Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Mga Hari 16:21 - 2 Mga Hari 4:37

Ang Paghahari ni Omri

21 Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. 22 Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.

23 Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. 24 Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok.

25 Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. 26 Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.

27 Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 28 Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab.

Si Haring Ahab ng Israel

29 Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. 30 Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. 31 Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. 32 Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon 33 ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 34 Sa(A) panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.

Sinugo ng Diyos si Propeta Elias

17 Si(B) Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead.[a] Sinabi niya kay Ahab, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi.”

Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”

Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom. Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis.

Pinapunta si Elias sa Sarepta

Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, “Umalis(C) ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.” 10 Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?” 11 Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.”

12 Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos[b] na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”

13 Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. 14 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:

Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan,
at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang takdang araw
na papatakin na ni Yahweh ang ulan.”

15 Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. 16 Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.

Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda

17 Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. 18 Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”

19 “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan 20 at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” 21 Tatlong(D) beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” 22 Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.

23 Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.”

24 At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.”

Si Elias at ang mga Propeta ni Baal

18 Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” At nagpunta nga si Elias kay Ahab.

Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila.

Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?”

“Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.”

Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? 10 Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos,[c] hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. 11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? 12 Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu[d] ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. 13 Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. 14 At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.”

15 Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat,[e] haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”

16 Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta. 17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”

18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.

20 Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal. 21 Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. 22 Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal. 23 Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro. 24 Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”

At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”

25 Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”

26 Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.

27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!” 28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila. 29 Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.

30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. 31 Kumuha(E) siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. 32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. 33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. 34 “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa 35 umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.

36 Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. 37 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”

38 Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. 39 Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”

40 Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.

41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan.” 42 Samantalang(F) si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa. 43 Sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tanawin mo ang dagat.”

Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan.

“Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko,” utos ni Elias. 44 Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, “May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat.”

“Magmadali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan.”

45 Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Ahab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel. 46 Lumukob kay Elias ang kapangyarihan ni Yahweh. Hinigpitan ni Elias ang pagkatali sa kanyang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ni Ahab hanggang sa pagpasok sa Jezreel.

Nagpunta si Elias sa Sinai

19 Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal. Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan.

Iniwan niya roon ang kanyang utusan at(G) mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.”

Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai,[f] ang Bundok ng Diyos.

Kinausap ni Yahweh si Elias

Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

10 Sumagot(H) si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”

11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. 12 Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.

13 Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?”

14 Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”

15 Sinabi(I) sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria; 16 at(J) si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari naman ng Israel. Buhusan mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola bilang propeta na hahalili sa iyo. 17 Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Ngunit(K) pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen.”

Ang Paghirang kay Eliseo

19 Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, inalis ni Elias ang kanyang balabal at ibinalabal kay Eliseo. 20 Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”

Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.”

21 Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito.

Kinubkob ang Samaria

20 Tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria, ang kanyang hukbo upang salakayin ang Samaria. Kasama sa hukbong ito ang tatlumpu't dalawang haring sakop niya, at ang kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ahab, hari ng Israel, at ipinasabi ang ganito: “Ipinag-uutos ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto't pilak; ang inyong mga babae at ang pinakamalalakas na mga anak!”

Sumagot ang hari ng Israel, “Masusunod po ang sabi ninyo, mahal kong hari at panginoon. Ako at ang lahat ng sa akin ay ituring mong sa iyo.”

Ngunit bumalik kay Ahab ang mga sugo at ganito naman ang sabi: “Ipinapasabi ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto at pilak, pati ang iyong mga asawa at anak. Tandaan mo, bukas sa ganitong oras, darating ang kanyang mga tauhan upang halughugin ang iyong palasyo, at ang mga bahay ng mga tauhan mo. Kukunin nila ang kanilang magustuhan.”

Tinipon ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang pinuno sa kaharian at sinabi, “Tingnan ninyo! Maliwanag na gusto tayong lipulin ng taong iyan. Pumayag na nga akong ibigay sa kanya ang lahat ng aking ginto't pilak, pati ang aking mga asawa at mga anak.”

Sumagot ang matatandang pinuno at ang buong bayan, “Huwag ninyo siyang pansinin. Huwag po kayong papayag.”

Kaya't ganito ang sagot ni Ahab sa mga sugo ni Ben-hadad: “Sabihin ninyo sa mahal na hari, lahat ng iniutos ninyo noong una sa inyong alipin ay gagawin ko. Ngunit itong huli ay hindi ko magagawa.”

At umalis ang mga sugo, dala ang ganoong sagot. 10 Nagpasabi muli si Ben-hadad, “Magpapadala ako ng mga tauhang wawasak sa lunsod mong ito, at tatangayin nila ang mga nasira nilang bagay. Parusahan sana ako ng mga diyos kung hindi ko ito gagawin!”

11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihin mo kay Haring Ben-hadad na ang tunay na sundalo ay hindi nagyayabang hangga't hindi pa natatapos ang labanan.

12 Nasa kanyang tolda noon si Ben-hadad at nakikipag-inuman sa mga haring kasama niya. Pagkarinig sa sagot na iyon ay sumigaw si Ahab, “Salakayin! Salakayin ang kaaway!” At humanda ang bawat isa sa pakikipaglaban.

Nagtagumpay ang Israel

13 Samantala, dumating noon ang isang propeta at sinabi kay Haring Ahab ng Israel, “Ipinapasabi ni Yahweh na huwag kang matakot sa napakalaking hukbong iyan. Sa araw na ito ay pagtatagumpayin kita laban sa kanila at malalaman mong ako nga si Yahweh.”

14 “Sino ang sasalakay?” tanong ni Ahab.

Sumagot ang propeta, “Ang mga kabataang kawal na nasa ilalim ng mga pinuno ng mga lalawigan.”

“At sino ang mamumuno sa labanan?” tanong uli ni Ahab.

“Kayo!” tugon ng propeta.

15 Tinipon nga ni Ahab ang mga kabataang kawal ng mga pinuno ng mga lalawigan, may 232 lahat-lahat. Pagkatapos, tinipon din niya ang hukbo ng Israel na may pitong libong kalalakihan.

16 Pagdating ng tanghaling-tapat, samantalang si Ben-hadad at ang tatlumpu't dalawang hari na kasama niya'y nag-iinuman sa kanilang tolda, 17 lumusob ang mga Israelita sa pangunguna ng mga kabataang kawal. May nagsabi kay Ben-hadad, “May lumalabas pong mga lalaki mula sa Samaria.” 18 At sumagot siya, “Hulihin sila nang buháy, anuman ang kanilang pakay, kapayapaan man o labanan!”

19 Sumalakay nga mula sa lunsod ang mga kabataang kawal, kasunod ang buong hukbo ng Israel. 20 Sa unang sagupaan ay napatay ng bawat isa ang kanyang kalaban, kaya't nagtakbuhan ang mga taga-Siria. Hinabol naman sila ng mga Israelita, ngunit nakatakas si Ben-hadad kasama ng ilang kawal na nakakabayo. 21 Lumabas naman si Haring Ahab at sumama sa paghabol sa mga taga-Siria. Pinuksa nila ang mga ito, at napakaraming kabayo at karwahe ang kanilang nasamsam.

Panibagong Pagsalakay ng mga Taga-Siria

22 Matapos ang labanang iyon, sinabihan muli ng propeta ang hari ng Israel. Wika niya, “Magdagdag pa kayo ng tauhan at ihanda ninyong mabuti ang inyong hukbo. Planuhin ninyong mabuti ang dapat gawin, sapagkat sa susunod na tagsibol ay muling sasalakay ang hari ng Siria.”

23 Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila. 24 Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal. 25 Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa.

Tagumpay sa Afec

26 Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel. 27 Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon.

28 Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’” 29 Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháy at pumasok sa Lunsod ng Afec. 30 Ngunit gumuho ang pader ng lunsod at 27,000 pa ang natabunan. Nakatakas muli si Ben-hadad at nagtago sa isang silid sa loob ng lunsod.

31 Sa gayong kalagayan, nasabi ng isa niyang tauhan, “Balita po namin ay maawain ang mga hari ng Israel. Magsusuot po kami ng damit-panluksa at magtatali ng lubid sa aming leeg, at haharap sa hari ng Israel. Baka sakaling kaawaan kami at hindi na kayo ipapatay.” 32 At ganoon nga ang ginawa nila. Humarap sila sa hari ng Israel at nagmakaawa. “Hinihiling po ng inyong aliping si Ben-hadad na huwag na ninyo siyang patayin.”

“Buháy pa ba siya? Buháy pa ba ang kapatid kong hari?” tanong ng hari ng Israel.

33 Sinamantala ng mga sugo ang gayong magandang pahiwatig kaya't agad sumagot, “Opo, buháy pa po siya! Buháy pa.”

“Dalhin ninyo siya agad dito,” utos ni Ahab. Pagdating ni Ben-hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. 34 Sinabi noon ni Ben-hadad, “Isasauli ko sa inyo ang mga lunsod na inagaw ng aking ama sa inyong ama. Maaari kayong magtayo ng pamilihan sa Damasco, tulad ng itinayo ng aking ama sa Samaria.”

Sumagot naman si Ahab, “Sa ganitong kondisyon, pinapalaya ko na kayo.” Nangyari nga ang kasunduan at pinalaya sila ni Ahab.

35 Sa utos ni Yahweh, hiniling ng isang alagad ng mga propeta sa isa niyang kasamahan, “Sugatan mo ako.” Subalit tumanggi ito. 36 Kaya(L) sinabi niya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang utos ni Yahweh, pag-alis mo rito'y papatayin ka ng leon.” Hindi pa nakakalayo ang sinabihan ay nakasalubong at napatay nga siya ng isang leon.

37 Nakakita ng ibang kasamahan ang alagad ng mga propeta at ito naman ang kanyang pinakiusapan. “Sugatan mo ako,” wika niya, at ginawa naman ng pinakiusapan ang hinihiling sa kanya. 38 Nagtuloy ang alagad ng mga propeta at saka naghintay sa daraanan ng hari matapos bendahan ang kanyang mga mata upang hindi siya makilala. 39 Sumigaw siya pagdaan ng hari at ganito ang sinabi: “Kamahalan, nang ako po'y nasa labanan, lumapit po sa akin ang isang kawal at iniwan sa akin ang isang bihag. Ang sabi po niya, ‘Alagaan mo ang bihag na ito. Kapag siya'y nakatakas, buhay mo ang kapalit, o magmumulta ka ng 35 kilong pilak.’ 40 Nakalingat po ako at nakatakas ang bihag.”

Sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na rin ang nagbigay ng iyong hatol. Mamamatay ka o magmumulta.”

41 Nang marinig ito, bigla niyang inalis ang bendang nakatakip sa mga mata at nakilala ng hari na siya pala'y isang alagad ng mga propeta. 42 At sinabi niya sa hari, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Sapagkat pinakawalan mo ang isang taong ayon sa utos ko'y dapat mamatay, buhay mo ang kapalit ng kanyang buhay, at bayan mo ang kapalit ng kanyang bayan.’”

43 Bumalik sa Samaria ang hari na nababahala at masama ang loob.

Ang Ubasan ni Nabot

21 Malapit sa palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, sa Samaria, ay may isang ubasan na pag-aari ni Nabot. Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan. Gagawin kong taniman ng gulay sapagkat malapit ito sa aking palasyo. Papalitan ko ito ng mas mainam na ubasan, o kung gusto mo naman babayaran ko na lang ito sa tamang halaga.”

Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabot: “Minana ko pa po sa aking mga ninuno ang ubasang ito. Hindi papayagan ni Yahweh na ibigay ko ito sa inyo.”

Umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabot. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. Nilapitan siya ng asawa niyang si Jezebel at tinanong, “Ano bang problema mo at hindi ka makakain?”

Sumagot ang hari, “Kinausap ko si Nabot na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi'y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”

Sagot sa kanya ni Jezebel, “Para ka namang hindi hari ng Israel. Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot.”

Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatandang pinuno at pangunahing mamamayan sa lunsod na tinitirhan ni Nabot. Ganito ang sabi niya sa sulat: “Magpahayag kayo ng isang araw ng pag-aayuno. Tipunin ninyo ang mga tao at parangalan ninyo si Nabot. 10 Kumuha kayo ng dalawang sinungaling na saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Nilapastangan niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lunsod at batuhin hanggang mamatay.”

11 Tinupad ng matatandang pinuno at ng mga opisyal ng lunsod ang utos ni Jezebel. 12 Nagpahayag sila ng isang araw na pangkalahatang pag-aayuno. Tinipon nila ang mga tao at pinarangalan si Nabot. 13 Lumabas ang dalawang bayarang saksi at siya'y pinaratangan ng ganito: “Nilapastangan ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Kaya't si Nabot ay inilabas sa lunsod at binato hanggang mamatay. 14 Nagpasabi naman agad sila kay Jezebel, “Patay na po si Nabot na taga-Jezreel.”

15 Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.” 16 Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.

17 Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon. 19 Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”

20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”

Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! 21 Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. 22 Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’ 23 Ito(M) naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.” 24 Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”

25 Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh. 26 Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon.

27 Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. 28 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias, 29 “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbaba sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbaba siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.”

Binalaan si Ahab(N)

22 Tatlong taon nang walang labanan ang Israel at ang Siria. Ngunit sa ikatlong taon ay dumalaw sa hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda.

Nasabi na noon ng hari ng Israel sa kanyang mga pinuno, “Alam ninyo na ang Ramot-gilead ay atin. Ngunit wala tayong ginagawang hakbang upang mabawi iyon sa hari ng Siria.” Ngayon nama'y si Jehoshafat ang kanyang hinimok. Ang sabi niya, “Samahan mo naman kami sa paglusob sa Ramot-gilead.”

Sumagot si Jehoshafat, “Kasama mo ako at ang aking mga tauhan, at ang aming mga kabayo at kasangkapan. Ngunit sumangguni muna tayo kay Yahweh.”

Ang Hula ng mga Bulaang Propeta

Tinipon nga ni Haring Ahab ng Israel ang kanyang mga propeta. May apatnaraan silang lahat at itinanong, “Dapat ko bang salakayin ang Ramot-gilead?”

“Salakayin ninyo! Tutulungan kayo ni Yahweh at matatalo ninyo ang kaaway,” sagot ng mga propeta.

Ngunit iginiit ni Jehoshafat, “Wala na bang ibang propeta ni Yahweh na maaari nating pagtanungan?”

“Mayroon pang isa, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit galit ako sa kanya, sapagkat lagi na lamang masama ang hula niya sa akin, wala nang mabuti,” sabi ni Ahab.

“Huwag kang magsalita ng ganyan, kapatid kong hari!” tutol ni Jehoshafat.

Ipinatawag ng hari ng Israel ang isa niyang opisyal at inutusan, “Dalhin ninyo kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”

10 Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula. 11 Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.” 12 Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”

Ang Pahayag ni Micaya

13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”

14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[g] kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”

15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”

“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”

16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”

17 Kaya't(O) sinabi ni Micaya,

“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
    nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna
    kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”

18 Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.”

19 Ngunit(P) nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit. 20 Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu. 21 Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’

“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.

22 “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.

“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”

23 At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”

24 Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?”

25 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.”

26 Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas. 27 Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.”

28 Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”

Napatay si Ahab sa Ramot-gilead(Q)

29 Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.

31 Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.” 32 Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma, 33 nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol. 34 Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”

35 Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe. 36 Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”

37 Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing. 38 Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh.

39 Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 40 Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias.

Paghahari ni Jehoshafat sa Juda(R)

41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. 42 Tatlumpu't limang taóng gulang siya noong siya'y maupo sa trono ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Ayuba na anak ni Silhi. 43 Sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Asa; ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Subalit hindi niya ipinawasak ang mga lugar ng sambahan ng mga pagano at nagpatuloy ang mga tao sa pag-aalay doon at pagsusunog ng insenso. 44 Nakipagkasundo rin si Jehoshafat sa hari ng Israel.

45 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat, ang kanyang kagitingan, ang kanyang mga pakikipaglaban, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 46 Pinalayas niya ang mga lalaki at mga babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sagradong lugar na natitira pa sa kaharian. Nakaligtas ang mga ito noong panahon pa ni Asa na kanyang ama.

47 Walang hari noon sa Edom; ang namamahala dito'y isang kinatawan ng hari ng Juda. 48 Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber. 49 Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat. 50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari.

Paghahari ni Ahazias sa Israel

51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari. 52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala. 53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.

Si Elias at si Haring Ahazias ng Israel

Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.

Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias.

Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?”

Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.”

“Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari.

“Mabalahibo(S) po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila.

“Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari.

Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.”

10 Sumagot(T) si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

11 Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.”

12 Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

13 Si Haring Ahazias ay nagpatawag uli ng isa pang opisyal at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Pagdating sa burol, lumuhod ang opisyal sa paanan ni Elias at nagsumamo, “Lingkod ng Diyos, maawa po kayo sa akin at sa aking limampung tauhan. Kami po ay inyong lingkod. Huwag po ninyong itulot na mamatay kami. 14 Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na hayaan ninyo kaming mabuhay.”

15 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, “Sumama ka sa kanya at huwag kang matakot.” Sumama nga siya papunta sa hari. 16 Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat nagsugo ka ng mga tao upang sumangguni kay Baalzebub na diyos ng Ekron na para bang wala nang Diyos sa Israel, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka.’”

17 Namatay nga si Haring Ahazias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya si Joram[h] na kanyang kapatid[i] ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Jehoram na anak ni Jehoshafat.

18 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[j] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[k] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[l] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(U) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(V) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[m] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”

Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.

Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”

Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico

19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”

20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.

23 Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” 24 Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya.

25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria.

Ang Digmaan ng Israel at Moab

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, si Joram[n] namang anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel. Labindalawang taon siyang naghari sa Samaria, ang kabisera ng Israel. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Subalit hindi siya naging kasinsama ng kanyang ama o ng kanyang ina na si Jezebel sapagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama. Ngunit tulad ni Haring Jeroboam na anak ni Nebat, si Joram[o] ay naging dahilan din upang magkasala ang Israel at hindi niya ito pinagsisihan.

Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab

Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram[p] ang lahat ng mga kawal ng Israel. Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.

“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.[q]

Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. 10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”

11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.

13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”

“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.

14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran.[r] Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. 15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. 16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. 17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. 18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. 19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”

20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.

21 Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata mula pinakabata hanggang pinakamatanda at ipinadala sa labanan. 22 Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw. 23 Kaya sinabi nila, “Dugo! Marahil ay naglaban-laban ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!”

24 Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan. 25 Winasak nila ang mga lunsod sa Moab at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita.

26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng pitong daang kawal na sanay sa paggamit ng espada upang makalusot sila sa kinaroroonan ng hari ng Edom. Ngunit hindi sila nakalusot. 27 Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y kinilabutan. Kaya umatras na sila at umuwi sa kanilang lupain.

Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda

Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”

“Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”

“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.

Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.

Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”

“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.

Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”

Si Eliseo at ang Sunamita

Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”

11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”

“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.

14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”

Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”

15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi(W) sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”

Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”

17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.

18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.

22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”

23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”

“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.

Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”

Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.

Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”

28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”

29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[s] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(X) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.