Bible in 90 Days
8 at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh: “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” 9 Ganoon(A) nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.
Ang Paglalakbay ng Israel sa Palibot ng Moab
10 Ang bayang Israel ay nagpatuloy sa paglalakbay at nagkampo sa Obot. 11 Mula roon, nagtuloy sila sa mga guho ng Abarim, sa ilang na nasa silangan ng Moab. 12 Pag-alis doon, nagpatuloy sila sa Libis ng Zared. 13 Buhat naman dito ay nagtuloy sila sa kabila ng Ilog Arnon, isang lugar na nasa pagitan ng lupain ng mga Amoreo at ng mga Moabita. 14 Kaya natala sa Aklat ng mga Pakikipagdigma ni Yahweh ang ganito:
“Parang ipu-ipong sinakop niya ang Waheb at ang kapatagan ng Arnon,
15 at ang kataasan hanggang sa kapatagan ng Ar
at sa hangganan ng Moab.”
16 Mula sa Arnon, nagpatuloy sila hanggang sa lugar na tinatawag na Balon. Ang lugar na ito'y tinawag na Balon sapagkat dito sila pinahukay ni Yahweh ng balon para makunan ng tubig. 17 Umawit sila roon ng ganito:
“Bumukal ka ng tubig, O balon
at sa iyo'y awit ang aming tugon,
18 mga pinuno ang humukay sa iyo
na ang gamit ay tungkod at setro.”
Mula sa ilang na iyon ay nagtuloy sila sa Matana, 19 nagdaan ng Nahaliel at Bamot. 20 Pag-alis doo'y nagtuloy sila sa isang kapatagang sakop din ng Moab, sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa ilang.
Nalupig ng Israel sina Haring Sihon at Og(B)
21 Ang mga Israelita'y nagsugo kay Haring Sihon, isang Amoreo. Ipinasabi nila, 22 “Maaari po bang makiraan kami sa inyong lupain? Hindi po kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni iinom sa inyong balon. Sa Lansangan ng Hari po kami daraan hanggang sa makalampas kami sa inyong nasasakupan.” 23 Subalit hindi sila pinahintulutan ni Haring Sihon; sa halip, tinipon niya ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita sa Jahaz. 24 Ngunit nagwagi ang mga Israelita at nasakop ang kanyang lupain, mula sa Ilog Arnon hanggang Jabok, sa may hangganan ng Ammon. Matitibay ang mga kuta ng Ammon. 25 Sinakop ng mga Israelita ang mga lunsod ng mga Amoreo, pati ang Lunsod ng Hesbon at ang mga bayang sakop nito. Pagkatapos, sila na ang nanirahan sa mga lunsod na ito ng mga Amoreo. 26 Ang Hesbon ang siyang punong-lunsod ni Haring Sihon na lumupig sa hari ng Moab at sumakop sa lupain nito hanggang Ilog Arnon. 27 Kaya ang sabi ng mga mang-aawit,
“Halikayo sa Hesbon
at muling itayo ang lunsod ni Sihon.
28 Mula(C) (D) sa Hesbon na lunsod ni Sihon,
lumabas na parang apoy ang kanyang hukbo.
Tinupok nito ang lunsod ng Ar sa Moab,
at nilamon ang kaburulan[a] ng Arnon.
29 Kawawa ka, Moab, sapagkat ito na ang iyong wakas!
Kawawa ka, bayan ng diyos na si Cemos!
Ang mga anak mong lalaki ay hinayaan niyang maging pugante.
Ang mga anak mong babae ay nabihag ni Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Napuksa pati ang mga sanggol
mula sa Hesbon hanggang sa Dibon,
mula sa Nasim hanggang sa Nofa na malapit sa Medeba.”
31 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupaing nakuha nila sa mga Amoreo. 32 Pagkatapos, si Moises ay nagsugo ng mga espiya sa Jazer, at nasakop din nila ito pati ang mga karatig-bayan nito. Pinalayas din nila ang mga Amoreo roon.
33 Hinarap naman nila ang Bashan, ngunit nilabanan sila ni Haring Og sa Edrei. 34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Huwag kang matakot sapagkat ipapalupig ko siya sa iyo. Magagawa mo sa kanya ang ginawa mo kay Haring Sihon ng Hesbon.” 35 Napatay nga nila si Og, ang mga anak nito at ang lahat ng kababayan nito, wala silang itinirang buháy. Sinakop nila ang lupaing iyon.
Ipinatawag ni Balac si Balaam
22 Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. 2 Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. 3 Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. 4 Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” 5 At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. 6 Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.”
7 Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. 8 Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog.
9 Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?”
10 Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. 11 Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.”
12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.”
13 Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” 14 Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam.
15 Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. 16 Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. 17 Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.”
18 Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. 19 Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”
20 Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”
Ang Anghel at ang Asno ni Balaam
21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac, 22 kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam. 23 Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan. 24 Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader. 25 Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam. 26 Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno. 27 Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno. 28 Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.”
30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba't ako ay iyong asno at sa simula pa'y ako lang ang sinasakyan mo? Ginawa ko na ba ito sa iyo?”
“Hindi!” sagot ni Balaam.
31 Sa sandaling ito'y ipinakita ni Yahweh kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan at may hawak pa ring tabak. Kaya't nagpatirapa si Balaam. 32 Tinanong siya ng anghel ni Yahweh, “Bakit tatlong beses mo nang pinalo ang iyong asno? Sadyang humaharang ako sa daan sapagkat mali ang binabalak mong gawin. 33 Tuwing makikita ako ng asno mo ay lumilihis ito. Pangatlong beses na niyang ginagawa ito. Kung hindi siya lumihis baka napatay na kita, ngunit siya'y hindi ko sasaktan.”
34 Sinabi ni Balaam sa anghel, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo kayo sa aking daraanan. Babalik na ako kung hindi ayon sa inyong kalooban ang lakad kong ito.”
35 Sumagot ang anghel, “Huwag ka nang bumalik. Sumama ka sa kanila ngunit ang sinabi ko sa iyo ang sabihin mo sa kanila.” At sumama si Balaam sa mga sugo ni Balac.
Si Balaam at si Balac
36 Nang malaman ni Balac na dumarating si Balaam, sinalubong niya ito sa lunsod ng Ar sa may Ilog Arnon sa may hangganan ng Moab. 37 Sinabi niya kay Balaam, “Kailangang-kailangan kita kaya kita ipinatawag. Bakit ngayon ka lang? Akala mo ba'y hindi kita kayang gantimpalaan?”
38 Sumagot si Balaam, “Naparito nga ako ngunit wala akong maaaring sabihin liban sa ipinapasabi sa akin ng Diyos.” 39 At sila'y magkasamang nagpunta sa lunsod ng Huzot. 40 Pagdating doon, si Balac ay naghandog ng baka at tupa. Pagkatapos, pinakain niya si Balaam at ang mga pinunong kasama nila.
41 Kinabukasan, isinama ni Balac si Balaam sa Bamot-Baal kung saan ay abot-tanaw na ang ilang mga Israelita.
23 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magdala ka rito ng pitong toro at pitong tupa.” 2 Ganoon nga ang ginawa ni Balac. At silang dalawa ay naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. 3 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Bantayan mo ang mga handog na ito. Aalis muna ako at baka sakaling makipagkita na sa akin si Yahweh. Anumang sabihin niya sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” At nagpunta siyang mag-isa sa tuktok ng isang burol.
Pinagpala ni Balaam ang Israel
4 Nakipagkita nga kay Balaam ang Diyos. Sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar at bawat isa'y pinaghandugan ko ng isang toro at isang lalaking tupa.” 5 May sinabi kay Balaam si Yahweh. Pagkatapos, pinabalik ito kay Balac. 6 Nadatnan niya si Balac at ang mga pinuno sa paligid ng handog na sinusunog. 7 Sinabi ni Balaam,
“Mula sa Aram, sa bulubundukin sa silangan,
ipinatawag ako ni Balac na hari ng Moab.
Ang sabi niya sa akin, ‘Halika't ang bansa ni Jacob ay iyong sumpain.
Halika't itakwil mo ang bansang Israel!’
8 Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain?
Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil?
9 Mula sa tuktok ng mga bundok sila'y aking natatanaw,
nakikita ko silang lahat mula sa kaburulan.
Sila'y isang bansang namumuhay na mag-isa,
alam nilang sila'y mapalad kaysa mga iba!
10 Ang lahi ni Jacob, alabok ang kagaya;
kung ang Israel ay bilangin, ito ba'y makakaya?
Mamatay nawa akong gaya ng anak ng Diyos;
sa kapayapaan ng matuwid, buhay ko nawa'y matapos!”
11 Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!”
12 Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.”
13 Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” 14 At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa.
15 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.”
16 Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. 17 Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?”
18 Sinabi ni Balaam,
“Makinig ka, Balac, dinggin mo ako,
anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo:
19 Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao.
Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin,
kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
20 Ang utos sa akin, sila'y pagpalain;
ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin.
21 Sa Israel ay wala akong makitang kasawian,
sa kanila ay wala ring kapahamakan.
Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama,
ipinapahayag nilang siya ang hari nila.
22 Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto,
sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro.
23 Si Jacob ay hindi makakayang kulamin,
ang Israel ay hindi maaaring sumpain.
Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao:
‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’
24 Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon,
hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon
at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.”
25 Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.”
26 Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?”
27 Sinabi ni Balac, “Halika. Lumipat tayo ng lugar at baka ipahintulot na ng Diyos na sumpain mo roon ang mga Israelita.” 28 At magkasama silang nagpunta sa tuktok ng Peor, kung saan natatanaw nila ang ilang.
29 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magpakuha ng pitong toro at pitong tupa.” 30 Gayon nga ang ginawa ni Balac. Bawat altar ay hinandugan niya ng tig-iisang toro at tig-iisang lalaking tupa.
24 Nang matiyak ni Balaam na talagang gusto ni Yahweh na basbasan niya ang Israel, hindi na siya humanap ng palatandaan tulad ng dati. Tumanaw siya sa ilang 2 at nakita niya ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu[b] ng Diyos 3 at siya'y nagsalita,
“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang pahayag ng taong may malinaw na paningin.[c]
4 Ang pahayag ng nakikinig sa mga salita ng Diyos,
at nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabulagta sa lupa ngunit nanatiling malinaw ang paningin.
5 Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda;
kay inam, O Israel, ng iyong mga tirahan.
6 Wari'y napakalawak na libis,
parang hardin sa tabi ng batis.
Wari'y punongkahoy na mabango, itinanim ni Yahweh,
matataas na punong sedar sa tabi
ng mga bukal.
7 Ang tubig ay aapaw sa lahat niyang sisidlan,
kapangyarihan niya'y madarama sa lahat ng lugar.
Ang hari niya ay magiging mas malakas kaysa kay Agag,
at ang kanyang kaharian ay magiging napakalawak.
8 Inilabas siya ng Diyos sa bansang Egipto;
ang lakas na ginamit niya'y waring lakas ng toro.
Kaaway niya'y lulupigin pati buto'y dudurugin;
sa tulis ng kanyang pana, lahat sila'y tutuhugin.
9 Siya'y(E) parang leon sa kanyang higaan,
walang mangahas gumambala sa kanyang pagkahimlay.
Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala;
susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa.”
Ang Pahayag ni Balaam
10 Galit na galit si Balac kay Balaam. Nanggigil siya sa galit at kanyang sinabi, “Ipinatawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway. Ngunit anong ginawa mo? Tatlong beses mo pa silang binasbasan! 11 Mabuti pa'y umuwi ka na! Pararangalan sana kita pero hinadlangan iyon ni Yahweh.”
12 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo 13 na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.”
14 “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.”
15 Muli siyang nagsalita,
“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang mensahe ng taong may malinaw na paningin.[d]
16 Ang pahayag ng isang taong nakikinig sa salita ng Diyos,
ng nakakaalam ng kalooban ng Kataas-taasang Diyos,
ng nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabuwal sa lupa'y malinaw pa rin ang aking paningin.
17 Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap,
nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap.
Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin,
sa lahi ni Israel ay may maghahari rin.
Mga pinuno ni Moab ay kanyang lilipulin,
lahat ng mga anak ni Set ay kanyang pababagsakin.
18 Sasakupin niya ang Edom at ang mga kaaway niya sa Seir,
samantala'y patuloy na magwawagi ang bansang Israel.
19 Lulupigin silang lahat nitong bansang Israel,
ang natitirang buháy sa mga lunsod ay kanilang uubusin.”
20 Nang makita niya sa pangitain ang Amalek ay ganito ang sinabi niya:
“Ang Amalek ay bansang pangunahin,
ngunit sa huli, siya ay lilipulin.”
21 Sinabi pa niya nang makita sa pangitain ang mga Cineo:
“Tirahan mo ay matibay at matatag.
22 Gayunman, ang bansang Cineo ay parang pugad na nasa mataas.
Di magtatagal, bibihagin ka ni Asur.”
23 Nagpatuloy siya sa kanyang pahayag,
“Sino'ng maaaring mabuhay kapag ito'y isinagawa ng Diyos?
24 Darating ang mga barko, mula sa Kitim
upang kanilang lusubin si Asur at si Eber,
ngunit sa bandang huli, siya'y malulupig din.”
25 Pagkatapos, si Balaam ay umuwi na, at ganoon din si Balac.
Sumamba ang Israel kay Baal-peor
25 Samantalang nakahimpil sa Sitim ang Israel, ang mga kalalakihan nila'y nakipagtalik sa mga babaing Moabita na naroroon. 2 Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita'y nakikain sa mga atang na iyon at sumamba rin sa mga diyus-diyosan doon. 3 Sumali sa pagsamba kay Baal-peor ang mga Israelita kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 4 Sinabi niya kay Moises, “Tipunin mo ang mga pinuno ng Israel at patayin mo sila sa harap ng madla para mapawi ang galit ko sa Israel.” 5 Iniutos ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Patayin ninyo ang lahat ng kasamahan ninyong sumamba kay Baal-peor.”
6 Samantalang si Moises at ang buong bayan ay nananangis sa harap ng Toldang Tipanan, dumating ang isang Israelita. May kasama itong Midianita, at hayagang ipinasok sa kanyang tolda. 7 Nang makita ito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron, umuwi siya at kumuha ng sibat. 8 Sinundan niya sa tolda ang Israelitang may kasamang Midianita at tinuhog silang dalawa ng sibat. Dahil dito, tumigil ang salot na sumasalanta sa Israel. 9 Gayunman, dalawampu't apat na libo na ang namatay sa salot na iyon.
10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Dahil sa ginawa ni Finehas, pinahalagahan niya ang aking karangalan. Kaya, hindi ko nilipol ang mga Israelita dahil sa aking galit. 12 Sabihin mo sa kanyang ako'y gumagawa ng isang kasunduan sa kanya; ipinapangako kong hindi ko siya pababayaan kailanman. 13 Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel.”
14 Ang Israelitang nagsama ng Midianita at napatay ni Finehas ay si Zimri na anak ni Salu at isa sa mga pinuno ng angkan sa lipi ni Simeon. 15 Ang Midianita naman ay si Cozbi na anak ni Zur, na isa sa mga pinuno ng angkan sa Midian.
16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Salakayin ninyo ang mga Midianita at puksain sila 18 dahil sa kasamaang ginawa nila sa inyo nang akitin nila kayong sumamba sa mga diyus-diyosan sa Peor, at sa ginawa ng kababayan nilang si Cozbi na pinatay ni Finehas noong sinasalanta kayo ng salot sa Peor.”
Ang Pangalawang Sensus
26 Pagkalipas(F) ng salot, sinabi ni Yahweh kina Moises at Eleazar na anak ni Aaron, 2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng mga Israelita na maaaring isama sa hukbo upang makipagdigma, mula sa gulang na dalawampung taon pataas.” 3 Dahil dito, tinipon nila ang mga pinuno sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico. 4 Binilang at inilista ang mga Israelita tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Ito ang listahan ng mga Israelitang umalis sa Egipto:
5 Sa lipi ni Ruben na panganay ni Israel ay ang mga angkan nina Hanoc, Fallu, 6 Hesron at Carmi. 7 Ang mga angkang ito ang bumubuo sa lipi ni Ruben. Silang lahat ay 43,730. 8 Ang anak ni Fallu ay si Eliab 9 at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram, kasama ng pangkat ni Korah, ang nagpasimuno sa mga Israelita ng paghihimagsik laban kina Moises at Aaron, at kay Yahweh. 10 Si Korah naman at ang kanyang 250 kasama ang nilamon ng lupa. Ang mga pangyayaring ito ay nagsilbing babala sa buong bayan. 11 Gayunma'y hindi kasamang namatay ang mga anak ni Korah.
12 Sa lipi naman ni Simeon ay ang mga angkan nina Nemuel, Jamin, Jaquin, 13 Zera at Saul. 14 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Simeon ay 22,200.
15 Sa lipi ni Gad ay ang mga angkan nina Zefon, Hagui, Suni, 16 Ozni, Eri, 17 Arod at Areli. 18 Ang kabuuang bilang ng lipi ni Gad ay 40,500.
19 Sa lipi naman ni Juda, hindi kabilang sina Er at Onan na namatay sa Canaan, ay 20 ang mga angkan nina Sela, Fares, Zara, 21 Hezron at Hamul. 22 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Juda ay 76,500.
23 Sa lipi ni Isacar ay ang mga angkan nina Tola, Pua, 24 Jasub at Simron. 25 Lahat-lahat sa lipi ni Isacar ay 64,300.
26 Sa lipi ni Zebulun ay ang mga angkan nina Sered, Elon at Jahleel. 27 Silang lahat ay 60,500.
28 Sa lipi ni Jose na may dalawang anak ay ang mga angkan nina Manases at Efraim.
29 Sa lipi ni Manases ay ang angkan ni Maquir at ang anak nitong si Gilead. 30 Ang angkan ni Gilead ay binubuo ng mga sambahayan nina Jezer, Helec, 31 Asriel, Shekem, 32 Semida, at Hefer. 33 Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi panay babae: sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 34 Lahat-lahat sa angkan ni Manases ay 52,700.
35 Sa lipi ni Efraim ay ang mga angkan nina Sutela, Bequer, at Tahan. 36 Ito naman ang bumubuo sa angkan ni Sutela: si Eran at ang kanyang sambahayan. 37 Ang kabuuang bilang sa lipi ni Efraim ay 32,500. Ito ang mga angkang nagmula sa lipi ni Jose.
38 Sa lipi ni Benjamin ay ang mga angkan nina Bela, Asbel, Ahiram, 39 Sufam, at Hufam. 40 Ang bumubuo sa angkan ni Bela ay ang mga sambahayan nina Ard at Naaman. 41 Lahat-lahat sa lipi ni Benjamin ay 45,600.
42 Sa lipi ni Dan ay ang angkan ni Suham 43 na ang kabuuang bilang ay 64,400.
44 Sa lipi ni Asher ay ang mga angkan nina Imna, Isvi, at Beria. 45 Ang angkan ni Beria ay binubuo ng mga sambahayan nina Heber at Malquiel. 46 Si Asher ay may anak na babae na nagngangalang Sera. 47 Lahat-lahat sa lipi ni Asher ay 53,400.
48 Sa lipi ni Neftali ay ang mga angkan nina Jahzeel, Guni, 49 Jezer at Silem. 50 Lahat-lahat sa lipi ni Neftali ay 45,400.
51 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay 601,730.
Ang Paghahati ng Lupain
52 Sinabi(G) ni Yahweh kay Moises, 53 “Hatiin mo ang lupain ayon sa laki ng bawat lipi. 54 Malaki ang kaparte ng malaking lipi at maliit ang sa maliit na lipi. Ang kaparte ng bawat lipi ay ayon sa dami ng kanyang bilang. 55 Ang lupain ay hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan, sa pangalan ng bawat lipi. 56 Ang pagtatakda ng kaparte ng bawat lipi ay dadaanin sa palabunutan.”
Ang Lipi ni Levi
57 Ang lipi naman ni Levi ay binubuo ng mga angkan nina Gershon, Kohat, at Merari. 58 Kabilang din sa liping ito ang mga sambahayan ni Libni, Hebron, Mahli, Musi at Korah. Si Kohat ang ama ni Amram, 59 na napangasawa ni Jocebed na kabilang din sa lipi ni Levi. Isinilang si Jocebed sa Egipto. Naging anak nila sina Aaron, Moises at Miriam. 60 Naging(H) anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Sina(I) Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y gumamit ng apoy na di karapat-dapat kay Yahweh. 62 Lahat-lahat, ang natala sa lipi ni Levi ay 23,000, mula sa gulang na isang buwan pataas. Sila'y hindi kabilang sa talaan ng Israel sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
Sina Caleb at Josue Lamang ang Natira
63 Ito ang mga Israelitang binilang at inilista ni Moises at ng paring si Eleazar sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa may tapat ng Jerico. 64 Dito'y walang kasama isa man sa mga Israelitang itinala nina Moises at Aaron noong sila'y nasa Bundok ng Sinai. 65 Ang(J) mga ito'y namatay, liban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun, tulad ng sinabi ni Yahweh.
Ang Kahilingan ng mga Anak ni Zelofehad
27 Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose. 2 Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila, 3 “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki. 4 Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.”
5 Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh, 6 at ganito ang sagot ni Yahweh, 7 “Tama(K) ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak. 8 At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae. 9 Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid. 10 Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo 11 at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”
Ang Pagpili kay Josue Bilang Kahalili ni Moises(L)
12 Sinabi(M) ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid. 14 Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.)
15 Sinabi ni Moises, 16 “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong 17 mangunguna(N) sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”
18 Sinabi(O) ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay. 19 Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili. 20 Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel. 21 Kay(P) Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.” 22 Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan. 23 Pagkatapos,(Q) ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.
Mga Pang-araw-araw na Handog(R)
28 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na sila'y mag-alay sa akin ng mga handog na pagkaing butil, handog na susunugin, at mababangong handog sa takdang panahon.
3 “Ito ang ihahandog nila sa akin araw-araw bilang handog na susunugin: dalawang tupa na tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan; 4 isa sa umaga at isa sa hapon. 5 Ito'y sasamahan ng kalahating salop ng harina at minasa sa isang litrong langis ng olibo. 6 Ito ang pang-araw-araw ninyong handog na susunugin tulad ng sinabi ko sa inyo sa Bundok ng Sinai, isang mabangong handog sa akin. 7 Samahan ninyo ito ng isang litrong handog na inumin na inyong ibubuhos sa Dakong Banal para sa akin. 8 Ang isa pang tupa ay ihahandog nga sa hapon at sasamahan din ng handog na pagkaing butil at handog na inumin, tulad ng handog sa umaga, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin.
Ang Handog Tuwing Araw ng Pamamahinga
9 “Tuwing Araw ng Pamamahinga, dalawang lalaking tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan ang inyong ihahandog. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Ang handog na pagkaing butil ay isang salop na harina at minasa sa langis ng olibo. 10 Ito ay ihahandog ninyo tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod sa pang-araw-araw ninyong handog.
Ang Buwanang Handog
11 “Tuwing unang araw ng buwan, ito naman ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na walang kapintasan. 12 Ang handog na pagkaing butil ay isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa bawat toro; isang salop para sa isang tupa, 13 at kalahating salop naman sa bawat batang tupa. Ito ay handog na susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. 14 Ang inuming handog naman ay dalawang litro para sa bawat toro, 1 1/3 litro sa bawat lalaking tupa at isang litro naman sa bawat batang tupa. Ito ang buwanan ninyong handog. 15 Bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkain, maghahandog pa rin kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan.
Ang Handog Tuwing Kapistahan(S)
16 “Ang(T) ika-14 na araw ng unang buwan ay Pista ng Paskwa ni Yahweh. 17 Ang(U) ika-15 araw ang simula ng pista, at pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. 18 Sa unang araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 19 Sa halip, magdala kayo ng handog na susunugin. Ito ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 20 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop sa bawat lalaking tupa 21 at kalahating salop sa bawat batang tupa. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 23 Ang mga ito'y ihahandog ninyo bukod pa sa pang-araw-araw na handog. 24 Sa loob ng pitong araw, iyan ang mga handog na inyong susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ito'y inyong gagawin maliban pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa inuming handog. 25 Sa ikapitong araw, magdaraos muli kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
Ang Handog sa Pista ng Pag-aani(V)
26 “Sa(W) unang araw ng Pista ng Pag-aani, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong at doon ninyo ihahandog ang unang ani ng inyong mga bukid. Huwag din kayong magtatrabaho sa araw na iyon. 27 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong batang tupa. 28 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis ng olibo para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 29 at kalahating salop para sa bawat batang tupa. 30 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. 31 Ito'y ihahandog ninyo, kasama ng handog na inumin, bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkaing butil. Kinakailangang ang mga ito'y walang kapintasan.
Ang Handog sa Pagdiriwang ng Bagong Taon(X)
29 “Sa unang araw ng ikapitong buwan, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong, at huwag kayong magtatrabaho. Sa araw na iyon ay hipan ninyo ang mga trumpeta. 2 Mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para sa akin. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong walang kapintasang tupa na tig-iisang taon pa lamang. 3 Samahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa toro, isang salop para sa tupa, 4 at kalahating salop para naman sa bawat batang tupa. 5 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng inyong mga kasalanan. 6 Ang mga handog na ito'y bukod pa sa mga handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin sa bagong buwan, at sa araw-araw. Ito'y susunugin ninyo upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
Ang Handog sa Araw ng Pagtubos ng Kasalanan(Y)
7 “Sa(Z) ika-10 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong kakain ni magtatrabaho sa araw na iyon. 8 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tig-iisang taóng tupa na pawang walang kapintasan. 9 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa toro, isang salop naman para sa tupang lalaki 10 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. 11 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin.
Ang Handog sa Pista ng mga Tolda(AA)
12 “Sa(AB) ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh. 13 Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labingtatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 14 Sasamahan din ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa 15 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Sasamahan din ninyo ito ng nakatakdang handog na inumin. 16 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na handog.
17 “Sa ikalawang araw, ang ihahandog ninyo'y labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 18 Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
20 “Sa ikatlong araw, ang ihahandog ninyo'y labing-isang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 21 Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
23 “Sa ikaapat na araw, ang ihahandog ninyo'y sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 24 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil at inuming gaya ng nakatakda para sa unang araw. 25 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
26 “Sa ikalimang araw, ang ihahandog ninyo'y siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 27 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 28 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
29 “Sa ikaanim na araw, ang ihahandog ninyo'y walong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 30 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 31 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
32 “Sa ikapitong araw, ang ihahandog ninyo'y pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 33 Sasamahan din ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 34 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
35 “Sa ikawalong araw, magdaos kayo ng banal na pagpupulong at huwag kayong magtatrabaho. 36 Sa araw na iyon, mag-aalay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. 37 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. 38 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
39 “Ang mga nabanggit ay ihahandog ninyo kay Yahweh tuwing ipagdiriwang ang mga takdang pista, bukod sa mga panatang handog, kusang-loob na handog, handog na susunugin, handog na pagkaing butil at inumin, at handog na pangkapayapaan.”
40 Lahat ng ito ay sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ni Yahweh.
Mga Tuntunin tungkol sa Panata ng Isang Babae
30 Sinabi ni Moises sa mga pinuno ng bawat lipi ng Israel, “Ito ang utos ni Yahweh: 2 Kung(AC) kayo'y mayroong panata kay Yahweh, huwag kayong sisira sa inyong pangako. Kailangang tuparin ninyo ang bawat salitang binitiwan ninyo.
3 “Kung ang isang dalagang nasa poder pa ng kanyang ama ay mamanata o mangako kay Yahweh 4 nang naririnig ng kanyang ama at hindi ito tumutol, may bisa ang panata o pangakong iyon. 5 Ngunit kung tumutol ang ama nang marinig ang tungkol sa panata, walang bisa ang panata ng nasabing dalaga. Wala siyang sagutin kay Yahweh sapagkat hinadlangan siya ng kanyang ama.
6 “Kung ang isang dalagang nakapanata o nakapangako nang wala sa loob ay magkaasawa, 7 mananatili ang bisa ng panata o pangako kung hindi tututol ang lalaki sa araw na malaman niya iyon. 8 Ngunit kung tumutol ang lalaki sa araw na malaman iyon, mawawalan ng bisa ang panata ng babae, at hindi siya paparusahan ni Yahweh.
9 “Kung ang isang biyuda, o babaing pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa ay mamanata o mangako, ang bisa nito ay mananatili.
10 “Kung ang isang babaing may asawa ay mamanata o mangako, 11 may bisa ito kapag hindi tumutol ang kanyang asawa sa araw na malaman niya ito. 12 Ngunit ang panata o sumpa ng babae ay hindi magkakabisa kapag tumutol ang lalaki sa sandaling marinig niya ito. Siya'y walang sagutin kay Yahweh sapagkat tutol ang kanyang asawa. 13 Anumang panata o pangakong gawin ng babae ay walang kabuluhan kung tututulan ng kanyang asawa, ngunit magkakabisa kung sasang-ayunan nito. 14 Kapag hindi tumutol ang lalaki sa araw na malaman niya ang panata ng asawa, may bisa ang panatang iyon. 15 Ngunit kapag pinawalang-bisa niya iyon pagkaraan ng ilang araw, siya ang mananagot sa di pagtupad ng kanyang asawa.”
16 Ito ang mga tuntuning sinabi ni Yahweh kay Moises, tungkol sa panata ng mga dalagang nasa poder pa ng kanilang magulang o ng mga babaing may asawa na.
Ang Pakikidigma Laban sa mga Midianita
31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ipaghiganti mo muna ang sambayanang Israel sa mga Midianita. Pagkatapos, pamamahingahin na kita sa piling ng iyong mga yumaong ninuno.”
3 Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Humanda kayo sa pakikipagdigma laban sa mga Midianita upang maigawad ang parusa ni Yahweh sa kanila. 4 Bawat lipi ng Israel ay magpadala ng sanlibong kawal.”
5 Nagpadala nga ng tig-iisanlibong kawal ang bawat lipi kaya't nakatipon sila ng 12,000 kalalakihang handang makipagdigma. 6 Pinapunta sila ni Moises sa labanan sa pamumuno ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Dala niya ang mga kagamitan sa santuwaryo at ang mga trumpeta para magbigay-hudyat. 7 Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, nilusob nila ang mga Midianita at pinatay ang lahat ng lalaki 8 kasama ang limang hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba, pati si Balaam na anak ni Beor.
9 Binihag nila ang mga babae at ang mga bata, at sinamsam ang kanilang mga baka, mga kawan at lahat ng ari-arian. 10 Sinunog nila ang mga lunsod at lahat ng mga toldang tinitirhan roon, 11 subalit sinamsam nila ang lahat ng maaaring samsamin, maging tao o hayop man. 12 Lahat ng kanilang nasamsam ay iniuwi nila sa kanilang kampo na nasa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, at tapat ng Jerico. Dinala nila ang mga ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa sambayanang Israel.
Ang Pagkamatay ng mga Bihag na Babae at Paglilinis ng mga Samsam
13 Ang mga kawal ay sinalubong ni Moises, ng paring si Eleazar, at ng mga pinuno ng Israel sa labas ng kampo. 14 Nagalit si Moises sa mga punong kawal, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. 15 Sinabi niya, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? 16 Nakalimutan(AD) (AE) na ba ninyo ang ginawa ng mga babaing ito? Sila ang humikayat sa mga Israelita na magtaksil kay Yahweh at sumamba kay Baal noong sila'y nasa Peor! Sila ang dahilan kaya nagkaroon ng salot sa sambayanan ni Yahweh. 17 Patayin ninyo ang mga batang lalaki at lahat ng babaing nasipingan na. 18 Itira ninyo ang mga dalaga, at iuwi ninyo. 19 Ngunit huwag muna kayong papasok ng kampo. Pitong araw muna kayo sa labas ng kampo. Lahat ng nakapatay at nakahawak ng patay, pati ang inyong mga bihag ay maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw ayon sa Kautusan. 20 Linisin din ninyo ang inyong mga kasuotan, mga kagamitang yari sa balat, telang lana at kahoy.”
21 Sinabi ni Eleazar sa mga kawal na nanggaling sa labanan, “Ito ang mga patakarang ibinigay ni Yahweh kay Moises: 22-23 ang mga ginto, pilak, tanso, bakal, lata at lahat ng hindi masusunog ay pararaanin sa apoy para luminis. Pagkatapos, huhugasan ito ayon sa Kautusan. Lahat ng maaaring masunog ay lilinisin sa pamamagitan ng tubig ayon sa Kautusan. 24 Sa ikapitong araw, lalabhan ninyo ang inyong mga damit. Pagkatapos, magiging malinis na kayo ayon sa Kautusan at maaari nang pumasok sa kampo.”
Ang Paghahati sa mga Samsam
25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Tawagin mo ang paring si Eleazar at ang matatandang pinuno ng bayan at bilangin ninyo ang mga nasamsam. 27 Pagkatapos, hatiin ninyo; ang isang bahagi ay para sa mga kawal, at ang isa'y para sa taong-bayan. 28 Kunin mo ang isa sa bawat limandaang hayop o taong makakaparte ng mga kawal. 29 Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang handog kay Yahweh. 30 Sa kaparte naman ng bayan, kunin mo ang isa sa bawat limampung tao o hayop, at ibigay mo naman sa mga Levita na nangangalaga sa tabernakulo.” 31 Ginawa nga nina Moises at Eleazar ang ipinag-utos ni Yahweh.
32-35 Ang nasamsam ng mga kawal na Israelita mula sa Midian ay 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno, at 32,000 dalagang birhen. 36-40 Ang kalahati nito'y nauwi sa mga kawal: 337,500 tupa ang napunta sa kanila at ang handog nila kay Yahweh ay 675; ang mga baka naman ay 36,000 at 72 nito ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga asno naman ay 30,500 at 61 ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga babaing nakaparte nila ay 16,000 at ang 32 nito ay inihandog nila kay Yahweh. 41 At tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, lahat ng handog kay Yahweh ay ibinigay niya kay Eleazar.
42-46 Ang kalahati ng samsam na kaparte ng taong-bayan ay 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno, at 16,000 babae. 47 Mula sa kaparteng ito ng bayan, kinuha ni Moises ang isa sa bawat limampung hayop o tao at ibinigay sa mga Levita na siyang nangangalaga sa tabernakulo; ito'y ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
48 Pagkatapos, lumapit kay Moises ang mga pinunong kasama sa labanan. 49 Sinabi nila, “Binilang po namin ang aming mga kasamahan at isa man po'y walang namatay. 50 Dala po namin ang mga gintong alahas na aming nasamsam tulad ng pulseras, singsing, hikaw at kuwintas, upang ihandog kay Yahweh bilang kabayaran sa aming buhay.” 51 Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na yari sa ginto. 52 Nang bilangin nila ang mga ito ay umabot sa 16,750 pirasong ginto. 53 (Hindi ibinigay ng mga pangkaraniwang kawal ang kanilang nasamsam.) 54 Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga pinuno ay dinala nila sa Toldang Tipanan upang magpaalala sa Israel kung ano ang ginawa ni Yahweh.
Ang mga Lipi sa Silangan ng Jordan(AF)
32 Napakarami ng hayop ng mga lipi nina Ruben at Gad. Nang makita nila na mainam ang pastulan sa Jazer at sa Gilead, 2 pumunta sila kay Moises, kay Eleazar at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, 3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebma, Nebo at Beon, 4 mga lupaing nilupig ni Yahweh para sa Israel ay mainam na pastulan ng mga hayop. Kaming mga lingkod ninyo ay may mga bakahan. 5 Kung inyong mamarapatin, ito na po lamang ang ibigay ninyo sa amin. Huwag na po ninyo kaming patawirin sa kabila ng Jordan.”
6 Ngunit ganito ang sagot ni Moises sa lipi ni Ruben at ni Gad, “Hahayaan ba ninyong makipaglaban ang inyong mga kapatid samantalang kayo'y nagpapasarap dito? 7 Gusto ba ninyong panghinaan ng loob ang mga Israelita sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? 8 Ganyan din ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y suguin ko upang tiktikan ang Kades-barnea. 9 Nang makaahon sila sa may kapatagan ng Escol at makita ang lupain, sinira nila ang loob ng mga Israelita. 10 Dahil(AG) doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya't isinumpa niya 11 na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. 12 Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb na anak ni Jefune na mula sa angkan ng Cenizeo at kay Josue na anak ni Nun, sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. 13 Nagalit nga sa kanila si Yahweh, kaya sila'y ginawa niyang mga lagalag sa ilang sa loob ng apatnapung taon, hanggang mamatay na lahat ang mga gumawa ng masama sa kanyang paningin. 14 At ngayon, kayo naman ang pumalit sa inyong mga makasalanang magulang. Gusto ba ninyong tularan ang ginawa nila at lalo pang magalit si Yahweh sa Israel? 15 Kapag tumalikod kayo sa kanya, pababayaan niya sa ilang ang Israel. At kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng bayang ito.”
16 Lumapit sila kay Moises at sinabi: “Igagawa lang muna namin ng kulungan ang aming mga hayop, at ng tirahan ang aming mga pamilya. 17 Kailangang bago namin sila iwan ay matiyak naming ligtas sila sa mga tagarito. Pagkatapos, makikipaglaban kaming kasama ng mga Israelita hanggang makarating sila sa lupaing titirhan nila. 18 Hindi kami uuwi hanggang hindi nila nakakamtan ang lupaing dapat mapunta sa kanila. 19 At hindi na kami makikihati sa lupang masasakop nila sa kabila ng Jordan sapagkat nakakuha na kami ng parte rito sa silangan ng Jordan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.