Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 108-114

Awit ni David.

108 Ang aking puso ay tapat, O Diyos;
    ako'y aawit, oo, ako'y aawit
    ng mga pagpuri ng aking kaluwalhatian!
Kayo'y gumising, alpa at lira!
    Aking gigisingin ang madaling-araw!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan;
    ako'y aawit ng mga papuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila sa itaas ng mga langit,
    ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga ulap.

Dakilain ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit!
    Ang iyo nawang kaluwalhatian ay maging sa ibabaw ng buong lupa!
Upang mailigtas ang minamahal mo,
    tulungan mo ng iyong kanang kamay, at sagutin mo ako!
Ang Diyos ay nagsalita sa kanyang santuwaryo:
    “Ang Shekem ay hahatiin ko,
    at ang Libis ng Sucot ay susukatin ko.
Ang Gilead ay akin; ang Manases ay akin;
    ang Efraim ay helmet ng ulo ko;
    ang Juda'y aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    sa ibabaw ng Filistia ay sisigaw ako ng malakas.”
10 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong maghahatid sa akin sa Edom?
11 Hindi ba't itinakuwil mo na kami, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayong kasama ng aming mga hukbo, O Diyos?
12 Ng tulong laban sa kaaway kami ay pagkalooban mo,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    siya ang yayapak sa aming mga kalaban.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

109 Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
    na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
    at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
    ngunit ako ay nasa panalangin.
Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
    at pagkapoot sa pag-ibig ko.

“Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
    at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
    at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
Maging(A) kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
    kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
    at mabalo ang kanyang asawa!
10 Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
    at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11 Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
    nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12 Wala nawang maging mabait sa kanya;
    ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13 Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
    mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14 Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
    huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15 Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
    at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16 Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
    kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
    at ang may bagbag na puso upang patayin.
17 Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
    At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18 Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
    at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
    sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19 Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
    gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”

20 Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
    sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
    gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
    sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
    at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
    ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
    ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(B) nama'y naging hamak sa kanila,
    kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.

26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
    ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
    Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
    mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
    pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
31 Sapagkat siya'y tumatayo sa kanang kamay ng nangangailangan,
    upang iligtas siya sa mga nagsisihatol sa kanyang kaluluwa.

Awit ni David.

110 Sinabi(C) ng Panginoon sa aking panginoon:
    “Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”

Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
    Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
    sa araw ng iyong kapangyarihan
    sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
    ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
Sumumpa(D) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
    “Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
    dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
    kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
    kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(E) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(F) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon

113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
    purihin ang pangalan ng Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
    at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.

Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
    na nakaupo sa itaas,
na nagpapakababang tumitingin
    sa kalangitan at sa lupa?
Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
    at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
    mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
    isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!

114 Nang(G) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
    ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
    ang Israel ay kanyang sakop.

Ang(H) dagat ay tumingin at tumakas,
    ang Jordan ay umatras.
Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
    ang mga burol na parang mga batang tupa.
Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
    O Jordan, upang umurong ka?
O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
    O mga burol, na parang mga batang tupa?

Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Diyos ni Jacob;
na(I) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
    na bukal ng tubig ang hasaang bato.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001