Beginning
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7 Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
8 Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
9 Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
inawit nila ang kanyang kapurihan.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
at ikakalat sila sa mga lupain.
28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.
34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.
40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.
47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
IKALIMANG AKLAT
107 O(Q) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
5 gutom at uhaw,
ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
6 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
patungo sa isang bayang matatahanan.
8 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw,
at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay.
10 Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan,
mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala,
11 sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos,
at hinamak ang payo ng Kataas-taasan.
12 Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa;
sila'y nabuwal at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan,
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan,
at sa kanilang mga gapos ay kinalagan.
15 Pasalamatan nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso,
at pinutol ang mga baras na bakal.
17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.
23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.
33 Kanyang ginawang ilang ang mga ilog,
at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig,
34 maalat na ilang ang mabungang lupain,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang,
at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kanyang pinatitira roon ang gutom,
upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan;
37 at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
at magtamo ng mga saganang ani.
38 Sila din ay pinagpapala niya at sila'y mas dumarami;
at hindi niya hinayaang ang kanilang kawan ay mabawasan.
39 Nang sila'y nawalan at napahiya
sa pamamagitan ng pagmamalupit, kaguluhan, at kapighatian,
40 kanyang binuhusan ng paghamak ang mga pinuno,
at pinagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 Gayunma'y iniupo niya sa mataas ang nangangailangan mula sa kahirapan,
at ang kanilang mga angkan ay ginawang parang kawan.
42 Nakikita ito ng matuwid at natutuwa;
at tumikom ang bibig ng lahat ng masama.
43 Kung sinuman ang pantas ay unawain niya ang mga bagay na ito,
at isaalang-alang niya ang tapat na pag-ibig ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001