Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 12:11-22:18

11 Sinabi(A) pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat. 12 Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’”

13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.”

Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay. 14 Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay.” 15 Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan.

Namatay ang Anak ni David

Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. 16 Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon. 17 Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain. 18 Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang. 19 Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya.

“Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila.

20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain. 21 Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!”

Sumagot si David, 22 “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. 23 Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 Inaliw ni David si Batsheba at sinipingan muli. Muli itong nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Solomon ang ipinangalan ni David sa bata. 25 Palibhasa'y mahal ni Yahweh ang bata, isinugo niya si propeta Natan upang sabihing Jedidia[a] ang itawag sa bata na ang ibig sabihi'y, “Mahal ni Yahweh.”

Ginapi ni David ang Rabba(B)

26 Samantala, ipinagpatuloy ni Joab ang pagsalakay at handa na niyang pasukin ang Rabba, ang pangunahing lunsod ng mga Ammonita. 27 Nagpadala siya ng mga sugo kay David upang ibalita na lumusob na siya sa Rabba at naagaw ang ipunan ng tubig doon. 28 Kaya kailangang pangunahan naman niya ang iba pang kawal sa pagpasok sa lunsod. “Kapag hindi siya sumama,” sabi ni Joab, “ako ang sasalakay at akin ang karangalan.” 29 Pagkatanggap ng balita, inihanda ni David ang kanyang hukbo, nilusob ang Rabba, at nagtagumpay siya. 30 Inalisan niya ng korona ang diyus-diyosang si Malcam,[b] at ipinutong ito sa kanyang ulo. May mahahalagang bato ang koronang ginto at ang bigat nito'y 35 kilo. Marami rin siyang samsam na inilabas sa lunsod. 31 Binihag niya ang mga mamamayan, at pumili siya sa mga ito ng mga kantero, panday at karpintero, at pinagawa niya ng mga adobe. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita bago sila nagbalik sa Jerusalem.

Si Amnon at si Tamar

13 Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar. Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen. Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea. Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar. Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.” Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”

Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain. Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon. Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar. 10 Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon. 11 Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”

12 “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito. 13 Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.” 14 Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.

15 Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.

16 “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”

Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon. 17 Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!” 18 Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari. 19 Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas.

20 Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom.

21 Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.[c] 22 Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.

Gumanti si Absalom

23 Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim. 24 Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno. 25 “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.

26 Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”

“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari. 27 Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.[d]

28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!” 29 Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.

30 Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki. 31 Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit. 32 Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar. 33 Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.”

34 Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon.

Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim.[e] 35 Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.” 36 Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod. 37 Mahabang(C) panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur. 38 Tatlong taon siyang nagtago roon. 39 Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom.

Binalak ni Joab na Maibalik si Absalom

14 Napansin ni Joab, anak ni Zeruias, na ang hari ay nananabik na makita si Absalom. Kaya't nagpahanap siya sa Tekoa ng isang matalinong babae. Nang dumating ito ay sinabi niya, “Magsuot ka ng panluksa at magkunwari kang biyuda. Huwag kang mag-aayos para magmukha kang matagal nang nagluluksa. Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang ipagbibilin ko sa iyo.” Matapos silang mag-usap ni Joab, lumakad na ang babae.

Pagdating sa hari, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. Sinabi niya, “Tulungan po ninyo ako, mahal na hari!”

“Bakit? Ano bang nangyari sa iyo?” tanong ng hari.

“Ako po'y isang biyuda, may dalawa akong anak na lalaki. Minsan po'y nag-away sila sa bukid. Walang umawat sa kanila, kaya't napatay ang isa. Dahil doon, pinuntahan ako ng mga kamag-anak ng aking asawa. Galit na galit po sila at pilit na kinukuha ang anak kong buháy upang patayin din dahil sa pagkapatay nito sa kanyang kapatid. Kung magkagayon, mawawala na ang natitirang pag-asa ko sa buhay, at mapuputol ang lahi ng aking asawa.”

Sinabi ng hari, “Umuwi ka na't ako na ang bahala.”

Ngunit sinabi ng babae, “Mahal na hari, anuman po ang inyong maging pasya, kami rin ang dapat sisihin. Wala po kayong dapat panagutan.”

10 Sinabi ng hari, “Kapag may bumanggit pa nito sa iyo, iharap mo sa akin para wala nang gumambala sa iyo.”

11 “Kung ganoon po,” wika ng babae, “ipanalangin po ninyo kay Yahweh na inyong Diyos na huwag na nilang paghigantihan ang aking anak.”

Sumumpa ang hari, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[f] walang masamang mangyayari sa anak mo.”

12 “Isa pa pong kahilingan kung maaari, Kamahalan,” patuloy ng babae.

“Sabihin mo,” sagot ng hari. 13 At nagsalaysay ang babae. “Bakit po naman naisipan ninyong gawin ang ganoong kasamaan sa bayan ng Diyos? Sa inyo na rin pong bibig nanggaling ang hatol sa inyong Kamahalan sa hindi ninyo pagpapabalik sa inyong anak na inyong ipinatapon! 14 Mamamatay tayong lahat at matutulad sa tubig na matapos matapon ay hindi na mapupulot. Kung hindi man ibinabalik ng Diyos ang buhay ng isang patay, ginagawan naman niya ng paraang mabalik ang isang ipinatapon. 15 Sinabi ko po ito sa inyo dahil sa pagbabanta sa akin ng mga tao. Inisip ko pong kung ito'y ipagtapat ko sa inyo, maaaring dinggin ninyo ako at tulungan. 16 Kaya't maliligtas ako at ang aking anak sa mga nagtatangka sa aming buhay at naghahangad na angkinin ang lupaing ipinamana ng Diyos sa kanyang bayan. 17 Iniisip(D) ko rin po na ang salita ninyo ay makapagdudulot sa akin ng kapanatagan sapagkat tulad kayo ng anghel ng Diyos na nalalaman ang lahat ng bagay. Sumainyo nawa si Yahweh na inyong Diyos!”

18 Sinabi ng hari, “Tatanungin kita. Magsabi ka ng totoo.”

“Opo, Kamahalan,” wika niya.

19 “May kinalaman ba si Joab sa ginagawa mong ito?” tanong ng hari.

“Mayroon nga po,” tugon niya. “Totoo pong ang lingkod ninyong si Joab ang nag-utos nito sa akin. Siya pong kumatha ng lahat ng sinasabi ko. 20 Ginawa po niya ito upang ipaalala sa inyo ang katayuan ng inyong anak. Ngunit kayo, Kamahalan, ay kasing talino ng anghel ng Diyos, at alam ninyo ang lahat ng nangyayari sa lupain.”

21 Dahil sa ginawang ito, tinawag ng hari si Joab at sinabi, “Pumapayag na akong pauwiin mo na rito si Absalom.”

22 Buong pagpapakumbabang nagpatirapa si Joab, at nang mabasbasan, sinabi niya, “Ngayon ko po natiyak ang kagandahang-loob ng inyong Kamahalan, sapagkat pinagbigyan ninyo ako sa aking kahilingan.” At siya'y nagpaalam. 23 Nagpunta agad si Joab sa Gesur at isinama sa Jerusalem si Absalom. 24 Ngunit hindi pinahintulutan ng hari na iharap sa kanya ito, kaya't doon na siya nagtuloy sa sariling tahanan.

Ang Kakisigan ni Absalom

25 Walang lalaki sa Israel na hinahangaan sa kakisigan tulad ni Absalom; walang maipipintas sa kanya mula ulo hanggang paa. 26 Buhok pa lamang nito na minsan lamang gupitin sa loob ng isang taon ay mahigit nang tatlong kilo. 27 Siya'y may anak na tatlong lalaki at isang napakagandang dalaga na Tamar ang pangalan.

Pinatawag ng Hari si Absalom

28 Dalawang buong taon na nanatili si Absalom sa Jerusalem, na hindi man lang siya nakita ng hari. 29 Minsa'y ipinatawag niya si Joab upang suguin sa hari, ngunit hindi ito pumayag. Ipinatawag niyang muli ito, ngunit hindi rin siya sinunod. 30 Kaya't sinabi ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Alam ninyong may karatig akong bukid ni Joab na may tanim na sebada. Puntahan ninyo ito at sunugin.” Sinunog nga ng mga alipin ang bukid na iyon.

31 Nagpunta agad si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga alipin mo ang aking bukid?”

32 Sumagot si Absalom, “Dalawang beses kitang pinakiusapang dalhin sa hari ang aking kahilingan sa kanya, ngunit hindi mo ako pinansin. Bakit mo pa ako kinuha sa Gesur? Mabuti pang hindi na ako umalis doon! Dalhin mo ako sa hari ngayon din at kung ako'y may kasalanan, handa akong mamatay.” 33 Nang marinig niya ito, nagpunta si Joab sa hari at matapos nilang mag-usap, si Absalom ay ipinatawag. Humarap naman ito sa hari at buong pagpapakumbabang nagbigay-galang. At hinagkan siya ng hari.

Naghimagsik si Absalom kay David

15 Nang makabalik na si Absalom, naghanda siya ng sariling karwahe, mga kabayo at limampung tauhan. Maaga siyang bumabangon tuwing umaga at tumatayo sa tabi ng daang papasok sa lunsod. Ang bawat pumupunta roon na may dalang usapin para isangguni sa hari ay tinatanong niya kung tagasaan. Kapag sinabi ng tinanong ang kanyang liping pinagmulan, sinasabi agad ni Absalom, “May katuwiran ka sa usapin mo, kaya lang, walang inilagay ang hari na mag-aasikaso sa iyo.” Idinaragdag pa niya ang ganito: “Kung ako sana'y isang hukom ng bansa, tatanggapin ko ang bawat kasong dadalhin sa akin ng sinuman, at bibigyan ko siya ng katarungan.” Ang bawat lumapit upang magbigay-galang sa kanya ay agad niyang hinahawakan at hinahagkan. Ganito ang laging ginagawa ni Absalom sa mga Israelitang humihingi ng katarungan sa hari, kaya't nakuha niya ang loob ng mga ito.

Lumipas ang apat[g] na taon at sinabi ni Absalom sa hari, “Pahintulutan ninyong magpunta ako sa Hebron upang tuparin ko ang aking panata kay Yahweh. Nang nakatira pa ako sa Gesur ng Aram ay nangako ako nang ganito: ‘Kung loloobin ni Yahweh na ako'y makabalik sa Jerusalem, pupunta ako[h] at sasamba sa kanya.’” Pinayagan naman siya ng hari. Kaya't naghanda agad si Absalom at nagpunta sa Hebron. 10 Ngunit bago lumakad, siya'y lihim na nagpasugo sa lahat ng angkan ng Israel, at ito ang ipinasabi: “Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, isigaw ninyo: ‘Mabuhay si Absalom ang hari ng Hebron!’” 11 Buhat sa Jerusalem, nagsama siya ng dalawandaang lalaki ngunit ang mga ito'y walang nalalaman tungkol sa balak niya. 12 Habang nag-aalay si Absalom ng kanyang mga handog, ipinasundo niya si Ahitofel na taga-Gilo at isang tagapayo ni David. Dumami ang mga kasabwat at naging tagasunod ni Absalom.

Iniwasan ni David si Absalom

13 Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. 14 Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa'y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo't baka tayo'y abutan niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, sapagkat wala siyang igagalang isa man sa lunsod!”

15 Sumang-ayon naman ang mga lingkod ng hari. “Handa po kaming sumunod sa inyo,” sabi nila. 16 Kaya't umalis agad si David, kasama ang lahat sa palasyo maliban sa sampung asawang-lingkod. Iniwan niya ang mga ito upang mangalaga sa palasyo.

17 Pagsapit nila sa kahuli-hulihang bahay sa lunsod, sila'y huminto. 18 Tumayo sa tabi ng hari ang kanyang mga alipin habang minamasdan niya ang dumaraang mga pangkat. Ang mga ito'y binubuo ng personal na mga bantay ng hari at animnaraang taga-Gat na sumusunod sa kanya. 19 Nang makita ng hari si Itai, tinawag ito at sinabi, “Kasama ka rin pala! Mabuti pa'y bumalik ka na sa Jerusalem at hintayin mo roon ang bagong hari. Ikaw ay dayuhan lamang na ipinatapon dito ng inyong bansa. 20 Hindi ka pa nagtatagal dito, at hindi ka dapat sumama sa aming paglalagalag. Hindi ko alam kung saan ito hahantong. Isama mo ang iyong mga kababayan at bumalik na kayo. Nawa'y si Yahweh ang maging matatag at tapat mong kaibigan.”

21 Ngunit sinabi ni Itai, “Kamahalan, hangga't si Yahweh at ang hari ay nabubuhay,[i] sasama kami sa inyo saan man kayo pumaroon kahit ito'y aming ikamatay.”

22 Sinabi ni David, “Mabuti! Kung gayon, magpatuloy ka.”

Nagpatuloy nga siya, kasama ang mga tauhan at ang kanilang mga pamilya. 23 Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang.

24 Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar. 25 Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito. 26 Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.” 27 Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo! 28 Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.” 29 Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili.

30 Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat. 31 May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.”

32 Nang sumapit siya sa taluktok ng bundok kung saan sinasamba si Yahweh, sinalubong siya ni Cusai na Arkita. Sira-sira ang damit nito at puno ng alikabok ang ulo. 33 Sinabi ni David, “Kung sasama ka, isa ka pang magiging pasanin ko. 34 Ngunit malaki ang maitutulong mo sa akin kung babalik ka sa lunsod, at pagdating ni Absalom sabihin mo sa kanyang maglilingkod ka sa kanya tulad ng ginawa mo sa akin. Ngunit lagi mong sasalungatin ang payo sa kanya ni Ahitofel. 35 Dalawang pari ang kasama mo roon, sina Zadok at Abiatar. Lahat ng iyong marinig sa palasyo'y sabihin mo agad sa kanila. 36 Si Ahimaaz na anak ni Zadok at si Jonatan na anak naman ni Abiatar ay kasama nila roon. Ang dalawang ito ang gawin mong tagapaghatid sa akin ng anumang balita.” 37 At si Cusai na kaibigan ni David ay bumalik nga sa lunsod habang papasok naman noon si Absalom sa Jerusalem.

Tinulungan ni Ziba si David

16 Si(E) David ay pababa na noon sa bundok nang sa di kalayua'y nakasalubong niya si Ziba, ang alipin ni Mefiboset. Ito'y may akay na dalawang asno na may kargang dalawandaang pirasong tinapay, sandaang kumpol ng pasas, sandaang buwig ng sariwang prutas, at isang sisidlang balat na puno ng alak. “Anong gagawin mo sa mga 'yan, Ziba?” tanong ng hari.

Sumagot si Ziba, “Ang dalawang asno ay para sakyan ng inyong pamilya, ang tinapay at ubas ay pagkain ng inyong mga alipin, at ang alak po nama'y para sa sinumang manghihina sa ilang.”

“Saan(F) naroon ang anak ng iyong panginoong si Saul?” tanong ng hari.

“Nasa Jerusalem po,” tugon ni Ziba, “sapagkat ang paniwala po niya'y ibibigay na sa kanya ang kaharian ng kanyang ama.”

Sinabi ng hari, “Ziba, ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset ay magiging iyo.”

Sumagot si Ziba, “Pag-utusan po ninyo ang inyong lingkod; maging karapat-dapat sana ako sa inyong pagtitiwala.”

Nilait ni Simei si David

Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagmumura. Ito'y si Simei na anak ni Gera. Pinagbabato niya si David at ang mga tauhan nito, kahit napapaligiran ang hari ng kanyang mga bantay at kawal. Ganito ang kanyang isinisigaw: “Lumayas ka! Lumayas ka! Mamamatay-tao! Kriminal! Naghiganti na sa iyo si Yahweh dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Tapos na ang mga maliligayang araw mo; isa kang mamamatay tao!”

Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, bakit pumapayag kayong lapastanganin ng hampaslupang ito? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.”

10 Ngunit sinabi ng hari kay Abisai at sa kapatid nitong si Joab, “Huwag kayong makialam. Kung iniutos ni Yahweh kay Simei na sumpain ako, sinong may karapatang sumaway sa kanya?” 11 Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi nga kataka-taka ang ginagawa ng Benjaminitang ito. Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito. 12 Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito,[j] at pagpalain ako sa halip na sumpain.” 13 Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan, samantalang sa gilid ng burol, sa tapat nila'y sumasabay si Simei. Hindi ito tumitigil ng panlalait, pambabato, at pagsasaboy ng alikabok sa dakong kinaroroonan nila sa kapatagan. 14 Pagkatapos, dumating ang hari at ang kanyang mga kasamahan na pagod na pagod sa may Ilog Jordan.[k] At nagpahinga muna sila roon.

Pumasok si Absalom sa Jerusalem

15 Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel. 16 Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”

17 “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”

18 Sumagot si Cusai, “Hindi po ako sumama sa kanya, sapagkat ang nais kong paglingkuran ay ang haring pinili ni Yahweh, ng mga tao, at ng bansang Israel. 19 Hindi ba marapat na paglingkuran ko ang anak ng aking panginoon? Paglilingkuran ko po kayo tulad nang paglilingkod ko sa inyong ama.”

20 Tinawag ni Absalom si Ahitofel at humingi ng payo rito, “Ano ba ang mabuting gawin natin?”

21 “Ganito ang gawin mo,” wika ni Ahitofel, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na iniwan niya sa palasyo. Sa ganoon, mababalita sa Israel na talagang kinakalaban mo ang iyong ama, at lalong lalakas ang loob ng mga kumakampi sa iyo.” 22 Kaya't(G) kanilang ipinagtayo si Absalom ng tolda sa itaas ng palasyo upang makita ng buong Israel ang pagsiping niya sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama.

23 Noong panahong iyon, ang mga payo ni Ahitofel ay itinuturing na salita ng Diyos. Maging sina David at Absalom ay sumusunod sa kanyang mga payo.

Nalinlang ni Cusai si Absalom

17 Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong tauhan at ngayon ding gabi'y hahabulin namin si David. Sasalakayin ko siya habang pagod pa siya at nanghihina. Malilito siya at tiyak na magtatakbuhan ang kanyang mga tauhan. Ang hari lamang ang aking papatayin. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng kanyang mga tauhan, gaya ng isang babaing ikakasal sa naghihintay niyang mapapangasawa. Iisang tao lamang ang nais mong mamatay, kaya't ang iba ay hindi masasaktan.” Nagustuhan ni Absalom at ng pinuno ng Israel ang payo ni Ahitofel.

Ngunit sinabi ni Absalom, “Tanungin din natin si Cusai na Arkita kung ano ang kanyang maipapayo tungkol sa bagay na ito.” Pagdating ni Cusai, sinabi ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Tinanong niya si Cusai, “Susundin ba natin si Ahitofel? At kung hindi, ano ang masasabi mo?”

Sinabi naman ni Cusai kay Absalom, “Sa ngayon, ang balak ni Ahitofel ay hindi mabuting sundin. Hindi mo ba alam na ang mga tauhan ng iyong ama'y mga sanay na mandirigma? Mababangis silang tulad ng inahing osong inagawan ng anak. Sa talino ng iyong ama'y hindi iyon matutulog na kasama ng kanyang mga tauhan. Malamang siya ngayo'y nagtatago sa isang hukay o sa ibang lugar. At kung sa unang pagsalakay ay malagasan ka ng mga tauhan, tiyak na ang sinumang makabalita ay ganito ang sasabihin: ‘Natalo ang mga tauhan ni Absalom.’ 10 Matapang ma't may pusong-leon ay matatakot din, sapagkat alam ng buong Israel na magiting na mandirigma ang iyong ama, at hindi aatras sa labanan ang mga tauhan niya. 11 Ganito ang payo ko: ‘Hintayin mo munang ang mga Israelita mula sa Dan hanggang Beer-seba ay matipong lahat na sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Pagkatapos, ikaw mismo ang manguna sa pakikipaglaban. 12 Hahabulin natin ang kaaway saanman siya magsuot. Sasalakayin natin siya na parang hamog na pumapatak sa lupa, at wala isa man sa kanilang sambahayan at mga tauhan ang matitirang buháy. 13 Kung siya'y umatras sa isang lunsod, ating iguguho ang lunsod na iyon at itatambak sa bangin upang wala ni kapirasong bato na matira roon.”

14 Pagkarinig niyon, sinabi ni Absalom at ng buong Israel, “Mas maganda ang payo ni Cusai na Arkita kaysa payo ni Ahitofel.” Nagpasya si Yahweh na huwag masunod ang mabuting payo ni Ahitofel upang mapahamak si Absalom.

Nakatakas si David

15 Pagkatapos, sinabi ni Cusai sa dalawang paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa matatandang pinuno. Matapos ipagtapat ang lahat, 16 sinabi niya, “Babalaan ninyo agad si David na huwag matutulog ngayong gabi sa may batis sa ilang. Patawirin siya sa ibayo ng Jordan bago mahuli ang lahat, baka mapahamak siya at ang mga kasama niya!”

17 Para walang makakita sa kanila, sina Jonatan at Ahimaaz ay hindi na pumasok ng lunsod; doon na lamang sila naghintay sa En-rogel. Ang anumang balita para kay David ay dinadala sa kanila ng isang aliping babae. 18 Ngunit may binatilyo palang nakakita sa kanila at ito ang nagsumbong kay Absalom. Nang malaman nila ito, umalis agad ang dalawa at nagtago sa Bahurim. Lumusong sila sa balon sa loob ng bakuran ng isang tagaroon. 19 Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon. 20 Dumating ang mga alipin ni Absalom at nagtanong sa babae, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonatan?”

“Tumawid na sila sa ilog,” tugon ng babae.

Ginalugad nila ang lugar na iyon, ngunit walang nakita, kaya't nagbalik na sila sa Jerusalem. 21 Pagkaalis ng mga tauhan, umahon sa balon ang dalawa. Nagpunta agad sila kay David at ipinagtapat ang masamang binabalak ni Ahitofel. Pagkatapos, sinabi nila, “Tumawid kayo agad ng ilog.” 22 Tumawid nga si David at ang buo niyang pangkat, at nang magmamadaling-araw, wala isa mang naiwan sa kabila ng Jordan.

23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang kanyang payo, umuwi agad siyang sakay ng asno. Matapos mag-iwan ng huling habilin sa mga kasambahay, siya'y nagbigti. Inilibing siya sa puntod ng kanyang ama.

Dumating si David sa Mahanaim

24 Nasa Mahanaim na si David nang tumawid sa Jordan sina Absalom at mga kasamang Israelita. 25 Sa halip na si Joab, si Amasa ang ginawa ni Absalom na pinuno ng buong hukbo. Si Amasa ay anak kay Abigail ni Itra, isang lalaking Ismaelita.[l] Si Abigail naman ay anak ni Nahas, kapatid ni Zeruias na ina ni Joab. 26 Ang mga Israelita at si Absalom ay nagkampo sa Gilead.

27 Pagdating sa Mahanaim, si David ay sinalubong ni Sobi, anak ni Nahas na Ammonitang taga-Rabba. Kasama ni Sobi si Maquir, anak ni Amiel na taga-Lo-debar at si Barzilai, isang Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga banig, kumot, mangkok at banga. May dala rin silang trigo, sebada, harina, mga butil na sinangag, gulayin, 29 pulot-pukyutan, keso at mga tupa. Ipinagkaloob nila ito kina David at mga kasama nito upang may makain sila, sapagkat alam nilang ang mga ito'y pagod na pagod at nagdanas ng matinding gutom at uhaw sa ilang.

Napatay si Absalom

18 Tinipon ni David ang lahat ng mga tauhan niya at pinagpangkat-pangkat ang mga ito. Naglagay siya ng mga pinuno sa mga pangkat na tig-iisanlibo at tig-iisandaan. Pinagtatlo niya ang buong hukbo; ang unang pangkat ay pinamunuan ni Joab, ang pangalawa ay pinamunuan ni Abisai at ang ikatlo'y ibinigay naman kay Itai na Geteo. Sinabi ng hari sa kanila, “Sasama ako sa inyo sa labanan.”

Ngunit tumutol ang mga tauhan at sinabi nila, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Kung kami po'y matalo at mapaatras, iyon po'y walang halaga sa mga kaaway—kahit pa mapatay ang kalahati sa bilang namin. Ngunit ang katumbas ninyo'y sampung libong kawal. Kaya't mas mabuti pong doon na kayo sa lunsod, at padalhan na lamang ninyo kami ng tulong.”

“Gagawin ko kung ano ang inaakala ninyong pinakamabuti,” sagot ng hari. Tumayo na lang siya sa may pintuan ng lunsod habang papalabas ang kanyang mga kawal na nasa pangkat na libu-libo at daan-daan. Pinagbilinan niya sina Joab, Abisai at Itai, “Alang-alang sa aki'y huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.” Narinig ng buong hukbo ang bilin ng hari sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom.

Hinarap ng hukbo ni David ang mga Israelita at naglaban sila sa kagubatan ng Efraim. Natalo ng mga tauhan ni David ang mga Israelita, at dalawampung libong kawal ang napatay nang araw na iyon. Umabot ang labanan hanggang sa mga kabukiran. Nang araw na iyon, mas marami pa ang namatay sa kagubatan kaysa namatay sa tabak.

Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno. 10 Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.”

11 Pagkarinig nito'y sinabi ni Joab sa lalaki, “Nakita mo na palang nakabitin, bakit hindi mo pa siya pinatay doon? Nakatanggap ka sana sa akin ng sampung pirasong pilak at isang sinturon.”

12 Sumagot ang lalaki, “Kahit na po gawin ninyong sanlibong pirasong pilak, hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang anak ng hari. Narinig po naming lahat ang utos ng hari sa inyo at kina Abisai at Itai na huwag sasaktan ang anak niyang si Absalom alang-alang sa kanya. 13 Kung siya'y pinagbuhatan ko ng kamay at namatay, malalaman din po iyon ng hari at hindi naman kayo ang mananagot sa nangyari.”

14 “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon,” sabi ni Joab. Kumuha siya ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo'y buháy pang nakabitin sa puno. 15 Pagkatapos nito'y pumaligid ang sampung tauhan ni Joab kay Absalom at pinatay ito.

16 Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang kanyang buong hukbo ay huminto na sa pagtugis sa mga Israelita. 17 Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita.

18 Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom.

Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Hayaan ninyo akong tumakbo upang maibalita ko agad sa hari na siya'y nailigtas na ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.”

20 Ngunit sinabi ni Joab, “Huwag mong gagawin iyan sa araw na ito. Ipagpaliban mo na sa ibang araw sapagkat namatay ang anak ng hari.” 21 At inutusan niya ang isang aliping Cusita para ibalita kay David ang nangyari. Nagbigay-galang muna ito kay Joab, bago patakbong umalis.

22 Nagsumamo kay Joab si Ahimaaz: “Anuman po ang mangyari'y pahintulutan ninyong sundan ko ang Cusita.”

“Bakit, anak ko?” tanong ni Joab. “Wala kang mapapala sa pagbabalita mo.”

23 “Kahit po anong mangyari, basta't pahintulutan ninyo ako,” wika niya.

“Sige, tumakbo ka,” wika ni Joab. Tumakbo nga si Ahimaaz at dumaan sa Libis ng Jordan at naunahan pa niya ang aliping Cusita.

24 Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lunsod. Umakyat naman sa tore ng pader ang isang bantay. Pagtanaw niya'y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit. 25 Sumigaw siya sa hari at sinabi ang kanyang nakita. Sabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, tiyak na magandang balita ang dala niya.”

26 Samantala, ang bantay sa tore ay may nakita pang isang lalaking tumatakbong papalapit din. Kaya't tinawag niya ang bantay-pinto at sinabi, “Tingnan mo, may isa pang tumatakbo sa hulihan!”

Sinabi ng hari, “Magandang balita rin ang dala niyan.”

27 “Sa tingin ko'y si Ahimaaz na anak ni Zadok ang nauunang dumarating,” sabi ng bantay.

“Mabuting tao 'yan, at magandang balita ang dala niya,” sabi ng hari.

28 Nauna ngang dumating si Ahimaaz. Yumukod siya sa harapan ng hari at sinabi, “Purihin si Yahweh na inyong Diyos, na siyang dumaig sa mga taong naghimagsik laban sa mahal na hari!”

29 “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.

“Kamahalan, isinugo po ako ng inyong lingkod na si Joab,” sagot ni Ahimaaz, “at noon pong paalis na ako, nagkakagulo sila at hindi ko po alam ang dahilan.”

30 Sinabi sa kanya ng hari, “Tumayo ka muna diyan sa isang tabi,” at ganoon nga ang ginawa ni Ahimaaz.

31 Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi: “Magandang balita, Kamahalan! Ngayong araw na ito'y iniligtas kayo ni Yahweh sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.”

32 “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.

“Mangyari nawa sa lahat ng inyong mga kaaway at sa lahat ng naghihimagsik laban sa inyo ang nangyari kay Absalom!”

33 Nang marinig ito'y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lunsod at buong pait na tumangis. Habang lumalakad siya'y sinasabi niya, “Anak kong Absalom! Anak ko, anak ko, Absalom! Ako na lang sana ang namatay at hindi ikaw, Absalom, anak ko, anak ko!”

Pinagsabihan ni Joab si Haring David

19 May nagbalita kay Joab na umiiyak at nagluluksa ang hari sa pagkamatay ni Absalom. Kaya't napalitan ng pagluluksa ang dapat sana'y pagdiriwang dahil sa pagtatagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga kawal na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak. Dahil dito'y tahimik silang pumasok sa lunsod, na parang mga kawal na nahihiyang magpakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan. Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at umiyak nang malakas, “Absalom, anak ko! Absalom, anak ko!”

Pumasok si Joab sa silid at sinabi sa hari, “Sa araw na ito, inilagay ninyo sa kahihiyan ang inyong mga lingkod na nagligtas sa inyo, sa inyong mga anak, mga asawa at asawang-lingkod. Minamahal ninyo ang namumuhi sa inyo at kinamumuhian ang nagmamahal sa inyo. Maliwanag ngayon na walang halaga sa inyo ang inyong mga opisyal at mga tauhan. Matamis pa yata sa inyo ang kami ay masawing lahat, basta't buháy lamang si Absalom. Kaya, lumakad kayo ngayon din at harapin ninyo ang inyong mga tauhan at kilalanin ninyo ang kanilang katapatan. Kung hindi, isinusumpa ko sa pangalan ni Yahweh, sa gabi ring ito'y wala isa mang kawal na mananatili sa inyo. Kapag nangyari ito, ito na ang pinakamalaking kapahamakan sa buong buhay ninyo.” Dahil dito, tumayo ang hari at naupo sa may pintuan ng lunsod. Nang malaman ito ng kanyang mga kawal, sila'y nagsilapit sa kanya.

Nagbalik si David sa Jerusalem

Samantala nagsitakas ang mga Israelita at nag-uwian sa kani-kanilang bayan. At ganito ang naging usapan sa buong lupain: “Iniligtas tayo ni Haring David sa lahat nating kaaway, at pinalaya sa mga Filisteo. Ngunit dahil kay Absalom, napilitan siyang umalis. 10 Kinilala nating hari si Absalom, ngunit siya'y napatay sa labanan. Bakit hindi pa natin pababalikin ang dati nating hari?”

11 Ang usapang ito'y kumalat sa buong Israel, at umabot sa pandinig ni David. Kaya't isinugo niya ang mga paring sina Zadok at Abiatar upang sabihin sa pinuno ng Juda, “Bakit wala pa kayong ginagawang hakbang upang magbalik ang hari sa palasyo? 12 Kayo'y mga tunay na laman at dugo ko. Bakit nahúhulí pa kayo sa paghahangad na ako'y mapabalik doon?” 13 At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!” 14 Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya.

15 Pumunta na nga sina Haring David at ang mga kasama niya sa Ilog Jordan. Nagtipon naman ang mga taga-Juda sa Gilgal upang salubungin siya at samahan sa pagtawid sa Ilog. 16 Isa(H) sa sumalubong kay David ay si Simei, anak ni Gera na taga-Bahurim. Ang taong ito ay Benjaminita, at nagmamadali ring sumama sa mga taga-Juda. 17 Kasama niya ang may sanlibong katao buhat din sa Benjamin. Nagmamadali ring bumabâ sa Jordan si Ziba, ang alipin ng sambahayan ni Saul, kasama ang kanyang labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin. 18 Tumawid sila sa ilog upang tulungang makatawid ang sambahayan ng hari at upang gawin ang anumang ipag-utos niya.

Pinatawad ni David si Simei

Nang tatawid na lamang sila sa Jordan, nagpatirapa sa harapan ng hari si Simei. 19 Sinabi niya sa hari, “Kalimutan na po sana ninyo ang kasamaang ginawa ko nang kayo'y papaalis noon sa Jerusalem. Patawarin na po ninyo ako sa lahat ng ito. 20 Inaamin ko pong nagkasala ako sa inyo. Kaya po naman ako ang nauna sa mga liping taga-hilaga upang sumalubong sa inyo, Mahal na Hari.”

21 Tumutol si Abisai at ang sabi, “Hindi ba dapat patayin ang taong ito sapagkat nilait niya ang haring pinili ni Yahweh?”

22 Nagsalita ang hari, “Sino bang humihingi ng payo ninyo, mga anak ni Zeruias? Bakit ninyo ako pinangungunahan? Ako ngayon ang hari ng buong Israel, at isinusumpa ko: Walang sinumang papatayin sa Israel ngayon!” 23 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.”

Ang Kagandahang-loob ni David kay Mefiboset

24 Si(I) Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit. 25 Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?”

26 “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod. 27 Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat. 28 Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.”

29 Sumagot ang hari, “Wala ka nang dapat sabihin pa, Mefiboset! Nakapagpasya na ako na maghahati kayo ni Ziba sa ari-arian ni Saul.”

30 Ngunit sinabi ni Mefiboset, “Hayaan na po ninyo sa kanyang lahat. Sapat na sa aking kayo'y mapayapang nakauwi.”

Ang Kagandahang-loob ni David kay Barzilai

31 May(J) isang taga-Gilead na bumabâ mula sa Rogelim at naghatid din sa hari hanggang Jordan; ito'y si Barzilai. 32 Siya'y walumpung taon na at napakalaki ng naitulong sa hari noong ito'y nasa Mahanaim pa. Siya'y isa sa kinikilalang mayaman doon, at siya ang nagbibigay ng pagkain sa hari. 33 Bago tumawid ang hari ay sinabi nito, “Mabuti pa'y sumama ka sa amin sa Jerusalem. Doon ka na tumira sa palasyo at ako ang bahala sa iyo.”

34 Sumagot si Barzilai, “Ilang taon na lang ang itatagal ko, bakit pa po ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Walumpung taon na ako at wala nang kasiyahan sa mga kalayawan. Hindi ko na malasahan ang sarap ng pagkain at inumin. Wala nang pang-akit sa akin pati magagandang awitin. Magiging pabigat lamang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Ihahatid ko na lang kayo hanggang sa makatawid ng Jordan. Hindi na ninyo ako kailangang gantimpalaan nang ganito. 37 Hayaan na ninyo akong magbalik sa aking bayang sinilangan, at doon ko na hihintayin ang aking mga huling araw sa tabi ng puntod ng aking ama at ina. Narito ang lingkod ninyong si Camaam; siya ang isama ninyo, ang katulong kong ito, at kayo na ang bahala sa kanya.”

38 Sumagot ang hari, “Sige, isasama ko siya. Gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo para sa ikabubuti niya. Tungkol naman sa iyo, gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo.” 39 Tumawid sa Jordan ang lahat. Bago tumawid ang hari, hinagkan muna niya at binasbasan si Barzilai. Pagkatapos, umuwi na si Barzilai sa kanyang tahanan.

Nagtalo ang mga Taga-Juda at Taga-Israel tungkol sa Hari

40 Nagtuloy sa Gilgal ang hari, kasama si Camaam. Kasama rin nila ang lahat ng taga-Juda at kalahati ng mga taga-Israel. 41 Pagdating doon, sama-samang lumapit kay David ang mga Israelita. Sabi nila, “Bakit po kami inunahan ng mga kapatid naming taga-Juda sa pagsundo sa inyo, at sa inyong mga tauhan at sambahayan mula sa kabila ng Jordan?”

42 Sumagot ang mga taga-Juda, “Ginawa namin iyon sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Anong ikinasasama ng loob ninyo? Hindi naman kami palamunin ng hari! Hindi rin niya kami binayaran!”

43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampung beses ang karapatan namin kay Haring David, kahit pa kamag-anak ninyo siya. Bakit naman minamaliit ninyo kami? Nakakalimutan yata ninyo na kami ang unang nakaisip na ibalik ang hari.”

Ngunit mas magagaspang ang pananalita ng mga taga-Juda kaysa mga taga-Israel.

Ang Paghihimagsik ni Seba

20 Si(K) Seba na taga-Gilgal ay isang walang-hiyang tao. Siya ay anak ni Bicri, mula sa lipi ni Benjamin. Hinipan niya ang trumpeta upang mapansin ng tao. Isinisigaw niya, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse?” Humiwalay nga kay David ang mga taga-Israel at sumama kay Seba. Ngunit nanatiling tapat ang mga taga-Juda kay David at buhat sa Jordan ay inihatid nila ang hari hanggang Jerusalem.

Pagdating(L) doon, ipinakuha ni David ang sampung asawang-lingkod na iniwan niya upang mamahala sa palasyo. Pinapunta niya ang mga ito sa isang bahay, pinatira doon at pinabantayan. Pinadadalhan niya ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan ngunit hindi na niya sila muling sinipingan. Kaya't namuhay silang parang mga biyuda hanggang sa sila'y mamatay.

Tinawag ng hari si Amasa at sinabi, “Tipunin mo ang mga kalalakihan ng Juda at dalhin mo sila rito sa loob ng tatlong araw.” Sinikap ni Amasang sundin ang utos ng hari ngunit hindi niya naiharap dito ang mga kalalakihan ng Juda sa loob ng takdang panahon. Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.” Sumama nga kay Abisai si Joab at ang mga tauhan niya, gayundin ang mga Peleteo at Kereteo, upang tugisin si Seba na anak ni Bicri. Pagsapit nila sa may malaking bato sa Gibeon, sinalubong sila ni Amasa. Suot noon ni Joab ang kanyang kasuotang pandigma, at may dala siyang espada na nakakabit sa kanyang sinturon. Habang papalapit siya, nalaglag ang kanyang espada. Sinabi niya, “Kumusta ka, kapatid ko!” sabay hawak ng kanang kamay sa balbas ni Amasa upang ito'y hagkan. 10 Hindi napapansin ni Amasa ang espadang hawak ni Joab sa kabilang kamay. Kaya't sinaksak siya nito sa tiyan. Lumuwa sa lupa ang bituka niya, at namatay agad sa saksak na iyon.

Nagpatuloy ang magkapatid na Joab at Abisai sa kanilang pagtugis kay Seba. 11 Isang tauhan ni Joab ang tumayo sa may bangkay ni Amasa at sumigaw, “Ang lahat ng kakampi ni Joab at ni David ay sumunod kay Joab!” 12 Nakabulagta sa gitna ng lansangan ang bangkay ni Amasa, naliligo sa sariling dugo. Kaya, lahat ng makakita rito ay napapahinto. Nang mapuna ito ng isang tauhan ni Joab, hinila niya ang bangkay at inilayo sa daan, saka tinakpan ng damit. 13 Nang maalis ang bangkay sa gitna ng daan lahat ay sumunod kay Joab upang tugisin si Seba.

14 Pinuntahan ni Seba ang lahat ng lipi ng Israel hanggang sa sumapit siya sa Abel-bet-maaca. Lahat ng angkan ni Bicri ay nagkaisang sumunod sa kanya na pumasok sa lunsod. 15 Nalaman iyon ng mga tauhan ni Joab, kaya't kinubkob nila ang lunsod. Nagbunton sila ng lupa sa tabi ng pader para makasampa roon habang pinababagsak ng iba ang pader ng lunsod. 16 Ngunit isang matalinong babae ang nangahas tumayo sa isang mataas na lugar sa pader at mula roon ay nanawagan, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab na pumarito. Gusto ko sana siyang makausap.” 17 Paglapit ni Joab, tinanong siya ng babae, “Kayo po ba si Joab?”

“Ako nga,” sagot nito.

“Pakinggan po ninyo ang aking sasabihin,” sabi ng babae.

“Sige, nakikinig ako,” wika naman ni Joab.

18 “Noong araw,” sabi ng babae, “mayroon pong ganitong kasabihan: ‘Magtanong ka sa lunsod ng Abel’, at ganoon nga ang ginagawa ng mga tao noon upang malutas ang kanilang suliranin. 19 Sa buong Israel ang lunsod pong ito ay maituturing na pinakatahimik at tapat. Siya'y tulad ng isang mapag-arugang ina sa Israel. Bakit gusto ninyo itong gibain? Bakit ninyo wawasakin ang lunsod na ipinamana ni Yahweh?”

20 “Hindi ko gagawin iyan!” wika ni Joab. “Hindi namin gustong wasakin ang inyong lunsod. 21 Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.”

Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.” 22 Pumasok siya sa kabayanan, at palibhasa'y matalino, sumang-ayon sa kanya ang mga taong-bayan sa kanyang binabalak. Pinugutan nila ng ulo si Seba at inihagis ito kay Joab. Hinipan naman ni Joab ang trumpeta kaya't ang lunsod ay iniwan na ng kanyang mga kawal at sila'y nagsiuwian na. Si Joab nama'y bumalik sa Jerusalem at nagpunta sa hari.

Ang mga Opisyal ni David

23 Ito ang mga opisyal ng hukbo ni Haring David: Si Joab ang pinuno sa buong hukbo ng Israel. Si Benaias, anak ni Joiada, ang pinuno ng mga bantay na Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoram[m] naman ang tagapamahala sa lahat ng sapilitang paggawa. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ang tagapag-ingat ng mga kasulatan, 25 at si Seva naman ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang nagsilbing mga pari, 26 at si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David.

Pinatay ang mga Apo ni Saul

21 Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunud-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” Ang(M) mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?”

Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.”

“Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David.

Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.”

“Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David.

Ngunit(N) dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. Ang(O) ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab.[n] Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada.

10 Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop.

11 Nang mabalitaan ito ni David, 12 ipinakuha(P) niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. 13 Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. 14 Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa.

Nalupig ang mga Higante(Q)

15 Dumating ang araw na nagdigmaan muli ang mga Filisteo at mga Israelita. Sumama si David sa kanyang mga kawal sa pakikipaglaban. Sa isang labanan ay lubhang napagod si David. 16 Papatayin na sana siya ng higanteng si Esbibenob, na may dalang bagong espada at sibat na may tatlo't kalahating kilo ang bigat. 17 Ngunit(R) tinulungan ni Abisai na anak ni Zeruias si David, at pinatay ang higanteng Filisteo. Mula noon, pinasumpa nila si David na hindi na siya muling sasama sa labanan. “Ikaw ang ilaw ng Israel. Ayaw naming mawala ka sa amin,” sabi ng mga kawal ni David.

18 Hindi nagtagal at muling naglaban ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Nangyari naman ito sa Gob at doon napatay ni Sibecai na Husatita ang higanteng si Saf. 19 Sa isa pang sagupaan sa Gob laban sa mga Filisteo, napatay naman ni Elhanan, anak ni Jair na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo. Ang hawakan ng sibat nito'y sinlaki ng kahoy na pahalang sa habihan.

20 Sa isa namang labanan sa Gat, mayroong isang higante na dalawampu't apat ang daliri—tig-aanim bawat paa't kamay. 21 Hinamon nito ang mga Israelita ngunit napatay naman ni Jonatan na pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

22 Ang apat na ito'y buhat sa lahi ng mga higante sa Gat, at nasawi sa mga kamay ni David at ng kanyang mga tauhan.

Ang Awit ng Pagtatagumpay ni David(S)

22 Inawit ni David ang awit na ito para kay Yahweh nang araw na iniligtas siya ni Yahweh mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at sa kamay ni Saul.

“Si Yahweh ang aking tagapagligtas,
    matibay na muog na aking sanggalang.

Ang Diyos ang bato na aking kanlungan,
    aking kalasag at tanging kaligtasan.
Siya ang aking pananggalang,
    sa mga marahas ay siya kong tanggulan.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa mga kaaway ako'y kanyang inililigtas.
Purihin si Yahweh!

“Pinapalibutan ako ng alon ng kamatayan,
    tinutugis ako nitong agos ng kapahamakan.
Daigdig ng mga patay, ako'y pinupuluputan,
    patibong ng kamatayan, ang aking dinaraanan.

“Sa kagipitan ko, ako ay tumawag,
    ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap.
Mula sa templo niya ay kanyang dininig,
    ang aking pagsamo at ang aking hibik.

“Nayanig ang lupa nang siya'y magalit,
    at nauga pati sandigan ng langit.
Nagbuga ng usok ang kanyang ilong,
    at mula sa bibig, lumabas ang apoy.
10 Hinawi ang langit, bumabâ sa lupa
    makapal na ulap ang tuntungang pababa.
11 Sakay ng kerubin mabilis lumipad;
    sa bilis ng hangin siya ay naglayag.
12 Nagtago sa likod ng dilim,
    naipong tubig, ulap na maitim.
13 At magmula roon gumuhit ang kidlat,
    at sa harap niya'y biglang nagliwanag.
14 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
    tinig ng Kataas-taasang Diyos ay narinig.
15 Mga palaso niya'y pinakawalan,
    dahil sa kidlat mga kaaway niya'y nagtakbuhan.
16 Sa sigaw ni Yahweh sa mga kaaway,
    sa apoy ng galit niyang nag-aalab,
ang tubig sa dagat ay halos maparam,
    mga pundasyon ng mundo'y naglitawan.

17 “Mula sa ilalim ng tubig sa dagat,
    iniahon ako't kanyang iniligtas.
18 Iniligtas ako sa mga kaaway
    na di ko makayang mag-isang labanan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.