Beginning
Ang mga Salita ni Agur
30 Ang mga salita ni Agur na anak ni Jakeh; ng Massa.
Sinabi ng lalaki kay Ithiel, kay Ithiel at kay Ucal:
2 Tunay na ako'y hangal kaysa kaninuman,
pag-unawa ng isang tao ay hindi ko taglay.
3 Hindi ako natuto ng karunungan,
ni nagkaroon man ako ng kaalaman ng Banal.
4 Sino ang umakyat sa langit at bumaba?
Sino ang nagtipon ng hangin sa kanyang mga kamao?
Sinong nagbalot ng tubig sa kanyang damit?
Sinong nagtatag ng lahat ng mga dulo ng daigdig?
Ano ang kanyang pangalan?
At ano ang pangalan ng kanyang anak?
Tiyak na iyong nalalaman!
5 Bawat salita ng Diyos ay subok na totoo,
siya'y kalasag sa kanila na kumakanlong sa kanya.
6 Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita,
baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka.
Karagdagang Kawikaan
7 Dalawang bagay ang sa iyo'y aking hinihiling;
bago ako mamatay ay huwag mong ipagkait sa akin.
8 Ilayo mo sa akin ang daya at ang kasinungalingan;
huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man;
pakainin mo ako ng pagkain na aking kinakailangan,
9 baka ako'y mabusog, at itakuwil kita
at sabihin ko, “Sino ang Panginoon?”
O baka ako'y maging dukha, at ako'y magnakaw,
at ang pangalan ng aking Diyos ay malapastangan.
10 Huwag mong siraan ang alipin sa panginoon niya,
baka ka sumpain niya, at mapatunayan kang may sala.
11 May mga nagmumura sa kanilang ama,
at hindi pinagpapala ang kanilang ina.
12 May mga malinis sa kanilang sariling mga mata,
gayunman ay hindi malinis sa karumihan nila.
13 May lahi, O mapagmataas ang kanilang mga mata,
at napakataas ang mga talukap-mata nila!
14 May mga tao na ang mga ngipin ay parang mga tabak,
at ang kanilang mga ngipin ay parang mga kutsilyo,
upang lamunin ang dukha mula sa lupa,
at ang nangangailangan sa gitna ng mga tao.
15 Ang linta ay may dalawang anak,
na sumisigaw, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako.”
May tatlong bagay na kailanman ay hindi nasisiyahan,
oo, apat na hindi nagsasabing, “Tama na”:
16 Ang Sheol, at ang baog na bahay-bata;
ang lupa na laging uhaw sa tubig;
at ang apoy na hindi nagsasabing, “Sapat na.”
17 Ang mata na tumutuya sa kanyang ama,
at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina,
ay tutukain ng mga uwak sa libis,
at kakainin ng mga buwitre.
18 May tatlong bagay na totoong kagila-gilalas sa akin;
oo, apat na hindi ko nauunawaan:
19 ang daan ng agila sa himpapawid,
ang daan ng ahas sa ibabaw ng mga bato,
ang daan ng sasakyan sa gitna ng dagat,
at ang daan ng lalaki na kasama ng isang dalaga.
20 Ganito ang lakad ng babaing mapangalunya:
Siya'y kumakain, at bibig niya'y pinupunasan,
at nagsasabi, “Wala akong nagawang kasamaan.”
21 Nanginginig ang lupa sa ilalim ng tatlong bagay;
mayroong apat na hindi niya mapasan:
22 kapag naging hari ang isang alipin,
at ang isang hangal, kapag nabubusog ng pagkain;
23 ang isang babaing di-kanaisnais kapag nakapag-asawa;
at ang isang aliping babae, kapag ang kanyang panginoong babae ay hinalinhan niya.
24 May apat na bagay na maliliit sa lupa,
ngunit sila'y matatalinong lubha:
25 Ang mga langgam ay hindi malakas na sambayanan,
gayunma'y nag-iimbak ng kanilang pagkain sa tag-araw;
26 hindi makapangyarihang bayan ang mga kuneho,
gayunma'y gumagawa sila ng bahay sa malalaking bato;
27 walang hari ang mga balang,
gayunma'y lumalabas silang lahat na nakahanay;
28 mahahawakan ng iyong mga kamay ang butiki,
gayunman ito'y nasa mga palasyo ng mga hari.
29 May tatlong bagay na sa kanilang lakad ay marangal;
may apat na marangal sa kanilang paghakbang:
30 ang leon na pinakamalakas sa mga hayop,
at sa kanino man ay hindi tumatalikod;
31 ang tandang na magilas; ang kambing na lalaki,
at ang haring palakad-lakad sa harap ng kanyang bayan.
32 Kung ikaw ay naging hangal, na ang sarili'y itinaas,
o kung ikaw ay nagbabalak ng kasamaan,
ilagay sa iyong bibig ang iyong kamay.
33 Sapagkat sa pagpisil sa gatas, mantekilya'y lumalabas;
at sa pagpisil sa ilong, dugo'y dumadaloy,
gayon ang pagpisil sa poot, lumilikha ng sigalot.
Payo sa Hari
31 Ang mga salita ni Haring Lemuel; na itinuro sa kanya ng kanyang ina:
2 Ano, anak ko? Ano, O anak ng aking bahay-bata?
Ano, O anak ng aking mga panata?
3 Huwag mong ibigay ang iyong lakas sa mga babae,
o ang iyong mga lakad sa mga lumilipol ng mga hari.
4 Hindi para sa mga hari, O Lemuel,
hindi para sa mga hari ang uminom ng alak,
ni para sa mga pinuno ang magnais ng matapang na alak;
5 baka sila'y uminom, at makalimutan ang itinakdang kautusan,
at baluktutin ang karapatan ng lahat ng nahihirapan.
6 Bigyan mo ng matapang na inumin ang malapit nang mamatay,
at ng alak ang nasa mapait na kaguluhan;
7 hayaan silang uminom at lumimot sa kanilang kahirapan,
at huwag nang alalahanin pa ang kanilang kasawian.
8 Buksan mo ang iyong bibig alang-alang sa pipi,
para sa karapatan ng lahat ng naiwang walang kandili.
9 Buksan mo ang iyong bibig, humatol ka nang may katuwiran,
at ipagtanggol mo ang karapatan ng dukha at nangangailangan.
Ang Huwarang Maybahay
10 Sinong makakatagpo ng isang butihing babae?
Sapagkat siya'y higit na mahalaga kaysa mga batong rubi.
11 Ang puso ng kanyang asawa, sa kanya'y nagtitiwala,
at siya'y[a] hindi kukulangin ng mapapala.
12 Gumagawa siya ng mabuti sa kanya[b] at hindi kasamaan
sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
13 Siya'y[c] humahanap ng balahibo ng tupa at lino,
at kusang-loob ang kanyang mga kamay ay nagtatrabaho.
14 Siya'y gaya ng mga sasakyang dagat ng mangangalakal,
nagdadala siya ng kanyang pagkain mula sa kalayuan.
15 Siya'y bumabangon samantalang gabi pa,
at naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya,
at nagtatakda ng mga gawain sa mga babaing alila niya.
16 Tinitingnan niya ang isang bukid at ito'y binibili niya,
sa bunga ng kanyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
17 Binibigkisan niya ng lakas ang kanyang mga balakang,
at pinalalakas ang kanyang mga bisig.
18 Kanyang nababatid na kikita ang kanyang kalakal,
ang kanyang ilaw sa gabi ay hindi namamatay.
19 Kanyang inilalagay ang kanyang mga kamay sa panulid,
at ang kanyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
20 Binubuksan niya sa mga dukha ang kanyang kamay,
iniaabot niya ang kanyang mga kamay sa nangangailangan.
21 Hindi siya natatakot sa niyebe para sa sambahayan niya,
sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakadamit na pula.
22 Gumagawa siya ng mga saplot para sa sarili,
ang kanyang pananamit ay pinong lino at kulay-ube.
23 Kilala ang kanyang asawa sa mga pintuang-bayan,
kapag siya'y nauupong kasama ng matatanda sa lupain.
24 Gumagawa siya ng mga kasuotang lino at ito'y ipinagbibili,
at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga negosyante.
25 Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan,
at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan.
26 Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan;
at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan.
27 Kanyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kanyang sambahayan,
at hindi siya kumakain ng tinapay ng katamaran.
28 Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad;
gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya:
29 “Maraming anak na babae ang nakagawa ng kabutihan,
ngunit silang lahat ay iyong nahigitan.”
30 Ang alindog ay madaya, at ang ganda ay walang kabuluhan,
ngunit ang babaing natatakot sa Panginoon ay papupurihan.
31 Bigyan siya ng bunga ng kanyang mga kamay,
at purihin siya ng kanyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001