Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 29-40

Hinirang sa Pagkapari sina Aaron(A)

29 “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.

“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.

“Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.

10 “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito. 11 Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar. 13 Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog. 14 Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

15 “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 16 Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar. 17 Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo. 18 Sunugin(B) mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.

19 “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 20 Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.

22 “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita. 23 Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh. 24 Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh. 25 Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.

26 “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo.

27 “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak. 28 Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita.

29 “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis. 30 Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan.

31 “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar. 32 Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado. 34 Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado.

35 “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin. 36 Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado. 37 Pitong araw kang maghahandog ukol sa kasalanan at pagtatalaga. Pagkatapos, ito'y ituturing na ganap na sagrado at anumang malagay rito ay magiging sagrado.

Ang Paghahandog Araw-araw(C)

38 “Ganito ang gagawin mong paghahandog sa altar araw-araw: kumuha ka ng dalawang tupang isang taon ang gulang at iyong ihandog, 39 isa sa umaga, isa sa hapon. 40 Ang ihahandog sa umaga ay samahan mo ng kalahating salop na pinakamainam na harinang minasa sa isang litrong langis. Maglagay ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. 41 Ang ihahandog naman sa hapon ay samahan mo rin ng handog na pagkaing butil at inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. 42 Ang paghahandog na ito'y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo. 43 Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. 44 Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 45 Ako'y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. 46 Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.

Ang Altar na Sunugan ng Insenso(D)

30 “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. 10 Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.”

Ang Buwis para sa Templo

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pagkuha mo ng sensus ng mga Israelita, bawat isa'y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila habang ginagawa ang sensus. 13 Lahat(E) ng mabilang sa sensus ay magbabayad ng kinakailangang timbang ng pilak ayon sa timbangan ng templo (ang kinakailangang timbang ay katumbas ng 6 na gramo), bilang handog sa akin. 14 Lahat ng may dalawampung taon at pataas ay isasama sa sensus. 15 Pareho ang halagang ibabayad na pantubos ng mayayaman at ng mahihirap, walang labis at walang kulang. 16 Lahat ng ibabayad nila ay gagamitin sa mga kailangan sa Toldang Tipanan. Ang halagang ibibigay nila'y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita.”

Ang Palangganang Hugasan

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 18 “Gumawa(F) ka rin ng palangganang tanso at ng tansong patungan nito. Ilagay mo ito sa pagitan ng altar at ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, lagyan mo ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa paghuhugas ng kanilang paa't kamay. 20 Kailangang sila'y maghugas bago pumasok sa Toldang Tipanan o bago magsunog ng handog sa altar. Kung hindi, sila'y mamamatay. 21 Kailangan ngang maghugas muna sila ng paa't kamay upang hindi sila mamatay. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.”

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso

22 Sinabi(G) ni Yahweh kay Moises, 23 “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó 24 at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. 25 Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang 26 maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, 27 ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. 28 Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. 29 Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito.

30 “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. 32 Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. 33 Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.”

Ang Insenso

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. 35 Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. 36 Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. 37 Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. 38 Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.”

Ang mga Gagawa ng Tabernakulo(H)

31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. 10 Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. 11 Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.”

Ang Araw ng Pamamahinga

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 13 “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. 14 Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. 15 Anim(I) na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 16 Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. 17 Ito'y(J) isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.”

18 Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat.

Ang Guyang Ginto(K)

32 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”

“Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron. Ganoon nga ang kanilang ginawa. Kinuha(L) (M) ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.

Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”

Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.” Kinabukasan,(N) maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. 10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”

11 Nagmakaawa(O) si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin(P) ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” 14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.

15 Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. 16 Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.

17 Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”

18 “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.

19 Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog. 20 Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. 21 Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”

22 Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito. 23 Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. 24 Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”

25 Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid. 26 Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita. 27 Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’” 28 Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon. 29 Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.”

30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” 31 Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. 32 Ipinapakiusap(Q) ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”

33 Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. 34 Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”

35 At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron.

Nagpatuloy ng Paglalakbay ang Israel

33 Sinabi(R) (S) ni Yahweh kay Moises, “Umalis na kayo rito at magtuloy sa lupaing aking ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay ko sa kanilang lahi. 2-3 Ang pupuntahan ninyo'y isang mayaman at masaganang lupain. Pauunahin ko sa inyo ang isang anghel upang palayasin ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Hindi ako ang sasama sa inyo at baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo.”

Nang malaman ito ng mga Israelita, labis silang nalungkot at isa ma'y walang nagsuot ng alahas. Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.” Kaya't mula sa Bundok ng Sinai,[b] hindi na sila nagsuot ng alahas.

Ang Toldang Tipanan

Nakaugalian na ni Moises na itayo ang tabernakulo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Toldang Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni kay Yahweh. Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita'y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya'y makapasok. Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo'y makikipag-usap sa kanya si Yahweh. 10 Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng Tolda ang haliging ulap, pumupunta naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at doo'y yumuyuko at sumasamba. 11 Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya.

Nangako si Yahweh na Sila'y Papatnubayan

12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. 13 Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.”

14 “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh.

15 Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.”

17 “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh.

18 Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”

19 “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, 20 ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh.

Ang Pangalawang Tapyas na Bato(T)

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang batong tulad noong una at isusulat ko roon ang nasa mga tapyas na batong binasag mo. Bukas, gumayak ka nang maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai. Huwag kang magsasama kahit sino. Walang pupunta isa man sa bundok at ni isang tupa o baka ay huwag hahayaang manginain doon.” Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.

Si Yahweh ay bumabâ sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh.

Si(U) Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”

Inulit ang Tipan(V)

10 Sinabi ni Yahweh, “Makikipagkasundo akong muli sa bayang Israel. Sa harapan nilang lahat ay gagawa ako ng mga himalang hindi pa nangyayari sa daigdig kahit kailan. Dahil dito, makikita ng mga Israelita kung gaano ako kadakila. 11 Sundin ninyo ang mga iniutos ko ngayon at palalayasin ko sa pupuntahan ninyo ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hivita at mga Jebuseo. 12 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga daratnan ninyo roon sapagkat iyon ang magiging patibong na ikapapahamak ninyo. 13 Sa(W) halip, sirain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ninyo ang mga batong ginagamit nila sa kanilang pagsamba at ibuwal ang mga haliging kinikilala nilang sagrado.

14 “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos. 15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito. 16 Huwag ninyong hahayaan na ang mga anak ninyong lalaki ay mag-asawa ng babaing tagaroon. Baka mahikayat sila ng mga ito na maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan.

17 “Huwag(X) kayong gagawa ng diyus-diyosang metal at sasamba sa mga ito.

18 “Ipagdiwang(Y) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa sa unang buwan sapagkat iyon ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto.

19 “Akin(Z) ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop. 20 Ang(AA) panganay na asno ay tutubusin ninyo ng tupa. Kung ayaw ninyong palitan, baliin ninyo ang leeg. Tutubusin din ninyo ng tupa ang mga panganay ninyong lalaki. Huwag kayong haharap sa akin nang walang dalang handog.

21 “Anim(AB) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga maging ito ma'y panahon ng pagbubungkal ng lupa o ng pag-aani.

22 “Ipagdiriwang(AC) ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo, ang unang pag-aani ng trigo, gayon din ang Pista ng mga Tolda tuwing matatapos ang taon.

23 “Tatlong beses isang taon, ang mga lalaking Israelita ay haharap sa Panginoong Yahweh, ang Diyos ng Israel. 24 Kapag napalayas ko na ang mga taong daratnan ninyo at lubusan na ninyong nasakop ang kanilang lupain, wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin.

25 “Huwag(AD) ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang hayop na ihahandog ninyo sa akin. Huwag din kayong magtitira ng anumang bahagi ng hayop na pinatay para sa Pista ng Paskwa.

26 “Dadalhin(AE) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga pinakamainam na unang ani ng inyong bukirin.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.”

27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Moises, “Isulat mo ang mga sinabi ko sapagkat ito ang mga tuntunin ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ni Yahweh, hindi kumakain o umiinom. Isinulat ni Yahweh sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos.

Bumabâ sa Bundok si Moises

29 Mula(AF) sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha. 30 Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. 31 Ngunit tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga namumuno sa Israel at sila'y nag-usap. 32 Pagkaraan noon, lumapit kay Moises ang lahat ng Israelita at sinabi niya sa kanila ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 33 Pagkasabi nito, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Tuwing makikipag-usap at haharap siya sa presensya ni Yahweh, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas dito, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ni Yahweh, 35 at makikita na naman nila na nagniningning ang kanyang mukha. Kaya't tatakpan niya muli ito hanggang sa muli niyang pakikipag-usap kay Yahweh.

Ang mga Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga

35 Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh: Anim(AG) na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.”

Ang mga Handog para sa Santuwaryo(AH)

Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh: Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso; lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya, langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.”

Ang mga Kagamitan sa Toldang Tipanan(AI)

10 “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin 11 ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito. 12 Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito. 13 Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos, 14 ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito. 15 Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo, 16 ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito. 17 Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan. 18 Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing, 19 ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”

Dinala ang mga Handog

20 Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda. 21 Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari. 22 Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh. 23 May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing. 24 Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo. 25 Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob. 26 May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing. 27 Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 28 May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso. 29 Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.

Ang mga Gagawa sa Toldang Tipanan(AJ)

30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 31 Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos[c] at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 32 Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 33 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 34 Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman. 35 Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.

36 “Si Bezalel, si Aholiab at ang lahat ng manggagawang binigyan ni Yahweh ng kaalaman at kakayahan ang gagawa ng lahat ng kailangan sa santuwaryo, ayon sa sinabi ni Yahweh.”

Marami ang Handog ng mga Israelita

Tinawag ni Moises sina Bezalel, Aholiab, ang lahat ng binigyan ng kakayahan ni Yahweh at ang lahat ng nais tumulong at pinagsimula nang magtrabaho. Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handog ng mga Israelita para sa gagawing santuwaryo. Patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga, kaya't nagpunta kay Moises ang mga manggagawa. Sinabi nila, “Napakarami na po ang ibinigay ng mga tao ngunit patuloy pa rin silang nagdadala.”

Kaya iniutos ni Moises, “Huwag na kayong magdala pa ng kaloob para sa gagawing santuwaryo.” Noon lamang tumigil ang mga tao sa pagdadala ng handog. Gayunman, sumobra pa rin ang mga handog na naroon.

Ang Paggawa ng Toldang Tipanan(AK)

Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Ang ginamit dito ay sampung pirasong kurtina na hinabi sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula na may burdang larawan ng kerubin. Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at 2 metro naman ang lapad. 10 Ang mga ito ay pinagkabit-kabit nila nang tiglilima. 11 Gumawa sila ng mga silo na yari sa taling asul at ikinabit sa gilid ng bawat piraso, 12 tiglilimampung silo bawat isa. 13 Gumawa sila ng limampung kawit na ginto at sa pamamagitan nito'y pinagkabit ang dalawang piraso. Kaya ang sampung pirasong damit na ginamit sa tabernakulo ay parang isang piraso lamang.

14 Pagkatapos, gumawa sila ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing upang gawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. 15 Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. 16 Pinagkabit-kabit nila ang limang piraso; ganoon din ang anim na natira. 17 Kinabitan nila ng tiglilimampung silo ang gilid ng bawat piraso. 18 Pagkatapos, gumawa sila ng limampung kawit na tanso at sa pamamagitan nito'y pinagkabit nila ang dalawang piraso para maging isa lamang. 19 Tinakpan nila ito ng pinapulang balat ng tupa at pinatungan pa ng balat ng kambing.

20 Gumawa rin sila ng mga patayong haliging gawa sa akasya para sa tabernakulo. 21 Bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 22 Bawat haligi ay nilagyan nila ng mitsa para sa pagdurugtong. 23 Dalawampung haligi ang ginawa nila para sa gawing timog 24 at apatnapung patungang pilak na may suotan ng mitsa. 25 Dalawampu rin ang ginawa nilang haligi sa gawing hilaga 26 at apatnapung patungang pilak din, dalawa sa bawat haligi. 27 Para sa likod, sa gawing kanluran ay anim na haligi 28 at dalawa naman para sa mga sulok. 29 Ang mga haligi sa magkabilang sulok ay magkadikit mula ibaba hanggang itaas, sa may unang argolya. 30 Samakatuwid, walo ang haliging nagamit sa likod at may tigalawang patungang pilak ang bawat isa.

31 Gumawa rin siya ng pahalang na balangkas na yari sa akasya, lima sa isang gilid, 32 lima sa kabila at lima rin sa likod. 33 Ang pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang gilid ng dingding. 34 Binalot nila ng ginto ang mga haligi at kinabitan ng argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.

35 Gumawa rin sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula; ito'y binurdahan nila ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa sila ng apat na haliging akasya na kabitan ng tabing. Binalot nila ito ng ginto, kinabitan ng kawit na ginto rin at itinayo sa apat na tuntungang pilak. 37 Para sa pintuan, gumawa sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda. 38 Gumawa sila ng limang posteng pagsasabitan ng kurtina. Kinabitan nila iyon ng mga kawit, ang dulo'y binalot ng ginto, gayundin ang mga haligi at itinayo sa limang tuntungang tanso.

Ang Kaban ng Tipan(AL)

37 Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. Binalot niya ng ginto ang loob at labas, at ang labi nito'y nilagyan nila ng muldurang ginto. Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. Gumawa rin siya ng kahoy na pampasan na yari sa akasya at binalutan din niya ito ng ginto. Isinuot niya ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid upang maging pasanan nito. Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. Ang magkabilang dulo nito ay iginawa niya ng dalawang kerubing yari sa purong ginto, tig-isa sa magkabilang dulo. Ikinabit niya itong mabuti sa Luklukan ng Awa, kaya ito at ang mga kerubin ay naging isang piraso. Magkaharap ang mga kerubin at nakatungo sa Luklukan ng Awa. Nakabuka ang kanilang mga pakpak at nakalukob dito.

Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(AM)

10 Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel; 0.9 na metro ang haba nito, 0.5 metro ang lapad at 0.7 metro ang taas. 11 Binalot niya ito ng ginto at pati na ang paligid. 12 Nilagyan niya ito ng sinepa na singlapad ng isang palad at pinaligiran din ng ginto. 13 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 14 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 15 Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan na yari sa akasya at binalutan din ng ginto. 16 Gumawa rin siya ng mga kagamitang ginto para sa mesa: mga plato, tasa, banga at mangkok para sa handog na inumin.

Ang Ilawan(AN)

17 Gumawa rin siya ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 18 Mayroon itong anim na sanga, tigatlo sa magkabila. 19 Bawat sanga ay may tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 20 Ang tagdan ay may tig-apat ding bulaklak na tulad ng nasa sanga. 21 May tig-iisang usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat sanga. 22 Ang mga usbong, mga sanga at ang tagdan ng ilawan ay iisang piraso na gawa sa purong ginto. 23 Ang ilawan ay iginawa niya ng pitong ilaw na may kasamang pang-ipit ng mitsa at patungan na pawang dalisay na ginto. 24 Ang nagamit sa ilawan ay tatlumpu't limang kilong purong ginto.

Ang Paggawa sa Altar na Sunugan ng Insenso(AO)

25 Gumawa siya ng altar na sunugan ng insenso. Ito ay yari sa punong akasya. Ito ay parisukat, 0.5 metro ang haba, gayundin ang lapad at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar. 26 Binalutan niya ang ibabaw nito ng purong ginto. Ang mga gilid at ang mga sungay ay binalot din ng ginto. 27 Gumawa siya ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa magkabilang gilid sa ibaba para pagsuutan ng pampasan. 28 Gumawa rin siya ng pampasan na yari sa punong akasya at ito'y binalot din ng ginto.

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso(AP)

29 Si(AQ) Bezalel din ang naghalo ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso at ito'y parang ginawa ng isang dalubhasa sa paggawa ng pabango.

Ang Altar(AR)

38 Akasya rin ang ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar na sunugan ng handog. Ito'y parisukat, 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at 1.3 metro naman ang taas. Ang mga sulok nito'y nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar, at binalot ng tanso. Si Bezalel din ang gumawa ng mga kagamitang tanso para sa altar: palayok, pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa rin siya ng parilyang tanso at ikinabit sa ilalim ng baytang, sa kalahatian ng altar. Gumawa siya ng apat na argolya at ikinabit sa apat na sulok ng parilya, para pagsuutan ng pampasan. Akasya rin ang ginawa niyang pampasan. Binalot niya ito ng tanso at isinuot sa mga argolya sa gilid ng altar. Tabla ang ginamit niya sa paggawa ng altar at ito'y may guwang sa loob.

Ang Palangganang Tanso(AS)

Gumawa(AT) nga siya ng palangganang tanso, at tanso rin ang patungan. Ang ginamit niya rito ay tansong ginagamit bilang salamin ng mga babaing tumutulong sa mga naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.

Ang Bulwagan ng Toldang Tipanan(AU)

Pagkatapos, ginawa niya ang bulwagan na pinaligiran niya ng mamahaling telang lino. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 at ito'y ikinabit niya sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso rin. Pilak naman ang mga kawit at ang sabitang baras na ginamit niya. 11 Gayundin ang ginawa niya sa gawing hilaga: 45 metro ang mga tabing na ikinabit sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso; pilak naman ang mga kawit at baras na ginamit dito. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isinabit niya sa sampung posteng nakatindig sa sampung tuntungan. Ang mga kawit at baras ay gawa sa pilak. 13 Ang luwang ng harapan ng bulwagan sa gawing silangan ay 22 metro. 14 Sa isang gilid ng pintuan ay nilagyan ng kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid. Kaya ang dalawang gilid ng pintuan ay may tig-isang kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa kanya-kanyang tuntungan. 16 Lahat ng tabing ng bulwagan ay mamahaling telang lino. 17 Tanso ang tuntungan ng mga poste at pilak naman ang mga kawit ng poste, gayundin ang mga haligi. 18 Ang kurtina sa may pintuan ay mamahaling lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Magandang-maganda ang burda nito. Ang haba't lapad nito'y 9 na metro, samantalang 2 metro naman ang taas, tulad ng tabing sa bulwagan. 19 Ito'y nakasabit sa apat na posteng nakapatong sa apat na tuntungang tanso. Ang mga kawit nito at balot ay pawang pilak. 20 Tanso naman ang mga tulos na ginamit sa Toldang Tipanan at sa tabing ng bulwagan.

Ang mga Metal na Ginamit sa Tabernakulo

21 Ito ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan. Ang listahang ito'y ipinagawa ni Moises sa mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ni Aaron.

22 Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 23 Ang pangunahin niyang katulong na si Aholiab ay anak ni Ahisamac at buhat naman sa lipi ni Dan. Siya ay mahusay mag-ukit, isang taga-disenyo at manghahabi ng pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula.

24 Lahat ng gintong ginamit sa santuwaryo ay umabot sa 1,000 kilo ayon sa timbangan sa templo. Ang lahat ng ito'y handog kay Yahweh. 25 Ang(AV) pilak namang ibinigay ng mga taong napabilang sa sensus ay umabot sa 3,430 kilo, ayon din sa timbangan sa templo. 26 Ang(AW) mga ito ang kabuuan ng lahat ng inihandog ng mga napabilang sa sensus, na umabot naman sa 603,550 katao, mula sa dalawampung taon pataas. Bawat isa'y nagbigay ng kaukulang halaga ayon sa timbangan sa santuwaryo. 27 Ang pilak na nagamit sa mga tuntungan ng santuwaryo at tabing ng bulwagan ay 3,400 kilo: 100 tuntungan na tig-34 na kilo. 28 Ang 30 kilo ay ginamit sa mga kawit ng poste, sa mga dulo nito at sa mga haligi. 29 Ang tansong inihandog kay Yahweh ay umabot naman sa 2,425 kilo. 30 Ito ay ginamit sa mga tuntungan sa pintuan ng Toldang Tipanan, sa altar at sa parilyang tanso gayundin sa lahat ng gamit sa altar, 31 sa tuntungan sa paligid ng patyo, at tuntungan ng poste ng pinto, at sa lahat ng tulos na ginamit sa paligid ng tabernakulo.

Ang Kasuotan ng mga Pari(AX)

39 Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Lanang kulay asul, kulay ube at pula ang ginamit nila sa kasuotan ng mga pari.

Mainam na lino, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula ang ginamit nila sa efod. Ang ginto ay pinitpit nila nang manipis at ginupit nang pino na parang sinulid, at inihalo sa paghabi sa lanang kulay asul, kulay ube at pula at sa mainam na lino. Ang efod ay kinabitan nila ng malapad na tali na siyang nagdudugtong sa likod at harap. Kinabitan din nila ito ng isang magandang sinturong kamukha ng efod na yari rin sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan din ng mga hibla ng ginto tulad ng iniutos ni Yahweh. Kumuha sila ng mga batong kornalina at iniayos ito sa patungang ginto. Iniukit nila dito ang pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel. Nang mayari, para itong isang magandang pantatak. Ang mga bato'y ikinabit nila sa tali sa balikat ng efod upang maalala ang mga anak ni Israel. Ginawa rin nila ito ayon sa utos ni Yahweh.

Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto. Ito'y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 10 Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko. 11 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 12 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 13 At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto. 14 Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 15 Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral. 16 Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas. 17 Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto. 18 Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod. 19 Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral. 20 Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod. 21 Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.

22 Gumawa rin sila ng damit na nasa ilalim ng efod. Ito'y yari sa lanang kulay asul, 23 at may butas na suotan ng ulo; ang butas ay may tupi upang hindi matastas. 24 Ang laylayan nito'y nilagyan nila ng mga palawit na tila bunga ng punong granada; ang mga ito'y yari sa pinong lino, at lanang asul, kulay ube at pula. 25 Gumawa rin sila ng mga kampanilyang ginto at ikinabit sa laylayan, sa pagitan ng mga palawit. 26 Kaya ang laylayan ay may isang hilera ng mga palawit na mukhang bunga ng punong granada at mga kampanilyang ginto. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.

27 Gumawa rin sila ng mahabang panloob na kasuotan para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga ito'y yari sa pinong lino, 28 ganoon din ang turbante, ang mga sumbrero at ang mga linong salawal. 29 Ang pamigkis naman sa baywang ay yari sa pinong lino, lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda ayon sa utos ni Yahweh. 30 Ang turbante ay nilagyan nila ng palamuting ginto at may nakaukit na ganitong mga salita: “Nakalaan kay Yahweh.” 31 Ito'y itinali nila sa turbante sa pamamagitan ng kurdong asul, tulad ng utos ni Yahweh.

Natapos na ang Toldang Tipanan(AY)

32 Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon. 33 Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito; 34 ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing; 35 ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa. 36 Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos, 37 ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw; 38 ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda. 39 Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito; 40 ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. 41 Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari. 42 Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. 43 Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh.

Ang Pagtatayo at ang Pagtatalaga sa Toldang Tipanan

40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sa unang araw ng unang buwan, itayo mo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo sa loob nito ang Kaban ng Tipan, at tabingan mo. Ipasok mo ang mesa at ipatong mo roon ang kagamitan niyon. Ipasok mo rin ang ilawan at iayos ang mga ilaw. Ang altar na gintong sunugan ng insenso ay ilagay mo sa tapat ng Kaban ng Tipan at kabitan mo ng tabing ang pintuan nito. Ang altar namang sunugan ng mga handog ay ilagay mo sa harap ng tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo naman sa pagitan ng altar at ng tolda ang palanggana, at lagyan mo ng tubig. Pagkatapos, paligiran mo ng tabing ang bulwagan at ikabit ang tabing ng pintuan nito.

“Pagkatapos, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo nito ang buong tolda at ang lahat ng kagamitan doon upang maging sagrado. Gayundin ang gawin mo sa lahat ng kagamitan doon upang maging banal. 10 Ito rin ang gawin mo sa altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito upang maging ganap na sagrado. 11 Pahiran mo ng langis ang palanggana at ang patungan nito upang maging banal din.

12 “Si Aaron at ang kanyang mga anak ay dalhin mo sa pintuan ng Toldang Tipanan at doo'y maghugas ayon sa rituwal. 13 Pagkatapos, isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan at pahiran mo siya ng langis. Sa ganitong paraan mo siya itatalaga sa akin at siya'y maglingkod sa akin bilang pari. 14 Palapitin mo rin ang kanyang mga anak, at isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan. 15 Pahiran mo sila ng langis tulad ng ginawa mo sa kanilang ama upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Dahil sa pagkapahid mo sa kanila ng langis, mananatili silang mga pari habang buhay.”

16 Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh. 17 Kaya, ang tabernakulo'y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. 18 Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste. 19 Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh. 20 Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. 21 Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh.

22 Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing. 23 Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog. 24 Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at 25 iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh. 26 Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing. 27 Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh. 28 Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo. 29 Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh. 30 Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig. 31 Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak. 32 Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. 33 Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.

Ang Ulap at ang Tabernakulo(AZ)

34 Nang(BA) magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 35 Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 36 Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. 37 Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. 38 Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.