ito iniutos sa kanila, ni hindi man lang ito pumasok sa isip ko. Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing darating ang panahon na ang lugar na itoʼy hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom, kundi Lambak ng Patayan. Sisirain ko sa lugar na ito ang binabalak ng Juda at Jerusalem. Ipapapatay ko sila sa mga kaaway nila sa pamamagitan ng digmaan, at ipapakain ko ang mga bangkay nila sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Wawasakin ko ang lungsod na ito at hahamakin. Ang mga dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala dahil sa nangyari rito. Papalibutan ng mga kaaway ang lungsod na ito hanggang sa ang mga mamamayan dito ay maubusan ng pagkain. Kaya kakainin nila ang kapwa nila at pati na ang sarili nilang anak.’ ”

10 Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Panginoon, “Basagin mo ang banga sa harap ng mga taong sumama sa iyo. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabing wawasakin ko ang bansa ng Juda at ang lungsod ng Jerusalem katulad ng pagbasag ko sa bangang ito na hindi na muling mabubuo. Ililibing nila ang maraming bangkay sa Tofet hanggang sa wala nang mapaglibingan. 12 Ito ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga mamamayan nito. Ituturing itong marumi gaya ng Tofet. 13 Ang lahat ng bahay sa Jerusalem, pati ang palasyo ng hari ng Juda ay ituturing na marumi katulad ng Tofet. Sapagkat sa bubungan ng mga bahay na ito ay nagsunog sila ng mga insenso para sa kanilang dios na mga bituin, at nag-alay ng mga handog na inumin para sa mga dios.”

14 Nang masabi na ni Jeremias ang ipinapasabi ng Panginoon, umalis siya sa Tofet at pumunta sa bulwagan ng templo ng Panginoon at sinabi sa mga tao, 15 “Makinig kayo, dahil ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Ipapadala ko sa lungsod na ito at sa mga baryo sa palibot ang sinabi kong parusa dahil matigas ang ulo nila at ayaw nilang makinig sa mga sinabi ko.”

Sina Jeremias at Pashur

20 Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang mga sinabi ni Jeremias, pinabugbog niya ito at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin. Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.[b] Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin. Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia. Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”

Nagreklamo si Jeremias sa Panginoon

Panginoon, nilinlang nʼyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya. Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe nʼyo Panginoon tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi nʼyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya. Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito. 10 Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng pagbagsak ko. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”

11 Pero kasama ko po kayo, Panginoon. Para kayong sundalo na matapang at makapangyarihan, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kahihiyan nila. 12 O Panginoong Makapangyarihan, nalalaman nʼyo po kung sino ang matuwid dahil alam nʼyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila dahil ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.

13 Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon dahil iniligtas nʼyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.

14 Pero isinusumpa ko ang araw na akoʼy isinilang! Hindi ko ikinagagalak ang araw na ipinanganak ako ng aking ina! 15 Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na, “Lalaki ang anak mo!” na siyang ikinagalak ng aking ama. 16 Nawaʼy ang taong iyon ay maging katulad ng mga bayan na winasak ng Panginoon at hindi kinahabagan. Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan ang sigaw at daing ng mga tao sa digmaan. 17 Sapagkat hindi niya ako pinatay noong nasa sinapupunan pa ako ng aking ina. Sanaʼy naging libingan ko na lang ang tiyan ng aking ina, o di kayaʼy ipinagbuntis na lamang niya ako magpakailanman. 18 Bakit pa ako isinilang? Para lang ba makita ang kaguluhan at kahirapan, at mamatay sa kahihiyan?

Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Ngayon, nagsalita sa akin ang Panginoon nang sinugo sa akin ni Haring Zedekia si Pashur na anak ni Malkia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila sa akin, “Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, para mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”

Pero sinagot ko sila, “Sabihin nʼyo kay Zedekia na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma nʼyo kay Nebucadnezar at sa mga kawal niya[c] na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila[d] sa gitna ng lungsod na ito. Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit. Papatayin ko ang lahat ng naninirahan sa lungsod na ito, tao man o hayop. Mamamatay sila sa matinding salot. At ikaw, Haring Zedekia ng Juda, ang mga tagapamahala mo, at ang mga mamamayang natitira na hindi namatay sa salot, digmaan, o gutom ay ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na kaaway ninyo. At walang awa niya kayong papatayin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

“Sabihin din ninyo sa mga mamamayan ng Jerusalem na ito ang ipinapasabi ng Panginoon, ‘Makinig kayo! Pumili kayo, buhay o kamatayan. Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa digmaan, gutom o sakit. Pero ang mga susuko sa mga taga-Babilonia na nakapalibot sa lungsod ninyo ay mabubuhay. 10 Nakapagpasya na akong padalhan ng kapahamakan ang lungsod na ito at hindi kabutihan. Ipapasakop ko ito sa hari ng Babilonia, at susunugin niya ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

11-12 “Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda, na mga angkan ni David, na pakinggan ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo lagi ang katarungan. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan; iligtas nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Sapagkat kung hindi, magniningas ang galit ko na parang apoy na hindi mapapatay dahil sa masama nʼyong ginagawa. 13 Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem, kayong nakatira sa matibay na lugar sa patag sa ibabaw ng bundok. Nagmamataas kayo na nagsasabi, ‘Walang makakasalakay sa atin, sa matibay na talampas na ito!’ 14 Pero parurusahan ko kayo ayon sa mga ginagawa ninyo. Susunugin ko ang inyong mga kagubatan hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa ng Panginoon sa mga Hari ng Juda

22 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito: O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito, pakinggan nʼyo ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan, iligtas nʼyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag nʼyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan. Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo. Pero kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, isinusumpa ko sa sarili ko na mawawasak ang palasyong ito.”

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:

“Para sa akin, kasingganda ka ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Pero gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan. Magpapadala ako ng mga taong gigiba sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit-panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy. Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’ At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Dios, at sumamba sila at naglingkod sa mga dios-diosan.’ ”

Ang Mensahe tungkol kay Jehoahaz

10-11 Mga taga-Juda, huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josia. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na sinilangan niya. Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi na hindi na siya makakabalik. 12 Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.

Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakim

13 Nakakaawa ka Jehoyakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa pamamagitan ng masamang paraan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang sweldo. 14 Sinabi mo, “Magtatayo ako ng palasyong malalaki ang silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.”

15 Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan. 16 Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin. 17 Pero ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.

18 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoyakim ng Juda, na anak ni Josia, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya. 19 Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang bangkay niya at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.

20 Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin nʼyo sila sa Lebanon. Tawagin nʼyo sila sa Bashan at Abarim. 21 Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin. 22 Kaya pangangalatin ko ang mga pinuno nʼyo na parang ipa na tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi nʼyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.

23 “Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.

Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakin

24 “Ako, ang buhay na Panginoon, ay sumusumpa na itatakwil kita, Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Kahit para kang singsing sa aking kanang kamay[e] na tanda ng kapangyarihan ko, tatanggalin kita sa daliri ko. 25 Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal[f] niya. 26 Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan. 28 Jehoyakin, para kang basag na palayok na hindi na mapapakinabangan. Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo sa bansang hindi nʼyo alam.”

29 O lupain ng Juda, pakinggan mo ang salita ng Panginoon. 30 Sapagkat ito ang sinasabi niya, “Isulat nʼyo na ang taong ito na si Jehoyakin na parang walang anak, sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda. At hindi rin siya magtatagumpay sa pamumuhay niya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®