Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 18-22

18 Ah,(A) ang lupain ng pakpak na pumapagaspas,
    na nasa kabila ng mga ilog ng Etiopia;
na nagpapadala ng mga sugo sa gilid ng Nilo,
    sa mga sasakyang-papiro sa ibabaw ng karagatan!
Humayo kayo, maliliksing sugo,
    sa bansang mataas at patag,
sa bayang kinatatakutan sa malayo at malapit;
    isang bansang makapangyarihan at nananakop,
    na ang lupain ay hinahati ng mga ilog!

Kayong lahat na nananahan sa sanlibutan,
    at kayong mga naninirahan sa lupa,
kapag ang isang hudyat ay itinaas sa mga bundok, ay inyong tingnan!
    Kapag ang trumpeta ay hinipan, makinig kayo!
Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ako'y tahimik na titingin mula sa aking tinitirhan,
    gaya ng malinaw na init sa sikat ng araw,
    gaya ng ulap na hamog sa init ng pag-aani.”
Sapagkat bago mag-ani, kapag ang pamumulaklak ay tapos na,
    at ang bulaklak ay nagiging ubas na nahihinog,
kanyang puputulin ng karit na pangkapon ang mga usbong,
    at ang nakaladlad na mga sanga ay kanyang puputulin.
Ang mga iyon ay pawang maiiwan
    sa mga ibong mandaragit sa mga bundok,
    at sa mga hayop sa lupa.
At kakainin ang mga iyon ng mga ibong mandaragit sa panahon ng tag-init,
    at kakainin ang mga iyon ng lahat na hayop sa lupa sa taglamig.

Sa panahong iyon ay dadalhin ang mga kaloob sa Panginoon ng mga hukbo
    ng mga taong matataas at makikisig,
    at mula sa bayang kinatatakutan sa malapit at malayo;
    isang bansang makapangyarihan at nananakop,
    na ang lupain ay hinahati ng mga ilog,
    sa Bundok ng Zion, sa dako ng pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

Parurusahan ang Ehipto

19 Isang(B) pahayag tungkol sa Ehipto.

Tingnan ninyo, ang Panginoon ay nakasakay sa isang matuling ulap,
    at patungo sa Ehipto,
at ang mga diyus-diyosan ng Ehipto ay manginginig sa kanyang harapan,
    at ang puso ng Ehipto ay manlulumo sa gitna niyon.
Aking kikilusin ang mga Ehipcio laban sa mga Ehipcio;
    at sila'y maglalaban, bawat tao laban sa kanyang kapatid,
    at bawat tao laban sa kanyang kapwa,
    lunsod laban sa lunsod, at kaharian laban sa kaharian.
Ang diwa ng mga Ehipcio ay mauubos sa gitna niyon;
    at aking guguluhin ang kanilang mga panukala;
at sasangguni sila sa mga diyus-diyosan, at sa mga engkantador,
    at sa mga sumasangguni sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula.
Aking ibibigay ang mga Ehipcio
    sa kamay ng mabagsik na panginoon;
at mabangis na hari ang maghahari sa kanila,
    sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang tubig ng Nilo ay matutuyo,
    at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo.
Ang mga ilog ay babaho;
    ang mga batis ng Ehipto ay huhupa at matutuyo,
    ang mga tambo at mga talahib ay matutuyo.
Magkakaroon ng mga walang tanim na dako sa pampang ng Nilo,
    sa baybayin ng Nilo,
at lahat ng inihasik sa tabi ng Nilo ay matutuyo,
    matatangay, at mawawala.
Ang mga mangingisda ay tatangis,
    lahat ng naglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis,
    at manghihina silang naglaladlad ng mga lambat sa tubig.
Ang mga gumagawa ng tela ay mawawalan ng pag-asa,
    at ang humahabi ng puting damit ay manghihina.
10 Ang mga haligi ng lupain ay madudurog,
    at ang lahat na nagpapaupa ay magdadalamhati.

11 Ang mga pinuno ng Zoan ay lubos na hangal;
    ang matatalinong tagapayo ni Faraon ay nagbibigay ng payong hangal.
Paanong masasabi ninyo kay Faraon,
    “Ako'y anak ng pantas,
    anak ng mga dating hari?”
12 Saan ngayon naroon ang iyong mga pantas?
    Sasabihin nga nila sa iyo ngayon at ipaalam nila
    kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo laban sa Ehipto.
13 Ang mga pinuno ng Zoan ay naging mga hangal,
    ang mga pinuno ng Memfis ay dinaya,
sila na panulok na bato ng kanyang mga lipi
    ang nagligaw sa Ehipto.
14 Inihalo ng Panginoon sa kanya
    ang espiritu ng pagkalito;
at iniligaw nila sa bawat gawa niya ang Ehipto,
    pasuray-suray sa kanyang pagsusuka gaya ng lasing na tao.
15 Hindi na magkakaroon ng anuman para sa Ehipto
    na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.

Pagbabalik-loob ng Ehipto at ng Asiria

16 Sa araw na iyon ay magiging parang mga babae ang mga Ehipcio, at manginginig sa takot sa harapan ng kamay ng Panginoon ng mga hukbo na kanyang itinataas laban sa kanila.

17 At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Ehipto; kaninuman mabanggit iyon ay matatakot, dahil sa panukala ng Panginoon ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon.

18 Sa araw na iyon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Ehipto na magsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa ng katapatan sa Panginoon ng mga hukbo. Ang isa roo'y tatawaging ‘Lunsod ng Araw.’

19 Sa araw na iyon ay magkakaroon ng isang dambana sa Panginoon sa gitna ng lupain ng Ehipto, at isang haligi sa Panginoon sa hangganan niyon.

20 Iyon ay magiging tanda at saksi sa Panginoon ng mga hukbo sa lupain ng Ehipto. Kapag sila'y dumaing sa Panginoon dahil sa mga mang-aapi, magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at kanyang ipagtatanggol at ililigtas sila.

21 At ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa Ehipto, at makikilala ng mga Ehipcio ang Panginoon sa araw na iyon at sila'y magsisisamba na may alay at handog na sinusunog. At sila'y gagawa ng panata sa Panginoon at tutuparin ang mga iyon.

22 At sasaktan ng Panginoon ang Ehipto, sinasaktan at pinagagaling, at sila'y manunumbalik sa Panginoon, at kanyang papakinggan ang kanilang mga daing at pagagalingin sila.

23 Sa araw na iyon ay magkakaroon ng lansangan mula sa Ehipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga-Asiria ay magsisipasok sa Ehipto, at ang mga Ehipcio ay sa Asiria, at ang mga Ehipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga-Asiria.

24 Sa araw na iyon ay magiging pangatlo ang Israel sa Ehipto at sa Asiria, isang pagpapala sa gitna ng lupain,

25 na pinagpala ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, “Pagpalain ang bayan kong Ehipto, at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na aking mana.”

20 Nang taong dumating ang punong-kawal sa Asdod, na isinugo ni Sargon na hari ng Asiria, at siya'y nakipaglaban doon at nasakop iyon,

nang panahong iyon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na sinasabi, “Ikaw ay humayo, at kalagin mo ang damit-sako sa iyong mga balakang, at hubarin mo ang sapin sa iyong paa.” At ginawa niyang gayon at lumakad na hubad at yapak.

At sinabi ng Panginoon, “Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at yapak sa loob ng tatlong taon bilang tanda at babala sa Ehipto at Etiopia,

gayon ilalayo ng hari ng Asiria ang mga bihag na Ehipcio at taga-Etiopia, bata at matanda, hubad at yapak, at may mga piging nakalitaw, sa ikapapahiya ng Ehipto.

Sila'y manlulupaypay at malilito, dahil sa Etiopia na kanilang pag-asa at sa Ehipto na kanilang ipinagmamalaki.

At ang naninirahan sa baybaying ito ay magsasabi sa araw na iyon, ‘Narito, ito ang nangyari doon sa aming inaasahan at aming tinakbuhan upang hingan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria! At kami, paano kami makakatakas?’”

Ang Pagbagsak ng Babilonia

21 Ang pahayag tungkol sa ilang ng karagatan.

Kung paanong dumaan ang mga ipu-ipo sa Negeb
    ito'y nagmumula sa ilang
    mula sa isang kakilakilabot na lupain.
Isang matinding pangitain ang ipinahayag sa akin;
    ang magnanakaw ay nagnanakaw,
    at ang mangwawasak ay nangwawasak.
Umahon ka, O Elam;
    kumubkob ka, O Media;
lahat ng buntong-hininga na nilikha niya'y
    aking pinatigil na.
Kaya't ang aking mga balakang ay punô ng kahirapan;
    punô ako ng paghihirap,
    gaya ng mga hirap ng babae sa panganganak,
ako'y nakayuko na anupa't hindi ako makarinig;
    ako'y nanlulumo na anupa't hindi ako makakita.
Ang aking isipan ay umiikot, ang pagkasindak ay nakabigla sa akin;
    ang pagtatakipsilim na aking kinasabikan
    ay nagpanginig sa akin.
Sila'y naghanda ng hapag-kainan,
    iniladlad nila ang alpombra,
    sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom.
Magsitindig kayong mga pinuno,
    langisan ninyo ang kalasag!
Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ikaw ay humayo, maglagay ka ng bantay;
    ipahayag niya kung ano ang nakikita niya.
Kapag siya'y nakakita ng mga nakasakay, mga mangangabayo na dala-dalawa,
    nakasakay sa mga asno, nakasakay sa mga kamelyo,
makinig siyang masikap,
    ng buong sikap.”
At siya na nakakita ay sumigaw:
“O Panginoon, ako'y nakatayo sa muog,
    patuloy kapag araw,
at ako'y nakatanod sa aking bantayan
    nang buong magdamag.
Tingnan(C) mo, dumarating ang mga mangangabayo,
    mga mangangabayong dala-dalawa!”
At siya'y sumagot at nagsabi,
    “Bumagsak, bumagsak ang Babilonia;
at lahat na larawang inanyuan ng kanyang mga diyos
    ay nagkadurug-durog sa lupa.”
10 O ikaw na aking giniik, at trigo ng aking giikan,
    ang aking narinig sa Panginoon ng mga hukbo,
    sa Diyos ng Israel, ang aking ipinahayag sa iyo.

Ang Hula tungkol sa Edom

11 Ang pahayag tungkol sa Duma.

May tumatawag sa akin mula sa Seir,
    “Bantay, gaano pa katagal ang gabi?
    Bantay, gaano pa katagal ang gabi?”

12 Sinabi ng bantay,

“Ang umaga ay dumarating, at gayundin ang gabi.
    Kung kayo'y mag-uusisa, mag-usisa kayo;
    muli kayong bumalik.”

Ang Hula tungkol sa Arabia

13 Ang pahayag tungkol sa Arabia.

Sa gubat ng Arabia ay tumigil kayo,
    O kayong naglalakbay na mga Dedaneo.
14 Sa nauuhaw ay magdala kayo ng tubig,
    salubungin ng tinapay ang takas,
    O mga naninirahan sa lupain ng Tema.
15 Sapagkat sila'y tumakas mula sa mga tabak,
    mula sa binunot na tabak,
mula sa busog na nakaakma,
    at mula sa matinding digmaan.

16 Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon, ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng Kedar ay magwawakas;

17 at ang nalalabi sa mga mamamana, sa mga makapangyarihang lalaki na mga anak ni Kedar ay magiging iilan, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ay siyang nagsalita.”

Ang Hula tungkol sa Jerusalem

22 Ang pahayag tungkol sa libis ng pangitain.

Anong ibig mong sabihin na ikaw ay umakyat,
    kayong lahat, sa mga bubungan?
O ikaw na puno ng mga sigawan,
    magulong lunsod, masayang bayan?
Ang iyong mga patay ay hindi napatay ng tabak,
    o namatay man sa pakikipaglaban.
Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama,
    sila'y nahuli bagaman di ginamitan ng busog.
Kayong lahat na natagpuan ay nahuli,
    bagaman sila'y nakatakas sa malayo.
Kaya't sinabi ko,
“Huwag kayong tumingin sa akin,
    hayaan ninyong ako'y umiyak na may kapaitan;
huwag ninyong sikaping bigyan ako ng kaaliwan,
    ng dahil sa pagkawasak sa anak na babae ng aking bayan.”

Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay may isang araw
    ng pagkakagulo at pagyapak, ng pagkalito,
    sa libis ng pangitain;
pagkabagsak ng mga pader
    at pagsigaw sa mga bundok.
Ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana,
    may mga karwahe at mga mangangabayo;
    at inalisan ng balot ng Kir ang kalasag.
Ang iyong mga piling libis ay punô ng mga karwahe,
    at ang mga mangangabayo ay nakahanay sa mga pintuan.
At kanyang inalis ang takip ng Juda.

Sa araw na iyon ay tumingin ka sa mga sandata sa Bahay ng Gubat.

Inyong nakita na maraming butas ang lunsod ni David, at inyong tinipon ang tubig ng mababang tipunan ng tubig.

10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong giniba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.

11 Kayo'y gumawa ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng dating tipunan. Ngunit hindi ninyo tiningnan ang gumawa nito, o pinahalagahan man siya na nagplano nito noon pa.

12 Nang araw na iyon ay tumawag ang Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sa pag-iyak, sa pagtangis,
    sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako.
13 Sa(D) halip ay nagkaroon ng kagalakan at kasayahan,
    pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa,
    pagkain ng karne, at pag-inom ng alak.
“Tayo'y kumain at uminom,
    sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”

14 Ipinahayag ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang sarili sa aking mga pandinig:

“Tunay na ang kasamaang ito ay hindi ipatatawad sa inyo hanggang sa kayo'y mamatay,”
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Babala Laban kay Sebna

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, “Ikaw ay humayo, pumaroon ka sa katiwalang ito, sa Sebna, na siyang katiwala sa bahay, at iyong sabihin sa kanya:

16 Anong karapatan mo rito? Sinong mga kamag-anak mo rito at gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? Gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan para sa iyong sarili sa malaking bato!

17 Ibabagsak kang bigla ng Panginoon, ikaw na malakas na tao. Hahawakan ka niya ng mahigpit.

18 Paiikutin ka niya nang paiikutin, at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain. Doon ka mamamatay, at doon malalagay ang iyong magagarang mga karwahe, ikaw na kahihiyan ng sambahayan ng iyong panginoon.

19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.

20 Sa araw na iyon ay aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliakim na anak ni Hilkias,

21 at aking susuotan siya ng iyong balabal, at ibibigkis sa kanya ang iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong kapangyarihan sa kanyang kamay; at siya'y magiging ama sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa sambahayan ni Juda.

22 Ang(E) katungkulan sa sambahayan ni David ay iaatang ko sa kanyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang makapagsasara; at siya'y magsasara, at walang makapagbubukas.

23 At aking ikakapit siya na parang tulos sa isang matibay na dako; at siya'y magiging trono ng karangalan sa sambahayan ng kanyang magulang.

24 Kanilang ibibitin sa kanya ang buong bigat ng sambahayan ng kanyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawat maliit na sisidlan, mula sa mga tasa hanggang sa mga malalaking sisidlan.

25 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang tulos na ikinabit sa matibay na dako. Ito'y puputulin at mahuhulog, at ang pasan na nasa ibabaw niyon ay maglalaho, sapagkat sinabi ng Panginoon.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001