Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 16-18

Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali

16 Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
    ngunit mula sa Panginoon ang sagot ng dila.
Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa sarili niyang mata,
    ngunit tinitimbang ng Panginoon ang diwa.
Italaga mo sa Panginoon ang iyong mga gawa,
    at magiging matatag ang iyong mga panukala.
Ginawa ng Panginoon ang bawat bagay ukol sa layunin nito,
    pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo.
Bawat palalo sa puso, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
    iyong asahan, hindi siya maaaring hindi parusahan.
Sa pamamagitan ng katapatan at katotohanan ay napagbabayaran ang kalikuan,
    at sa pamamagitan ng takot sa Panginoon, ay umiiwas ang tao sa kasamaan.
Kapag ang mga lakad ng tao sa Panginoon ay kasiya-siya,
    kanyang pinagkakasundo maging ang mga kaaway niya.
Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran,
    kaysa malalaking kita na walang katarungan.
Ang puso ng tao ang nagpapanukala ng kanyang daan,
    ngunit ang Panginoon ang nangangasiwa ng kanyang mga hakbang.
10 Kinasihang mga pasiya ay nasa mga labi ng hari;
    ang kanyang bibig sa paghatol ay di magkakamali.
11 Sa Panginoon nauukol ang sukatan at timbangang tama;
    lahat ng panimbang sa supot ay kanyang mga gawa.
12 Kasuklamsuklam para sa mga hari na gumawa ng kasamaan,
    sapagkat ang trono ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13 Matutuwid na labi sa hari ay kaluguran,
    at kanyang iniibig ang nagsasalita ng katuwiran.
14 Ang poot ng hari ay isang sugo ng kamatayan,
    ngunit papayapain ito ng taong may karunungan.
15 Sa liwanag ng mukha ng hari ay mayroong buhay,
    at ang kanyang lingap ay parang ulap na sa tagsibol ay may dalang ulan.
16 Higit kaysa ginto ang pagtatamo ng karunungan,
    mabuti kaysa pumili ng pilak ang magkamit ng kaunawaan.
17 Ang lansangan ng matuwid ay humihiwalay sa kasamaan,
    siyang nag-iingat ng kanyang lakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18 Ang pagmamataas ay nauuna sa kapahamakan,
    at ang palalong diwa ay nauuna sa pagkabuwal.
19 Mas mabuti ang maging mapagpakumbabang-loob na kasama ng mahihirap,
    kaysa makihati ng samsam na kasama ng mapagmataas.
20 Siyang nakikinig sa salita ay uunlad,
    at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa,
    at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay,
    ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal.
23 Ang isipan ng matalino ay nagbibigay-bisa sa kanyang pananalita,
    at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.
24 Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan,
    katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan.
25 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
    ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
26 Ang gana sa pagkain ng manggagawa ay nakabubuti sa kanya,
    siya'y inuudyukan ng bibig niya.
27 Ang walang kabuluhang tao ay nagbabalak ng masama,
    parang nakakapasong apoy ang kanyang pananalita.
28 Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan,
    at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan.
29 Inaakit ng taong marahas ang kanyang kapwa,
    at kanyang inaakay siya sa daang masama.
30 Siyang kumikindat ng mga mata ay nagbabalak ng masasamang bagay,
    siyang kumakagat-labi ay siyang nagpapatupad ng kasamaan.
31 Ang ulong ubanin ay korona ng kaluwalhatian,
    iyon ay nakakamtan sa daan ng katuwiran.
32 Ang makupad sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihan,
    at ang namamahala sa kanyang diwa, kaysa sumasakop sa isang bayan.
33 Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan,
    ngunit mula sa Panginoon ang buong kapasiyahan.

17 Mas mabuti ang isang tuyong tinapay na may katahimikan,
    kaysa bahay na punô ng pistahan ngunit may kaguluhan.
Ang aliping gumagawang may katalinuhan ay mamamahala sa anak na gumagawa ng kahihiyan,
    at gaya ng isa sa magkakapatid, sa mana ay babahaginan.
Ang dalisayan ay para sa pilak at ang hurno ay sa ginto,
    ngunit sinusubok ng Panginoon ang mga puso.
Nakikinig sa masasamang labi ang gumagawa ng masama,
    at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.
Ang humahamak sa dukha ay lumalait sa kanyang Maylalang,
    at ang natutuwa sa kasawiang-palad ay walang pagsalang parurusahan.
Ang mga apo ay korona ng matatanda,
    at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang mga magulang nila.
Hindi bagay sa hangal ang pinong pananalita,
    lalo na ang mga mandarayang mga labi, sa isang namamahala.
Ang suhol ay parang mahiwagang bato sa mga mata ng nagbibigay,
    saanman pumihit siya'y nagtatagumpay.
Ang nagpapatawad ng kasalanan ay humahanap ng pagmamahalan,
    ngunit ang nagpapaulit-ulit sa usapin ay naghihiwalay ng magkakaibigan.
10 Ang saway ay tumatagos sa taong may kaunawaan,
    kaysa isandaang hampas sa isang taong hangal.
11 Ang masamang tao'y naghahanap lamang ng paghihimagsik,
    kaya't ipadadala laban sa kanya ay isang sugong mabagsik.
12 Hayaang masalubong ng isang tao ang babaing oso na ang mga anak ay ninakaw,
    kaysa sa isang hangal sa kanyang kahangalan.
13 Kung gumanti ng kasamaan ang isang tao sa kabutihan,
    ang kasamaan ay hindi hihiwalay sa kanyang sambahayan.
14 Gaya ng pagpapalabas ng tubig ang pasimula ng alitan,
    kaya't huminto na bago sumabog ang away.
15 Siyang nagpapawalang-sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid,
    ay kapwa kasuklamsuklam sa Panginoon.
16 Bakit kailangang may halaga sa kamay ng hangal upang ibili ng karunungan,
    gayong wala naman siyang kaunawaan?
17 Ang kaibigan sa lahat ng panahon ay nagmamahal,
    at ang isang kapatid ay ipinanganak para sa kagipitan.
18 Ang taong walang katinuan ay nagbibigay ng sangla,
    at nagiging tagapanagot sa harapan ng kanyang kapwa.
19 Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa alitan;
    ang nagtataas ng kanyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
20 Ang taong may baluktot na diwa ay hindi sasagana,
    at siyang may masamang dila ay nahuhulog sa sakuna.
21 Ang anak na hangal sa kanyang ama'y kalungkutan,
    at ang ama ng isang hangal ay walang kagalakan.
22 Isang mabuting gamot ang masayang puso,
    ngunit ang bagbag na diwa, sa mga buto'y tumutuyo.
23 Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa kandungan,
    upang baluktutin ang mga daan ng katarungan.
24 Ang taong may unawa ay humaharap sa karunungan,
    ngunit nasa mga dulo ng daigdig ang mga mata ng hangal.
25 Ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ama,
    at kapaitan sa babaing nagsilang sa kanya.
26 Hindi mabuti na parusahan ang matuwid,
    isang kamalian na ang maharlika'y mahagupit.
27 Siyang pumipigil ng kanyang mga salita ay may kaalaman,
    at siyang may diwang malamig ay taong may kaunawaan.
28 Maging ang hangal kapag tumatahimik ay maituturing na marunong,
    inaari siyang matalino, kapag mga labi niya'y itinitikom.

18 Ang namumuhay nang nag-iisa ay nagpapasasa,
    at hinahamak ang lahat ng may mabuting pasiya.
Ang hangal ay hindi nalulugod sa pang-unawa,
    kundi ang maihayag lamang ang sariling paniniwala.
Kapag dumarating ang kasamaan, ang paghamak ay dumarating din naman,
    at kasama ng pagkutya ang kahihiyan.
Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig;
    ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
Hindi mabuti na ang masamang tao ay panigan,
    o pagkaitan man ang taong matuwid ng katarungan.
Ang mga labi ng hangal ay nagdadala ng alitan,
    at ang kanyang bibig ay nag-aanyaya ng hampasan.
Ang bibig ng hangal ang kapahamakan niya,
    at ang kanyang mga labi ay bitag ng kanyang kaluluwa.
Ang mga salita ng mapagbulong ay masasarap na subo ang katulad,
    sila'y nagsisibaba sa kaloob-looban ng katawan.
Siyang sa kanyang gawain ay pabaya,
    ay isang kapatid ng maninira.
10 Ang pangalan ng Panginoon ay isang toreng matibay;
    tinatakbuhan ng matuwid at doon siya'y tiwasay.
11 Ang yaman ng mayamang tao ang kanyang matibay na lunsod,
    at sa kanyang pag-iisip ay tulad ng pader na matayog.
12 Bago ang pagkawasak ang puso ng tao ay palalo muna,
    ngunit nauuna sa karangalan ang pagpapakumbaba.
13 Siyang sumasagot bago pa man makinig,
    ito'y kahangalan at sa kanya'y kahihiyan.
14 Aalalay ang espiritu ng tao sa kanyang karamdaman;
    ngunit ang bagbag na diwa, sino ang makakapasan?
15 Ang may matalinong pag-iisip ay kumukuha ng kaalaman,
    at ang pandinig ng marunong ay humahanap ng kaalaman.
16 Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kanya,
    at dinadala siya sa harap ng mga taong dakila.
17 Ang unang naglalahad ng kanyang panig ay parang matuwid,
    hanggang sa may ibang dumating at siya'y siyasatin.
18 Ang pagpapalabunutan sa mga pagtatalo'y nagwawakas,
    at nagpapasiya sa mga magkatunggaling malalakas.
19 Ang kapatid na nasaktan ay tulad ng lunsod na matibay,
    ngunit parang mga halang ng isang kastilyo ang pag-aaway.
20 Ang isang tao'y nabubusog ng bunga ng bibig niya,
    sa bunga ng kanyang mga labi ay nasisiyahan siya.
21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila;
    at ang umiibig sa kanya ay kakain ng kanyang mga bunga.
22 Ang nakakatagpo ng asawang babae ay nakakatagpo ng mabuting bagay,
    at mula sa Panginoon, pagpapala ay nakakamtan.
23 Ang mahirap ay gumagamit ng mga pakiusap,
    ngunit ang mayaman ay sumasagot na may kagaspangan.
24 May mga kaibigang nagkukunwaring kaibigan,
    ngunit may kaibigan na mas madikit kaysa isang kapatid.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001