Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 24-26

24 Huwag kang maiinggit sa taong masasama,
    ni maghangad man na sila'y makasama.
Sapagkat ang kanilang puso ay nagbabalak ng karahasan,
    at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.

Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay;
    at naitatatag sa pamamagitan ng kaunawaan.
Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman,
    ng lahat ng mahahalaga at kaaya-ayang kayamanan.
Ang taong pantas ay mas makapangyarihan kaysa sa malakas,
    at ang taong may kaalaman kaysa sa may kalakasan.
Sapagkat maaari kang makidigma kapag may matalinong pamamatnubay,
    at sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong tagumpay.
Ang karunungan ay napakataas para sa isang hangal;
    hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig sa may pintuang-bayan.

Siyang nagbabalak ng paggawa ng kasamaan,
    ay tatawaging manggagawa ng kalokohan.
Ang pagbabalak ng kahangalan ay kasalanan,
    at ang manlilibak, sa mga tao ay karumaldumal.

10 Kung manlupaypay ka sa araw ng kahirapan,
    maliit ang iyong kalakasan.
11 Iligtas mo silang dinadala sa kamatayan,
    pigilan mo silang natitisod patungo sa katayan.
12 Kung iyong sinasabi, “Narito, hindi namin ito nalalaman.”
    Hindi ba niya alam ang sa mga puso'y tumitimbang?
At siyang nagbabantay sa iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman?
    At ang bawat tao ayon sa gawa niya ay di ba niya gagantihan?
13 Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagkat ito'y mainam,
    at matamis sa iyong panlasa ang tulo ng pulot-pukyutan.
14 Alamin mo na gayon sa iyo ang karunungan;
    kung ito'y iyong matagpuan, mayroong kinabukasan,
    at ang iyong pag-asa ay hindi mahihiwalay.
15 Tulad ng masamang tao, ang tahanan ng matuwid ay huwag mong tambangan,
    huwag mong gawan ng dahas ang kanyang tahanan.
16 Sapagkat ang matuwid ay makapitong nabubuwal at bumabangon na naman,
    ngunit ang masama ay nabubuwal sa pamamagitan ng kasakunaan.
17 Kapag nabubuwal ang iyong kaaway ay huwag kang magalak,
    at huwag matuwa ang iyong puso kapag siya'y bumabagsak;
18 baka ito'y makita ng Panginoon, at ikagalit niya,
    at kanyang alisin ang poot niya sa kanya.
19 Huwag kang mayamot dahil sa mga gumagawa ng kasamaan,
    at ang masamang tao ay huwag mong kainggitan.
20 Sapagkat ang masamang tao'y walang bukas na haharapin,
    at ang ilawan ng masama ay papatayin.
21 Anak ko, sa Panginoon at sa hari ay matakot ka,
    sa mga pabagu-bago ay huwag kang makisama.
22 Sapagkat biglang dumarating mula sa kanila ang kapahamakan,
    at ang pagkawasak na nagmumula sa kanila, ay sinong nakakaalam?

Mga Karagdagang Kawikaan

23 Ang mga ito ay mga kasabihan din ng pantas:

Ang pagtatangi sa paghatol ay hindi mabuti.
24 Siyang nagsasabi sa masama, “Matuwid ka,”
    ay susumpain ng mga bayan, kapopootan ng mga bansa;
25 ngunit silang sumasaway sa masama ay magkakaroon ng tuwa,
    at sa kanila'y darating ang mabuting pagpapala.
26 Ang nagbibigay ng tamang sagot
    ay humahalik sa mga labi.

27 Ihanda mo sa labas ang iyong gawa,
    at ihanda mo para sa sarili mo sa parang;
    at pagkatapos ay gawin mo ang iyong bahay.

28 Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapwa nang walang kadahilanan;
    at sa pamamagitan ng iyong mga labi ay huwag kang manlinlang.
29 Huwag mong sabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin;
    kung anong ginawa niya, iyon ang igaganti ko sa kanya.”

30 Sa bukid ng tamad ako'y napadaan,
    at sa ubasan ng taong salat sa katinuan;
31 at, narito, tinubuang lahat ng mga tinik,
    ang ibabaw niyon ay natatakpan ng mga dawag,
    at ang batong bakod nito ay bumagsak.
32 Pagkatapos ay nakita ko at aking pinag-isipan,
    ako'y tumingin at tumanggap ng pangaral.
33 Kaunting(A) tulog, kaunti pang pag-idlip,
    kaunting paghahalukipkip ng mga kamay upang magpahinga,
34 at darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw;
    at ang kahirapan na parang taong may sandata.

Mga Paghahambing at Aral sa Buhay

25 Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Solomon, na sinipi ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.

Kaluwalhatian ng Diyos na ang mga bagay ay ilihim,
    ngunit kaluwalhatian ng mga hari na ang mga bagay ay saliksikin.
Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman,
    gayon ang isipan ng mga hari ay di masiyasat.
Ang dumi sa pilak ay iyong alisin,
    at ang panday para sa isang kasangkapan ay may gagamitin;
alisin ang taong masama sa harapan ng hari,
    at ang kanyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
Sa(B) harapan ng hari ay huwag kang mangunguna,
    at huwag kang tatayo sa lugar ng mga taong dakila,
sapagkat mas mabuting sabihan ka, “Umakyat ka rito,”
    kaysa ibaba ka sa harapan ng pangulo.
Ang nakita ng iyong mga mata,
huwag mo kaagad dalhin sa hukuman;
sapagkat anong gagawin mo sa wakas niyon,
    kapag ikaw ay hiniya ng iyong kapwa?
Ipaglaban mo ang iyong usapin sa harap ng iyong kapwa,
    at huwag mong ihayag ang lihim ng iba;
10 baka ang nakakarinig sa iyo ay dalhan ka ng kahihiyan,
    at hindi magwakas ang iyong kasiraan.

11 Ang naaangkop na salitang binitawan,
    ay gaya ng mga mansanas na ginto sa pilak na lalagyan.
12 Tulad ng singsing na ginto, at palamuting gintong dalisay,
    sa nakikinig na tainga ang pantas na tagasaway.
13 Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan,
    ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kanya,
    sapagkat kanyang pinagiginhawa ang espiritu ng mga panginoon niya.
14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan,
    ang taong naghahambog ng kanyang kaloob na hindi niya ibinibigay.
15 Sa pamamagitan ng pagtitiyaga maaaring mahikayat ang pinuno,
    at ang malumanay na dila ay bumabali ng buto.
16 Kung nakasumpong ka ng pulot, kumain ka ng sapat sa iyo,
    baka ikaw ay masuya, at ito'y isuka mo.
17 Dapat paminsan-minsan lamang ang paa mo sa bahay ng iyong kapwa,
    baka siya'y magsawa sa iyo, at kamuhian ka.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa-tao
    ay tulad ng batuta, o isang tabak, o ng isang matulis na palaso.
19 Ang pagtitiwala sa taong di-tapat sa panahon ng kagipitan,
    ay gaya ng sirang ngipin, at ng paang nabalian.
20 Ang umaawit ng mga awit sa pusong mabigat,
    ay tulad ng nag-aalis ng damit sa panahon ng tagginaw, at tulad ng suka sa sugat.
21 Kung(C) ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain;
    at kung siya'y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin;
22 sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy,
    at gagantimpalaan ka ng Panginoon.
23 Ang hanging amihan ay ulan ang hatid;
    at ang mapanirang-dila, mga tingin na may galit.
24 Mas mabuti ang tumira sa isang sulok ng bubungan,
    kaysa sa isang bahay na kasama ng isang babaing palaaway.
25 Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa,
    gayon ang mabuting balita na sa malayong lupain nagmula.
26 Tulad ng malabong balon at maruming bukal,
    ang taong matuwid na sa masama'y nagbibigay-daan.
27 Ang kumain ng napakaraming pulot ay hindi mabuti,
    at hindi kapuri-puri na hanapin ang papuri sa sarili.
28 Siyang hindi nagpipigil ng kanyang sarili,
    ay parang lunsod na winasak at walang pader na nalabi.

26 Tulad ng yelo sa tag-init, o ng ulan sa anihan,
    ang karangalan ay hindi nababagay sa hangal.
Tulad ng maya sa kanyang paggagala, tulad ng langay-langayan sa kanyang paglipad,
    ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi lumalapag.
Ang hagupit ay sa kabayo, ang bokado ay sa asno,
    at sa likod ng mga hangal ay ang pamalo.
Huwag mong sagutin ang hangal ayon sa kahangalan niya,
    baka ikaw sa kanya ay mapagaya.
Sagutin mo ang hangal ayon sa kahangalan niya,
    baka siya'y maging pantas sa kanyang sariling mga mata.
Siyang nagpapadala ng mensahe sa kamay ng hangal,
    ay pumuputol sa sarili niyang mga paa at umiinom ng karahasan.
Tulad ng mga binti ng pilay na nakabiting walang kabuluhan,
    gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
Tulad ng isang nagbabalot ng bato sa tirador,
    gayon ang nagbibigay ng karangalan sa isang hangal.
Tulad ng tinik na tumutusok sa kamay ng lasing,
    gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
10 Tulad ng mamamanang sumusugat sa lahat,
    gayon ang umuupa sa nagdaraang hangal o lasing.
11 Tulad(D) ng aso na sa kanyang suka ay bumabalik,
    gayon ang hangal na sa kanyang kahangalan ay umuulit.
12 Nakikita mo ba ang taong marunong sa ganang sarili niya?
    May higit na pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
13 Sinasabi ng tamad, “May leon sa daan;
    may leon sa mga lansangan!”
14 Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kanyang bisagra,
    gayon ang tamad sa higaan niya.
15 Ibinabaon ng tamad ang kamay niya sa pinggan;
    ang dalhin uli iyon sa kanyang bibig ay kanyang kinapapaguran.
16 Ang tamad ay mas marunong sa kanyang sariling pananaw,
    kaysa pitong tao na makakasagot na may katuwiran.
17 Ang nakikialam sa hindi naman niya away,
    ay gaya ng humahawak sa tainga ng asong nagdaraan.
18 Tulad ng taong ulol na naghahagis ng mga nakakasakit na sandata, mga pana, at kamatayan;
19 gayon ang taong nandaraya sa kanyang kapwa,
    at nagsasabi, “Ako'y nagbibiro lamang!”
20 Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay,
    at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan.
21 Kung paano ang mga uling sa maiinit na baga, at ang kahoy sa apoy;
    gayon ang taong palaaway na nagpapaningas ng sigalot.
22 Ang mga salita ng sitsit ay parang mga subong malinamnam,
    nagsisibaba ang mga ito sa kaloob-looban ng katawan.
23 Ang mapupusok na labi at masamang puso
    ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
24 Ang namumuhi ay nagkukunwari sa pamamagitan ng mga labi niya,
    at siya'y naglalagay sa puso niya ng daya.
25 Kapag magiliw siyang magsalita, huwag mo siyang paniwalaan;
    sapagkat sa kanyang puso ay may pitong karumaldumal.
26 Bagaman ang kanyang pagkamuhi ay matakpan ng kadayaan,
    ang kanyang kasamaan ay malalantad sa harap ng kapulungan.
27 Ang humuhukay ng balon ay mahuhulog doon,
    at ang nagpapagulong ng bato ay babalikan niyon.
28 Ang sinungaling na dila ay namumuhi sa kanyang mga sinaktan,
    at ang bibig ng di-tapat magpuri ay gumagawa ng kasiraan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001