Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 1-3

Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon. Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.

Ang Pagtawag kay Jeremias

Sinabi sa akin ng Panginoon, Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili[a] na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”

Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.” Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo. 10 Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”

11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[b] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[c] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Itinakwil ng Israel ang Panginoon

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila: ‘Natatandaan ko ang katapatan at pagmamahal nʼyo sa akin noon na katulad ng babaeng bagong kasal. Sinundan nʼyo ako kahit sa ilang na walang tumutubong mga tanim. Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Para kayong pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob. Ito ang sinabi niya, “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno nʼyo sa akin at tinalikuran nila ako? Sumusunod sila sa walang kwentang mga dios-diosan, kaya sila rin ay naging walang kabuluhan. Hindi na nila ako hinanap kahit na ako ang naglabas sa kanila sa Egipto at nanguna sa kanila sa ilang na walang tanim – ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang tumitira o dumadaan. Mula rooʼy dinala ko sila sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito. Pero nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam. Kahit ang mga pari ay hindi ako hinanap. Ang mga nagtuturo ng kautusan ay hindi ako kilala.[d] Ang mga pinuno ay naghimagsik laban sa akin. At ang mga propeta ay nagpahayag sa pangalan ni Baal at sumunod sa walang kwentang mga dios-diosan. Kaya susumbatan ko silang muli, pati ang magiging angkan ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

10 “Tumawid kayo sa kanluran, sa mga isla ng Kitim, at magsugo kayo ng magmamasid ng mabuti sa silangan, sa lupain ng Kedar, at tingnan kung may nangyaring tulad nito: 11 May bansa bang nagpalit ng kanilang dios, kahit na hindi ito mga tunay na dios? Pero ako, ang dakilang Dios, ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan sa mga dios na walang kabuluhan. 12 Nangilabot ang buong kalangitan sa ginawa nila; at nayanig ito sa laki ng pagkagulat. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Gumawa ang mga mamamayan ko ng dalawang kasalanan: Itinakwil nila ako, ang bukal na nagbibigay-buhay, at sumamba sila sa ibang mga dios, na para bang naghukay sila ng lalagyan ng tubig na natutuyo. 14 Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin. Bakit binibiktima siya ng mga kaaway? 15 Ang mga kaaway niya ay parang mga leon na umuungal sa kanya. Sinira nila ang kanyang lupain, sinunog ang mga bayan at hindi na ito tinitirhan. 16 Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes ang nagwasak sa kanya.[e]

17 “Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo. 18 Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo[f] at Ilog ng Eufrates? 19 Parurusahan ko kayo dahil sa kasamaan at pagtakwil nʼyo sa akin. Isipin nʼyo kung gaano kasama at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil at paglapastangan sa Panginoon na inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

20 “Noong inalipin kayo, para kayong bakang nakapamatok, o mga bilanggong nakakadena. Pero nang mapalaya ko na kayo, ayaw naman ninyong maglingkod sa akin. Sa halip, sumamba kayo sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Katulad kayo ng babaeng bayaran. 21 Para kayong isang pinakamabuting klase ng ubas na aking itinanim. Pero bakit lumabas kayong bulok at walang kabuluhang ubas? 22 Maligo man kayo at magsabon nang magsabon, makikita ko pa rin ang dumi ng mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

23 “Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan at hindi kayo sumamba sa dios-diosang si Baal? Tingnan nʼyo kung anong kasalanan ang ginawa nʼyo sa lambak ng Hinom. Isipin nʼyo ang ginawa nʼyong kasalanan. Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay dahil naghahanap ng lalaki. 24 Para rin kayong babaeng asnong-gubat na masidhi ang pagnanasa na magpakasta, sa tindi ng kanyang pagnanasa ay walang makakapigil sa kanya. Ang lalaking asno ay hindi na mahihirapang maghanap sa kanya. Madali siyang hanapin sa panahon ng pagpapakasta niya.

25 Mga taga-Israel, napudpod na ang mga sandalyas nʼyo at natuyo na mga lalamunan nʼyo sa pagsunod sa ibang mga dios. Pero sinasabi nʼyo, ‘Hindi namin maaaring itakwil ang ibang mga dios. Mahal namin sila at susunod kami sa kanila.’

26 “Tulad ng isang magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, mapapahiya rin kayong mga taga-Israel. Talagang mapapahiya kayo, pati ang mga hari, pinuno, pari, at mga propeta ninyo. 27 Sinasabi ninyo na ang kahoy ang inyong ama at ang bato naman ang inyong ina. Itinakwil nʼyo ako, pero kapag naghihirap kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin. 28 Bakit? Nasaan na ang mga dios na ginawa ninyo para sa inyong sarili? Tawagin ninyo sila kung kaya nila kayong iligtas sa paghihirap ninyo. Sapagkat napakarami ninyong dios, kasindami ng mga bayan sa Juda. 29 Bakit kayo nagrereklamo sa akin? Hindi baʼt kayo ang naghimagsik sa akin? 30 Pinarusahan ko ang mga anak nʼyo, pero hindi sila nagbago. Ayaw nilang magpaturo. Kayo na rin ang pumatay sa mga propeta nʼyo gaya ng pagpatay ng mabangis at gutom na leon sa kanyang biktima.

31 “Kayong mga mamamayan sa henerasyong ito, pakinggan ninyo ang sinasabi ko. Ako baʼy parang isang ilang para sa inyo na mga taga-Israel, o kayaʼy parang isang lugar na napakadilim? Bakit ninyo sinasabi na, ‘Bahala na kami sa gusto naming gawin. Ayaw na naming lumapit sa Dios.’

32 “Makakalimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga alahas o ang damit niyang pangkasal? Pero kayong mga hinirang ko, matagal na ninyo akong kinalimutan. 33 Magaling kayong humabol sa minamahal ninyo na mga dios-diosan. Kahit ang mga babaeng bayaran ay matututo pa sa inyo. 34 Ang mga damit ninyoʼy may mga bahid ng dugo ng mga taong walang kasalanan at mga dukha. Pinatay nʼyo sila kahit na hindi nʼyo sila nahuling pumasok sa mga bahay nʼyo para magnakaw. Pero kahit ginawa nʼyo ito, 35 sinabi nʼyo pa rin, ‘Wala akong kasalanan. Hindi galit sa akin ang Panginoon!’ Pero talagang parurusahan ko kayo dahil sinabi ninyong wala kayong kasalanan.

36 “Pangkaraniwan lang sa inyo ang magpapalit-palit ng mga kakamping bansa. Pero hihiyain kayo ng Egipto na kakampi nʼyo, gaya ng ginawa sa inyo ng Asiria. 37 Aalis kayo sa Egipto na nakatakip ang inyong kamay sa mukha dahil sa kahihiyan at pagdadalamhati. Sapagkat itinakwil ko na ang mga bansang pinagkatiwalaan ninyo. Hindi na kayo matutulungan ng mga bansang iyon.

“Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao[g] na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang. Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya. At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama[h] ko mula noong bata pa ako. Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”

Ginaya ng Juda ang Israel

Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12 Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,[i]Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.[j] Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.[k] 15 Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. 16 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. 17 Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. 18 Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana. 19 Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. 20 Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

21 “May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang Panginoon na kanilang Dios. 22 Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan.

Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang Panginoon naming Dios. 23 Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, Panginoon naming Dios. 24 Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. 25 Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, Panginoon naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®