Chronological
Ang Paghahari ni Josia sa Juda(A)
22 Si Josia ay walong taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 31 taon. Ang ina niya ay si Jedida na taga-Bozkat at anak ni Adaya. 2 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At lubos siyang sumunod sa mga utos ng Dios.
Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan(B)
3 Nang ika-18 taon ng paghahari ni Josia, pinapunta niya sa templo ng Panginoon ang kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia at apo ni Meshulam at sinabi, 4 “Pumunta ka sa punong pari na si Hilkia at ipaipon mo sa kanya ang perang dinala ng mga tao sa templo ng Panginoon, na kinolekta ng mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo. 5 Sabihin mo na ibigay niya ito sa mga taong pinagkakatiwalaang mamahala sa pagpapaayos ng templo, para ibayad sa mga manggagawa sa templo ng Panginoon – 6 ang mga karpintero at mga kantero. Ang ibang pera ay ibibili nila ng mga kahoy at mga hinating bato na kailangan sa pagpapaayos ng templo. 7 Hindi na sila kailangan pang hanapan ng listahan kung paano ginastos ang pera dahil mapagkakatiwalaan sila.”
8 Sinabi ni Hilkia na punong pari kay Shafan na kalihim, “Nakita ko ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon.” Ibinigay ni Hilkia ang aklat kay Shafan at binasa niya ito. 9 Pagkatapos, pumunta si Shafan sa hari at sinabi, “Kinuha na po ng mga opisyal ninyo ang pera sa templo at ibinigay sa mga katiwala na itinalaga sa pagpapaayos ng templo.” 10 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay na aklat sa akin ang paring si Hilkia.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
11 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Aklat ng Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. 12 Inutusan niya sina Hilkia na pari, Ahikam na anak ni Shafan, Acbor na anak ni Micaya, Shafan na kalihim at Asaya na personal niyang lingkod. Sinabi niya, 13 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga mamamayan ng Juda tungkol sa nakasulat sa aklat na ito. Galit na galit ang Panginoon sa atin dahil hindi sumunod ang mga ninuno natin sa nakasulat dito. Hindi natin ginagawa ang mga ipinatutupad ng aklat na ito.”
14 Kaya pumunta ang paring si Hilkia, Ahikam, Acbor, Shafan at Asaya sa babaeng propeta na si Hulda para makipag-usap. Nakatira si Hulda sa ikalawang distrito ng Jerusalem. Asawa siya ni Shalum na anak ni Tikva at apo ni Harhas. Si Shalum ang namamahala ng mga damit sa templo.
15-16 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito, ayon sa nasusulat sa aklat na binasa mo. 17 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinakwil ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[a] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa mga ginawa nila.’[b]
18 “Sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 19 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko na susumpain at lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na 20 habang buhay ka pa, hindi darating ang kapahamakan na ipapadala ko sa lugar na ito. Mamamatay ka nang may kapayapaan.”
At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.
Mga Pagbabago na Ginawa ni Josia(C)
23 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 2 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Dios na nakita sa templo ng Panginoon. 3 Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4 Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel. 5 Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga dios-diosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar[c] doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. 6 Pinaalis din ni Haring Josia ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao. 7 Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.[d]
8 Pinabalik ni Josia sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya[e] ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beersheba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod. 9 Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10 Ipinagiba rin ni Josia ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec. 11 Kinuha rin niya sa pintuan ng templo ng Panginoon ang mga kabayo[f] na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng templo, malapit sa kwarto ng opisyal na si Natan Melec. Sinunog din ni Josia ang mga karwahe na inihahandog sa araw.
12 Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manase sa bakuran ng templo ng Panginoon. Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron. 13 Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Ashtoret, ang kasuklam-suklam na diosa mga Sidoneo, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam dios-diosan ng mga Ammonita. 14 Ipinadurog ni Josia ang mga alaalang bato at pinagpuputol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Pagkatapos, dinungisan niya ang mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagkalat ng mga buto ng tao. 15 Ipinagiba din ni Josia kahit ang altar sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Betel. Ang sambahang ito ay ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Dinurog ito ni Josia ng pino at sinunog pati ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 At habang nakatitig siya sa paligid, nakita niya ang mga libingan sa gilid ng kabundukan. Ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog niya roon sa altar sa Betel para dungisan ito. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niya na nagpropesiya tungkol sa mga bagay na ito. 17 Nagtanong si Haring Josia, “Kaninong libingan iyan?” Sumagot ang mga mamamayan ng lungsod, “Libingan po ito ng lingkod ng Dios na taga-Juda. Siya ang nagpropesiya tungkol sa mga ginawa ninyo ngayon sa altar sa Betel.” 18 Sinabi ng hari, “Pabayaan lang ninyo ang libingan niya. Huwag ninyong kunin ang mga buto niya.” Kaya hindi nila kinuha ang mga buto nito pati ang buto ng mga propeta na taga-Samaria.
19 Pagkatapos, giniba ni Josia ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria, tulad ng ginawa niya sa Betel. Ito ang mga sambahan na ipinagawa ng mga hari ng Israel na nakapagpagalit sa Panginoon. 20 Pinatay ni Josia ang lahat ng pari roon mismo sa mga altar ng mga sambahan na iyon. At sinunog niya ang buto ng mga tao sa mga altar na iyon para dungisan ito. Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(D)
21 Inutusan ni Josia ang lahat ng tao, “Ipagdiwang natin ang Pista ng Paglampas ng Anghel para parangalan ang Panginoon na ating Dios, ayon sa nakasulat dito sa Aklat ng Kasunduan ng Dios.” 22 Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda. 23 Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ika-18 taong paghahari ni Josia.
24 Pinalayas din ni Josia sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga dios ng mga tahanan, ang iba pang mga dios-diosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josia para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkia sa templo ng Panginoon. 25 Wala pang naging hari na katulad ni Josia na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moises, at wala ni isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya.
26 Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manase na nakapagpagalit sa kanya. 27 Kaya sinabi ng Panginoon, “Palalayasin ko sa aking harapan ang Juda katulad ng ginawa ko sa Israel at itatakwil ko ang Jerusalem, ang lungsod na aking pinili at ang templong ito na sinabi kong dito ako pararangalan.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josia(E)
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
29 Nang naghahari pa si Josia, si Faraon Neco na hari ng Egipto ay pumunta sa Ilog ng Eufrates para tulungan ang hari ng Asiria. Umalis si Haring Josia at ang mga sundalo niya para makipaglaban kay Neco, pero pinatay siya ni Neco nang magkita sila sa Megido. 30 Isinakay ng kanyang lingkod ang bangkay niya sa karwahe at dinala pabalik sa Jerusalem at inilibing sa sarili niyang libingan. At ang anak niyang si Jehoahaz ang ipinalit na hari ng mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis.
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(F)
31 Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 32 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. 33 Ibinilanggo siya ni Faraon Neco sa Ribla na sakop ng lupain ng Hamat, para hindi siya maghari sa Jerusalem. Pinagbayad ni Neco ang Juda ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto bilang buwis. 34 Si Eliakim na isa pang anak ni Josia ang ipinalit na hari ni Neco. Pinalitan ni Neco ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim. Si Jehoahaz naman ay dinala ni Neco sa Egipto at doon ito namatay. 35 Pinagbayad ng buwis ni Haring Jehoyakim ang mga taga-Juda ayon sa kayamanan nila, para ipambayad sa buwis na hinihingi ni Faraon Neco.
Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(G)
36 Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Zebida na taga-Ruma at anak ni Pedaya. 37 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.
Ang Paghahari ni Josia sa Juda(A)
34 Si Josia ay walong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 31 taon. 2 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At hindi siya tumigil sa paggawa ng tama.
3 Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David. At noong 12 taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar,[a] ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ng mga dios-diosan at mga imahen. 4 Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ang mga dios-diosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito. 5 Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari na dayuhan sa mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem. 6 Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manase, Efraim, Simeon, at hanggang sa Naftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito. 7 Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ipinadurog ang mga dios-diosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem.
Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan(B)
8 Sa ika-18 taon ng paghahari ni Josia, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang templo, nagpasya siyang ipaayos ang templo ng Panginoon na kanyang Dios. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia, sa gobernador ng Juda na si Maaseya, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz. 9 Silaʼy pumunta kay Hilkia na punong pari para ibigay ang pera na dinala ng mga tao sa templo ng Dios. Ang pera ay kinolekta ng mga Levita na nagbabantay sa pintuan ng templo mula sa mga mamamayan ng Manase, Efraim, at sa natitirang mga mamamayan ng Israel, at sa mga mamamayan ng Juda at Benjamin, pati na sa Jerusalem. 10 Pagkatapos, ibinigay ang pera sa mga tao na pinagkatiwalaang mamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon, at ginamit nila ito sa pag-upa ng mga manggagawa. 11 Ang ibang pera ay ibinigay nila sa mga manggagawa para ibili ng mga batong tabas na at ng mga kahoy para sa biga ng templo na pinabayaang magiba ng mga hari ng Juda.
12-13 Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng apat na Levita na sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Meshulam, na mula sa angkan ni Kohat. Nasa ilalim ng kanilang pamamahala ang mga manggagawa na may ibaʼt ibang trabaho. Mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento ang mga Levita, at ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng mga pintuan ng templo.
Nakita ang Aklat ng Kautusan
14 Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa templo ng Panginoon, nakita ni Hilkia na pari ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. 15 Ibinalita niya kay Shafan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Shafan, 16 at dinala ito ni Shafan sa hari. Sinabi niya agad sa hari, “Kaming mga opisyal ay ginawa ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin. 17 Kinuha namin ang pera sa templo ng Panginoon at ibinigay sa mga pinagkatiwalaan sa pag-aayos ng templo.” 18 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay sa aking aklat si Hilkia na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
19 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis. 20 Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya, 21 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”
22 Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo.
23-24 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan. 25 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[b] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’[c]
26 “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 27 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing 28 habang buhay ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.
Nangakong Tutuparin ni Josia ang Utos ng Dios(C)
29 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 30 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga Levita. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ng Dios, na nakita sa templo ng Panginoon. 31 Pagkatapos, tumayo si Josia sa tabi ng haligi na madalas tayuan ng hari. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susundin niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Nangako siyang tutuparin niya ang mga ipinapatupad ng kasunduan ng Dios na nakasulat sa aklat. 32 At sinabi rin niya sa mga mamamayan ng Jerusalem at Benjamin na mangako sila na tutuparin nila ang kasunduan ng Dios. Kaya sinunod nila ang kautusan ng Dios, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
33 Pagkatapos, ipinaalis ni Josia ang lahat ng kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong lupain ng Israel, at pinaglingkod ang mga tao sa Panginoon na kanilang Dios. Habang buhay siya, sinunod nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(D)
35 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josia ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito. 2 Binigyan ni Josia ang mga pari ng kanilang tungkulin sa templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod. 3 Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Dios at sa mga mamamayan niyang Israelita. 4 Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon. 5 Pumwesto kayo sa templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo. 6 Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”
7 Personal na nagbigay si Josia ng 30,000 tupa at kambing, at 3,000 baka, para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 8 Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josia sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng templo na sina Hilkia, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at 300 baka bilang handog sa pista. 9 Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conania, ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya at Netanel, si Hashabia, Jeyel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng 5,000 tupa at kambing, at 500 baka bilang handog sa pista.
10 Nang handa na ang lahat para sa pista, pumwesto ang mga pari at mga Levita sa templo, ayon sa gawain ng kani-kanilang grupo, dahil sa utos ng hari. 11 Kinatay ng mga Levita ang mga tupaʼt kambing, at ibinigay ang dugo sa mga pari. Iwinisik ito ng mga pari sa altar habang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, ipinamahagi nila sa mga tao, ayon sa grupo ng kanilang mga pamilya, ang mga handog na sinusunog para ihandog sa Panginoon, ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga baka. 13 At nilitson nila ang mga hayop na pampista, ayon sa nakasulat sa kautusan, at inilaga ang banal na mga handog sa mga palayok, mga kaldero, at mga kawali, at ipinamahagi agad nila sa mga tao.
14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanilang sarili at sa mga pari, dahil ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay abala sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at ng mga taba ng hayop hanggang magtakip-silim. 15 Ang mga musikero na mula sa angkan ni Asaf ay naroon sa kanilang pwesto sa templo, ayon sa tuntunin na ibinigay nina David, Asaf, Heman at Jedutun na propeta ng hari. Ang mga guwardya ng pintuan ay hindi na umalis sa kinalalagyan nila dahil ang kapwa nila Levita ang siyang naghanda ng kanilang pagkain.
16 Nang araw ding iyon, natapos ang buong seremonya para sa Pista ng Paglampas ng Anghel na ipinagdiwang para sa Panginoon, pati ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog na iniutos ni Haring Josia. 17 Ipinagdiwang ng mga Israelitang dumalo sa pistang ito at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. 18 Mula nang panahon ni Samuel, hindi naipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel na tulad nito. Hindi nakapagdiwang ang mga nakalipas na mga hari gaya ng pagdiriwang ni Haring Josia at ng mga pari, mga Levita, mga mamamayan ng Jerusalem, at ng mga mamamayan ng Juda at Israel. 19 Ipinagdiwang ang pista noong ika-18 taon ng paghahari ni Josia.
Ang Pagkamatay ni Josia(E)
20 Pagkatapos ng mga ginawa ni Josia para sa templo, pinangunahan ni Haring Neco ng Egipto ang kanyang mga sundalo sa pakikipaglaban doon sa Carkemish, sa may Ilog ng Eufrates. Pumunta roon si Josia at ang kanyang mga sundalo para makipaglaban kay Neco. 21 Pero nagsugo si Neco ng mga mensahero kay Josia at sinabi, “Ano ang pakialam mo, Haring Josia? Hindi ikaw ang nilulusob ko kundi ang bansang nakikipaglaban sa akin. At sinabi ng Dios sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Dios, kaya huwag mo akong kalabanin, dahil baka wasakin ka niya.”
22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josia. Ipinasya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Neco. Sa halip, nagbalat-kayo siya at umalis para labanan si Neco sa kapatagan ng Megido. 23 Pinana si Josia at nasugatan siya. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Ilayo nʼyo ako rito, dahil malubha ang sugat ko.” 24 Kaya kinuha nila siya sa kanyang karwahe at dinala sa Jerusalem. Namatay siya roon at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya. Nagluksa para sa kanya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem. 25 Gumawa si Jeremias ng mga awit ng pagluluksa para kay Josia, at hanggang ngayon inaawit ito ng mga mang-aawit sa pag-alaala sa kanya. Ang mga awit ng pagluluksa ay palaging inaawit sa Israel, at nakasulat sa Aklat ng mga Pagluluksa. 26-27 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, mula sa simula hanggang sa wakas ay nakasulat sa kasulatan ng kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Nakasulat din dito ang tungkol sa pagmamahal ni Josia sa Panginoon na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ng Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®