Beginning
Ang mga Pangaral ni Solomon
10 Mga kawikaan ni Solomon.
Ang matalinong anak ay nakapagpapaligaya sa ama,
ngunit ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ina.
2 Ang mga kayamanan na mula sa kasamaan ay hindi mapapakinabangan,
ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
3 Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang matuwid,
ngunit ang nasa ng masama ay kanyang pinapatid.
4 Ang mapagpabayang kamay ay dahilan ng kahirapan,
ngunit ang kamay ng masipag ay nagpapayaman.
5 Isang pantas na anak siyang nagtitipon sa tag-araw,
ngunit siyang natutulog sa tag-ani ay nagdadala ng kahihiyan.
6 Nasa ulo ng matuwid ang mga pagpapala,
ngunit nagtatago ng karahasan ang bibig ng masama.
7 Ang alaala ng matuwid ay isang pagpapala,
ngunit ang pangalan ng masama ay mapapariwara.
8 Ang pantas sa puso ay susunod sa mga kautusan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
9 Siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad nang tiwasay,
ngunit ang sumisira ng kanyang mga lakad ay matutuklasan.
10 Siyang kumikindat ng mata ay pinagmumulan ng kaguluhan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
11 Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan.
12 Ang(A) pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan,
ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway.
13 Nasusumpungan sa mga labi ng may unawa ang karunungan,
ngunit ang pamalo ay para sa likod ng walang kaunawaan.
14 Ang mga pantas ay nag-iimbak ng kaalaman,
ngunit ang kadaldalan ng hangal ay naglalapit sa kapahamakan.
15 Ang kayamanan ng mayaman ang kanyang lunsod na matibay;
ang kahirapan ng dukha ang kanilang kapahamakan.
16 Ang kabayaran ng matuwid ay patungo sa buhay;
ang pakinabang ng masama ay tungo sa kasalanan.
17 Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng pangaral,
ngunit siyang tumatanggi sa saway ay naliligaw.
18 Siyang nagkukubli ng pagkamuhi ay may labing mapanlinlang,
at siyang naninirang-puri ay isang hangal.
19 Sa dami ng mga salita ay hindi mawawalan ng pagsalangsang,
ngunit siyang nagpipigil ng kanyang mga labi ay may karunungan.
20 Ang dila ng matuwid ay piling pilak ang katulad,
ang isipan ng masama ay maliit ang katumbas.
21 Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami,
ngunit ang hangal ay namamatay sa kakulangan ng bait sa sarili.
22 Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman,
at hindi niya ito dinaragdagan ng kapanglawan.
23 Isang libangan sa hangal ang paggawa ng kasamaan,
ngunit ang matalinong asal, sa taong may unawa ay kasiyahan.
24 Ang kinatatakutan ng masama, sa kanya ay sasapit,
ngunit ipagkakaloob ang nasa ng matuwid.
25 Pagdaan ng unos, ang masama'y napaparam,
ngunit ang matuwid ay matatag magpakailanman.
26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at ang usok sa mga mata,
gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kanya.
27 Ang takot sa Panginoon ay nagpapahaba ng buhay,
ngunit ang mga taon ng masama ay maiikli lamang.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay hahantong sa kaligayahan,
ngunit ang inaasam ng masama ay mapaparam.
29 Ang daan ng Panginoon sa matuwid ay tanggulan,
ngunit kapahamakan sa mga gumagawa ng kasamaan.
30 Ang matuwid ay hindi makikilos kailanman,
ngunit ang masama, sa lupain ay hindi tatahan.
31 Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan,
ngunit ang mandarayang dila ay ihihiwalay.
32 Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakakalugod,
ngunit ang bibig ng masama, ang alam ay baluktot.
11 Kasuklamsuklam sa Panginoon ang madayang timbangan,
ngunit ang tamang timbangan ay kanyang kasiyahan.
2 Kapag dumarating ang pagmamataas ay dumarating din ang kahihiyan;
ngunit kasama ng mapagpakumbaba ay ang karunungan.
3 Ang katapatan ng mga matuwid ang pumapatnubay sa kanila,
ngunit ang kalikuan ng mga taksil ang sa kanila'y sumisira.
4 Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng kapootan,
ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
5 Ang katuwiran ng walang sala ang nagtutuwid sa kanyang daan,
ngunit nabubuwal ang masama dahil sa sarili niyang kasamaan.
6 Ang katuwiran ng matutuwid ang nagliligtas sa kanila,
ngunit ang mga taksil ay nadadakip sa kanilang sariling pagnanasa.
7 Kapag ang masamang tao ay namamatay, ang kanyang pag-asa ay mapapahamak,
at ang inaasam ng masama ay napaparam.
8 Ang matuwid ay naliligtas sa gulo,
at ang masama naman ay nasasangkot dito.
9 Pinupuksa ng masama ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bibig,
ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang matuwid.
10 Kapag napapabuti ang matutuwid, ang lunsod ay nagdiriwang,
at kapag ang masama ay napapahamak, may sigawan ng kagalakan.
11 Sa pagpapala ng matuwid ang lunsod ay dinadakila,
ngunit ito'y nawawasak sa pamamagitan ng bibig ng masama.
12 Ang humahamak sa kanyang kapwa ay kulang sa sariling bait,
ngunit ang taong may unawa ay tumatahimik.
13 Ang gumagalang tagapagdala ng tsismis, mga lihim ay inihahayag,
ngunit nakapagtatago ng bagay ang may espiritung tapat.
14 Kung saan walang patnubay, bumabagsak ang bayan;
ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong kaligtasan.
15 Siyang nananagot sa di-kilala, sa gusot ay malalagay;
ngunit siyang namumuhi sa pananagot ay tiwasay.
16 Ang mapagbiyayang babae ay nagkakamit ng karangalan,
at ang marahas na lalaki ay nagkakaroon ng kayamanan.
17 Ang taong mabait ay gumagawa ng mabuti sa kanyang sarili,
ngunit ang taong malupit ay nananakit sa kanyang sarili.
18 Napapalâ ng masama ay madayang kabayaran,
ngunit ang naghahasik ng katuwiran ay tiyak na gantimpala ang kakamtan.
19 Siyang matatag sa katuwiran ay mabubuhay,
ngunit ang humahabol sa kasamaan ay mamamatay.
20 Silang suwail sa puso sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang sakdal sa kanilang lakad ay kanyang kasiyahan.
21 Ang masamang tao ay tiyak na parurusahan,
ngunit ang matutuwid ay may kaligtasan.
22 Tulad ng singsing na ginto sa nguso ng baboy,
gayon ang isang magandang babae na walang dunong.
23 Ang nasa ng matuwid ay nagwawakas lamang sa kabutihan,
ngunit ang inaasahan ng masama ay sa kapootan.
24 May taong nagbibigay ng masagana at lalo pang yumayaman,
may nagkakait ng dapat ibigay, ngunit naghihirap lamang.
25 Ang taong mapagbigay ay payayamanin,
at siyang nagdidilig ay didiligin din.
26 Susumpain ng bayan ang nagkakait ng trigo,
ngunit ang nagbibili niyon ay may pagpapala sa kanyang ulo.
27 Ang masipag na humahanap ng mabuti ay humahanap ng pagpapala,
ngunit ang kasamaa'y dumarating sa naghahanap ng masama.
28 Siyang nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan ay mabubuwal,[a]
ngunit ang matuwid ay mamumukadkad na parang dahong luntian.
29 Magmamana ng hangin ang gumugulo sa kanyang sariling sambahayan,
at magiging alipin naman ng marunong ang hangal.
30 Ang bunga ng matuwid ay punungkahoy ng buhay;
at ang humihikayat ng kaluluwa ay may karunungan.
31 Kung(B) ang matuwid sa lupa ay ginagantihan,
gaano pa kaya ang masama at ang makasalanan!
12 Ang umiibig sa pangaral ay umiibig sa kaalaman,
ngunit ang namumuhi sa saway ay isang hangal.
2 Ang mabuting tao ay magtatamo ng biyaya ng Panginoon,
ngunit kanyang parurusahan ang taong may masasamang layon.
3 Hindi tumatatag ang isang tao sa pamamagitan ng kasamaan,
ngunit ang ugat ng matuwid ay hindi magagalaw.
4 Ang mabuting babae ay korona ng kanyang asawa,
ngunit parang kabulukan sa kanyang mga buto kung kahihiyan ang dulot niya.
5 Ang mga iniisip ng matuwid ay makatarungan,
ang mga payo ng masama ay kataksilan.
6 Ang mga salita ng masama ay nag-aabang ng dugo,
ngunit ang bibig ng matuwid ang nagliligtas sa tao.
7 Ang masasama ay ibinabagsak at pinapawi,
ngunit ang sambahayan ng matuwid ay mananatili.
8 Pinupuri ang tao ayon sa kanyang katinuan,
ngunit ang may masamang puso ay hahamakin lamang.
9 Mabuti pa ang taong mapagpakumbaba na gumagawa para sa kanyang sarili,
kaysa nagkukunwaring dakila na wala namang makain.
10 Buhay ng kanyang hayop, pinapahalagahan ng matuwid,
ngunit ang kaawaan ng masama ay malupit.
11 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupa ay magkakaroon ng tinapay na sagana,
ngunit siyang sumusunod sa walang kabuluhang bagay ay walang unawa.
12 Ang matatag na tore ng masama ay nawawasak,
ngunit ang ugat ng matuwid ay nananatiling matatag.
13 Sa pagsalangsang ng mga labi nasisilo ang masamang tao,
ngunit ang matuwid ay nakakatakas sa gulo.
14 Ang tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig;
at ang mga gawain ng mga kamay ng tao sa kanya'y bumabalik.
15 Ang lakad ng hangal, sa sarili niyang paningin ay wasto,
ngunit ang marunong ay nakikinig sa payo.
16 Ang pagkayamot ng hangal ay agad nahahalata,
ngunit hindi pinapansin ng matalino ang pagkutya.
17 Ang nagsasabi ng katotohanan ay nagbibigay ng tapat na katibayan,
ngunit ang sinungaling na saksi ay nagsasalita ng kadayaan.
18 Mga salitang padalus-dalos ay parang ulos ng espada,
ngunit ang dila ng pantas ay kagalingan ang dala.
19 Ang labi ng katotohanan ay nagtatagal kailanman,
ngunit ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.
20 Ang pandaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan,
ngunit ang nagpaplano ng kabutihan ay may kagalakan.
21 Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid,
ngunit ang masama ay napupuno ng panganib.
22 Mga sinungaling na labi sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang gumagawa nang may katotohanan ay kanyang kinalulugdan.
23 Ang taong marunong ay nagkukubli ng kaalaman;
ngunit ipinahahayag ng puso ng mga hangal ang kanilang kahangalan.
24 Ang kamay ng masipag ay mamamahala,
ngunit ang tamad ay malalagay sa sapilitang paggawa.
25 Nagpapabigat sa puso ng tao ang pagkabalisa,
ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya sa kanya.
26 Ang matuwid sa kanyang kapwa ay patnubay,
ngunit ang lakad ng masama sa kanila'y nakapagpapaligaw.
27 Hindi makakahuli ng hayop ang taong tamad,
ngunit magkakamit ng mahalagang kayamanan ang masipag.
28 Nasa daan ng katuwiran ang buhay;
ngunit ang landas ng kamalian ay tungo sa kamatayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001