Chronological
Ang Pagkakasakit ni Hezekia(A)
20 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” 2 Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. 3 Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya nang husto.
4 Nang hindi pa nakakaalis si Isaias sa gitna ng bulwagan ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 5 “Bumalik ka kay Hezekia, na pinuno ng mga mamamayan ko at sabihin mo ito: ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng ninuno mong si David: Narinig ko ang panalangin mo at nakita ko ang mga luha mo kaya pagagalingin kita. Sa ikatlong araw mula ngayon, makakabangon ka na at makakapunta ka sa templo ng Panginoon. 6 Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita at ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Iingatan ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil kay David na aking lingkod.’ ” 7 Sinabi ni Isaias sa mga utusan ni Haring Hezekia na tapalan nila ang namamagang bukol nito ng dinurog na igos. Ginawa nga nila ito at gumaling siya.
8 Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, nagtanong siya kay Isaias, “Ano ba ang magpapatunay na gagaling ako at makakapunta sa templo ng Panginoon sa ikatlong araw mula ngayon?” 9 Sumagot si Isaias, “Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon na magpapatunay na tutuparin niya ang pangako niya. Pumili ka sa dalawang ito: Aatras ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan[a] o aabante ng sampung hakbang?” 10 Sumagot si Hezekia, “Mas madaling umabante ng sampung hakbang ang anino, kaya paatrasin mo na lang ito ng sampung hakbang!” 11 Kaya nanalangin si Isaias sa Panginoon at pinaatras ng Panginoon ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan na ipinagawa ni Ahaz.
Ang mga Mensahero Mula sa Babilonia
12 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Merodac Baladan na anak ni Haring Baladan ng Babilonia na nagkasakit si Hezekia. Kaya nagpadala siya ng mga sulat at regalo kay Hezekia. 13 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang mga kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
14 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Nanggaling sila sa malayong lugar, sa Babilonia.” 15 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” 16 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: 17 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. 18 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” 19 Ang akala ni Hezekia ay hindi pa mangyayari iyon, kundi magiging mapayapa at walang panganib sa kapanahunan niya. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensaheng iyon ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekia(B)
20 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Hezekia, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagpapagawa niya ng imbakan ng tubig at dinadaluyan nito papunta sa lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
21 Nang mamatay si Hezekia, ang anak niyang si Manase ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Manase sa Juda(C)
21 Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. Ang ina niya ay si Hefziba. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. 3 Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar[b] na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Ipinatayo rin niya ang mga altar para kay Baal at nagpagawa ng posteng simbolo ng diosang si Ashera, tulad ng ipinagawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba siya sa lahat ng bagay na nasa langit. 4 Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, ang lugar na sinabi ng Panginoon na pararangalan siya. 5 Inilagay niya ang mga altar sa magkabilang panig ng bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. 6 Inihandog pa niya ang sarili niyang anak sa apoy. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga mangkukulam at mga manghuhula, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng patay. Labis ang pagkakasala ni Manase na nakapagpagalit sa Panginoon. 7 Ang ipinagawa niya na posteng simbolo ng diosang si Ashera ay inilagay niya sa templo, ang lugar kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak nitong si Solomon, “Pararangalan ako habang buhay sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na pinili ko sa lahat ng lahi ng Israel. 8 Kung tutuparin lang ng mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng lingkod kong si Moises, hindi ko papayagang palayasin sila sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga ninuno nila.” 9 Pero ayaw makinig ng mga tao. Inudyukan sila ni Manase sa paggawa ng masasama at ang ginawa nila ay mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
10 Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta: 11 “Gumawa si Haring Manase ng Juda ng mga kasuklam-suklam na gawain, na mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga Ammonitang nakatira sa lupaing ito bago dumating ang mga Israelita. Inudyukan niya ang mga taga-Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan niya. 12 Kaya ako, ang Panginoon na Dios ng Israel, ay magpapadala ng kapahamakan sa Jerusalem at sa Juda, at ang bawat isa na makakarinig nito ay matatakot. 13 Hahatulan ko ang Jerusalem katulad nang paghatol ko sa Samaria at sa sambahayan ni Haring Ahab. Lilinisin ko ang Jerusalem tulad ng pinggan na pinunasan at itinaob. 14 Itatakwil ko kahit pa ang natira sa aking mga mamamayan at ibibigay ko sila sa mga kaaway nila bilang bihag. 15 Mangyayari ito sa kanila dahil masama ang ginawa nila sa paningin ko at ginalit nila ako, mula pa nang lumabas ang mga ninuno nila sa Egipto hanggang ngayon.”
16 Maraming inosenteng tao ang pinatay ni Manase hanggang sa dumanak ang dugo sa mga daanan ng Jerusalem. Hindi pa kabilang dito ang kasalanan na ginawa niya na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda sa paningin ng Panginoon.
17 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, at lahat ng ginawa niya, pati ang mga kasalanan na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
18 Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(D)
19 Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na taga-Jotba at anak ni Haruz. 20 Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Manase na kanyang ama. 21 Sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ama. Sinamba niya ang mga dios-diosan na sinasamba nito 22 at itinakwil niya ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno niya. Hindi niya sinunod ang pamamaraan ng Panginoon. 23 Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya. 24 Pero pinatay ng mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.
25 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ammon, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa libingan niya sa hardin na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Josia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®