Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 1-16

Ang Kasaysayan ng Paglikha

Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;[a] ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos[b] sa ibabaw ng tubig. Sinabi(A) ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.

Sinabi(B) ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw.

Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito. 10 Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. 11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga.” At nangyari ito. 12 Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. 13 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikatlong araw.

14 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. 15 Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari. 16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17 Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig, 18 tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan. 19 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaapat na araw.

20 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.” 21 Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. 22 Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.” 23 Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalimang araw.

24 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari. 25 Ginawa nga niya ang lahat ng ito, at nasiyahan siya nang ito'y kanyang mamasdan.

26 Pagkatapos,(C) sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” 27 Nilalang(D) (E) nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, 28 at sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa. 29 Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo. 30 Ang lahat ng halamang luntian ay ibinibigay ko naman sa lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw.

Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos(F) (G) niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.

Ang Halamanan ng Eden

Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.[c]

Pagkatapos,(H) ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao[d] mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.

Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo(I) niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

10 Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. 11 Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. 12 Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. 13 Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.[e] 14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.

15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. 16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, 17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”

18 Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” 19 Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. 20 Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.

21 Kaya't pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. 22 Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki,

“Sa wakas, narito ang isang tulad ko,
laman ng aking laman, buto ng aking buto;
babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki[f] siya'y kinuha.”

24 Ito(J) ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. 25 Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.

Nagkasala ang Tao

Ang(K) ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”

Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”

Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”

Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.

Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno. Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”

10 “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki.

11 Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”

12 “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.

13 “Bakit(L) mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.

“Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.

Inihayag ng Diyos ang Kaparusahan

14 At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas:

“Sa iyong ginawa'y may parusang dapat,
    na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas;
mula ngayon ikaw ay gagapang,
    at ang pagkain mo'y alikabok lamang.
15 Kayo(M) ng babae'y aking pag-aawayin,
    binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.
Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,
    at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”
16 Sa babae nama'y ito ang sinabi:
“Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin,
    at sa panganganak sakit ay titiisin;
ang asawang lalaki'y iyong nanasain,
    pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.”

17 Ito(N) naman ang sinabi ng Diyos kay Adan:

“Dahil nakinig ka sa iyong asawa,
    nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga;
dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa,
    sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula.
18 Mga damo at tinik ang iyong aanihin,
    halaman sa gubat ang iyong kakainin;
19 sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling
maghihirap ka hanggang sa malibing.
    Dahil sa alabok, doon ka nanggaling,
    sa lupang alabok ay babalik ka rin.”

20 Eva[g] ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. 21 Ang mag-asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop.

Pinalayas sa Hardin si Adan at si Eva

22 Pagkatapos,(O) sinabi ng Panginoong Yahweh, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay.” 23 Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.

24 Pinalayas nga siya ng Diyos. At sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay ang Diyos ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas na umiikot sa lahat ng panig upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay.

Si Cain at si Abel

Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain[h] ang ipinangalan niya rito. Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. Kinuha(P) naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”

Isang(Q) araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.

Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”

Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”

10 At(R) sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. 11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. 12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”

13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. 14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”

15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. 16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.

Ang Angkan ni Cain

17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. 18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. 19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. 20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. 21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:

“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
    Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
    sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
    ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”

Ang Angkan ni Set

25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.[i] 26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.

Ang Lahi ni Adan(S)

Ito(T) ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. Sila'y(U) nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”.[j] Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan. Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae. Namatay siya sa gulang na 930 taon.

Si Set ay 105 taon nang maging anak niya si Enos. Nabuhay pa siya nang 807 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 912 taon.

Siyamnapung taon naman si Enos nang maging anak niya si Kenan. 10 Nabuhay pa siya nang 815 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 11 Namatay siya sa gulang na 905 taon.

12 Si Kenan naman ay pitumpung taon nang maging anak si Mahalalel. 13 Nabuhay pa si Kenan nang 840 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 14 Namatay siya sa gulang na 910 taon.

15 Animnapu't limang taon si Mahalalel nang maging anak si Jared. 16 Nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 17 Namatay siya sa gulang na 895 taon.

18 Si Jared ay 162 nang maging anak niya si Enoc. 19 Nabuhay pa si Jared nang 800 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 20 Namatay siya sa gulang na 962 taon.

21 Animnapu't limang taon naman si Enoc nang maging anak niya si Matusalem. 22 Tatlong daang taon pang nabuhay si Enoc na kasama ang Diyos, at nagkaroon ng iba pang mga anak. 23 Umabot siya nang 365 taon, 24 at(V) sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos.

25 Si Matusalem ay 187 taon nang maging anak niya si Lamec. 26 Nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 27 Namatay siya sa gulang na 969 na taon.

28 Si Lamec naman ay 182 taon nang magkaroon ng anak. 29 Sinabi niya, “Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap.” Kaya't Noe[k] ang ipinangalan niya sa kanyang anak. 30 Nabuhay pa si Lamec nang 595 taon at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak. 31 Namatay siya sa gulang na 777 taon.

32 Si Noe nama'y 500 na nang maging anak niya sina Shem, Ham at Jafet.

Ang Kasamaan ng Sangkatauhan

Napakarami(W) na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. Nang makita ng mga anak ng Diyos[l] na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” Nang(X) panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.

Nakita(Y) ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.

Si Noe

Ito(Z) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. 11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. 12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.

Pinagawa ng Malaking Barko si Noe

13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. 14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. 15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. 16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong[m] hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. 17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. 18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. 19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. 20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. 21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” 22 At(AA) ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.

Ang Baha

Sinabi ni Yahweh kay Noe, “Pumasok kayong mag-anak sa barko. Sa lahat ng tao'y ikaw lamang ang nakita kong namumuhay ng matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di-malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang magpatuloy ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh.

Si Noe ay 600 taon nang bumaha sa daigdig. Pumasok(AB) nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha. Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop, ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos. 10 Pagkaraan ng pitong araw, bumaha nga sa buong daigdig.

11 Si(AC) Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit. 12 Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. 13 Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa. 14 Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon. 15 Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe, 16 ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.

17 Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko. 18 Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko. 19 Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, 20 at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. 21 Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. 22 Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay. 23 Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko. 24 Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw.

Wala nang Baha

Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.

Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. 10 Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. 12 Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik.

13 Noon ay 601 taóng gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. 14 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.

15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17 Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” 18 At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19 Gayundin, sunud-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.

Naghandog si Noe

20 Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. 21 Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon.

22 Hanggang naririto't buo ang daigdig,
    tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;
tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig,
    ang araw at gabi'y hindi mapapatid.”

Nakipagtipan ang Diyos kay Noe

Si(AD) Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. Huwag(AE) lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.

Sinumang(AF) pumatay ng kanyang kapwa,
    buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,
sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.

“Magkaroon(AG) nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.”

Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”

17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”

Si Noe at ang Kanyang mga Anak

18 Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan. 19 Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig.

20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang kauna-unahang nagbukid ng ubasan. 21 Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad na hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Sa gayong ayos, nakita siya ni Ham ang ama ni Canaan at ibinalita ito sa kanyang mga kapatid. 23 Kaya't kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama. Ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mawala na ang kalasingan ni Noe, at malaman ang ginawa ng bunsong anak, 25 sinabi niya:

“O ikaw, Canaan, ngayo'y susumpain,
    sa mga kapatid mo ika'y paaalipin.”
26 Sinabi rin niya,
“Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem,
    itong si Canaa'y maglilingkod kay Shem.
27 Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet.[n]
    Sa lahi ni Shem, sila'y mapipisan,
    at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan.”

28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng baha, 29 kaya't umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay.

Ang mga Angkan ng mga Anak ni Noe(AH)

10 Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet pagkatapos ng baha.

Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. Sina Askenaz, Rifat at Togarma ang mga anak na lalaki ni Gomer. Ang kay Javan naman ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim.[o] Ito ang mga anak at apo ni Jafet. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa'y nagkaroon ng sariling lupain at wika.

Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. Sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca ang mga anak na lalaki ni Cus. Ang kay Raama naman ay sina Saba at Dedan. Si Nimrod, isa pang anak na lalaki ni Cus, ang kauna-unahan sa daigdig na naging dakila at makapangyarihan. Siya rin ang pinakamahusay na mangangaso dahil sa tulong ni Yahweh, kaya may kasabihang: “Maging mahusay ka sanang mangangaso tulad ni Nimrod, sa tulong ni Yahweh.” 10 Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. 11 Mula rito'y pumunta siya sa Asiria at itinatag ang mga lunsod ng Nineve, Rohobot-ir, Cale 12 at ang Resen sa pagitan ng Nineve at Cale, ang pangunahing lunsod.

13 Si Egipto ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab at Naftuh, 14 gayon din ng mga taga-Patrus, Casluh at Caftor na pinagmulan ng mga Filisteo.

15 Ang panganay ni Canaan ay si Sidon na sinundan ni Het. 16 Kay Canaan din nagmula ang mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 17 Hivita, Araceo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo at Hamateo. Simula noon, kung saan-saan nakarating ang mga Cananeo. 19 Mula sa Sidon, ang kanilang hangganan sa gawing timog ay umabot sa Gerar na malapit sa Gaza. Sa gawing silangan naman, umabot sila sa Sodoma, Gomorra, Adma at Zeboim na malapit sa Lasa. 20 Ito ang lahi ni Ham na nanirahan sa iba't ibang lupain at naging iba't ibang bansa na may kani-kanilang wika.

21 Si Shem, ang nakatatandang kapatid ni Jafet, ang pinagmulan naman ng lahi ni Heber.[p] 22 Ang kanyang mga anak ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. 23 Ang mga anak naman ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter at Mas. 24 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Heber. 25 Dalawa ang anak ni Heber: ang isa'y tinawag na Peleg,[q] sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa daigdig; ang kapatid niya ay si Joctan. 26 Si Joctan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Sila ang mga anak na lalaki ni Joctan. 30 Mula sa Mesha hanggang Sefar sa kaburulan sa silangan ang lawak ng kanilang lupain. 31 Ito ang lahi ni Shem ayon sa kani-kanilang angkan, wika at bansa.

32 Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha.

Ang Tore ng Babel

11 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,[r] nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”

Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. Babel[s] ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.

Ang Lahi ni Shem(AI)

10 Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. 11 Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. 13 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

14 Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. 15 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

16 Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. 17 Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

18 Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. 19 Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

20 Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. 21 Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

22 Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. 23 Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

24 Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. 25 Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

Ang Lahi ni Terah

26 Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.

27 Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. 28 Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. 29 Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.

31 Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. 32 Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.

Tinawag ng Diyos si Abram

12 Sinabi(AJ) ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.

Ang(AK) sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”[t]

Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.

Pagdating nila roon, nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. Nagpakita(AL) kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya. Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh. Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.

Pumunta si Abram sa Egipto

10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(AM) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.

17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.

Nagkahiwalay sina Abram at Lot

13 Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian. Mayaman na noon si Abram; marami na siyang mga tupa, kambing at baka. Marami na rin siyang naipong ginto at pilak. Mula sa Negeb, unti-unti siyang naglakbay pabalik sa dati niyang pinagkampuhan, sa pagitan ng Bethel at Ai. Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh.

Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan. 6-7 Dahil napakarami na ng kanilang mga hayop, hindi na sapat ang pastulan para sa mga kawan nina Abram at Lot. Kaya't madalas nag-aaway ang mga pastol nila. Nang panahon ding iyon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa lugar na iyon.

Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.”

10 At(AN) nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. 11 Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. 12 Nanatili si Abram sa Canaan. Samantala, si Lot ay nanirahan naman sa mga lunsod sa kapatagan na malapit sa Sodoma. 13 Napakasama ng mga tao sa lunsod ng Sodoma; namumuhay sila nang laban kay Yahweh.

Nanirahan si Abram sa Hebron

14 Pagkaalis ni Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. 15 Ang(AO) buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. 16 Ang iyong mga salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin ninuman. 17 Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo.” 18 Lumipat si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng malalaking puno sa Mamre. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh.

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar.

Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. 10 Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. 11 Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. 12 Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito.

13 Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. 14 Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. 15 Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. 16 Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan.

Binasbasan ni Melquisedec si Abram

17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(AP) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,

“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
    na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
    na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”

At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.

21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”

22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”

Ang Kasunduan ng Diyos kay Abram

15 Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.”

Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.”

Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” Dinala(AQ) siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” Si(AR) Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.

Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.”

Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”

Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” 10 Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. 11 Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.

12 Nang(AS) lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman. 13 Sinabi(AT) ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit(AU) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala. 15 Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa. 16 Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, sapagkat hindi ko muna paparusahan ang mga Amoreo hanggang sa maging sukdulan ang kanilang kasamaan.”

17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. 18 At(AV) nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, 19 kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, 20 Heteo, Perezeo at Refaita, 21 gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.”

Si Hagar at si Ismael

16 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.

Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”

At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.

Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur. “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” tanong ng anghel.

“Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot ni Hagar.

Sinabi ng anghel, “Magbalik ka at muling magpasakop sa kanya.

10 Mga anak mo ay aking pararamihin,
    at sa karamiha'y di kayang bilangin;
11 di na magtatagal, ika'y magsisilang,
    Ismael[u] ang sa kanya'y iyong ipangalan,
    sapagkat dininig ni Yahweh ang iyong karaingan.
12 Ngunit ang anak mo'y magiging mailap, hayop na asno ang makakatulad;
    maraming kalaban, kaaway ng lahat,
di makikisama sa mga kaanak.”

13 Kaya't nasabi ni Hagar sa sarili, “Talaga bang nakita ko rito ang Diyos na nakakakita sa akin at hanggang ngayo'y buháy pa rin ako?” Kaya't tinawag niya si Yahweh nang ganito: “Ikaw ang Diyos na Nakakakita.” 14 Kaya't ang balon sa pagitan ng Kades at Bered ay tinawag nilang, “Balon ng Diyos na Buháy at Nakakakita sa Akin.”

15 Nagsilang(AW) nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. 16 Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.