Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 23:12-34

12 “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi. 14 Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo.

Iba't ibang Tuntunin

15 “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo. 16 Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin.

17 “Sinumang(A) Israelita, babae man o lalaki ay hindi maaaring magbenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba. 18 Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba.

19 “Huwag(B) kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan. 20 Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

21 “Huwag(C) ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon. 22 Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata. 23 Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh.

24 “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi. 25 Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit.

Tungkol sa Paghihiwalay at Pag-aasawang Muli

24 “Kung(D) mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo.

Iba't Ibang Tuntunin

“Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa.

“Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay.

“Sinumang(E) dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito.

“Tungkol(F) sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. Alalahanin(G) ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto.

10 “Kung(H) kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; 11 maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. 12 Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. 13 Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.

14 “Huwag(I) ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. 15 Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo.

16 “Hindi(J) dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.

17 “Huwag(K) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. 18 Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh.

19 “Kung(L) sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. 20 Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 21 Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. 22 Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo.

25 “Kapag may usaping iniharap sa hukuman, at napawalang-sala ang walang kasalanan at nahatulan ang may sala, at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan. Apatnapu(M) ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao.

“Huwag(N) ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.

Ang Pag-aasawang Muli ng Isang Biyuda

“Kung(O) may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. Kung(P) (Q) ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ 10 At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.

Iba Pang Tuntunin

11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawa ng isa ay lumapit upang tulungan ang kanyang asawa at dinaklot ang ari ng kalaban, 12 puputulin ang kamay ng babaing iyon; hindi siya dapat kaawaan.

13 “Huwag kayong gagamit ng dalawang uri ng pabigat sa timbangan, isang mabigat at isang magaan. 14 Huwag din kayong gagamit ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. 15 Ang tamang pabigat ang gagamitin ninyo sa timbangan, at ang gagamiting takalan ay iyong husto sa sukat upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 16 Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

Ang Paglipol sa Lahi ni Amalek

17 “Huwag(R) ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. 18 Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. 19 Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan.

Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani

26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, kumuha(S) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’

“Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:

‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’

“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.

12 “Sa(T) ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’

Bayang Nakalaan kay Yahweh

16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag(U) naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

27 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagkatawid(V) ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. Magtayo(W) kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh. At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”

Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh. 10 Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”

Ang mga Sumpa ng Hindi Pagsunod kay Yahweh

11 Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel, 12 “Pagkatawid(X) ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala. 13 Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa. 14 Ganito naman ang isisigaw ng mga pari:

15 “‘Sumpain(Y) ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’

“Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’

16 “‘Sumpain(Z) ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

17 “‘Sumpain(AA) ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

18 “‘Sumpain(AB) ang sinumang magligaw sa bulag.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

19 “‘Sumpain(AC) ang sinumang magkait ng katarungan sa mga dayuhan, ulila at biyuda.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

20 “‘Sumpain(AD) ang sinumang nakikipagtalik sa ibang asawa ng kanyang ama, sapagkat inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

21 “‘Sumpain(AE) ang sinumang makipagtalik sa anumang uri ng hayop.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

22 “‘Sumpain(AF) ang sinumang sumiping sa kanyang kapatid na babae, kahit pa ito'y kapatid sa ama o sa ina.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

23 “‘Sumpain(AG) ang sinumang sumiping sa kanyang biyenang babae.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

24 “‘Sumpain ang sinumang lihim na pumatay sa kanyang kapwa.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

25 “‘Sumpain ang sinumang nagpapabayad upang pumatay ng taong walang kasalanan.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

26 “‘Sumpain(AH) ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito.’

“Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(AI)

28 “Kung(AJ) susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.

“Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid.

“Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop.

“Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.

“Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin.

“Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.

“Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

“Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. 10 Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. 12 Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. 13 Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14 Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Ang Ibubunga ng Pagsuway(AK)

15 “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito:

16 “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid.

17 “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.

18 “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop.

19 “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin.

20 “Padadalhan niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng inyong gagawin hanggang sa kayo'y malipol. Gagawin niya ito dahil sa pagtalikod ninyo sa kanya. 21 Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol. 23 Ipagkakait sa inyo ang ulan at dahil dito, magiging parang bakal ang lupa dahil sa pagkatigang. 24 Pauulanan kayo ni Yahweh ng alikabok sa halip na tubig hanggang sa kayo'y lubusang mapuksa.

25 “Hahayaan niyang matalo kayo ng inyong mga kaaway. Lalaban kayo sa kanila ngunit magkakanya-kanya kayo ng takbo. Dahil dito, kikilabutan ang lahat ng bansa sa inyong sinapit. 26 Kakainin ng mga ibon at mga hayop ang inyong mga bangkay ngunit walang mag-aabalang bumugaw sa mga ito. 27 Pahihirapan kayo ng mga pigsa, gaya ng ginawa ni Yahweh sa mga Egipcio. Tatadtarin niya kayo ng galis, buni at pangangati ng balat na hindi mapapagaling. 28 Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin. 29 Parang bulag kayong mangangapa sa katanghaliang-tapat, at maliligaw kayo sa inyong mga lakad. Anuman ang inyong gawin ay hindi kayo magtatagumpay. Patuloy kayong gigipitin at sasamsaman ng ari-arian ngunit walang sasaklolo sa inyo.

30 “Makikipagkasundo kayong pakasal sa isang babae ngunit iba ang mapapangasawa niya. Magtatayo kayo ng bahay ngunit iba ang titira. Magtatanim kayo ng ubas ngunit iba ang makikinabang. 31 Kakatayin ang sarili ninyong baka sa harapan ninyo ngunit hindi ninyo matitikman. Aagawin sa inyo ang inyong asno at hindi na ibabalik. Ang mga tupa ninyo'y sasamsamin ng kaaway at hindi na ninyo mababawi. 32 Ang inyong mga anak ay kitang-kita ninyong ibibigay sa ibang tao, ngunit wala kayong magagawa. 33 Isang bansang hindi ninyo kilala ang makikinabang sa ani ng inyong lupain at sa bunga ng inyong pagpapagod. Pahihirapan nila kayo at patuloy na aapihin 34 hanggang sa masiraan kayo ng bait dahil sa inyong paghihirap. 35 Pahihirapan kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng bukol sa tuhod at binti. Hindi ninyo ito mapapagaling, sa halip ay kakalat mula sa ulo hanggang paa.

36 “Kayo at ang inyong hari ay ipapabihag ni Yahweh sa isang bansang hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Maglilingkod kayo sa kanilang diyos na yari sa kahoy at bato. 37 Sa mga bansang pagtatapunan sa inyo ni Yahweh ay magiging katatawanan kayo at pag-uusapan. Magtataka ang mga tao roon sa inyong kinahinatnan.

38 “Maghahasik kayo ng marami ngunit kaunti lamang ang maaani sapagkat sisirain ng mga balang. 39 Magtatanim kayo ng ubas at masinop ninyo itong aalagaan ngunit hindi kayo makakatikim ng bunga o katas nito sapagkat sisirain ng uod. 40 Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito. 41 Magkakaanak kayo ngunit mawawala sa inyo sapagkat mabibihag ng mga kaaway. 42 Uubusin ng mga kulisap ang inyong mga punongkahoy at pananim.

43 “Uunlad ang kabuhayan ng mga dayuhang kasama ninyo ngunit ang kabuhayan ninyo'y patuloy na babagsak. 44 Sila ang magpapautang sa inyo at wala kayong maipapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo'y tagasunod nila.

45 “Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo, magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo'y lubusang mapuksa. 46 Ang mga ito'y magsisilbing patotoo ng hatol ng Diyos sa inyo at sa inyong magiging lahi magpakailanman. 47 Hindi ninyo pinaglingkuran nang buong kasiyahan at kagalakan si Yahweh sa panahon ng inyong kasaganaan. 48 Kaya, ipapasakop niya kayo sa inyong mga kaaway. Sila ang paglilingkuran ninyo sa panahon ng kagutuman, kauhawan, kahubaran at kakulangan sa lahat ng bagay. Pahihirapan kayo ni Yahweh hanggang kayo ay malipol. 49 Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo. 50 Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata. 51 Uubusin nila ang inyong mga hayop, pati ang ani ng inyong lupain. Wala silang ititira sa inyong ani, inumin, langis, baka o kawan, hanggang sa kayo'y malipol. 52 Kukubkubin nila ang inyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader na sa akala ninyo'y magliligtas sa inyo.

53 “Kapag kinubkob kayo ng inyong mga kaaway, sa tindi ng inyong gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 54 Magiging maramot pati ang pinakamabait na tao. Hindi niya bibigyan ng pagkain pati kanyang kapatid, asawa o ang nalalabi niyang anak. 55 Sinuman sa kanila'y hindi niya bibigyan ng kinakain niyang karne ng kanyang anak sa takot na mawalan siya ng makakain. Ganyan ang aabutin ninyo sa panahon ng pagkubkob sa inyo ng inyong mga kaaway. 56 Maging ang pinakamabait at pinakamaselang babae sa Israel na dati'y hindi tumutuntong ng lupa ay magiging maramot pati sa asawa't mga anak. 57 Maging(AL) ang kasisilang na sanggol at ang mga anak na kanyang isinilang ay ipagdadamot niya. Lihim niya itong kakainin at pagkaubos ay ang sanggol ang isusunod niya. Ganyan nga ang aabutin ninyo sa panahon ng pagsalakay sa inyo ng inyong mga kaaway.

58 “Kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos sa aklat na ito at hindi ninyo iginalang ang kahanga-hanga at kakila-kilabot na pangalan ni Yahweh, 59 kayo at hanggang sa inyong kaapu-apuhan ay padadalhan niya ng matinding kahirapan at mga salot na walang katapusan. 60 Ipadaranas niya sa inyo ang mga kinatatakutan ninyong sakit na ipinadala niya sa Egipto. Hindi na kayo gagaling sa mga sakit na ito. 61 Padadalhan din niya kayo ng iba pang karamdamang hindi nabanggit sa aklat na ito ng kautusan hanggang sa kayo'y mapuksa. 62 At kahit dumami pa kayo na sindami ng bituin sa langit, kaunti lamang ang matitira sa inyo sapagkat hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh. 63 Kung gaano kalaki ang kanyang kasiyahan sa pagpapala at pagpapaunlad sa inyo, gayon din kalaki ang kasiyahan niya sa pagwasak at pagpuksa sa inyo. Bubunutin niya pati ang pinakaugat ng inyong lahi sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

64 “Sa gagawin sa inyo ni Yahweh ay magkakawatak-watak kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at kayo'y sasamba sa mga diyos na yari sa kahoy at bato, sa mga diyus-diyosang kailanma'y hindi ninyo nakilala ni ng inyong mga ninuno. 65 Hindi kayo mapapanatag doon. Lagi kayong mag-aalala. Mamumuhay kayo sa kabiguan at matinding kalungkutan. 66 Laging manganganib ang inyong buhay. Araw at gabi'y paghaharian kayo ng takot at walang katiyakan ang buhay. 67 Dahil sa malaking takot na likha ng inyong nakikita, kung araw ay sasabihin ninyong sana'y gumabi na, at kung gabi naman sana'y mag-umaga na. 68 Ibabalik kayo ni Yahweh sa Egipto, sakay ng mga barko, kahit naipangako niyang hindi na kayo pababalikin doon. Ipagbibili ninyo ang mga sarili ninyo upang maging alipin ng inyong mga kaaway ngunit walang bibili sa inyo.”

Ang Tipan ni Yahweh sa Israel sa Lupain ng Moab

29 Ito ang mga tuntunin ng kasunduang ibinigay ni Yahweh kay Moises upang sabihin sa mga Israelita nang sila'y nasa lupain ng Moab, bukod pa sa kasunduang ginawa niya sa Sinai.[a]

Tinipon ni Moises ang mga Israelita at sinabi, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ni Yahweh kay Faraon, sa kanyang mga tauhan at sa buong Egipto. Nakita ninyo ang kapangyarihan ni Yahweh at ang mga tanda at kababalaghang ginawa niya. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya hinahayaang maunawaan ninyo ang inyong mga naranasan. Apatnapung taon akong nanguna sa inyo sa ilang. Hindi kailanman nasira ang inyong kasuotan ni napudpod ang inyong sandalyas. Wala kayong pagkain o inumin ngunit binigyan kayo ni Yahweh upang malaman ninyong siya ang ating Diyos. Pagdating(AM) ninyo rito, dinigma tayo ni Haring Sihon ng Hesbon at ni Haring Og ng Bashan. Ngunit nagapi natin sila. Nasakop(AN) natin ang kanilang lupain at iyon ang ibinigay natin sa lipi nina Ruben, Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases. Kaya, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin ng kasunduang ito upang magtagumpay kayo sa lahat ng inyong gagawin.

10 “Ngayo'y narito tayong lahat sa harapan ni Yahweh—ang pinuno ng bawat lipi, ang matatandang pinuno, ang mga opisyal, ang mga mandirigma ng Israel, 11 ang inyong mga asawa at mga anak, at kahit ang mga dayuhang nagsisibak ng kahoy at nag-iigib ng tubig para sa inyo— 12 upang manumpa sa pangalan ni Yahweh at makipagtipan sa kanya. 13 Sa pamamagitan ng kasunduang ito, ipinapahayag niyang kayo ang kanyang bayan at siya ay inyong Diyos tulad ng kanyang ipinangako sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. 14 At ang kasunduang ito'y hindi lamang para sa ating narito ngayon 15 kundi pati sa mga magiging mga anak natin.

16 “Hindi kaila sa inyo ang naging buhay natin sa Egipto, at sa mga bansang nadaanan natin sa paglalakbay. 17 Nakita ninyo ang kasuklam-suklam nilang gawain, ang mga diyos nilang yari sa bato, kahoy, pilak at ginto. 18 Mag-ingat(AO) nga kayo at baka sa inyo'y may isang lalaki, babae, sambahayan o angkang tumalikod kay Yahweh upang maglingkod sa diyus-diyosan ng mga bansang iyon. Baka sa inyo'y may lumitaw na isang taong katulad ng punongkahoy na mapait at nakakalason ang bunga. 19 Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama. 20 Hindi patatawarin ni Yahweh ang ganoong tao, sa halip ay magagalit siya sa taong iyon. Mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat ng kautusang ito hanggang sa lubusan siyang mapuksa ni Yahweh. 21 Ihihiwalay siya ni Yahweh mula sa mga lipi ng Israel upang ibuhos sa kanya ang sumpang nakatala sa aklat na ito.

22 “Makikita ng salinlahing susunod sa atin, at ng mga dayuhang mula sa malalayong bansa ang mabigat na parusa ni Yahweh. 23 Makikita(AP) nila ang lupaing tinupok sa pamamagitan ng asupre at tinabunan ng asin. Kaya't kahit damo ay hindi tutubo roon, gaya ng nangyari sa Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboim nang ibagsak niya rito ang kanyang matinding galit. 24 At sasabihin ng lahat ng nakakita nito, ‘Bakit pinuksa ni Yahweh ang bansang ito? Bakit matindi ang naging galit niya sa kanila?’ 25 Ang isasagot ay, ‘Sapagkat tinalikuran nila ang kanilang kasunduan kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. 26 Sila'y naglingkod at sumamba sa mga diyus-diyosang hindi nila kilala at ipinagbabawal ni Yahweh sa kanila. 27 Iyan ang dahilan kaya nagalit sa kanila si Yahweh at ibinagsak sa kanila ang mga sumpang nakasulat sa aklat na ito. 28 At dahil sa matindi niyang galit, sila'y pinaalis ni Yahweh sa kanilang lupain at itinapon sa ibang lugar. Naroon sila ngayon.’

29 “May mga bagay na sadyang inilihim ng Diyos nating si Yahweh. Ngunit ipinahayag ang kautusang ito upang sundin natin at ng ating mga anak magpakailanman.

Mga Kondisyon sa mga Pagpapala at Panunumbalik ng Bansa

30 “Naipahayag ko na sa inyo ang mga pagpapala at ang mga sumpa; piliin ninyo kung alin ang gusto ninyo. Kapag nangyari na sa inyo ang mga ito at naninirahan na kayo sa mga bansang bumihag sa inyo, maaalala ninyo ang bagay na ito. Kapag kayo at ang mga anak ninyo ay manunumbalik kay Yahweh upang buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos na aking binabanggit sa inyo ngayon, kahahabagan niya kayo at ibabalik sa magandang kalagayan. Titipunin niya kayong muli mula sa mga bansang pinagtapunan sa inyo at muli kayong pasasaganain. Kahit saang sulok ng daigdig kayo mapatapon, muli niya kayong titipunin at ibabalik sa lupain ng inyong mga ninuno upang muli ninyong angkinin iyon. Kayo'y higit niyang pararamihin at pasasaganain kaysa inyong mga ninuno. Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal. At ang mga sumpang ito'y ipapataw ni Yahweh sa inyong mga kaaway na nagpahirap sa inyo. Muli ninyong papakinggan ang kanyang tinig at susundin ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain niya ang lahat ng inyong gawain. Pararamihin niya ang inyong mga anak at mga hayop at pasasaganain ang ani ng inyong lupain. Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo, tulad ng ginawa niya sa inyong mga ninuno. 10 Ngunit kailangang makinig kayo sa kanya at buong puso't kaluluwang sumunod sa kanyang mga utos.

11 “Ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin at unawain. 12 Wala(AQ) ito sa langit, kaya hindi na ninyo dapat itanong, ‘Sino ang aakyat sa langit para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ 13 Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, ‘Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ 14 Napakalapit ng kautusan sa inyo, nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso. Kailangan lang ninyo itong tuparin.

15 “Binibigyan(AR) (AS) ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan; 16 kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos,[b] at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa. 17 Ngunit kapag tumalikod kayo at ayaw nang makinig sa kanya, sa halip ay naglingkod sa ibang mga diyos, 18 ngayon pa'y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing sasakupin ninyo sa ibayo ng Jordan. 19 Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal. 20 Ibigin ninyo si Yahweh, sundin siya at manatiling tapat sa kanya upang kayo at ang inyong salinlahi ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”

Si Josue ang Kahalili ni Moises

31 Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang(AT) sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan. Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh. Ang(AU) mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”

Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno. Si(AV) Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”

Dapat Basahin ang Kautusan Tuwing Ikapitong Taon

Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan. 10 Sinabi(AW) niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang, 11 basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya. 12 Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos. 13 Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.”

Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. 15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 17 Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.

18 “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. 19 Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. 20 Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”

22 Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.

23 Itinalaga(AX) ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.”

24 Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan, 25 sinabi niya sa mga pari, 26 “Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo. 27 Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako. 28 Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila. 29 Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.”

Ang Awit ni Moises

30 Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita:

32 “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin,
    unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin.
Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo,
    ang salita ko nawa'y tulad ng hamog na namumuo;
    upang halama'y diligan at damo'y tumubo.
Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin,
    ang kanyang pangalan ay inyong dakilain.

“Si Yahweh ang inyong batong tanggulan,
    mga gawa niya'y walang kapintasan,
mga pasya niya'y pawang makatarungan;
    siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil,
    di na karapat-dapat na mga anak ang turing,
    dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail.
O mga mangmang at hangal na tao,
    ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha,
    at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa?

“Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon;
    tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin,
    pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
Nang(AY) ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain,
    nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin,
mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili,
    sila ang kanyang tagapagmanang lahi.

10 “Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan,
    sa isang lupang tigang at walang naninirahan.
Doon sila'y kanyang pinatnubayan,
    binantayan at doo'y inalagaan.
11 Isang inahing agila, ang kanyang katulad,
    sila'y mga inakay na tinuruan niyang lumipad;
upang ang Israel ay hindi bumagsak,
    sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak.
12 Si Yahweh lamang ang sa kanila'y pumatnubay,
    walang diyos na banyaga ang sa kanila'y dumamay.

13 “Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan,
    sila'y kumain ng mga ani sa kabukiran.
Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan,
    nakahukay rin ng langis sa lupang tigang.
14 Kanilang mga baka't kambing ay sagana sa gatas;
    pinakamainam ang kanilang kawan, trigo, at katas ng ubas.

15 “Si Jacob na irog, tumaba't lumaki—katawa'y bumilog;
ang Diyos na lumalang kanyang tinalikuran,
    at itinakwil ang batong tanggulan ng kanyang kaligtasan.
16 Pinanibugho nila si Yahweh dahil sa mga diyus-diyosan.
    Poot niya'y pinag-alab sa pagsambang kasuklam-suklam.
17 Naghain(AZ) sila ng handog sa mga demonyo,
    sa mga diyus-diyosang hindi nila alam kung ano;
ngayon lamang dumating mga diyos na bago,
    na hindi sinamba ng kanilang mga lolo.
18 Iniwan ninyo ang batong tanggulan na sa inyo'y nagdalang-tao,
    kinalimutan ninyo ang Diyos na tunay na sa inyo ay nagbigay-buhay.

19 “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit,
    poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo.
20 ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya,
‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa,
    tingnan ko lang ang kanilang sasapitin—
isang lahing suwail, mga anak na taksil.
21 Pinanibugho(BA) nila ako sa mga diyos na hindi totoo,
    sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako,
kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin,
    upang aking bayan galitin at panibughuin.
22 Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot,
    maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay.
Lupa't bunga nito apoy ang tutupok,
    sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’

23 “‘Tatambakan ko sila ng labis na paghihirap,
    pauulanan ko sila ng aking mga sibat.
24 Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot,
    matinding lagnat at gutom ang aking idudulot.
Mababangis na hayop aking pasasalakayin,
    makamandag na ahas sila'y tutuklawin.
25 Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan,
    sindak at takot naman sa mga tahanan;
binata't dalaga'y kapwa pupuksain,
    maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin.
26 Naisip ko na sana'y sila ang lipulin,
    sa alaala ng madla sila ay pawiin.
27 Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi:
    Kami ang lumupig sa kanila,
    ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’

28 “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran,
    isang bayang wala ni pang-unawa man.
29 Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo.
    Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito:
30 Paano matutugis ng isa ang sanlibo?
    O ang sampung libo ng dalawa katao?
Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan
    na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.
31 Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin;
    maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin.
32 Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra;
    mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla.
33 Ang alak na dito'y kinakatas,
    ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas.

34 “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban,
    natatakpang mahigpit sa aking taguan?
35 Akin(BB) ang paghihiganti, ako ang magpaparusa;
    kanilang pagbagsak ay nalalapit na.
Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating,
    lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.
36 Bibigyan(BC) ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan,
    mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan.
Kapag nakita niyang sila'y nanghihina,
    at lakas nila'y unti-unting nawawala.
37 Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan,
    ‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos,
tanggulang inyong pinagkatiwalaan?
38 Sinong umubos sa taba ng inyong handog,
    at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob?
Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin?
    Hindi ba nila kayo kayang sagipin?

39 “‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang.
Maliban sa akin ay wala nang iba pa.
Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay,
    ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman.
Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin.
40 Isinusumpa ko ito sa harap ng kalangitan, habang ako'y nabubuhay,
    Diyos na walang hanggan.
41 Hahasain ko ang aking tabak na makinang
    upang igawad ang aking katarungan.
Mga kaaway ko'y aking paghihigantihan,
    at sisingilin ko ang sa aki'y nasusuklam.
42 Sa aking mga palaso dugo nila'y dadanak,
    laman nila'y lalamunin nitong aking tabak;
hindi ko igagalang sinumang lumaban,
    tiyak na mamamatay bilanggo ma't sugatan!’

43 “Mga(BD) bansa, bayan ni Yahweh'y inyong papurihan,
    mga pumapatay sa kanila'y kanyang pinaparusahan.
Ang kanilang mga kaaway kanyang ginagantihan,
    at pinapatawad ang kasalanan ng kanyang bayan.”[c]

44 Ito nga ang inawit nina Moises at Josue sa harapan ng mga Israelita. 45 Pagkatapos bigkasin ni Moises ang lahat ng ito sa harap ng buong bayan ng Israel, 46 sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan. 47 Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.”

Ipinatanaw kay Moises ang Canaan

48 Nang(BE) araw ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Moises, 49 “Umakyat ka sa Abarim, sa Bundok ng Nebo na sakop ng Moab, sa tapat ng Jerico, at tanawin mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 50 Doon ka mamamatay sa bundok na iyon tulad ng nangyari kay Aaron sa Bundok ng Hor, 51 sapagkat sinuway ninyo ako sa harapan ng bayang Israel noong sila'y nasa tabi ng tubig sa Meriba-kades sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinakita sa mga Israelita na ako ay banal. 52 Matatanaw mo ang lupaing ibibigay ko sa bayang Israel ngunit hindi mo ito mararating.”

Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ng Israel

33 Ito ang mga pagpapalang binigkas ni Moises na lingkod ng Diyos, bago siya namatay.

“Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai.
    Sumikat sa Edom na parang araw,
    at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran.
Sampung libong anghel ang kanyang kasama,
    nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya.
Minamahal ni Yahweh ang kanyang bayan[d]
    at iniingatan ang kanyang hinirang.
Kaya't yumuyukod kami sa kanyang paanan,
    at sinusunod ang kanyang kautusan.
Binigyan kami ni Moises ng kautusan,
    na siyang yaman ng aming bayan.
Naging hari si Yahweh ng Israel na kanyang bayang hirang,
    nang ang mga pinuno ng mga lipi nito ay nagkakabuklod.
“Ang lipi ni Ruben sana'y manatili,
    kahit ang bilang niya'y kakaunti.”

Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi:

“Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda,
ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan,
at tulungan siya sa pakikipaglaban.”

Tungkol(BF) kay Levi ay kanyang sinabi:

“Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin;
    sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba.
Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang,
    pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang.
Upang masunod lang ang iyong kautusan,
    at maging tapat sa iyong kasunduan.
10 Kaya't siya ang magtuturo sa Israel ng iyong kautusan,
siya ang magsusunog ng insenso at mga alay sa altar.
11 Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan,
    paglilingkod niya'y iyong pahalagahan.
Durugin mong lahat ang kanyang kaaway,
    upang di na makabangon kailanman.”

12 Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi:

“Mahal ka ni Yahweh at iniingatan,
sa buong maghapon ika'y binabantayan,
at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.”

13 Tungkol kay Jose ay sinabi:

“Pagpalain nawa ni Yahweh ang kanilang lupain,
    sa hamog at ulan ay palaging diligin,
    at tubig mula sa lupa ay pabukalin.
14 Magkaroon nawa siya ng mga bungang hinog araw-araw,
    at mga pagkaing inani sa kapanahunan.
15 Mapupuno ng prutas maging matandang kabundukan.
16 Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan,
    mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman.
Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito,
    sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno.
17 Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan;
    parang lakas ng toro ang kanyang taglay.
Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig.
Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim,
    sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.”

18 Tungkol kina Zebulun at Isacar ay sinabi:

“Magtagumpay nawa si Zebulun sa pangangalakal sa karagatan,
at sa bayan ni Isacar ay dumami ang kayamanan.
19 Ang ibang mga bansa ay dadalo
    sa paghahandog ninyo doon sa bundok,
pagkat ang yaman nila'y buhat sa dagat
    at sa buhanginan sa baybay nito.”

20 Tungkol kay Gad ay sinabi:

“Purihin ang Diyos na nagpalawak ng lupain ni Gad.
    Si Gad ay parang leon na nag-aabang
    at handang sumakmal ng leeg o kamay.
21 Pinili nila ang pinakamainam na lupain,
    lupaing nababagay sa isang pangunahin.
Sumama siya sa mga pinuno ng Israel
    upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.”

22 Tungkol kay Dan ay sinabi:

“Isang batang leon ang katulad ni Dan,
    na palukso-lukso mula sa Bashan.”

23 Tungkol kay Neftali ay sinabi:

“Lubos na pinagpala ni Yahweh itong si Neftali,
    mula sa lawa hanggang timog ang kanilang kaparte.”

24 Tungkol kay Asher ay sinabi:

“Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher,
    kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel.
Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain.
25 Bakal at tanso sana ang pintuan ng iyong mga bayan.
    Maging mahaba at matatag nawa ang iyong pamumuhay.”

26 Ang iyong Diyos, O Israel, ay walang kagaya,
    mula sa langit dumarating upang tulungan ka.
27 Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan,
    walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan.
Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan,
    at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
28 Kaya ang bayang Israel ay nanirahang tiwasay,
    sa lupaing sagana sa lahat ng bagay,
    at laging dinidilig ng hamog sa kalangitan.
29 Bansang Israel, ikaw ay mapalad!
    Walang bansa na iyong katulad,
    pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas.
Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan,
    at tabak ng iyong tagumpay.
Magmamakaawa ang iyong mga kaaway,
    ngunit sila'y iyong tatapakan.

Ang Kamatayan ni Moises

34 Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar. Sinabi(BG) sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”

At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh. Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar. Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.

Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

10 Mula(BH) noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh. 11 Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. 12 Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.