Beginning
Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan
1 Ang(A) mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel:
2 Upang ang tao ay matuto ng karunungan at pangaral,
upang ang mga salita ng pagkaunawa ay malaman,
3 upang tumanggap ng turo sa matalinong pamumuhay,
sa katuwiran, katarungan, at pagkakapantay-pantay,
4 upang mabigyan ng talino ang walang muwang
kaalaman at mabuting pagpapasiya sa kabataan—
5 upang marinig din ng matalino, at lumago sa kaalaman,
at magtamo ang taong may unawa ng kahusayan,
6 upang umunawa ng kawikaan at ng pagsasalarawan,
ng mga salita ng pantas, at ng kanilang mga palaisipan.
Payo sa mga Kabataang Lalaki
7 Ang(B) takot sa Panginoon ang pasimula ng kaalaman;
ang karunungan at turo ay hinahamak ng hangal.
8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama,
at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina;
9 sapagkat sila'y magandang korona sa iyong ulo,
at mga kuwintas sa iyong leeg.
10 Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan,
huwag kang pumayag.
11 Kung kanilang sabihin,
“Sumama ka sa amin, tayo'y mag-abang upang magpadanak ng dugo,
ating tambangan nang walang dahilan ang walang sala;
12 gaya ng Sheol, sila'y lunukin nating buháy,
at buo, na gaya ng bumababa sa Hukay.
13 Tayo'y makakasumpong ng lahat ng mamahaling bagay;
ating pupunuin ng samsam ang ating mga bahay.
14 Makipagsapalaran kang kasama namin;
magkakaroon tayong lahat ng iisang supot”—
15 anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila;
pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas.
16 Sapagkat ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan,
at sila'y nagmamadali sa pagbububo ng dugo.
17 Sapagkat walang kabuluhang iladlad ang isang bitag,
habang nakatingin ang ibon.
18 Ngunit sila'y nag-aabang sa sarili nilang dugo,
at tinatambangan ang sarili nilang buhay.
19 Gayon ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang,
ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw.
Ang Tawag ng Karunungan
20 Ang(C) karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan;
kanyang inilalakas ang kanyang tinig sa mga pamilihan.
21 Siya'y sumisigaw sa mga panulukan;
sa pasukan ng mga pintuang-bayan, kanyang sinasabi:
22 “Hanggang kailan, O mga walang muwang, kayo'y iibig sa inyong kawalang kaalaman?
Hanggang kailan ang mga manunuya ay matutuwa sa panunuya,
at ang mga hangal ay mamumuhi sa kaalaman?
23 Sa aking saway ay bumaling kayo;
narito, ibubuhos ko ang aking espiritu sa inyo.
Ang mga salita ko'y ipapaalam ko sa inyo.
24 Sapagkat ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi,
iniunat ko ang aking kamay, at walang nakinig;
25 at dahil ang lahat kong payo ay winalan ninyong saysay,
at ayaw ninyong tanggapin ang aking saway;
26 ako naman ay tatawa sa inyong kapahamakan;
ako'y manunuya kapag ang takot sa inyo ay dumating,
27 kapag ang takot ay dumating sa inyo na parang bagyo,
at ang inyong kapahamakan ay dumating na parang ipu-ipo;
kapag ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
28 Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, ngunit hindi ako sasagot;
hahanapin nila akong mabuti, ngunit hindi nila ako matatagpuan.
29 Sapagkat kinamuhian nila ang kaalaman,
at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
30 Ayaw nila sa aking payo;
hinamak nila ang lahat kong pagsaway.
31 Kaya't kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lakad,
at mabubusog sa kanilang sariling mga pakana.
32 Sapagkat ang pagkaligaw ang pumapatay sa walang alam,
at ang pagsasawalang-bahala ang sumisira sa hangal.
33 Ngunit ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay,
at papanatag na walang takot sa kasamaan.”
Ang Gantimpala ng Karunungan
2 Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin,
at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin,
2 ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig,
at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig.
3 Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam,
at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa,
4 kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin,
at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin,
5 kung magkagayo'y ang takot sa Panginoon ay iyong mauunawaan,
at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan.
6 Sapagkat ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan,
sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.
7 Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan,
siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan,
8 upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan,
at maingatan ang daan ng kanyang mga banal.
9 Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran,
ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan.
10 Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan,
at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman.
11 Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo,
ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo.
12 Ililigtas ka nito sa daan ng kasamaan,
mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay;
13 na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran,
upang lumakad sa mga daan ng kadiliman;
14 na nagagalak sa paggawa ng kasamaan,
at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan;
15 na mga lihis sa kanilang mga lakad,
at mga suwail sa kanilang mga landas.
16 Sa masamang babae ikaw ay maliligtas,
mula sa mapakiapid at sa mga salita niyang binibigkas,
17 na nagpapabaya sa kasamahan ng kanyang kabataan,
at ang tipan ng kanyang Diyos ay kanyang kinalilimutan;
18 sapagkat ang kanyang bahay ay lumulubog sa kamatayan,
at ang kanyang mga landas tungo sa mga kadiliman;
19 walang naparoroon sa kanya na nakakabalik muli,
ni ang mga landas ng buhay ay kanilang nababawi.
20 Kaya't ang lakad ng mabubuting tao ang iyong lakaran,
at ang mga landas ng matuwid ang iyong pakaingatan.
21 Sapagkat ang matuwid sa lupain ay mamamalagi,
at ang walang sala doon ay mananatili.
22 Ngunit ang masama ay tatanggalin sa lupain,
at ang mga taksil doon ay bubunutin.
Payo sa mga Kabataang Lalaki
3 Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan,
kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan;
2 sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay,
at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay.
3 Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan;
itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg,
isulat mo sa iyong puso.
4 Sa(D) gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan
sa paningin ng Diyos at ng tao.
5 Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala,
at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.
6 Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin,
at itutuwid niya ang iyong mga landasin.
7 Huwag(E) kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata;
matakot ka sa Panginoon, at sa kasamaan ay lumayo ka.
8 Ito'y magiging kagalingan sa laman mo,
at kaginhawahan sa iyong mga buto.
9 Parangalan mo ang Panginoon mula sa iyong kayamanan,
at ng mga unang bunga ng lahat mong ani;
10 sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan,
at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan.
11 Anak(F) (G) ko, ang disiplina ng Panginoon ay huwag mong hamakin,
at ang kanyang saway ay huwag mong itakuwil.
12 Sapagkat(H) sinasaway ng Panginoon ang kanyang minamahal,
gaya ng ama sa anak na kanyang kinalulugdan.
Ang Tunay na Kayamanan
13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan,
at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.
14 Sapagkat ang pakinabang dito kaysa pilak ay mas mainam,
at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay.
15 Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga,
at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya.
16 Ang mahabang buhay ay nasa kanyang kanang kamay;
sa kanyang kaliwang kamay ay mga yaman at karangalan.
17 Ang kanyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan,
at ang lahat niyang mga landas ay kapayapaan.
18 Siya'y punungkahoy ng buhay sa mga humahawak sa kanya;
at mapalad ang lahat ng nakakapit sa kanya.
Ang Karunungan ng Diyos sa Paglikha
19 Itinatag ng Panginoon ang daigdig sa pamamagitan ng karunungan;
itinayo niya ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan.
20 Sa kanyang kaalaman ang mga kalaliman ay nabiyak,
at nagpapatak ng hamog ang mga ulap.
Ang Tunay na Katiwasayan
21 Anak ko, huwag mong hayaang mawalay sa iyong mga mata,
ingatan mo ang magaling na dunong at mabuting pagpapasiya,
22 at sila'y magiging buhay sa iyong kaluluwa,
at sa iyong leeg ay magiging pampaganda.
23 Kung magkagayo'y tiwasay kang lalakad sa iyong daan,
at ang iyong paa ay di matitisod kailanman.
24 Kapag ikaw ay nakahiga, hindi ka matatakot;
kapag ika'y humimlay, magiging mahimbing ang iyong tulog.
25 Huwag kang matakot sa pagkasindak na bigla,
o sa pagdating ng pagsalakay ng masama,
26 sapagkat ang Panginoon ang magiging iyong pagtitiwala,
at iingatan mula sa pagkahuli ang iyong mga paa.
27 Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan,[a]
kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay.
28 Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, “Humayo ka, at bumalik na lamang,
at bukas ako magbibigay,” gayong mayroon ka naman.
29 Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa,
na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala.
30 Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan,
kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan.
31 Huwag kang mainggit sa taong marahas,
at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas;
32 sapagkat sa Panginoon ang suwail ay kasuklamsuklam,
ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan.
33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama;
ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala.
34 Sa(I) mga nanunuya siya ay mapanuya,
ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya.
35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian,
ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001